“Napakaraming puwedeng gawin para umiwas, hindi ko ginawa. Maraming mabibigat na dahilan para magpigil, pero hindi ko pinigilan. Hindi ako naniniwala na nagkita lang kami sa lugar na iyon para daanan lang ang mga kapalaran namin,” sambit ko. Tumayo ako at hinawakan ang puno sa aking kanan upang bumalanse. Tumingin akong muli sa malayo at sinilayan ang malawak na lawa. Muling umihip ang malamig na hangin, pumikit ako at nilasap ang tamis ng kasalukuyang paghihinagpis.
“Masokista ka ba?” tanong ni Jen. Napatingin na lamang ako sa kanya at napangiti.
“Paano mo nasabing masokista ako? Halata na ba?” natatawa kong sagot. Ngumiti lang din siya at tumingin din sa malayo.
“Even if it hurts, you are still smiling,” sambit niya. Bumwelo muna ako bago magsalita. Huminga nang malalim at muling nagkwento.
“Bata pa lang ako nang mawala si mama. Nakita ko siya mismong naghihingalo sa kama na hinihigaan niya habang si papa naman ay aligaga at hindi alam ang gagawin para madala siya sa ospital. Yung inakala ko na may dadatnan pa akong mama pag-uwi ko galing school, hindi na pala mangyayari. Pagkatapos ng isang taon, nagdesisyon si papa na mangibang bansa. Wala na si mama, eh, kailangang gampanan ni papa ang maging ina at ama para sa aming tatlong magkakapatid. Ako ang bunso, natural na mag-aasawa ang dalawa pa. High school pa lang - naiwan na ako.”
Tumingin si Jen sa akin. May awa ang kanyang tingin. Umiling na lamang ako at ngumiti. Hindi niya naman kailangang maramdaman ang pakiramdam na dapat ay ako lang ang nakakaramdam. Hindi ko naman ginusto na maramdaman ng ibang tao ang kalungkutan ko.
“Hindi ako masokista. Natuto lang siguro akong ngumiti kahit sa maliliit na bagay. Maraming tao ang naghahangad na maging masaya sa napakalaking dahilan. Pero ako, natuto na ako na ngumiti sa simpleng bagay na mayroon ako.”
Nag-unat muna ako ng mga braso bago ipinagpag ang aking pantalon. Umupo akong muli sa batuhan katabi ni Jen. Muli niya akong tiningnan, pinagpagan niya ang longsleeve na aking suot dahil sa maliliit na dahon na dumikit.
“Kaya YOLO ka?”
“You only live once? Totoo naman ang sinabi mo,” natatawa kong sambit.
“I lived my life once; I never thought that I could die several times,” dagdag ko.
_____________________________
Nauna kong iuwi ang mga camera sa photostudio noong gabing iyon. Saka ko siya hinatid sa condo niya sa Fairview. Napakagulo ng loob ng condo niya. May mga basag pang plato sa kusina, mga nakakalat na mga picture frame sa paligid na para bang kinalkal ang laman at pinagtatanggal. Kahit ang maliit na salamin na mesa sa tabi at ilalim ng nakasabit na TV niya, may basag din. Bawat haplos sa mga gamit na iyon ay para bang nalalaman ko kung ano ang nangyari. Yumuko na lamang ako sa nabasag nang mesa at sa ilalim noon ay nakita ko ang isang lukot na papel. Binuksan ko iyon at doon nakita ang mga huling salita na ibinigay ng kanyang ex.
‘Sorry. -Jerrick’
Nakakatawang isipin. Sa lokohang naganap, yung tipong nahuli pa mismo sa akto ng panggagago, ang masasabi niya lang talaga ay sorry. Nakakatawa na medyo nakakainis. Sabagay, ano nga ba naman ang magiging excuse niya? Kung ako yung nanloko at nakita sa ganoong akto, wala na akong kailangang ipaliwanag pa. Wala rin akong masasabi kundi…sorry. Yun lang, walang kahit anong palabok, walang kahit anong paliwanag, walang kung ano-anong eche-bureche. Kapag nahuli ka, huli ka talaga. Magmumukhang guilty ka lang kung nagpaliwanag ka pa.
“Akin na ‘yan,” mahina niyang sambit.
Mahinahon niyang kinuha ang papel mula sa aking kamay. Bago pa man niya iyon makuha ay muli na naman siyang lumuha. Naglakad siya palayo at binuksan ang burner sa kusina. Sinunog niya ang papel na iyon, pinanood niya hanggang sa unti-unti iyong maging abo. Pinatay niya ang burner pagkatapos at napahawak na lamang ang pareho niyang kamay sa marmol na mesa na pinapatungan nito. Tahimik na umiyak at nagpahid ng kanyang luha. Tumayo na lamang ako at hinawi ang mga basag na piraso ng pinggan sa sahig gamit ang aking mga paa.
“I-I’m sorry…”
“DON’T!” putol niya. Nakataas pa ang kanyang kanang kamay na para bang nanggigigil. Natahimik na lamang ako at napayuko.
“Don’t you dare…say sorry to me.”
Bakit nga ba ako nag-sorry? Wala naman talaga akong kasalanan. Pinulot ko lang yung papel at binasa.
“I’ve had enough sorries in my life. Ayoko nang marinig ‘yan…”
Garalgal na ang boses niya. Naglakad na lang ako patungo sa ref at kumuha ng malamig na tubig. Nakita ko pa ang mga balot ng chocolates na nakakalat sa loob ng ref. Alam kong siya ang umubos noon. Depresyon? Siguro…hindi siguro, malamang pala.
“Nakakataba daw ang chocolates. Pero in fairness sa ‘yo. Mukha namang hindi umepekto,” sabi ko habang nagsasalin ng tubig sa isang buo pang baso na may lamat na din na kaunti. Tiningnan niya ako bigla at natawa.
“Gago ka talaga,” sagot niya habang napapangiti. Inabot ko na lang sa kanya ang baso na naglalaman ng tubig. Hindi naman siya nagdalawang isip na uminom.
“You are a real comfort, Ian. At sorry kung nakikita mo akong ganito ngayon. Pati itong condo nakita mo pang magulo. Hindi ko na maayos e.”
“Hindi mo naman kasi maaayos ang lahat ng ‘to na ikaw lang ang mag-isa. Kung pipilitin mo maiinis ka lang,” sambit ko habang nakangiti at sinusubukang ibalik sa lalagyan ang iba pang plato na buo pa naman.
“Pero, alam mo na. Kahit maayos mo ang mga ‘yan. Makikita mo pa rin ang mga lamat.”
Kinuha ko ang kamay niya at ibinigay ang isang plato na gumuguhit na ang lamat sa magkabilang dulo. Tinitigan niya iyon habang nakangiti.
“Humuhugot ka na naman?”
“Hindi…palitan mo na kasi,” sagot ko. Humarap siya sa akin at nagtaka.
“Ang alin?”
Tumalikod na lang ako habang nakangiti at kinuha ang walis tambo na nakasandal sa likod ng pinto.
“Yung mga plato,” sagot ko. Alam kong iba ang ideyang naglalaro sa kanyang isipan dahil sa aking sinabi. Sinadya ko, para makapag-isip-isip naman siya.
Sinimulan kong walisin ang mga bubog at ilang mga basag pang gamit. Pinanood niya lang ako habang ginagawa iyon. Maya-maya pa ay kumuha na rin siya ng pandakot at sinalo ang mga bubog na aking winawalis.
__________________________
“Naalala ko nagtagal pa ako sa condong ‘yon. Nagkwentuhan ng kaunti, uminom ng beer, nagpakalasing…kinalimutan ang kalungkutan. Pero sadyang hindi maiwasan. May mga tao talaga siguro na kapag nagmahal, malalim. Kaya kapag nawala na yung taong minamahal, hindi makaahon. Nalulunod…namamatay,” wika ko. Tiningnan ko si Jen. Napapangisi din. Marahil ay naiisip niya na rin ang mga pangyayari noon kung paano kami nagsimula ni Charmaine, ang bestfriend niya.
“Death is just the beginning of living. Naniniwala ka ba do’n?” tanong niya. Nginitian ko lang siya at tumango at pagkatapos noon ay muling tumingin sa kawalan.
“Noong gabing ‘yon, pinagbigyan ko ang gusto niya. Hindi ako umuwi. Sa condo niya ako natulog. Nakahilata kami sa carpet ng living room niya, magkayakap, lasing na lasing. Pero nang mahimasmasan ako bumangon din ako agad at nag-asikaso para umuwi. Paalis na ako nang tingnan ko siya. Ipinatong ko ang ulo niya sa unan mula sa sofa. Tumulo pa rin ang luha niya at binulong ang pangalan ng ex niya. ‘Jerick' - ’yon ang sabi niya. Pinahid ko na lang ang luhang iyon bago umalis. Hindi na ako nag-iwan pa ng kahit anong numero dahil ayokong pagsamantalahan ang kahinaan niya. Mahina siya nang mga panahong iyon at ayokong maging pansamantalang pahiran lang ng kanyang luha. Kung magkikita kami ulit? Baka ‘yon na ‘yon.”
Tumingin muli ako kay Jen at muling ngumiti. Ngumiti din siya ngunit alam kong lungkot pa rin ang kanyang nararamdaman.
_____________________________
“O anggulo ah! Isa pa! ‘Yan! Nice one!” sabi ko sa isang modelo.
Isang araw sa Wildlife Park noon makalipas ang halos isang linggo, abala kami ng mga ka-team ko sa isang photoshoot. Tatlo kaming photographer sa halos pitong mga naggagandahang mga dilag. Nakakangiti pa rin naman kami kahit pagod na. Sino ba naman ang hindi ngingiti kung ang mga kaharap mo ay nag-uunahan pa upang makuhanan lang sila ng litrato. Magpo-pose ng biglaan, kami na lang ang umaanggulo at swabe na ang lahat. Trip shoot kung tutuusin. Mga modelo sila na nakilala lang din namin sa kung ano-ano at saan-saang events.
“O isa pa dito naman…” sambit ko. Agad namang umextra ang isa ko pang kasama. Binangga ako nang pabiro. Ako naman ay gumilid na lamang at tumabi habang nakatitig nang masama sa kanya.
“Sige na iyo na ‘yan! Kala mo naman ‘to laging mauubusan,” sagot ko. Ngumiti lang siya na parang nang-aasar habang naka-peace sign. Ako naman ay napailing na lang at naglakad palayo.
“Hoy, Ian, ‘wag ka na magtampo. Kami naman dali na! Solo mo kaming tatlo,” tawag naman ng pansin ng isa sa mga modelong kasama namin na si Monica. Sa likod niya ay nakapwesto pa ang dalawang magagandang binibini na naka-pose na.
“Sure! Kayo pa ba,” sagot ko. Agad kong itinutok ang lente ng aking camera at kinuhanan sila. Grupo-grupo hanggang sa maging isa-isa na lang.
Hapon na rin nang matapos ang grupo namin sa pagkuha ng litrato. Nagpahinga kami sa lilim ng cottage na nirentahan namin. Nagkaubusan ng maiinom kaya’t napagdesisyunan ng grupo na bumili muna sa mga tindahan malapit sa parking lot ng malaking parke.
“Ikaw na, Ian!” utos sa akin ng kateam ko na si Greg.
“Oo nga, pagod na kami, eh…” gatong naman ni Marco.
“Mga gago talaga kayo. Ako pa talaga pinagtulungan niyo! Palibhasa ii-score na naman kayo diyan!” pang-aalaska ko. Nagtawanan na lang sila at ang mga kasama naming mga modelo.
“Sige na p’re!” pangungulit ni Greg. Hindi na ako naka-hindi. Kapag sinubukan ko, alam kong pipilitin pa rin naman nila.
“Sige na nga,” sagot ko na lang. Aalis na sana ako noon pero may pumigil sa akin.
“Wait, Ian…sama ako.” Si Monica. Kakatanggal niya lang din noon ng sleeves at naiwan ang sando at maliit na short na kanyang suot. Bahagya pa akong nahiya nang hawiin niya ang buhok niya sa likod at makita ang maputi niyang kili-kili. Nakakainis na nakakagigil. Flawless!
“Are you okay?”
“Oo naman,” sagot ko na lang.
“Hoy iuwi mo ‘yan dito ah baka mamaya wala na yung van sa parking!” sigaw ni Marco.
“Nasa ‘yo kaya yung susi!” sigaw ko din nang palayo na kami sa cottage.
Naglakad kami nang tahimik. Ayoko kasi talagang tingnan si Monica. Ayokong matukso. Bihira lang din naman akong matukso sa mga magagandang modelo. Halos limang taon ko na nga rin itong ginagawang raket at kahit kailan ay hindi pa naman ako nabibiktima ng mga modelo pero iba si Monica. Hindi ko alam kung nagbibigay siya ng motibo lagi dahil sa mga ikinikilos niya at mga pabor na ibinibigay sa akin o baka nagkakataon lang.
“You know what Ian. I’m always wondering. Bakit ka ba binu-bully ng mga ‘yon?” tanong niya bigla sa akin.
“Underdog, eh. Pero okay lang ‘yon. No hard feelings. Marami rin naman kasi silang naibigay sa akin. Madalas pag nasa studio kami sila pa nga yung bumibili ng mga pagkain. Malimit akong utusan doon,” paliwanag ko.
“Oh? Eh bakit ganyan pinapakita nila ngayon?”
“Ganyan lang talaga sila pag nasa labas o kaya may mga kasamang mga chiks. Gusto nila yung parang sila yung boss. Tsaka ayaw mainitan, ayaw pagpawisan.”
“Oo nga. Halata nga…ang lalaki ng mga tyan eh,” tugon ni Monica. Nagtawanan na lang kami habang naglalakad.
Nang makarating kami sa isang maliit na tindahan na parang itinayo lang sa gilid ng parking lot ay agad kaming bumili ng mga bottled water. Panay ang kapit noon ni Monica sa braso ko. Medyo nahihiya ako dahil halos lahat ng makakasalubong namin ay pinagtitinginan kami. Nakangiti ang mga lalaki. Titingin muna sa kanya at pagkatapos ay sa akin naman.
“Ian?!” isang boses ng babae ang tumawag sa akin mula sa aking gilid.
Hindi ko namalayan ang babaeng iyon na nakatingin sa akin dahil sa suot niyang shades. Nakasuot siya ng kulay ube na sando at itim na leggings. Maikli naman ang buhok niya na humahaba lamang hanggang sa kanyang leeg.
“Ian! Oh my gosh!” nakangiti siya habang nakatingin sa akin. Napangiwi naman ako at napakunot ang noo. Si Monica naman ay napatingin sa akin habang nakangiti. Nagtataka rin at parang nagulat.
“Hindi mo ako maalala?” tanong niya. Tinanggal niya ang shades niya pero hindi ko pa rin siya maalala talaga.
“Sorry, miss. Hindi kita…”
“Oh so this is it? Is she your girlfriend?” may tono ang mga salitang iyon. Pumitik naman ang balakang ni Monica at umastang naiimbyerna. Tumitig siya nang masama sa babaeng iyon at nakataas pa ang isang kilay.
“A-ah sorry, miss. Hindi talaga kita kilala,” sambit ko.
“Charmaine! Yung nakilala mo sa Tagaytay? Remember?”
Naaalala ko ang pangalan niya. Pero parang hindi naman yata siya ang Charmaine na naaalala ko pa rin makalipas ang halos isang linggo.
“Ay! Wait lang!” Kinuha niya ang cellphone niya at ipinakita ang picture ng isang babae na mahaba ang buhok. Itinapat niya iyon sa mukha ko. Nanlaki naman ang mga mata ko nang muli ko siyang tingnan. Siya nga ang babaeng ‘yon.
“Ch-Charmaine?! Ikaw nga! Anong nangyari?”
“Heto! New look. Ayoko na maging losyang kaya ayan nagpagupit ako. Bagay ba?” wika niya. Hindi na ako nakasagot nang muli niyang ibaling ang atensyon kay Monica.
“Are you his girlfriend? Kala ko ba si Maria Ozawa lang ang lagi mong kapiling? ‘Di ba sabi mo?” natatawa niyang tanong. Napangiwi na lang ako ngunit mas nagulat ako sa isinagot ni Monica.
“So what?!”
Natahimik na lang ako at napailing habang nakangiti at nakapikit. Mukhang hindi ko magugustuhan ang mga susunod na mangyayari. Masaya akong makita si Charmaine noong araw na iyon, halos tumalon nga ang puso ko nang ma-realize kong siya nga ang babeng ‘yon pero pagkatapos noon ay kinakabahan na ako dahil sa gulong magaganap.
“A-ah, Charmaine! Si Monica…model namin. Monica, si Charmaine. Nakilala ko sa Tagaytay last week noong may wedding event kami.”
Para makalusot na lang ay ipinakilala ko sila sa isa’t-isa. Nagdasal din ng kaunti na sana epektibo nga ang ginawa ko para matigil ang nagbabadyang tensyon.
“I’m sorry…where are my manners again? Hi! Ang ganda mo naman. I like your hair,” wika niya.
Inabot niya ang kanyang kamay kay Monica upang makipagkamay. Napangiti naman si Monica at inabot din ang kamay ng kanyang kaharap ngunit alam kong sa loob-loob niya ay naiimbyerna pa rin siya.
“Monica…” ‘yon lang ang nasabi nya.
Nagkamay silang dalawa ngunit ang mga titig nila sa isa’t-isa ay nakakapanlinlang. Alam kong sa kaibuturan ng kanilang kaisipan, gusto na nilang magpagulong-gulong habang nagsasabunutan.
Sinama ko si Charmaine sa cottage namin. Nagulat ang mga kasamahan ko at ang mga modelo nang makita siya. Hindi na lang ako umimik. Si Monica naman ay padabog na lumayo at umupo katabi ng mga kaibigan niyang modelo. Doon lang natapos ang araw na iyon nang magyaya siyang umuwi na rin.
___________________________
“She’s a b***h…I can tell,” sambit ni Charmaine habang naglalakad kami sa Quezon City Circle. Napayuko na lang ako habang nakangiti. Hindi pa kami umuwi nang hapong iyon. Hindi na rin naman kasi siya humiwalay simula nang makita niya ako sa Wildlife Park.
“Paano mo naman nasabi?” tanong ko sa kanya.
“Dahil sa mga tingin niya sa’ yo. Hello? Hindi mo nakikita ‘yon?”
“Hindi ba puwedeng baka may gusto lang sa akin yung tao?” Tumingin ako sa kanya habang nakataas ang isang kilay.
“Wow! Biglang humangin dito ah?! Manong lumakas ang hangin ‘no?”
Kinausap niya ang isang ice cream vendor na nadaanan namin. Ngumiti naman si kuya at sumenyas ng aprub. Napailing na lang ako.
“Alam ko, b***h siya…”
“Paano mo nga nasabi? Dahil lang sa mga tingin niya sa akin?” tanong ko ulit.
“I can tell. Gusto ka lang niya i-f**k! I’m sure!” Napatingin naman ang isang pamilya na nakasalubong namin dahil sa kanilang narinig. Tinakpan pa nila ang tenga ng mga bata na kanilang kasama.
“Sshh! Bunganga nito! Ang daming tao!” pabulong kong saway.
“Who cares? That is the truth!”
“Excuse me hindi ako yummy! May mga naging ex na nga ako at may mga experiences na rin pero believe me, hindi pa ako nakipag-one night stand sa kahit na kaninong babae!”
Tumigil ako sa isang pahaba at kongkretong upuan ngunit bago ako umupo ay humarap muna ako sa kanya at muling nagsalita. Tila nang-aasar naman ang mukha niya habang nakatingin sa akin. Parang hindi bilib sa aking mga sinasabi.
“Seriously! Ayoko ng gano’ng set up,” sabi ko habang napapailing.
“Ooooh? If I know gusto mo akong galawin no’ng lasing tayo sa condo ko!”
Sa pagkakataong iyon ay umupo na siya. Medyo hindi ko naman nagustuhan ang sinabi niyang iyon kaya’t tumayo ako ulit at naglakad.
“Uy uy uy! Saan ka pupunta?!”
“Hindi ako katulad ng ex mo okay?! Hindi ako nakikipagkantutan kung kani-kanino para lang saktan ang taong mahal ko!” bulyaw ko sabay talikod ulit.Naglakad ako palayo sa kanya. Ano pa nga bang sasabihin ko? Sa lahat ng ayoko ay ikinukumpara ako sa mga taong wala namang alam gawin kundi manggago.
“Hey…Ian. Sorry na! Akala ko game ka, eh…joke lang ‘yon,” sabi niya. Hindi ako tumigil. Naglakad pa rin ako palayo. Nakakairita kasi, kung magpapakita lang din naman ulit siya at ganito ang patutunguhan, sana inisnab ko na lang siya kanina.
“Ian please! Sorry na,” kinapitan niya ang braso ko pero hindi ako nagpapigil.
“Umuwi ka na. Bakit ka ba kasi nagpakita ulit?”tanong ko sa kanya.
“Alam ko pagod ka lang…sorry na. Akala ko kasi game ka sa mga jokes,” mahinahon niyang sambit. Napatigil naman ako at humarap. Napapikit na lamang ako at yumuko at nang medyo mahimasmasan ay muling tumingin sa kanya.
“Sorry…pagod ka lang. It’s just a joke okay? Isa pa, yayayain ba kitang tumuloy sa condo ko kung may gagawin ka sa ‘king masama?”
“Sus! Eh pa’no kung may’ron nga?”
“Alam kong wala. May tiwala ako sa ‘yo.”
“May tiwala ka diyan,” sambit ko sabay hatak ng aking braso upang bitawan niya. Naglakad ulit ako nang dahan-dahan palayo.
“Kakakilala mo pa lang sa ‘kin may tiwala ka na agad?”
“Totoo ‘yon!”
Muli niyang hinawakan ang braso ko at hinatak iyon nang malakas. Napatigil na lang ako at napatingin muli sa kanya.
“Kung hindi ‘yon totoo e ‘di…patunayan mo. Patunayan mo na hindi ka niya katulad,” mautal-utal niyang sambit. Nakakunot na ang kanyang noo habang nakatingin sa akin. Ang kanyang mga mata naman ay parang maluluha na.
“Wala ngang nangyari sa atin di ‘ba? Hindi pa ba sapat ‘yon? Isa pa bakit ko ‘yon gagawin? Ano ba kita? Hindi naman kita girlfriend. Hindi din naman ako nanliligaw sa ‘yo!”
“Edi gawin mo! Manligaw ka!” Nanlaki na lang ang mga mata ko sa kanyang sinabi.
“Tangina…alam mo ba yang pinagsasasabi mo?” natatawa kong tanong.
“Seryoso ako!”
“Hindi kita mahal. Bakit ko gagawin ‘yon? Tsaka hindi ka naman yummy.”
Nilunok ang pride, napapangiwi nang kaunti ngunit may kurot sa puso nang sabihin ko iyon sa kanya. Napatigil naman siya at binitawan nang marahan ang braso ko.
“O-okay…” mahina niyang sambit.
Isang hakbang patalikod ang kanyang ginawa. Halos ilang segundo rin siyang patingin-tingin sa semento na kanyang inaapakan. Para bang hindi niya matanggap ang aking sinabi.
Tumingin siya sa aking mga mata. Nangusap siya, hindi niya alam ang kanyang gagawin. Alam ko ang nararamdaman niya, nahihiya siya. Iniisip niya marahil na baka ang naging tingin ko sa kanya ay easy to get. Pero bakit naman kasi niya iyon sasabihin sa akin?
Maya-maya pa ay tumalikod na siya at nagsimulang maglakad palayo.
“Hey!” sigaw ko. Para naman siyang nanigas sa kanyang kinatatayuan.
“Hindi ka naman pangit. Actually, noong nakita kita sa café…hiniling ko talaga na umupo ka sa table ko. Hindi ko alam na uupo ka nga. Hindi mo ba naalala? May bakante pang upuan noon sa harapan mo pero dinaanan mo lang,” sabi ko. Mahinahon siyang tumingin sa akin at ngumiti rin.
_______________________
“Para siyang tanga…,” natatawa kong sambit.
Maging si Jen ay nagsimula na ring ngumiti. Unti-unti ay nagliliwanag ang kanyang mukha, kinakalimutan niya sandali ang malungkot na pangyayari kanina lang ngunit alam niyang doon din babagsak ang lahat.
“I never thought that she’d approach you like that. Pero, ano ba ang naging tingin mo sa kanya pagkatapos no’n?”
“She is what she is…and still will be the Charmaine I know. Makulit, kalog, parang ewan. Hindi niya naman alam ang mangyayari kung hindi niya susubukan. I think gano’n nga siya. Agresibo…pero takot,” sabi ko. Tiningnan ko si Jen sabay ngiti. Ngumiti rin siya na parang natatawa, ako naman ay napailing.
“She told us a different story. Ang sabi niya, nagkita nga kayo sa café. But she never told us about that. Siya pala ang nagyayang ligawan siya,” natatawa niyang sabi.
“Pride, siguro dahil sa pride…lahat naman yata tayo mayro’n noon. Pero ako ang unang lumunok ng pride nang pigilan ko siyang umalis. Para bang bumagsak ang balikat habang naglalakad palayo sa akin. Sinabayan ko siya, ayokong isipin niya na nag-iisa na naman siya sa mundo. Yung mundo na ‘yon ang sumira sa kanya. Ayoko nang balikan niya pa ‘yon.”
Umihip ang malamig na hangin, nilipad muli ang aking buhok at muli ko rin itong inayos agad. Napansin ko naman ang kiliti ng lamig na dumapo sa katawan ni Jen. Backless kasi ang gown na kanyang suot. Wala ring sleeve o anumang pangharang sa lamig. Kinuha ko ang aking coat na nakasandal sa puno sa aking kanan at isinuot sa kanyang likod.
“Nilalamig ka, eh. Hiramin mo muna,” sabi ko.
“Uhm. Thanks,” sagot niya sabay ang matipid na ngiti.
“Hindi mo naman kasi kailangang pumunta dito, Jen. Nagtataka nga ako kung bakit ka na’ndito eh. Mas kailangan ka ng bestfriend mo ngayon,” wika ko sabay tingin sa malayo.
“Because I know she doesn’t deserve this…” bulong niya.
Napayuko na lamang ako habang napapangiti. Tiningnan ko siyang muli, pinipilit niyang maging masaya kahit alam niyang hindi na maibabalik ang ilang minuto o oras na nasayang.
“Kaya ka ba na’ndito para pabalikin ako?” tanong ko. Umiling lang siya at nagwika.
“Hindi, dahil alam kong hindi rin naman magbabago ang lahat,” sambit niya.
“Kapag bumalik ako doon, tapos na ang lahat. Huhusgahan nila ako sa mga bagay na hindi naman talaga nila alam kung bakit nangyari. Hindi naman talaga nila alam kung bakit ako umalis. Kami lang namang dalawa ang nakakaalam. Kapag bumalik ako, sira ako sa mga tao. Kapag hindi naman ako bumalik, ganoon din ang iisipin nila. Hindi ko alam kung saan ako lulugar…teka, oo nga pala, matagal na rin naman pala na hindi ko alam kung saan ako lulugar,” sabi ko.
Muling naging tahimik ang paligid. Umugoy ang mga sanga ng puno na pumoprotekta sa amin mula sa sinag ng araw at naglaglagan naman ang ilang piraso ng dahon nito. Pinagpag ko lang ang isang dahon na nalaglag sa aking buhok. Kinuha ko ang kulay tsokolate nang dahon na iyon at pinaglaruan sa aking daliri.
“Paano ka kakapit kung tuyong-tuyo ka na?” tanong ko sabay pakita ng dahon sa kanya.
Saglit naman siyang napangisi. Tumingala siya at inaninag ang sinag ng araw sa bawat espasyo ng mga dahon na nagkukumpulan sa mga sanga.
“Alam ko, nature has a way of saying something to us. Huwag ka nang humugot,” sabi niya sabay ngiti.
“Paano ka kakapit kung ang kinakapitan mo ay unti-unti ka nang binibitawan? Nakakatawa, naitanong ko na rin kasi sa kanya ‘yan noon. Pero hindi gaya ng dahon na ‘to, patay na, ‘di tulad niya noong mga panahon na kakagaling niya lang sa masakit na alaala, berde pa, sariwa pa. Hindi mo aasahang bibitawan kaagad siya ng sanga na sana…kumakapit sa kanya,”sabi ko. Kinuha ni Jen ang patay na dahon na iyon sa aking kamay at pinaglaruan din.
“Parang pagkapit mo sa kamay ng taong hindi mo alam kung kailan ka bibitawan. Nakabukas na pala ang kamay niya, pero yung sa ‘yo…nakasara pa. Kumakapit ka pa, umaasa, naghihintay na kakapit din siya ulit…pero hindi na. Hanggang sa mawalan ka na ng pag-asa, bumitaw ka na. Pero hindi pa rin niya sinara. Hindi tanga ang tawag doon Ian. When you love someone, you risk it all.”
Tumingin lamang ako sa kanyang mga mata. Sa mga matang iyon ay nakita ko ang sinseridad ng kanyang mga sinabi. Oo nga naman, nagmahal lang ako. Pero bakit kung ano ‘yong mga bagay na kaya nating ibigay, hindi maibigay ng ibang tao? Pare-pareho lang naman tayo ng kinakain, pare-parehong humihinga, pare-parehong nahihirapan. Hindi nga siguro ako bibitaw kung hindi siya bumitaw…siguro.