"Noong bumalik ako sa Makati, marami nang tambak na trabaho. Ang daming nakalista na mga date at schedule ng shoot," sambit ko habang nakatingin sa malayo. Alam kong nakatitig sa akin si Jen. Lumihis sa landas ang kuwento ko kanina sa sinabi ko ngayon.
"What did you feel when you saw him?" tanong niya.
"A-ah, ha?" natatawa kong tanong.
"Mukha naman siyang mabait."
"Yung totoo..."
Alam niyang nagsisinungaling ako. Mukhang hindi talaga ako marunong magsinungaling kahit kanino. Napayuko na lang ako habang natatawa. Muli na lang akong nag-unat at inilagay ang mga kamay ko sa aking harapan.
"Insecure..." sabi ko.
"Bakit?"
"Napapaligiran ako ng mga mayayaman. Yung kaagaw ko...ang yaman din, bumili siya ng ganoon kamahal na bouquet ng bulaklak na sa paningin ko ay may price tag pa na umaabot ng libo. Siya, bestfriend mo...mayaman din. May sariling condo, may sariling kotse. Samantalang ako nagbu-bus pauwi, nagji-jeep. Nagta-tricycle pa ako papasok sa amin. Siya nakatira sa 8th floor ng condo. Yung bahay namin 2nd floor lang, hindi pa tapos yung taas. 'Di ba? Sinong hindi maiinsecure? Wala naman akong kayang ibigay kundi ang kasiyahan niya. Hindi ko nga alam kung masaya nga ba siya," paliwanag ko. Natatawa naman si Jen. Napapailing na lang din.
"Bakit?" tanong ko.
"Haha...wala lang. Nakakatawa kasi yung mga sinabi mo. Parang galit ka sa mundo, nanliliit ka na ewan. Nakita na ba ni bes yung ganyan mong mukha?"
"Ewan ko, hindi niya siguro alam na naiinsecure ako kapag gano'n ang itsura ko. Yung nakasalubong na yung dalawa kong kilay na para akong nakakaawa...," paliwanag ko. Matapos ang ilang segundong tawanan ay saka kami muling nanahimik.
"Pero sa totoo lang...nakaka-insecure nga talaga siya. Pero narerealize ko lang 'yon kapag pauwi na ako. Kapag ako na lang ang mag-isa. Lalo na yung ex niya, bumuo sila ng pangarap, eh. Ako...ano bang kaya kong ibigay?" Muling naging tahimik. Umihip muli ang malumanay na hangin.
"The thing is...she chose you," sagot naman niya. napangisi naman ako at napatingala.
_____________________________
Halos isang linggo rin siguro ulit bago kami nagkita. Sunod-sunod ang mga shooting ng production namin. Kung saan-saan na naman ako nakakarating. Siya, text nang text. Ako naman walang pagkakataon magpaload. Kapag magpapaload na ako tyempo namang walang signal sa site namin. Unang shoot namin noon sa Baclaran Church. Ewan ko ba kung bakit doon pinili ng mag-asawang kliyente namin na doon magpakasal. Ang dumi sa labas ng simbahan. Puro mga nagtitinda. Masaklap pa eh umulan. Mga gamit namin hindi puwedeng mabasa, yung lugar lalong dumumi. Nagkalat ang mga plastic sa daan. Ang dahilan ng mag-asawa kung bakit sila doon nagpakasal? Doon kasi sila unang nagkita. Ang jeje lang ng dating.
Pangalawang shoot namin kinabukasan agad. Whole day, company seminar, tatlong session. Wala kaming magawa, hindi ako makalabas ng building nila para lang magpaload. Yun pa yung pagkakataon na nakailang beses siyang tumawag. Unang tawag niya, nagring ang cellphone ko. Lahat ng CEO, manager at mga may-ari ng mga kompanya nagtinginan sa akin. Lahat sila nakakunot ang noo, pati na yung speaker. Tendency eh kailangan kong i-silent ang phone. Gabi na kami nakauwi, bagsak sa kama, tulog. Wala nang panahon para isipin siya.
Rush ang pangatlong shoot. Yung inaakala namin na libre ang araw namin para lang magfacebook sa studio at gumala sa mall o kung saan-saan ay nawalan ng saysay. Last minute ang kliyente, surprise birthday party daw. Mas mukha ngang kami pa ang nasorpresa. Yung tipong pupunta na sana ako sa tindahan para magpaload ay sakto pang tumawag si boss.
"Oh, biglaang event tayo, walang mawawala sa inyo. Punta agad sa studio ah. Bawal munang gumala."
"Putang ina..." ang nasambit ko na lang nang matapos nang usapan namin. Buti na lang at napatay ko agad ang tawag.
Balik sa bahay, ligo, toothbrush, bihis...larga. Bitbit ang mga gamit, tamad na naman silang magdrive ng van kaya ako na naman ang taya.
Pang-apat na shoot. Big time, sa Sorsogon ang venue. Sagot ng kliyente ang pang-gas ng van. Ang tanong nga lang kung aabot pa ba ng Bicol yung dala naming sasakyan. Kakarag-karag na kasi. Ako naman, excited. Sila, mga kateam ko, pagod. Hindi nga lang ako ang nagdrive. Papayag pa ba ako? Eh ako ang ginawa nilang driver kahapon. Iba na ang nagdrive ngayon, boss namin. Parang bigla lang dumating si Ironman, nagsuot ng shades at sinabing:
"I'll drive."
Lahat kami nganga. Tuwang-tuwa ang mga mokong...makakatulog sila sa van. Ako naman namomroblema kung paano nga ba siya makakausap. Ilang miss call na naman ang naabutan sa cellphone ko. Mas kaunti na ngayon. Sabayan pa ng mensahe niya:
'It maybe hard to forget someone that shared happiness and sadness at the same time.'
Alam kong ako naman ang taong tinutukoy niya. Hindi naman na siguro uso ang group message ngayon. Alam ko para sa akin talaga 'yon.
"Tae!" sigaw ko na lang sa loob ng van. Tinanggal naman ni Greg ang takip niya sa kanyang mata at tiningnan ako.
"Anong nangyari sa 'yo?" tanong niya.
"Kailangan kong magpaload. Puwede ba tayong huminto?"
"Gaano ba kaimportante 'yan?" tanong naman ng boss namin...si Sir Ronald.
"Love life niya, boss!" sagot naman ni Marco. Muli niyang niyakap ang unan niya habang nakangiti.
"Ay pucha! Importante nga 'yan!" sigaw naman ni boss.
Seryoso siya, bigla niyang kinabig ang manibela pakanan. Nagreklamo naman ang mga byahero sa likod namin. Pumutakte ng mga busina ang mga sasakyan dahil sa ginawa niya. Napalunok na lang ako ng kaunting laway dahil sa kaba.
"Hoy! Ayusin mo ang pagmamaneho mo!" sigaw ng isang driver na umalpas sa aming kanan.
Swabe namang itinaas ni boss ang kaliwa niyang kamay para lang ipakita ang isang swabeng 'f**k you.' sign. Nagtawanan naman ang mga kasama ko.
"Sige baba na bata, bilisan mo...bawal dito," sabi ni boss Ronald.
Binaba niya pa nang bahagya ang suot na shades upang ipakita ang kanyang mga mata. Dali-dali naman akong bumaba ng van. Nakakapagtaka lang dahil sa sobrang abala ng daan na iyon ay may isang tindahan sa gilid. Nagmadali ako sa pagbunot ng barya sa aking bulsa, bayad, pindot ng cellphone ni manang na halos madudurog na sabay receive ng load.
"Yes! Putangina!" sigaw ko. Kumunot naman ng noo si manang habang masamang nakatitig sa akin.
"Sorry po..ehe...ehe," ngiting aso.
Bumalik ako ng van at isinara ang pinto. Panay pa rin ang busina ng mga sasakyan sa likod namin. Agad namang hinarurot ni boss ang van.
"Salamat, boss," sabi ko.
"Si boss pa! Supportive 'yan, eh," sabat ni Marco.
"Basta love life! Sagot ko kayo diyan," sagot naman ni boss.
Agad ko siyang tinext habang umaandar ang sasakyan. Alam kong hindi na maganda ang timpla niya. Hindi pa nga kami eh ganito na agad ang nangyayari. Pero wala akong magawa, pinutol ko na lang talaga ang hiya ko para lang makapagpaload at makausap siya.
'Sorry, ngayon lang nakapagload eh. Sunod-sunod ang mga shoot namin. Nasaan ka?' text ko sa kanya.
'Wow...after 5 days? 'Yan lang sasabihin mo? Ang sabihin mo lang nagmamaktol ka!' reply naman niya.
'Maktol saan? Wala namang dahilan, 'no. Busy lang talaga ako. I'll make it up to you after ng shoot namin na 'to.'
'Where the hell have you been and where are you going right now? Nakikita ko ang mga post mo sa sss. Puro kadramahan at shits niyo!' Galit na talaga siya. Pero hindi niya naisip na wala siyang karapatan para magalit. Napapangiti na lang ako.
'On our way sa Sorsogon. Coverage eh. Malaking wedding event,' reply ko sa kanya.
Hindi na siya sumagot pagkatapos noon. Parang siya naman ang gumaganti. Hindi ko na nga rin napansin kasi nakatulog ako sa biyahe at pagkagising namin ay nasa Albay na kami. Border pa ng Sorsogon.
"Malapit na tayo mga kumag! Gising gising gising na! Bibigay na katawan ko!" sigaw ni boss.
"Ako na lang magdrive, boss," sabi ko naman.
"Bumabawi ka, ah!" nakangiting sagot ni sir Ronald.
"Siyempre naman, boss!" sagot ko.
"Tangina...tindi mo boss, ah! 12 hour drive?! Manila to Bicol? Hayop!" nabibilib na sagot naman ni Greg habang nakangiti. May muta pa siya sa kanyang kanang mata at pilit na ginigising ang sarili.
"Shabu lang katapat niyan!" sagot naman ni sir Ronald habang bumababa sa driver's seat. Ako naman ay bumababa ng van para palitan siya. Nagtawanan naman ang dalawa pa.
"Langya ka, boss. Ingat ka. Tinutumba mga nagshashabu ngayon!" sagot naman ni Marco.
"Biro lang mga gago...sanayan lang 'yan. Eh noong kasing edad ko nga kayo mas malala pa mga shoot namin! Tatlong araw sa Bicol dalawang araw sa Baguio tapos sundan mo ng flight papuntang Palawan. Lahat 'yon isang linggo lang!" kuwento niya.
"Wow, tindi!" sagot ko.
"Master ka talaga, boss! Kung puwede lang na magtayo kami ng rebulto doon sa harap ng studio natin," pabiro namang tugon ni Greg.
"Langya kayo! O, siya, kayo muna ang bahala diyan, matutulog muna ako. Sundan mo lang 'yang highway Christian tapos pag nakita mo yung hotel na na'ndyan sa map...tigil na tayo do'n. May limang oras pa kayong magpahinga bago ang coverage natin. Hapon ang wedding, ah. Dating gawi...kunan niyo na yung preparation. Matutulog lang ako sa hotel," bilin ni boss.
"Sige lang, boss. Pahinga lang kayo...kami na ang bahala," sagot ko naman.
Nang makarating kami sa isang hotel along the way ay saka kami nagbaba ng mga gamit. Huli na naming ginising si sir Ronald. Malakas ang hilik niya, alam naming napagod talaga siya. Mabait pa rin talaga 'tong si sir Ronald. Alam niyang napagod din kasi kami sa mga nakaraang shoot kaya siya bumawi. Pagdating namin sa 3rd floor ng isang enggrandeng hotel ay saka namin pinasok ang isang malaking kuwarto. Lahat kami napanganga nang makita namin ang dalawang naglalakihang kama. Ang kuwartong iyon ay nirentahan na mismo ng kliyente namin. Napatalon na lang sila sa kama. Ako naman ay nag-ayos muna ng mga gamit.
"Hoy, ako diyan!" saway ni boss kay Greg na agad namang umalis sa kama at nagkamot ng ulo.
Dahan-dahan namang inilapat ni boss ang kanyang likod sa kama at mabilis na nakatulog. Saka ko lang naalala noon na i-check ang cellphone ko. Wala pa rin siyang text. Tinext ko na lang din siya, baka kasi magtampo na naman sa hindi ko malamang dahilan.
'Touchdown na kami dito sa Sorsogon. Ikaw kumusta ka na?' text ko sa kanya.
Ilang minuto rin akong nagpaikot-ikot sa kwarto, lumabas at pumunta sa veranda upang hintayin ang text niya pero wala. Ang tangi ko lang nagawa ay pagmasdan ang malawak at kulay luntiang paligid. Ang nasasakupan ng aking mga mata ay napakaganda. Pumikit na lang ako at dinama ang hangin. Saka lang nag-vibrate ang cellphone ko matapos ang ilang segundo.
'I'm okay, may pupuntahan lang ako. Sorry hindi nakareply agad, I'm just waiting for a confirmation kung saan nga ba talaga ako pupunta,' reply ni Charmaine.
'Saan ka pupunta?' tanong ko sa kanya.
'Secret ;)' reply naman nya. Napailing na lang ako habang napapangiti at muli na lang pumasok ng kuwarto.
_______________________
"Nasubukan mo na bang gumawa ng mga bagay na kakaiba na naisip mo na magaling ka? Pero habang tumatagal, malalaman mo hindi ka pala talaga magaling. Kaya ang ginawa mo...tinalikuran mo lahat. Nabuhay ka na lang ulit bilang isang normal na tao. Saka ka gumawa ulit ng bagay na akala mo may saysay, pero wala rin pala," sabi ko. Tumango naman nang marahan si Jen habang nakangiti.
"I was a writer before. 'Yon talaga ang passion ko. But just like every other stories that makes you vomit everytime you see a same old plot, passion is just a cliché. Tinalikuran ko, binaon ko sa lupa, sinunog ko. Maraming nanghinayang. Sabi ko naman, what's the point? Kapag ako ang nagsusulat, iilan lang din naman ang nakakabasa. Nagpasa ako sa mga publishing company, pinaasa lang ako. Narealize ko baka taken for granted lang ako ng kakayahan ko. Kaya tinigil ko. Nagtheater ako, it was our dream. Charmaine and I," sagot ni Jen. Tumingin siya sa akin at ngumiti.
"Ikaw? Bakit mo naitanong 'yan?" pahabol niya habang inaayos ang kanyang buhok sa likod ng kanyang tenga.
"Siguro high school no'ng matuto akong mag-photo. Gamit ko lang yung digicam na niregalo sa akin ni papa. Kuha lang ako nang kuha ng kung ano-anong maganda sa paningin ko. Na-enhance dahil sa mga seminars at workshops na dinaluhan. Akala ng mga kaklase ko cool ako pero pagtungtong ko ng college...wala na. Marami rin pala ang katulad ko, hindi pala ako unique. Kapag marami ka nang nakasama na mga photographer din...saka mo maiisip na hindi ka pala espesyal. Naisip ko wala rin palang sayasy ang ginagawa ko. Tinalikuran ko, tinigil ko," sagot ko. Natawa naman nang bahagya si Jen.
"Eh bakit nagpho-photography ka pa rin?" tanong niya.
"Pagkagraduate ko ng kolehiyo...umuwi si papa ng Pinas para mag-celebrate. Niregaluhan ako ng professional camera, full set pa. Akala niya siguro nagpho-photography pa ako. Apat na taon ba naman siyang nasa Canada, wala siyang alam na tumigil na ako. Pero mahal ang mga camerang gano'n. Wala na akong nagawa, tinanggap ko ang camera, hinayaang mabulok ng mga isang linggo. May kamag-anak na nabalitaan na may bago akong camera. Nagpashoot para sa debut ng insan, ako naman ginawa ko, pinagkakitaan ko. Saka ko lang naisip na lahat ng kung ano mang passion na ginagawa natin...para lang din naman pala sa pera," natatawa kong sagot. Tumango naman si Jen.
"Yung essence ng passion, yung urge mo para gumawa ng kakaibang art...parang biglang nasira. Yung mga film maker...naisip ko ginagawa na lang nila lahat 'yon hindi dahil para sa passion nila. Kundi dahil sa pera. Yung mga banda na tumutugtog, ginagawa na lang nila 'yon para sa pera. Yung mga painting na naka-exhibit, wala lang...para sa pera," sagot ko. Lalo pang natawa si Jen at hinampas ako sa aking balikat.
"Makes sense," sabi niya.
"Kasi yun yung kaya mong gawin. Yung bagay na biniyayaan ka para lang mabuhay. Yung tinatawag mong passion...yun lang yung kaya mong gawin para kumain, para bumili ng damit, para mabuhay. Walang pinagkaiba sa skills na matututunan mo...yung talent. Dahil lahat naman tayo may talento," dagdag ko pa.
"Nakakalungkot 'no? Deprived tayo ng sarili nating mga talento," sagot naman niya.
"Totoo..." tugon ko naman.
"What happened then?" tanong niya. Tumingin ako sa kanyang mga mata at parang nagtanong.
"What happened after shooting the debut of your cousin?"
"Ayun...pumasok sa isang photostudio. Nagtrabaho, tumanggap ng mga kliyente, kumita. Kahit graduate ako ng Engineering, hindi ko na itinuloy. Hindi ako sumunod kay papa sa Canada. Masaya na ako sa ginagawa kong nakakagala at nakakakita ng magagandang tanawin," sagot ko.
"Kinukunan mo yung mga magagandang bagay na nakikita mo?"
"Oo, naiipon kaya piniprint ko na lang at pinapaframe...tinatago sa bahay. Sinasabit sa pader," sagot ko ulit. Natawa naman si Jen. Napayuko siya habang napapangisi at muling tumingin sa akin.
"Then you came back," sagot niya.
Itinaas ko na lang ang mga balikat ko at muling ibinaba. Tiningnan ko na lang ang malawak na lawa sa aking harapan, muling pinagmasdan ang mga puno sa di kalayuan at ang mga bahay na nakatayo sa gilid nito.
"Bumalik ako...pero wala na akong kailangang ipakita sa mundo," sagot ko sa kanya.
Humulas ang kanyang ngiti ngunit pinilit niya pa rin. Napatingin din siya sa malayong parte ng lawa. Huminga siya nang malalim at muling tumingin sa akin.
"Just for your dad?" pahabol niyang tanong. Tumango ako nang marahan at ngumiti.
"Para lang kay papa..."