"Magbilang ka," sabi ko.
Ngumiti lang si Charmaine at gumawa ng ekspresyon na tila nang-aasar. Nakadapa siya noon sa kama ng room na aming nirentahan sa resort. Ako naman ay nakasalampak sa sahig habang hinahalungkat ang aking DSLR camera.
"Para saan?" tanong niya.
"Magbilang ka na dali," sabi ko. Nilapag ko ang aking camera. Tinaas naman niya ang kanyang kanang kilay at tila ako'y iniirapan.
"Aba! Taray nito," sabi ko.
"Sabihin mo muna kung para saan."
"Magbilang ka. Kapag sinabi kong tigil, ibig sabihin sa bilang ng buwan na 'yon, simula ngayon...doon ka makakamove on," sabi ko sa kanya. Ngumiti naman siya at inaliw ang sarili sa pamamagitan ng pagwagayway ng dalawa niyang mga paa.
"Game?" tanong ko.
"Game!" sagot niya.
"One! Two! Three! Four Five! Six!..."
Binilisan niya ang pagbibilang. Pinandilatan ko na lang siya ng mata at natawa. Tumawa siya at gumulong sa kama.
"Gagong 'to. Ayaw mo talagang mag-move on 'no?" tanong ko. Tawa lang siya nang tawa habang tumatango at gumugulong sa kama. Kinuha ko na lang ang isang unan at binato siya. Lalo lamang siyang tumawa.
"Ay nako, ewan ko sa 'yo..." sabi ko sabay tayo. Pupunta sana ako sa kusina para asikasuhin ang hapunan namin pero kinuha niyang muli ang atensyon ko.
"Huy, joke lang haha! Matampuhin 'to!"
"Sira! Hindi ako nagtatampo. Aayusin ko lang kakainin natin," sabi ko.
"Magbibilang na ako dali. Yung maayos na," sabi niya.
Nakaharap na siya ulit sa akin ngunit nakadapa pa rin sa kama. Ayoko namang maniwala dahil parang nang-iinis pa rin ang kanyang mukha.
"Ayoko na..."
"Huy! Seryoso na," sabi niya. Tumalikod lang ako at binuksan ang supot ng lechong manok na aming binili.
"Eh, di sige, bilang na," sabi ko habang nakatalikod.
"One!"
Naghintay ako ng susunod na bilang, ilang segundo na ang lumipas pero wala pa rin kaya't muli akong tumingin sa kanya. Ngumiti lang siya at itinaas ang kanyang hintuturo na pasayaw-sayaw pa. Muli na lang akong tumalikod at ngumiti.
_____________________________
Nagyaya siya noon na kumain sa labas ng kwarto na nirentahan namin. Gusto niya ang ambiance sa labas. May mga tao rin kasi na kumakain kaya't nakigaya rin siya. Maririnig ang pagsipol ng hangin, ang paghampas ng malumanay na dagat sa buhangin sa 'di kalayuan, nagsasayaw ang mga puno ng buko sa likod ng mga kwarto. Marami ring ilaw sa paligid dahil sa disenyo ng resort na iyon. Isang munting paraiso kasama ang isang dyosa, isang dyosang gustong mawala at gustong maging malaya.
"Seryoso ka? One lang?" binasag ko ang katahimikan. Patapos na akong kumain at lalagukin na lang ang aking tubig matapos kong magtanong.
Tumango lang siya habang kumakain na para bang wala nang bukas. Kung ako ang tatanungin, hindi siya mukhang mayaman nang gabing iyon. Kung kumain siya, akala mo dukha. Wala siyang pakialam kung may dumi pa siya sa labi o wala. Nakataas pa ang kaliwa niyang paa habang kinakamay ang manok.
"Bakit?" tanong ko.
Tiningnan niya lang ako habang nguminguya. Tinanggal ko naman ang piraso ng kanin sa kanyang labi. Ngumiti lang siya at sunod ay natawa. Tinakpan niya ang kanyang bibig gamit ang kanyang kamay. Naibagsak pa niya ang plato bago tumalikod at nagpipigil ng tawa.
"Bakit?" natatawa kong tanong. Muli siyang humarap at sumenyas na tumigil muna ako. Kinuha niya ang kanyang tubig at uminom nang marami.
"Napaka-clingy mo!" sabi niya matapos makainom ng tubig. Nakangiti pa rin siya habang nakatitig sa aking mga mata.
"Eh bakit ka kinikilig?" tanong ko.
Hindi siya sumagot. Sinubukan niyang gawing galit ang kanyang mukha pero muli siyang napangiti at tumalikod. Pagharap niya ay muli niyang sinubukan na gawing galit ang kanyang ekspresyon ngunit napapangiti pa rin siya.
"Alam ko na kung bakit one lang ang sinabi mo sa laro natin," sabi ko. Seryoso na ang aking tono. Napatigil siya sa pagnguya at tumingin sa akin.
"Kakalimutan mo na ba siya?" tanong ko. Hindi siya sumagot, nagmadali siyang uminom ng tubig pagkatapos.
"Can't you see I'm eating?" tanong niya habang nakangiti.
"Sorry."
"Yes...kakalimutan ko na siya," bigla niyang sagot.
Tumingin siya sa kanyang kinakain habang nakangiti. Tiningnan ko ang kanyang mga mata, sinubukan niyang tumingin sa akin ngunit hindi na siya makatingin ng diretso.
"Oh bakit?" tanong ko.
"Huwag mo kasi akong tingnan ano ba?! Nakakailang!" sabi niya.
"Saan ka naiilang? Sa pagtingin ko sa kinakain mo o sa pagtingin ko sa 'yo?"
Ngumiti lang siya at sinubukan na muli akong tingnan. Hindi niya na iyon magawa. Tumalikod siya at pigil na ngumiti.
"Both!" sabi niya habang nakatalikod. Tumawa na lang ako at muling uminom ng tubig.
______________________
"Hindi siya ganyan. In fairness, nagustuhan ka niya talaga, ano?" tanong ni Jen. Ngumiti siya habang nakatingin sa akin. Pilit niyang ginawang masayang muli ang mood namin kahit na alam kong wala rin namang magbabago.
"Mataray talaga siya, nature niya na 'yon. Independent, cold hearted, rugged at weirdo. Pero talagang minahal ko siya, eh, minahal ko ang isang katulad niya," sagot ko.
Muli kaming tumahimik ni Jen. Sabay kaming tumingin sa kawalan nang muling umihip ang malamig na hangin. Tinapos niya lang muli ang katahimikan na iyon nang tumigil ang pagwagayway ng mga dahon.
"What happened then?"
"Noong gabi na nasa Pangasinan kami? Ayon, natulog siya sa kama...ako sa sahig. Pero papayag ba siya? No touch lang daw, pinahiga niya ako sa tabi niya. Pero pagkagising namin kinaumagahan, magkalapit na yung mukha namin, magkayakap kami habang nakatalukbong ng kumot. Sabay pa kaming nagising at nagkagulatan nang makita namin ang mukha ng isa't-isa. Tumalon kami paalis ng kama. Nagkahilahan ng kumot kasi akala namin nakahubad kami. Saka namin naalala, hindi nga naman kami uminom bago matulog. Hindi kami lasing, may damit pa kami, walang nangyari," kwento ko habang natatawa. Napangiti rin ng kaunti si Jen. Inunat niya ang kanyang kamay at ginaya rin ang pwesto ko na nakatukod ang mga braso at sa likod.
"Nagtawanan, parang ewan...pero masasabi ko na sa pagkakataong iyon, komportable na kami sa isa't-isa. Hindi ko lang talaga alam kung ano ang kahahantungan ng adventure naming 'yon," dagdag ko.
"Hanggang kailan ko imamaneho yung buhay niya para makapunta siya sa dapat niyang ruta? Hindi ko alam. Hindi ko rin alam kung bababa pa nga ba siya ng sasakyan...o baka ako lang ang nakikisakay. Ako lang naman ang nagmamaneho ng sasakyan niya. Kahit saan, kahit kailan niya gustuhin, pwede niya akong pababain sa buhay niya. Iiwan na lang kung masaya na siya," dagdag ko.
"Gusto mong malaman kung ano ang iniisip ko noong sinabi niya na matutuloy na ang kasal?" tanong ni Jen.
Tumingin ako sa mga mata niya. Nakiusap ako nang palihim na sabihin niya. Nalukot na lamang ang aking noo nang makitang nakangiti siya. Muli na lang akong tumingin sa malayo.
"Masayang-masaya. I know she deserves to be happy with you, pero...hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa niyang magtago ng nararamdaman, when she said...akala ko kasi..."
"Dahil nagbago lahat. Sa isang pitik lang ng daliri, isang pitik ng pagkakamali, isang pangyayari kahit na gaano kaliit ang pwedeng bumago sa lahat. Kahit na ang pananaw ng tao, ang bawat desisyon ay nagbabago," putol ko sa sinabi niya.
Muli akong nakaramdam ng kalungkutan ngunit ang kalungkutan na iyon ay nadagdagan ng panghihinayang. Para bang may kumukurot sa aking dibdib, may pumipigil sa aking paghinga, may nagpapalasap sa akin ng dating tamis na unti-unting pumapait. Nilunok ko ang pait na iyon at umubo nang kaunti upang mawala ang bara.
"Nagtagal pa kami doon ng isang araw, siguro mga hapon na ako nagdrive pabalik ng Quezon City. Nakailang miss call daw ang mama niya. Hindi niya sinagot. International call pa naman 'yon. Siguradong nagalit 'yon. Pero si Charmaine, parang wala lang. Masaya siya no'ng hapon na 'yon habang nagda-drive ako. Tumigingin siya sa akin, ngingiti na parang naaaning. Magpipigil ng ngiti at saka muling titingin sa akin," kwento ko.
_______________________
Pero ang bawat kasiyahan ay may kapalit. Ang bawat ngiti ay napapalitan ng pait. Ang mga lugar na maituturing na mahiwaga sa isipan ay unti-unting nabubulok at nagdidilim. Minsan ko nang inisip na kaya ayaw kong maging masyadong masaya...dahil ang lahat ay may kapalit. Pero kung magiging masaya tayo dahil sa isang tao, siguro sulit na rin ang lahat ng hirap at pasakit.
Pinanood ko siya habang hinahalungkat ang bag niya para mabuksan ang pinto ng kanyang condo unit nang makauwi kami. Mga limang minuto na rin ang nakakalipas. Hindi siya nagsasalita, hindi siya umiimik. Nakakunot lang ang kanyang noo at para bang naiirita habang naghahanap ng kung ano sa kanyang bag.
"Anyare?" tanong ko.
"f**k! Wala yung susi! Nasa'n na 'yon?" inis niyang sambit.
"Ha? Kung hindi pa ako nagtanong hindi mo pa sasabihin? Seryoso? Nasaan na?" gulat kong tanong. Napakapit naman siya sa kanyang noo at napapadyak. Tumalikod siya nang bahagya sa akin at muling naghalungkat ng kanyang bag.
"Ano ba 'yan! Wala talaga!" sambit niya.
Limang minuto na siguro ang nakakalipas noon. Napatingin na lang siya sa akin at para bang napapaluha dahil sa labis na inis.
"Sa kotse wala ba? Gusto mong tingnan ko?" sabi ko. Tumango na lang siya at sa pagkakataong iyon ay tumulo na ang nabubuong luha.
"Sus! Susi lang 'yan. 'Wag mong iyakan. Kung nawala naman 'yon sigurado naman akong may duplicate sa gwardya di 'ba?" Kinuha ko ang kanyang ulo at niyakap siya. Hinimas ko rin ang likod upang tumahan na sa pag-iyak. Kinuha ko sa bag niya ang susi ng kotse at dali-daling bumaba patungo sa parking lot.
Halos patakbo na ako noon patungo sa kotse pero laking gulat ko nang makita ang isang lalaki na may hawak na isang bungkos ng mga bulaklak. Nakaitim na longsleeves ang lalaking iyon. May balbas at bigote na inahitan nang kaunti. Bad boy look at kapansin-pansin din ang pagiging matipuno ng kanyang katawan. Ilalapag niya na sana ang bulaklak na iyon sa driver's side ng kotse nang patunugin ko iyon bigla. Nagulat siya at napangiti ngunit agad din iyong naglaho nang makita niya ako. Lungkot ang namutawi sa kanyang pisngi.
"Ahmm. Pasensiya na po, sir. May kailangan po ba kayo?" tanong ko.
"This is the car of Charmaine right?" tanong din niya.
"Ah opo. May kailangan po kayo?"
"Ikaw ba yung bago niyang...boyfriend?" nahihiya niyang tanong.
"Ahm. Hindi po. May kukunin lang sana kasi may naiwan yata siyang gamit," natatawa ko namang sagot. Ngumiti rin siya ngunit ang ngiting iyon ay tila may halong lungkot at hiya.
"May kailangan po ba kayo, sir?"
Hindi siya nagsalita. Tiningnan lang niya ang hawak niyang bulaklak at pagkatapos ay iniabot niya sa akin.
"Kung okay lang bro. Pakibigay naman 'to sa kanya," malumanay niyang sambit. Hindi ako agad nakagalaw. Tinitigan ko muna ang bulaklak na hawak niya pero matapos ang ilang segundo ay kinuha ko na rin.
"Yung letter, pakibigay mo na rin sa kanya...nasa loob. Kung okay lang, bro," dagdag pa niya.
"Ay, sir...sure. Walang problema," sabi ko. Matapos noon ay dahan-dahan siyang naglakad palayo, nakababa ang balikat at para bang may mabigat na pasan sa kanyang likod.
"Sir...okay lang ba na magtanong?" Kinuha ko ang kanyang atensyon. Lumingon naman siya nang dahan-dahan at tumango.
"Ikaw ba si Jerick?" tanong ko.
Ngumiti lang siya at tumango rin. Muli na lang siyang tumalikod at naglakad palayo. Tiningnan ko ang paglalakad niya hanggang sa makaalis na siya ng parking lot. Ramdam ko ang bigat ng kanyang nararamdaman pero sa totoo lang...gusto ko siyang sapakin. Kung naging barumbado lang siguro siya ay baka iyon ang nagawa ko.
"Oh."
Inabot ko kay Charmaine ang susi ng condo pero napansin niya agad ang bulaklak na bitbit ko. Sa laki ba naman ng bungkos ng bulaklak ay siguradong sa malayo pa lang ay kitang-kita niya na 'yon.
"Sa'n galing 'yan? Bilis mo namang makabili," tanong niya habang binubuksan ang pinto ng condo. Pinahid niya na ang kanyang luha. Sinagot ko na lang din siya nang makapasok kami sa loob.
"Sa ex mo," sambit ko.
Tila naging tahimik ang paligid matapos ko iyong sabihin. Naibagsak ni Charmaine ang gamit niya habang nakatalikod sa akin. Tumigil siya, nakatayo lang at para bang sinusubukang unawain ang aking sinabi.
"Stupid." pabulong ngunit mariin niyang sambit.
"He's not a warfreak, malayo yung panlabas na anyo niya sa kung sino talaga siya. Akala ko nga magbibigwasan na kami...parang Baron at Kiko lang. Pero hindi..." Inilapag ko ang bulaklak sa mesa, naiwan pa rin siyang nakatayo at tila nag-iisip nang malalim.
"Nga pala, kung mangyari 'yon? Siguro tatakbo ako."
"Itapon mo 'yan..." bulong niya.
"A-ano? Sigurado ka?"
"I said throw it away, Ian!" sigaw niya habang nakatingin sa akin nang matalim.
"Hindi mo man lang ba babasahin 'tong sulat niya?" tanong ko.
Tumalikod siyang muli. Pinulot ang handbag niya at ipinasok sa kwarto. Muli siyang lumabas at uminom ng tubig. Napabuntong hininga na lamang ako at umupo sa upuan katabi ng mesa.
"What do you want me to do?" tanong niya.
"Hindi ko rin alam," wika ko habang natatawa. Napapahawak pa ako sa aking mata dahil sa pagod at marahil ay dahil na rin sa antok.
"Malakas din ang loob niya, o siguro talagang nagsisisi siya," dagdag ko.
"O masyado ka lang mabait, naiintindihan ko Ian." Tiningnan niya akong muli nang masama at umirap pa nang maglakad siya palayo sa kusina.
"Ano bang gusto mong gawin ko? Inabot niya yung bulaklak sa akin, sabi niya ibigay ko sa 'yo...hindi naman siya naging barumbado o ano. Hindi naman puwedeng ako yung mag-attitude, hindi ako gano'n," sabi ko.
"Iniisip mo nagbago na siya? Tingin mo? Hindi mo siya kilala...yung panloloko niya sa akin? Yung last na nangyari? Huh! You've never seen the rest. Masyado lang akong mabait noon Ian. Dahil sa mga ganyan niya, napagbibigyan ko siya...pero masyado nang marami eh, masyado nang mabigat!"
Kinuha niya ang bulaklak sa mesa, tinanggal ang sulat sa loob ng bulaklak na iyon at iniwan. Pumunta naman siya sa kusina at ibinaon sa basurahan ang mga bulaklak. Sa paningin ko parang pera yung ibinabaon ng kanyang mga paa sa basurahan na 'yon. Iniisip ko nga, magkano na ba magpagawa ng ganoon kalaki at kagandang bouquet of roses na may iba't-ibang kulay pwera na lang ang itim? Yung iba hybrid pa. Hindi naman ako magaling mag-analisa ng mga bulaklak pero alam ko na ang iba sa mga bulaklak na iyon ay bihirang makita. Magkano nga ba ang isang kumpol ng bulaklak na iyon? Isanlibo? Dalawang libo? Tatlo?
"Basahin mo 'yan..." sabi niya.
"Ha?"
"Yung sulat basahin mo!" humarap siya pagkatapos ibaon sa basurahan ang bulaklak na iyon. Ipinulupot niya ang kanyang mga braso sa isa't-isa habang mataray na nakatitig sa akin. Binuksan ko naman ang sulat na nakapaloob pa sa isang puti at malinis na sobre.
"Miss Charmaine Trinidad..." paunang basa ko.
"Days have passed, nights have fallen, but I still kept thinking of the mistake I made," wika ko.
Suminghot pa ako na para bang nang-aasar dahil sa English ang ginamit sa sulat na iyon. Sa wakas napangisi naman si Charmaine ngunit tumango ulit siya at sumenyas na ituloy ko ang pagbabasa.
"It really made my world crumble to the earth. It was too late then that I realized that I was wrong to give up on you...we had hopes, we had dreams...and lately we had nightmares..." tinigil ko ang pagbabasa. Tiningnan ko si Charmaine at nakita ang pagtulo muli ng mga luha sa kanyang mga mata.
"G-go on..." basag ang tinig, iyon lang ang nasabi niya.
"E-ehem. I wouldn't dare to get back in your life. I'm not hoping for you to be soft on me. This is not a letter for you to trust me and receive me again in your life, I'm not hoping for that. I just hope that you would forgive me...that's all I want...Jerrick."
Natapos ang sulat. Muli kong tiningnan si Charmaine. Patuloy ang pagbuhos ng kanyang luha, patuloy ang pagpahid niya gamit ang kanyang mga kamay.
"Bakit ba kasi hindi na lang ako maging masaya sa buhay ko?!" wika niya habang basag ang boses. Tumakbo siya patungo sa kwarto, binalabag ang pinto at naglock.
Tumayo naman ako at akmang kakatok ngunit narinig ko ang paghagulgol niya sa loob. Ang lahat ng masasayang alaala na kasama siya sa Panggasinan bago ang pangyayaring iyon ay biglang naglaho. Naintindihan ko kung bakit niya iyon nasabi. Naintindihan ko ang nararamdaman niya, kung bakit ganoon ang kanyang naging reaksyon.
Nagtungo ako sa mesa. Inilapag ang sulat, dahan-dahang nilock ang pinto ng condo at umalis. Sumakay ako ng bus pauwi. Sakto namang umulan, hindi naman mukhang uulan kanina noong pauwi na kami. Kita pa namin ang mga bituin sa langit. Para bang inaasar ako ng lahat, ng mga tao sa paligid ko at ng panahon. Isinandal ko na lang ang aking ulo sa salamin ng bintana habang gumuguhit sa aking mukha ang anino ng mga patak ng ulan.