Noong mga oras na 'yon matapos kong makipag-usap kay Charmaine sa pamamagitan ng text, hindi na naman ako nakatanggap ng reply. Natulog na lang ako, nagpahinga, dahil alam ng buong team na magiging madugo ang shoot na gagawin namin. Sumapit ang alas-dose ng tanghali, saka gumising ang buong team. Kumain, naligo, nagbihis ng pormal at saka nagtrabaho. Lahat kami ay naka-itim na longsleeves, iyon lang ang natatangi naming uniform kapag magsho-shoot kami ng formal. Inuna naming kuhanan ang bride habang inaayusan hanggang sa nahati ang grupo sa dalawa. Sina Greg at Marco naman ang nagshoot habang nag-aayos ang groom sa kabila pang kwarto. Ako ang bahala sa photo, si boss Ronald naman ang humawak ng video.
"Grabe ano? Ang hirap kumita," kantyaw ng bride. Halos humiga na kasi si boss Ronald sa carpet makakuha lang ng magandang anggulo.
"Kailangan ma'am, eh," sagot naman ni boss.
"Anong oras nga ba kayo nakarating pala?" tanong muli ng bride habang nakapikit dahil sa paglalagay ng make-up nito sa mukha.
"Mga a-alas-sais na siguro ma'am."
"Nakabawi naman kayo ng tulog?" tanong muli ng bride.
"Oo naman ma'am. Lamig ng aircon, eh," sagot ni boss. Napangiti na lamang ang bride.
"Pasensiya na, ah? Hometown ko kasi 'to, eh. Napalayo tuloy kayo."
"Ay wala po 'yon. Minsan nga nakakarating pa kami ng Norte...," sagot muli ni boss.
Lumipat ako sa gilid ng salamin para makakuha ng magandang anggulo. Hinintay kong matapos ang kilay ng bride bago ko senyasan ang make-up artist na kukunan ko siya ng larawan. Tinutok ko ang camera ko, sakto namang nagpeace sign ang bride at nag-wacky face pa.
"Haha, ayos 'yon, ma'am," sambit ko.
"Ay sure ako dyan!" sagot niya naman. Nagtawanan na lamang kami.
"Sino na ba ang may-asawa sa inyo?" tanong naman niya bigla.
"Ako po, ma'am," sagot ni boss.
"O, buti naiintindihan niya trabaho mo, ano?"
"Nako, kung hindi niya naintindihan, ma'am, wala kaming kakainin," pabiro ngunit totoong sagot ni boss. Natawa na lang ulit ang bride.
"Buti nga nagstay pa kayo ng matagal, ano? Ako nga pangalawang kasal ko na 'to," sambit ng bride.
Nagulat kami sa sinabi niya. Nagkatinginan pa kami ni boss Ronald matapos niya iyong banggitin. Muli na lang kaming nagpulasan upang hindi makahalata ang bride na kami ay nagulat.
"Runaway bride ang peg ko noong unang kasal," dagdag pa niya. Muli namang pinapikit ng make-up artist si ma'am para malagyan ng kulay ang ilalim ng kanyang mga mata.
"Seryoso, ma'am?" tanong ni boss.
"Oo, pero luckily...yung una kong tinakbuhan na pakakasalan eh yung pakakasalan ko rin ngayon. O, di 'ba?" Napuno muli ng tawanan ang buong kwarto.
"Nako gastos 'yon, ma'am," natatawa kong sambit.
"Anong nangyari?" tanong naman ni boss.
"Noong ikakasal kami...unang beses, nagdadalawang isip talaga ako. Pa'no, may opportunity ako sa Korea, siya naman nagpatuloy sa law tapos kinukulit pa yata ng ex niya na nakilala niya sa Amerika. Parang hindi pa siya sure sa ganda kong 'to kaya noong araw ng kasal, nagwalk-out ako. Nganga siya," kwento niya.
"Buti nagkabalikan pa, ano ho?" sambit ko.
"Oo, lakas makadestiny, eh. Pag-uwi ko ng Pinas, yung susundo na corporate team sa akin sa airport eh kasama siya. Nagkagulatan, aba...may forever," sagot ni ma'am.
Natawa na lang ulit si boss habang kinukunan siya ng video. Ako naman ay napailing habang nakangiti. Pero naisip ko lang din ulit si Charmaine, biglang humulas ang ngiti ko.
Yung tipong planado na, ikakasal na kayo, pero may nagbabalik. Bakit gano'n 'no? Minsan hindi tayo hinahayaang maging masaya. Yung kahit ituloy lang ang kasal, walang iwanan, hanggang sa dulo.
___________________________
"He chose his path," sambit ni Jen habang tinatanggal ang munting dahon na dumapo sa kanyang balikat.
"Siya din naman, eh," sagot ko habang nakangiti.
"Do you mean, matapos makipagdate ng lalaking 'yon sa isa pang babae, tatanggapin pa rin niya yung ex niya gano'n? It's wrong Ian...very wrong."
"Ang ibig kong sabihin...yung ngayon," malungkot kong tugon.
"Ah...oh, sorry," sagot niya.
"Tingin mo kung naging okay lahat Jen...kung hindi lang naging priority ang trabaho, kung hindi lang bumabalik yung mga tao na sana talagang wala na, siguro hindi tayo mag-uusap ngayon, 'no?" wika ko. Tiningnan niya lang ako at tumango.
__________________________
Sa hardin ng magarbong hotel na iyon ginanap ang kasal. Ang sementadong parte ng hardin ay nilagyan ng pulang carpet patungo sa altar na itinayo sa gitna. May mga lampara at tila mga nakasinding kandila ang nasa loob ng mga iyon. Makikita ang malawak na dagat sa malayong likod na parte ng hardin. Hapon na rin nagsimula ang kasal. Gaya ng plano ng mag-asawa, pinili nilang ikasal ng hapon, mga alas-kwatro. Sabi na rin kasi ng bride na hindi niya tipo ang ikasal ng umaga. Gaya ng nangyari sa unang kasal niya, umaga iyon ginanap. Siguro nga baka aantok-antok pa siya kaya siya nagdesisyon na magwalk-out sa kasal at matulog, iyon ang sabi niya.
Sa gilid ng pulang carpet ay nakatayo ang mga poste na binalutan ng halaman at mga ilaw. Ang mga bisita ay sabik na sabik sa mga magaganap. Ang lahat ay umaasa na magiging maayos na ang lahat. Hindi naman sila nabigo, lumabas din ang bride at naglakad kasabay ang kanyang mga magulang. Nakangiti naman ang groom, hindi siya naiiyak. Bagkus ay nakipagbiruan pa siya sa bride nang makarating siya sa altar. Akma siyang umiwas ngunit bumalik din sabay yakap sa kanya. Nagtawanan naman ang mga bisita. Ang mga pagkakataong iyon ay kinuhanan ko ng litrato. Napapangiti na lamang ako sa aking nasasaksihan.
"Naiinggit ka, 'no?" biglang pang-aalaska ni boss.
"Nice one boss, ako inggit? Ilang wedding na ba ang na-cover natin?" tanong ko sa kanya.
"Hindi na rin mabilang...marami na rin, ano? Pero hindi nagbabago yang ngiti mo sa tuwing magcocover tayo ng wedding, gano'n na gano'n pa rin," sagot naman ni boss.
"Wala lang, natutuwa lang ako para sa kanila."
"Nakita mo na ba ang sarili mo na nakaluhod diyan kasama yung taong para sa'yo?" tanong niya ulit. Medyo natawa ako sa sinabi niya, pero may sense. Umiling na lang ako. Kahit kailan hindi ko pa naisip 'yon. Pero nang itanong niya 'yon, bigla kong naisip si Charmaine.
"Hayaan mo na nga, haha. Doon ka kumuha para balanse," sambit niya.
Agad akong pumunta sa kaliwang parte ng altar at kumuha ng litrato ng mga dumalo sa kasal. Lahat sila ay nakangiti, ang iba ay nagsisimula nang magpahid ng panyo sa kanilang mga mata at ang iba naman ay nakatingin sa akin. Ngumingiti pa at animo'y kinikilig ang ilan pang mga abay. Tumingin ako sa likod, wala namang ibang tao doon kundi ako. Ako ang nginingitian nila. Ngumiti na lang din ako at yumuko nang bahagya.
Tinutok ko na lang din ulit ang lente ko sa bride at sa groom, nagsimula nang magpalitan ng pangako ang isa't-isa. Saka kumilos at pumunta sa unahan si boss at ang isa pang videographer din na si Greg.
"We are here, to witness the unconditional love of James and Leslie. We are here to bless them with unending love and to witness their vows in the name of our Lord Jesus Christ," wika ng pari.
Nagsilapitan naman ang bible bearer, ring bearer at ang iba pa. Doon na bumuhos ang damdamin ng dalawa, napaluha na lamang sila habang nagpapalitan ng pangako nila sa isa't-isa at ang kanilang mensahe.
"Leslie," wika ng groom.
"Akala ko tatakbo ka ulit, akala ko iiwan mo ulit ako sa pangalawang pagkakataon." Nagtawanan ang mga bisita habang nagpupunas ng kanilang mga luha.
"Kasi sisiguraduhin ko sa'yong hindi ka na makakatakbo. May mga gwardya diyan sa labas isasara nila yung pinto kapag tumakbo ka. Wala na rin yung bridal car diyan," muling pagbibiro ng groom. Natatawang umiiyak naman ang bride habang ibinubulong ang mga salitang 'sorry' sa kanyang bibig.
"I know, at alam ko rin naman na hindi mo na kailangang gawin 'yon. I am here, because of you. You are here because of me. Hindi na natin kailangan pa ng ibang dahilan para hindi tayo ang ipagbuklod ng tadhana. Dahil alam ko, tayo talaga...kahit noon pa. Mahal na mahal kita, at alam mong kahit na umalis ka pa ulit. Ikaw lang ang hahanapin ko," wika ng groom. Napaluha naman siya at pinahiran naman iyon agad ng bride sabay tawa. Muling natawa ang mga bisita habang umiiyak.
"James, espren. Grabe ka naman," paunang salita ng bride sabay tingin sa mga bisita. Nagpatuloy naman ang tawanan.
"Okay lang 'yan. Ano ka ba hindi na ako aalis. Naalala ko yung sinabi mo noon, sabi mo na kapag nagmahal ka, dapat binibigay mo yung lahat. Para wala tayong pagsisisihan. Gusto kong humingi ng sorry kasi..." lumuha ang bride.
Hindi iyon ordinaryong pagluha lamang. May kasamang pagsisisi ang basag na tinig na iyon. Napasandal na lamang siya sa dibdib ng groom habang nagpupunas ng luha. Ang mga ngiti sa aking pisngi ay saglit ding nawala. Tinutok ko na lamang ang aking camera at ninamnam ang kalungkutang iyon.
"Gusto kong humingi ng sorry kasi, hindi ko naibigay yung pagmamahal ko ng buo...noon. Pero ngayon, pinapangako ko sa'yo. Na ibibigay ko ang lahat para maging masaya tayo. I've learned my mistakes, natutunan ko 'yon habang wala ka. At hindi ko kaya na mawala ka. 'Yon ang totoo," basag ang boses, nairaos niya pa rin ang mga salitang nais kumawala. Ngumiti na ang mga bisita at nagpalakpakan. Niyakap naman siya ng groom habang tinatapik sa likod.
"Wow, that is a very warm and joyful message from our newly weds," wika ng pari.
"Kiss! Kiss! Kiss na" sambit naman ng mga bisita.
"O ano pang hinihintay natin? You may kiss the bride!" basbas ng pari.
Naghiyawan naman ang mga bisita. Tinaas ng groom ang belo ng kanyang bride at binigyan ng halos limang segundong halik. Nakakasilaw ang bawat flash ng camera mula sa mga bisita, mula sa aking camera at sa buong team na nagcover. Walang gustong maka-miss ng mga ganoong eksena kapag kasal.
Matapos halikan ng groom ang kanyang bride ay saka naman nagyakapan ang dalawa at nagpaluan na para bang nagbibiruan.
"O, tapos na rin," wika naman ni boss Ronald habang nakangiti at hinihingal. Tumango na lang ako at kumuha pa ng mga litrato.
"Labas na lang kayo, ah? Sa garden tayo, may mga kukunan pa tayo bago lumubog ang araw," utos naman ni boss sa amin.
Hinabol namin ang paglubog ng araw para sa mas magandang kulay sepia ng kapaligiran. Tinadtad ng buong team ng litrato at video ang dalawa habang naglalambingan at naglalakad sa hardin. Napakaganda ng hapong iyon. May pagkakataon pa na kinunan ko ang paglubog ng araw habang magkahalikan ang dalawa. Kita ang buo nilang katawan dahil sa flash ng camera, ang araw sa kanilang likuran, ang malawak na damuhan sa likod at ang hardin. Tinitigan nila ang litratong iyon. Tuwang-tuwa pa ang bride sa nakita niyang litrato. Hinawakan nilang dalawa ang camera habang nakangiti.
"Gusto ko 'to...gusto ko 'tong ipaframe!" sambit ng bride. Agad namang ginulo ni boss Ronald ang buhok ko at sabay bumulong.
"Langya, nadale mo na naman. Lupit ng anggulo mo! Puwede ka nang pang-Singapore!"
Ngumiti lang ako at muling inayos ang aking buhok. Lumapit ako sa bagong kasal at ipinakita pa ang ibang mga litrato.
"Ay basta! Yung kanina! Yung last shot! 'Yon ang gusto namin na naka-frame, ah!" sambit ng bride.
"Opo ma'am, sige po," sagot ko habang nakangiti.
__________________________________
"Tangina 'tong si Christian eh! Lupit talaga kumuha eh!" pang-aalaska ni Marco nang makabalik kami sa kwarto ng hotel.
Gabi na noon, inaayos na namin ang mga gamit at ipinapasok sa mga bag at mga hard case. Ako naman ay tumitingin pa rin ng mga litrato habang nakangiti.
"Kaya kayo kung mang-iinis kayo siguraduhin niyong kasing galing kayo ni Christian. Nako! Malayo mararating niyan," sambit naman ni boss.
"Tangina Singapore na 'yan pre!" sambit ni Greg.
"Ano bang Singapore 'yan?" tanong ko.
Wala akong kaalam-alam sa mga sinasabi nila. Parang kanina ko lang din narinig na binanggit ni boss ang Singapore kahit na hindi ko naman talaga alam kung ano ang mayroon do'n.
"O, tingnan mo 'to," kinuha ni boss Ronald ang isang bond paper kung saan may mga nakaimprentang mga detalye at ilang mga magagandang litrato.
"Kanina ko lang kasi nakita 'yan. Sinend sa akin ng kapatid ko na nasa Singapore. Pinapasali ako," sagot ni boss.
Binasa ko ang nilalaman ng papel na iyon. Isang paanyaya upang sumali sa isang photography contest. Mga kilalang photographer ang nakita ko sa ilang mga pangalan sa ibabang bahagi. Ang mga nanalo noong nakaraang patimpalak ay nakaimprenta rin at ang kanilang mga napanalunan.
"Sabi ko sa kanya hindi ko naman master ang photography. Eh mas okay na kako na iba ang sumali," dagdag naman ni boss.
"Itong si Greg sir?" wika naman ni Marco.
"Ayoko gago! Hindi ako magaling!" pag-amin naman niya. Napangiti lang ako sa kanila at muling binasa ang iba pang detalye.
"Three hundred thousand Singaporean dollars?"Nalula ako sa pinakamataas na premyo. Tiningnan ko sila sa mata matapos ko iyong mabasa.
"Ano pre? Are you up for the challenge?" tanong naman ni Marco habang nakangiti at itinataas nang paulit-ulit ang kilay. Napailing lang ako at inilapag sa kama ang papel na iyon. Tumayo at nag-ayos na lang ng camera upang ilagay sa hard case na aming dala.
"Tae, negative?" sambit ni Greg.
"Ikaw nga nega eh...alam ko mas magaling ka sa 'kin, dapat ikaw ang sumali, pre," sagot ko. Natawa na lamang si boss at si Marco.
"Hindi sa sinasabi ko na hindi talaga ako magaling. Aba tangina...haha, yung mga makakalaban ko diyan mga dinosaur na. Mga lente ng mga 'yan milyon na halaga habang ako para lang akong ipis na naghahawak ng camera..." tugon ni Greg. Nagtawanan na lang ang buong team.
"Kung ipis ka ano pa ako sa photography? Alikabok..." sagot ko naman.
"Tindi niyo naman! Yung mga kumag na nanalo diyan last year kasabayan ko lang 'yan dati! Mga ipis lang din kami dati...tangina niyo!" saway naman ni boss Ronald.
"Haha sensya, sir...pero hindi ko yata talaga kayang sumabay sa kanila, eh," sambit ni Greg.
Muli akong napatitig sa papel na iniabot sa akin ni boss. Tiningnan ko ang ilan pang detalye. Ewan ko ba, hindi ko nga yata kaya. Napailing na lang ako habang sinasara ang bag ko pero nang muli kong sulyapan ang papel ay kinuha ko rin iyon agad at ipinasok sa aking bag.
________________________
"2 months from then?" tanong ni Jen. Tumango lang ako at tumingin sa kanya at pagkatapos ay muling tumitig nang diretso sa malawak na kawalan.
"2 months from then, ako talaga ang napipisil eh. Pero gaya nga ng sinabi mo. Deprived tayo sa sarili nating talent," sagot ko. Ngumiti lang siya ngunit tumingin sa akin.
"Pero gusto mo?" tanong niya.
__________________________
Naglalagay na kami ng mga gamit noon sa van. Ang mga hardcase at ilang mga bag ay bitbit namin, pinagpapatong-patong sa likod habang ang mga tripod naman ay kinakarga sa ilalim ng mga upuan.
"Eh ma'am pasensiya na ma'am...tapos na kasi ang kasal eh."
"Ha? Hindi...hindi yung kasal, yung mga nag-cover. Yung mga photographer."
Narinig namin ang boses ng mga nag-uusap sa aming likod kung saan naroroon naman ang entrance ng magarbong hotel. Ang gwardya ay nagkakamot na lang ng ulo habang kausap ang isang babae sa kanyang harapan. Nakasuot siya ng cocky shorts na panglalaki at spaghetti strap kung saan makikita naman ang hubog ng kanyang katawan. Bitbit niya ang isang backpack at kung tutuusin ay halos pang-isang linggong damit na yata ang laman.
"Hanap yata tayo, ah..." sambit ni Greg na kasalukuyang naghihila ng huling hard case na ipapatong sa likod ng sasakyan naming van.
Nagkibit balikat na lamang si sir Ronald at saka dumiretso sa driver's seat. Hindi naman na pinansin ni Greg at Marco ang babaeng nagtatanong sa gwardya. Ako naman ay naiwang nakatulala, sa isipan ko ay imposibleng mangyari ang nakikita ko. Ang maikli nang buhok ng babae na iyon na animo'y apple cut, ang maarte niyang pagsasalita, ang pagkairita niya at ang galaw ng mga kamay niya sa tuwing naiinis. Kilala ko ang babaeng 'yon.
"Hoy! Ian papaiwan ka ba?" sigaw naman ni boss Ronald na marahil ay narinig ng babae. Agad siyang lumingon sa akin at ang malamlam na mga mata niya ay biglang nagkaroon ng kulay at buhay.
"IAAAAAAAN!" sigaw niya habang patakbo sa akin.
"Gago ka...anong ginagawa mo dito?!" tanong ko. Nang lumapit naman siya ay hindi sagot ang aking natanggap kundi ang yakap niya habang tumatalon-talon pa.
"Tanginang chikboy 'to! Pati sa malayong lugar sinusundan!" pang-aalaska naman ni Marco. Lumingon na lamang ako sa grupo at ngumiti, yumuko naman si Charmaine at ngumiti sa buong grupo sabay kaway.
"Langya...ilabas niyo nga gamit ni Christian, papaiwan 'yan," utos naman ni boss. Agad namang kinuha ni Greg ang dalawang bag na dala ko. Ang isa para sa camera at ang isa naman ay ang mga damit at personal kong gamit.
"Lupit mo chong..." bulong na lamang ni Greg nang iabot niya sa aking mga kamay ang aking bag.
"Salamat pre..." sagot ko na lang.
"Next week pa naman tayo titira! Kaya pahinga na tayo...sabihin mo na lang kung nakauwi ka na, ah?!" bulyaw naman ni boss Ronald sabay paandar ng van na kanyang minamaneho.
Nagulantang ako sa mga pangyayari, para bang bigla akong nahilo. Tinitingnan ko ang van na paalis at sunod ay ang babae sa aking gilid na nakangiti at tuwang-tuwang makita ako. Hindi ko alam kung sasabay ba ako sa van o magpapaiwan. Wala ito sa plano ko, wala akong kamalay-malay. Basta nando'n na lang siya bigla sa harapan ko.