Chapter 3:

3845 Words
“Nagmahal lang ako…big word. Madalas sinasabi ng mga taong nagkakamali. Ayaw magsisi, masabi lang na naging tapat siya,” wika ko sabay tawa na parang napapraning.   “Totoo naman ang excuse na ‘yon. Sa kahit na anong anggulo, alam mo sa sarili mo na totoo ‘yon.”   “Sabihin mo, Jen, nagkamali ba ako na kilalanin siya?” tanong ko. Ngumiti lang siya at umiling.   _____________________________    Kahit ano namang dahilan ang ibigay ko, naroon pa rin siya. Anong saysay ng paglayo kung sa bawat hakbang ko ay nakasunod siya? Ako ba ang mali? Mali nga ba ako nang minahal ko siya? Nagmahal lang ako. Bullshit na dahilan!   Dumaan ang mga araw, masasayang mga araw kasama siya. Yung paligid na puno lang ng kung ano-anong mga anino ay unti-unting nagkakulay. Ibinigay niya ang saya na iyon na hindi ko naman talaga hinihingi. Ang gusto ko lang naman ay mahalin siya, yun lang, walang ibang dahilan.   Halos gabi-gabi kami kung lumabas, trabaho sa umaga, pasyal sa gabi. Walang espasyo ang kalungkutan sa aming dalawa. Ni hindi ko rin ginustong malaman kung ano ang mayroon sa pamilya niya o ng mga kaibigan niya. Hindi nga rin naman ako nagtatanong. Pero isang beses ay naitanong ko iyon sa kanya.   “Ano ba’ng trabaho mo?” tanong ko habang humihigop ng malamig na frappe sa tabi ng dagat na nilalakaran namin.   Kasalukuyan kaming namamasyal noon sa MOA. Kaunti ang tao dahil Martes naman. Karamihan sa mga namamasyal ay mga magkasintahan. Hindi pa nga kami pero madalas na kaming magkasama, madalas din na ganito ang set-up. Uminom  muna siya bago sagutin ang aking tanong.   “Do you really want to know?” tanong niya. Ngumisi lang ako at tumingin sa malawak na kawalan.   “Para namang gago ‘to…” bulong ko habang nakangiti. Agad niya namang tinulak ang braso ko habang seryosong nagwika.   “Hoy! Grabe ka, ah!”   “Sorry naman. Pero pwera biro…ano nga?”   Hindi siya sumagot. Umikot lang siya at itinaas ang kanyang kaliwang kamay habang hinihigop ang kanyang frappe gamit ang straw. Tila ba nagsayaw siya sa hangin, ang kanyang galaw ay maihahalintulad sa isang halaman na inuugoy ng hangin. Bumabaluktot nang malumanay, umikot nang marahan, at gamit ang baso ng frappe ay parang nagawan niya na ng kuwento ang lahat dahil sa kanyang sayaw. Binigyan niya iyon ng isang yuko habang nakataas ang kanyang kanang kamay at muling tumingin sa akin. Napatulala na lamang ako sa aking nakita. Naiwan lang na nakapasok ang straw sa aking bibig at abala sa paghigop sa malamig na kape.   “Hoy!” bulyaw niya.   “Uhm!” gulat kong sambit.   “You should see your face!” natatawa niyang sambit.   Hindi muna ako nakapagsalita. Tinitigan ko lang siya habang naglalakad na kasabay niya. Nakangiti lang din siya habang tumitingin sa paligid, sa mga taong nakapanood ng kanyang ginawa.   “Dancer? No! Uhm…hindi lang basta dancer. Teatro?” tanong ko. Tumango lang siya habang nakangiti.   “You are an artist indeed, Ian. Yung mga ordinaryo at mayamang tao na nanonood sa amin, kapag nagtatanghal na kami, wala lang. Makikita mo sila sa kalagitnaan ng presentation. Humihikab, pero ang mga katulad mo. Iba! Iba talaga,” wika niya na parang nang-iinis. Umiiling siya habang nakangiti at nakakunot ang baba. Natawa na lamang ako.   “Puwede mong ulitin?” tanong ko.     “Ano?! Gago!” wika nya habang natatawa.   ______________________________              “It was an honest mistake not to tell you,” sambit ni Jen.   “Ang alin?” tanong ko naman. Bahagya kong hinilot ang nangangalay ko nang mga paa at iniba ang posisyon ng aking pag-upo. Pahalang na ang aking paa habang nakasayad sa maliliit na batuhan ang aking itim na maong.   “Rather be…a white lie? Siguro…” dagdag niya. Tiningnan ko lamang siya at nanahimik upang ipagpatuloy ang kanyang sasabihin.   “Magkababata kami, eversince mga bata pa kami…she would dance, sing, act…na parang wala siyang ibang taong nakikita. Siya lang, siya lang sa munti niyang entablado. Well, of course hindi naman iyon ang gustong kahantungan ng mga magulang niya. Si tita? Ang gusto niya…pumunta siya ng Australia, sumunod sa step dad niya. Patakbuhin ang shipping company nila. Dahil doon na rin naman sila titira,” kwento niya. Napatango na lang ako habang sa kanya’y nakatingin.   “Tawagin mo na siyang spoiled. Only child, eh, buti nga ikaw may kapatid. Siya wala,” sambit niya.   “May kapatid nga ako. Nasaan naman? Isa pa, mas maswerte ang only child. Lahat ng luho nasa kanya. Lahat ng layaw, lahat ng gusto.”   “Pero hindi ka malaya,” sagot niya.   “Siguro.”   “Noong mga bata pa kami, tatakas kami sa mama niya. Akala nila gagala lang kami, ‘yon pala nasa ballet class na. Hindi rin nagtagal, nalaman ‘yon ni tita. Kinaladkad siya palabas ng ballet class. Pina-book papuntang Australia - sapilitan. Nagtrabaho siya, pero para lang bumalik dito…para mamuhay mag-isa,” kwento niya.   “Nakwento niya na sa akin ‘yan noon. Pero yung kwento niya…parang iba.”   “Sugarcoated?” natatawang tanong ni Jen. Napangiti lang din ako at tumango.   ___________________________        “How’s your ex?” tanong ko sa kanya nang pauwi na kami. Naglalakad na lang kami noon papunta sa malawak na parking lot. Mabagal, pauti-unti, ninanamnam ang bawat sandali.   “Sa dinami-dami ng pwedeng pag-usapan ex ko pa talaga, Ian?” sabi niya habang natatawa.   “Why not? Magtatatlong linggo pa lang kayong hiwalay. Malay ko ba kung nagparamdam,” sagot ko.   “Wala na…nagbigti na!”   “ANO?!” gulat kong tanong.   “OA? Chill ka lang. Kung gagawin niya ‘yon, edi mabuti. Kung hindi, eh mabuti rin. What’s the point?” sarkastiko niyang tanong.   “Ang sama mo…” bulong ko.   “Buti nga pinapatay ko lang siya sa isip ko, hindi sa totoong buhay. Ayokong maging kriminal, ‘no, pero yung ginawa niya? Krimen na rin ‘yon, eh. Ewan ko ba kung bakit hindi tayo pwedeng maging kwits-kwits na lang lahat. Kailangan pa ng pulis para lang sa hustisya, koya?!” naiinis niyang tanong. Imbis na maapektuhan ay parang lalo pa akong naengganyo sa kanyang reaksyon.   “Anong klaseng pagpatay pa sa isip mo ang ginawa mo sa kanya?” natatawang tanong ko.   “Ayon! Kung pwede ko lang siyang isabit doon ginawa ko na!” wika niya sabay turo sa MOA Eye. Ang malaking ferris wheel sa gilid ng dagat.   “HAHAHAHA!” tawa naman ang naisukli ko. Natawa rin siya.   “Ano pa? Ano pang gusto mong marinig?!”   “Sige pa!”   “Kaladkarin yung mukha niya sa semento habang umaandar yung van niyo.” Napangiwi naman ako agad sa kanyang sagot.   “Bakit van pa ng studio? May kotse ka naman?” tanong ko.   “Ayokong madumihan yung kotse ko, ‘no!” sagot niya.   Tumigil kami sa isang kulay asul na Suzuki Swift. Isang maliit na kotse na para bang ang dali lang i-park at imaneho.   “Oo nga…hindi nga pwedeng madumihan ‘tong kotse mo,” wika ko habang nakakunot ang baba at umiiling. Tiningnan niya lang ako at itinulak habang natatawa.   “Umayos ka nga,” sabi niya habang binubuksan ang pinto.   “Hindi mo agad sinabing may kotse ka eh. Sana sinundo mo na lang ako kanina.”   “Alam mo natuto na ako…noon yung ex ko lagi kong sinusundo. Halos lagyan ko na nga ng taxi sign ‘tong kotse ko kakasundo sa kanya. Pero siya, ano? Sino sinusundo? Ibang babae niya.”   “Sama mo. Hindi mo naman ako boyfriend para sabihin ‘yan sa ‘kin,” sagot ko.   Lumingon siya agad sa akin. Marahil ay natakot sa susunod kong sasabihin gaya nang nangyari sa Q.C. Circle. Halata ang takot niya sa kanyang mga mata. Ilang segundo rin siyang tumitig sa akin upang alamin kung galit ba ako o nagbibiro lang.   “Don’t worry. Hindi ako aalis, hindi kita sasabihan na huwag mo akong ikumpara sa ex mo, hindi ako magagalit, hindi ako magmamaktol,” sabi ko habang nakataas ang pareho kong kamay. Ngumiti lang siya at muling yumuko upang ayusin ang kanyang mga gamit sa dashboard ng kanyang kotse.   Tinanggal niya ang ilang mga gamit at tila laruan na disenyo sa kanyang kotse. Tinapon niya iyon sa kanyang likod na parang walang pakialam sa halaga ng mga gamit na iyon.   “Oh! oh! Anong ginagawa mo?!”   “Mga basura ‘yan…” wika niya.   “Eh sayang ‘yan. Mukhang mahal pa, nasa kahon pa, o!” saway ko habang pinapanood ang pagtapon niya sa mga matchbox na modelo ng mga lumang kotse.   “Sa kanya ‘yan, hindi ‘yan akin.” Napatigil na lang ako at pinanood ang kanyang ginagawa.   “Sabagay. Mga gamit nga ng mga ex ko sinusunog ko kapag nagbe-break na kami,” sambit ko.   Napatigil naman siya at tumingin sa akin. Ngumiti siya at tumingin sa mga maliliit na laruang kotse na itinapon niya sa parking lot. Agad niya iyong pinagpupulot at inilagay sa likurang parte ng kanyang sasakyan.   “Oh…bakit mo pinupulot?” pagtataka ko.   “Sunugin natin!” anyaya niya. Nakakatakot siya. Nakangiti pa siya habang nakatingin sa akin. Napailing na lang ako habang napapakamot ng batok.   _______________________________            “Ayon…pumunta kami sa Taguig…sa isang malawak at bakanteng lote kung saan wala pang nakatayong building. Kinuha niya yung mga koleksyon ng ex niya. Sinunog namin…habang umiinom siya ng beer. Nakakaloko,” sambit ko sabay tingin sa kalangitan. Natawa namang muli nang bahagya si Jen at tinakpan ang kanyang bibig gamit ang kanyang parehong tuhod.   “Sinayawan niya yung apoy, inalayan niya ng kung ano-ano habang inoorasyonan namin ng kung ano lang na masabi namin. Para kaming mga tanga. Tawa nang tawa, sayaw nang sayaw…” wika ko. Ang mga ngiti ay walang mapagsidlan habang kinukwento ko iyon na agad din namang humupa.   “Pero habang tumatagal, naiisip ko…hindi pa pala siya nakaka-move-on. Tawa siya nang tawa…napagod. Umupo…sumandal sa balikat ko, at pagkatapos ng isang lagok ng beer…umiyak nang todo,” dagdag ko. Ang mga ngiti sa labi ni Jen ay agad ring humulas.   “Alam mo ‘yon? Nagbago nga yung bihis niya, yung buhok niya. Yung pananalita niya. Pero hindi yung nararamdaman niya. Lahat ng ‘yon, panlabas na anyo lang. Nagtakip lang siya ng maskara para masabing ayos na siya. Hindi naman siya si Taylor Swift para maka-move-on ng gano’n gano’n na lang,” pabiro kong sambit. Napangiting muli si Jen ngunit muli rin siyang napatulala at naging blangko ang ekspresyon.   “Do you believe in 3 month rule na sabi ni John Lloyd sa One More Chance?” seryosong tanong ni Jen. Tumingin ako sa mga mata niya at ngumiti. Umiwas muli ako ng tingin at tumango.   “Oo. Effective naman,” sagot ko sabay tingin sa kanya.   “Sabihin na nating sa unang buwan matapos kang makipagbreak, puro sakit pa ‘yan sa puso. Kung sa sakit eh diagnose muna, pacheck-up sa doktor. Puro pa aray, puro luha, puro ngawa. Sa pangalawang buwan, para ka nang umiinom ng gamot na nireseta ng doktor. Naka-admit ka na sa ospital. Namimiss mo ang labas ng kwarto mo at gusto mong lumabas pero hindi ka pa handa. Naging masyado kang dependent noon sa kanya kaya sinasanay ka ng doktor na mag-isa, na pagalingin ang sarili mo pero umaasa ka pa na babalik siya, kahit hindi na talaga. Pangatlong buwan, para ka nang nagda-diet ng ampalaya. Nakalabas ka na nga ng ospital, feeling mo magaling ka na pero pag may nakikita kang mag-jowa na makakasalubong mo, ang nasa likod ng isip mo, ‘magbe-break din ang mga ‘yan.’ Lahat ng nakikita mong may kasama sa daan…nag-iiba ang itsura nila. Sa mga mata mo para silang mga naglalakad na ampalaya. Puro reklamo sa love, puro negativity pagdating sa relationship. Kapag napagod ka na sa pagrereklamo…saka mo maiintindihan na mali pala ang iniisip mo. Saka mo lang maiintindihan na baka yung tao ang mali, hindi yung pagmamahal,” paliwanag ko.   Muli akong tumingin kay Jen. Nakasandal na ang kanyang ulo sa kanyang mga tuhod at nakaharap sa akin. Nakangiti rin siya at tila naglalaro sa kanyang imahinasyon ang aking mga sinabi.   “Naranasan mo na?” tanong niya.   “Oo, ilang beses na. Paulit-ulit lang naman. Minsan nakakasawa na,” sagot ko.   Muli kong inunat ang aking mga braso at nang matapos akong mag-unat ay inilagay ko naman iyon sa aking likuran upang itukod.   “Ikaw naranasan mo na ba?” tanong ko.   “Oo. Natatawa ako, kasi…tama ka. Yung paglalarawan mo, parang ganoon nga yung nangyayari,” sabi niya. Ngumiti na lamang ako.   ______________________________             “Naaalala mo ba no’ng nagkita tayo sa Tagaytay? Yung sinabi mo na nag-cover ka ng kasal?” tanong ni Charmaine. Lumingon siya sa akin habang nakabaliktad ang kanyang mukha. Nakahiga kami sa isang madamong parte ng parke na natatakpan ng matayog na puno. Baliktaran kami ng pwesto ngunit ang aming mga ulo ay magkadikit lamang.   “Oo. Bakit mo natanong?” Lumingon ako sa kanya. Ang unang bumungad sa akin ay ang kanyang mapula at manipis na labi. Natulala ako nang saglit bago tumingin sa kanyang mga mata.   “Hindi ko kasi alam ang pakiramdam,” tugon niya. Muli siyang tumingin sa mga dahon na nagsasayaw sa tila kisame ng aming munting tahanan.   “Pakiramdam ng ano?”   “Na ikakasal,” sagot niya.   Tiningnan ko lang ang mapula niyang pisngi at saka ngumisi nang tahimik at muling tumingin sa mga dahon ng puno na inuugoy ng hangin. Alam ko kung bakit niya iyon naitanong. Nabanggit niya na magpapakasal na nga sana sila ng ex niya. Kung hindi lang siguro nangyari ang lahat. Baka masaya sila. O baka mali rin ako.   “Yung entrance march ng bride noong nag-cover ako sa Tagaytay bago tayo magkita, After all yung kanta. Ang ganda! Madilim sa loob ng simbahan bago bumukas yung pinto. Sinadya nila ‘yon…kaya no’ng bumukas na yung pinto pagdating ng chorus ng kanta, bumungad yung liwanag galing sa labas. Ang makikita mo lang ay yung silhouette ng bride na nakasuot ng wedding gown. May kuha pa nga ako no’n,” kwento ko sa kanya.   Nakatitig lang ako sa matatayog na dahon ng punong iyon habang siya naman ay nakatingin sa akin. Taimtim na nakikinig at tila ginagawang pelikula sa kanyang isipan ang aking kwento.   “Lahat sila namangha. Lahat sila nakatingin sa kanya. Naiiyak ang iba, nagpupunas ng luha. Yung groom naglabas din ng panyo, lumuha nang kaunti pero nakangiti. Napakaganda ng bride, napapaluha rin siya pero hindi niya hinayaang matanggal ang make-up niya. May mga maliliit na piraso ng confetti na nalalaglag galing sa itaas habang unti-unting nagkakaroon ng liwanag. Parang panaginip ang lahat. Napakaganda.”   Tumingin ako kay Charmaine. Nakangiti siya. Tinitingnan niya ang aking mga mata, maglalaro iyon patungo sa aking ilong, sa aking labi, at muli sa aking mga mata. Ang kanyang mga mata ay nangungulila. Nakakadala kaya muli akong tumingin sa mga dahon ng puno na humaharang sa amin mula sa init ng araw.   “Noong ibibigay na ng mga magulang ang kamay ng anak nila, napaiyak ulit ang groom. Niyakap niya yung bride. Mahigpit na mahigpit. Ang sarap kuhanan ng mga moments na gano’n. Yung alam mong totoo, walang halong biro. Matapos ang ilang taon ay mangyayari ang pinakahihintay nila…imagine that? After all the starts and stops…they keep coming back to each other’s hearts,” dagdag ko. Umusog si Charmaine nang kaunti upang iangat ang kanyang ulo. Humiga siyang muli at ginawang unan ang balikat ko. Tiningnan niya akong muli, ang mga tingin na iyon ay nagsasabi na ituloy ko ang kwento ko.   “Pumunta sila sa altar. Nagpalitan ng vows. Nangako sa isa’t-isa na sa hirap at ginhawa, walang iba kundi sila. Ginagawa nila ‘yon habang naiiyak. Habang ang lahat ay nakatingin sa kanila, masayang-masaya. Yung kukunin pa ng bride yung kopya ng sasabihin niya. In the end, nilukot niya yung kopya ng speech niya at niyakap ang groom. ‘No words can ever say how much I love this moment to happen. This moment to be with you, to be happy with you,’ ‘yon ang naaalala kong sinabi niya. Hindi niya nga naman kailangan ng kahit ano pa. Ang lahat ng kailangan niya ay nasa harapan niya lang. Alam niya sa sarili niya, sigurado siya. Na ang taong iyon ang magpapasaya sa kanya…hindi niya iiwan, habambuhay,” kwento ko.   Muli ko siyang tiningnan. Nakapikit na pala siya ngunit ang mga luha sa kanyang mga mata ay malinaw na senyales ng kanyang nararamdaman. Nakangiti siya habang lumuluha. Ninanamnam ang sarap ng pagkakataon, hindi man siya ang babaeng ikakasal. Sa isipan niya, iniisip niyang siya ang maswerteng babaeng iyon.   Tumahimik ako saglit. Pinakinggan ang ihip ng hangin. Pinakinggan ko ang t***k ng kanyang puso. Malumanay, kalmado at alam kong walang pinagsisisihan.   “Gusto kong mangyari ‘yon. Someday, with the man I love,” sambit niya.   Iminulat niya ang kanyang mga mata at muling naglaro sa aking mukha. Ngumiti lang ako ngunit sa isip-isip ko, sana ako na ‘yon. Sana ako na lang ang lalaking ‘yon.   “Isang araw…mangyayari rin sa buhay mo ‘yon,” sabi ko.   Hinawakan niya ang pisngi ko. Dahan-dahan niyang hinawi ang buhok na humaharang sa aking noo…doon ko na rin naramdaman ang init ng kanyang labi sa aking labi, ang bilis ng kabog ng kanyang dibdib, at ang lamig ng kanyang luha.   “Gusto kong mawala…gusto kong mawala na ang nararamdaman ko sa kanya. Gusto kong maging malaya,” sabi niya. Hinawi ko rin ang buhok na humaharang sa kanyang mga mata. Pinahid ko ang luha na dumadaloy sa kanyang pisngi at ngumiti.   _____________________________    Nakalabas ang kanyang kanang kamay sa bintana ng kanyang kotse habang hawak ang kanyang scarf. Ako ang nagda-drive ng kanyang kotse, kinuha ko ang camera ko at kinuhanan siya ng litrato. Doon pa lang ay nakikita ko na gusto niya nang makalaya sa kalungkutan na kanyang nararamdaman. Tiningnan niya ako at tumawa. Kinuha niya rin ang camera ko at kinuhanan ako ng litrato.   Sa North expressway kami napadpad matapos ang aming kwentuhan sa parke sa Quezon City. Impulsive move, pero ito ang gusto namin, ang makalaya.   “Sure ka dito?” tanong ko sa kanya.   Ngumiti lang siya at tumango. Maya-maya pa ay ngumiti na siya habang nakalabas ang kanyang ngipin. Tuwang-tuwa sa kanyang nararamdaman. Para bang gusto niyang isigaw ang lahat. Hindi ako nagkamali, isinigaw niya nga iyon habang nakalabas ang kanyang ulo sa bintana ng kotse.   “You’re an asshole, Jerick! Makakalimutan din kita! Kapag nangyari ‘yon who you ka sa ‘kin!” sigaw niya.   “Huy pumasok ka nga dito!” natatawa kong sambit habang hinihila ang kanyang kamay. Pumasok din naman siya at nagulat ako nang bigla siyang yumakap sa akin. Magaslaw ang kanyang pagkakayakap, halos lumikot pa ang manibela at ang kanyang kotse. Nagtawanan kami, nagsigawan sa loob, nagkantahan na para bang wala nang bukas. Nagmamaneho lang ako, nagmamaneho ng buhay niya para ibalik siya sa dapat niyang ruta.   “Oh my gosh! I like this song!” sigaw niya nang ilipat niya ang frequency ng radyo at tumugtog ang A Thousand Miles ni Vanessa Carlton. Nakisabay siya sa kanta, ako naman ay nakikanta rin na may halong pang-aasar.   “May kumaway dawntawn, wohooo! Baking fast..facing back in my old town! Wooo!” kanta ko nang pasigaw at sa tonong nakakainis. Tumawa naman siya nang malakas habang pinapalo ang aking braso.   “Anong klaseng lyrics ‘yan?!”   “Staring blankly hand! Kasi may kumaway! May kumaway sa may kraaahaaahaaawd!” kanta kong muli.   Muli siyang humagalpak ng tawa habang napapaluha. Nakikanta na lang din siya sa mali kong mga lyrics at makulit na tono. Sinabayan namin ang radyo habang papunta kami ng Pangasinan. Nakabukas ang mga pinto ng kotse namin. Napapagkamalan pa kaming baliw ng mga taong aming nakakasabay sa expressway dahil sa ingay.   Sa Alaminos Pangasinan kami napadpad nang araw na iyon. Alam ko ang daan dahil ilang beses na rin akong nakapunta roon. Nang makapasok sa isang resort ay agad kong ipinark ang kotse niya. Binuksan agad niya ang pinto at tumakbo patungo sa dagat habang sumisigaw. Hinubad niya ang kanyang t-shirt at hinagis sa kanyang likod at saka lumusong sa dagat na parang isang bata. Naroon ako, nakangiti habang pinapanood siya. Sinara ko ang pinto ng kanyang kotse at pinindot ang alarm. Tumayo lang ako sa gilid ng kotse habang pinagmamasdan siya mula sa malayo. Nagtatampisaw, ginugulo ang tubig at lumangoy na parang nagwawala. Napapailing na lang ako habang nakangiti.   “Halika na!” sigaw niya. Umiling ako.   “Ano ba! ‘Wag kang KJ, hindi bagay sa ‘yo tara na bilis!” sigaw niya habang unti-unting umaahon.   Nakapulupot lang ang mga braso ko sa isa’t-isa. Sapat nang makita ko siyang masaya at naglalaro sa tubig ngunit hindi yata siya papayag na hindi ako kasama. Maya-maya pa ay tumakbo na siya patungo sa akin. Nanlaki na lang ang mga mata ko nang makitang seryoso siya sa paghabol. Napatakbo na lang din ako palayo.   “Ano ba?!” sigaw niya habang natatawa.   Naghabulan kami sa dagat. Mabilis siyang tumakbo, gigil at talagang desidido.   “Huli ka!” tumalon siya at sinakyan ang likod ko.   Tawa kami nang tawa at nagpaikot-ikot habang hawak niya ang aking t-shirt. Para makalayo sa kanya ay hinubad ko ang tishirt ko at muling tumakbo. Tinapon niya na lang sa buhangin ang aking damit at muli akong hinabol. Hinubad ko ang pantalon ko at naiwan ang shorts na nakasuot sa aking katawan. Itinapon ko ang pantalon ko sa kanya pero hindi siya natinag, lalo lamang siyang nagmadali. Sa dagat na ako pumunta at binasa siya. Doon kami naglaro, naghabulan at nagtawanan.   __________________________          “Alam mo? ‘Yon ang isa pinakamasayang alaala niya para sa akin,” nakangiting sambit ko habang nakatingin kay Jen.   “This day was the happiest day of her life…” sagot naman niya. Pareho kaming humulas ang ngiti matapos niya iyong sabihin. Napayuko na lang ako at huminga nang malalim.   “I’m sorry.”   “Hindi…wala ka namang ginawang mali. Ako yung may ginawang mali,” sagot ko.   “Hindi naman talaga kita masisisi, eh. Everyone has a choice,” sabi niya habang pinipilit na ngumiti.   “Wala akong ibang magawa kundi alalahanin na lang ang nakaraan. Hindi ko na mararanasan ang mga masasayang bagay at pangyayari kasama siya,” sambit ko. Muli akong tumingin sa malayo. Inaninag ang mga ibon na lumilipad sa himpapawid.   “May choice din siya,” malungkot niyang sambit. Ngumiti siya nang kaunti ngunit agad ring lumingon sa malayo nang maramdaman niya ang pangingilid ng kanyang luha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD