Malayo-layo na rin siguro ang natakbo ko patungo sa isang hardin na hindi ko alam kung ano ang tawag. Sa hardin na ito ay mas nakikita ko lalo ang ganda ng Taal. Sinipa ko muna ang mga bato sa aking uupuan at umupo sa hangganan ng bangin upang mas lalo ko pang makita ang ganda ng tanawin. Hindi masyadong mainit dahil natatakpan ng puno ang sinag ng araw. Tinanggal ko ang kulay abong necktie sa aking leeg at inilapag iyon sa aking kanan. Huminga nang malalim at ngumiti kahit na alam kong may gumuguhit pa rin sa aking lalamunan. Muli akong huminga upang wakasan ang bagay na bumabara sa aking dibdib. Tinanggal ko ang aking itim na coat at isinandal iyon sa puno na nasa aking kanan.
“Bakit?” isang boses ang nagtanong.
Sa aking likuran ay nakatayo ang bride’s maid sa kasal na iyon.
“Oh, Uhmm…ehem.” Pinilit kong magsalita ngunit may bara pa pala sa aking lalamunan.
“Jen? Bakit ka na’ndito?” tanong ko sa kanya. Suot pa niya ang pinaghalong pula at puting gown - ang motif ng kasal.
“Bakit ka tumakbo?” tanong niya rin. Ngumiti lang ako at muling sinilayan ang ganda ng Taal. Nakakalungkot isipin na sa ganito kagandang lugar kung saan namin plinano noon na kami ay ikakasal, tatakbuhan ko lang pala. Sayang ang lahat, ang mga taon…ang mga pakiramdam na kumakawala…noon. Noon ‘yon, noong umiikot pa sa isipan ko ang mga maling akala.
Umupo siya sa aking tabi, sinilayan din ang ganda ng tanawin. Umihip ang hangin. Dinala pa ng hangin na iyon ang aking necktie. Pinanood ko lang ang kulay abong tie na iyon habang sumasayaw sa hangin patungo sa bangin.
“Bakit?” malungkot niyang sambit.
“H-hindi ko alam Jen…” sambit ko.
Muling nangibabaw ang katahimikan. Siguro wala na rin siyang maitanong. Malinaw rin naman siguro sa kanya kung bakit ako umalis. Marahil ay pumunta lang siya dito para samahan ako, para kalmahin ang pakiramdam ko.
“Kung may mali, sana hindi na lang natuloy ang kasal,” sambit niya.
“I don’t know, Jen. Lahat naman siguro mali,” sambit ko.
Nanahimik din siya nang ilang segundo. Pinulupot niya ang kanyang mga braso sa kanyang tuhod. Napapaluha na lamang at sabay iwas ng tingin sa malayo.
“Alam ko rin naman. Nakakatawa lang din kasi.” Pilit niyang tinakpan ang kanyang pagluha sa pamamagitan ng simpleng tawa. Ngumiti na lang din ako ulit at napalunok.
“Saka ko lang din kasi naisip noong tumakbo ka kanina. Ang tanga-tanga ni bes. Bakit niya pinili yung ganitong set up?”
“Mas tanga ako, Jen. Pero hindi ko alam kung tanga nga ba ako dahil mas pinili kong maging masaya siya?” sagot ko sa kanya. Natawa na lang din ako nang kaunti at yumuko.
“No. Nagmahal ka lang. Pero sa araw pa ng kasal mismo, Ian. Bakit?”
“Wala lang. Late ko lang na-realize. Habang naglalakad siya sa gitna, sa mga talulot ng mga pulang rosas na ‘yon habang inaalalayan ng magulang niya, inisip ko. Magiging masaya nga ba ako? Habambuhay akong hihinga sa kasinungalingan. Nagbubulag-bulagan lang ako na akala mo…ang saya-saya ko. Ikakasal siya sa isang lalaki na alam kong mahal talaga niya, aalagaan, protektahan. Magkakapamilya, magkakaroon ng mga anak…magiging masaya. Napakadaling sabihin, pero kung babalikan mo lahat…parang napaka-imposible. Lahat ng ‘yon na-realize ko habang naglalakad siya papunta sa altar,” sabi ko. Muli akong suminghot at napalunok. Ipinatong ko na lang ang braso ko sa aking tuhod at muling huminga nang malalim.
Tiningnan lamang ako ni Jen sabay pahid sa kanyang tumutulo nang luha.
“Sabi mo nga kanina. Alam mo rin naman kung bakit. Bestfriend mo siya, marami na rin kayong pinagdaanan. At alam mo rin siguro na kung lalaki ka lang at ganoon ang sitwasyon…baka ginawa mo rin ang ginawa ko ngayon,” wika ko sabay ngiti.
Napatawa na lang din siya habang lumuluha. Umihip namang muli ang hangin sa aking buhok. Bahagyang nagulo kaya’t inayos ko na lang ulit.
“Hinahanap ka na nila doon. Sigurado ako,” putol niyang muli sa katahimikan.
Hindi ako sumagot. Pinanood ko lamang ang asul na langit at ang nagdiriwang sa liwanag ng lawa kung saan nakahiga ang isang maliit na bulkan.
“Alam mo ba kung paano kami nagkakilala?” tanong ko sa kanya. Tumingin siya sa akin, tila naghihintay ng susunod kong sasabihin.
“Isang taon na rin pala. Dito rin kami nagkakilala sa Tagaytay,” dagdag ko. Kinuha ko ang isang maliit na sanga at pinaglaruan iyon sa aking mga daliri.
____________________________
Sa isang coffee shop sa Tagaytay ako napadpad dala ang mga camera at tripod na iniwan sa akin ng mga kasamahan ko matapos naming mag-shoot ng kasal. Minalas lang talaga at ako pa ang nakatokang umuwi sa Makati para lang isauli ang mga gamit na ito. Sila? Ayon, maraming excuse na may pupuntahan pa raw. Alam ko namang mamamasyal lang din sila sa lugar na ‘to.
Dala ang kakarag-karag na sasakyan ng photo studio, tumigil ako sa isang coffee shop para lang magmuni-muni. Napakaganda ng lugar na ito, pero unti-unti napapansin ko na nagiging matao na dito. Tinatayuan ng mga mall, mga kainan at ng mga hotel. Madalas ay mga condominium din. Noong unang punta ko ng Tagaytay naaalala ko bata pa ako noon. Wala pang masyadong establisyimento. Mapuno, madamo. Camping ang uso noon. Pero ngayon heto, pakape-kape na lang. Tinanggap na lang ang katotohanan, pinapaganda nila ang lugar na ito pero hindi nila alam na tinatanggal nila ang natural na pagkakahabi ng tanawin.
Solo ko ang isang buong mesa ng coffeeshop. Bitbit ko pa kasi ang ilang mga bag ng mga camera. Ayokong iwan sa sasakyan. Mas magsisisi ako kung babalik ako ng sasakyan at makitang basag na ang windshield at wala na ang mga gamit. Ako ang mananagot sa may-ari ng mga ‘to.
Isang babae ang agad kong napansin na bumibili ng kape. Simple kung titingnan. Hindi ko nga alam kung bakit nakuha niya agad ang atensyon ko. Napakasimple niya manamit. Mahaba ang palda, medyo kulot na buhok at longsleeves. Medyo kakaiba ang porma dahil parang pang katutubo ang kulay ng palda niya. Pinaghalong maroon, dilaw, at pula. Yung parang isinusuot ng mga katutubo sa norte. Humarap siya sa kinaroroonan ko at doon ko rin napansin ang kakaiba niyang mga palamuti sa katawan. Mga kahoy at naglalakihang mga purselas. Mga inukit na mga kahoy naman na ginawang disenyo sa kanyang kuwintas ang makikita. Napangiti na lamang ako sa kanya. Sumimangot siya nang kaunti at umiwas. Para bang naghahanap siya ng mauupuan. Tumingin din ako sa paligid. Puno na nga halos ang coffee shop na iyon. Naglakad siya patungo sa akin at tumingin-tingin muli sa paligid.
“Miss, dito ka na,” paanyaya ko sa kanya.
Agad kong inalis ang mga bag nanaglalaman ng mga camera sa upuan sa aking harapan maging sa mesa. Inilagay ko na lamang ang mga iyon sa sahig sa ilalim.
“Sorry kung magulo,” dagdag ko. Ngumiti lang siya nang pilit bago umupo kaharap ko.
“Photographer ka?” tanong niya agad.
“A-ah oo. Nag-cover kasi kami ng kasal diyan lang malapit.”
Agad niyang hinigop ang mainit na kape sa kanyang tasa at saka sumandal na para bang nairaos ang pagod. Tumingin siya sa ganda ng paligid, ang lawa ng Taal, ang mga puno sa ibaba at bulkan na nasa gitna ng lawa. Tumingin din ako sa magandang tanawin na iyon at ninamnam ang malamig na hangin habang unti-unting nagiging kulay dilaw ang paligid.
“Amazing right?” sambit niya.
“Oo nga…” sabi ko na lang. Ngumiti lang ako at muling humarap sa kanya.
“Bakit hindi mo kuhanan ng photo?”
“Believe me, ilang kopya na yata ang mayro’n ako sa bahay. Naka-frame pa yung iba. Minsan nga mas gusto ko na lang tingnan ‘yan kaysa kunan,” sagot ko sa kanya. Tumawa lang siya at muling humigop ng mainit na kape.
“But I admire you photographers. You can keep memories even if it’s…dead.” Nakakagulat ang sinabi niya. Napatingin na lamang ako at napakunot ng noo.
“Hugot ba ‘yan?”
“Hindi ah,” sambit niya habang natatawa.
“Parang may malalim na mensahe, eh. Pero, oo, totoo. Minsan yung litrato na lang yung makakapagbigay ng magagandang alaala. Hindi naman natin alam kung kailan mawawala ‘yan, eh,” sabay nguso sa view na aming pinapanood. Tiningnan niya ako na para bang nang-aasar. Nang ibinalik ko ang tingin ko sa kanya ay saka naman siya natawa.
“Bakit?” tanong ko bago humigop ng kape.
“Mas mukhang may hugot ka pa kaysa sa ‘kin,” sabi niya.
“Hindi ah. ‘Yon naman kasi yung totoo,” sagot ko naman nang ibaba ko ang kape.
“I’m sorry. Where are my manners? Charmaine. Charmaine Trinidad,” sabay abot niya ng kanyang kanang kamay.
“Christian Palado. Ian na lang. Yung mahilig humugot,” pabiro kong sambit.
Napakapit naman siya sa kanyang bibig at pigil na tumawa. Hindi ko alam kung paano pero nag-click agad kami. Parang hindi na rin kami estranghero sa isa’t-isa. Minsan lang ito mangyari sa isang katulad ko. Hindi naman kasi ako mahilig makihalubilo sa mga tao. Hindi ako mahilig makipag-usap sa kung kani-kanino. Ewan ko lang kung paano niya iyon nagawa sa akin.
“Bakit ka pala napadpad dito?” tanong ko sa kanya.
Hindi siya sumagot, ngumiti lang siya at tiningnan ang kanyang cellphone. Inilapag niya iyon pagkatapos at muling humigop ng kape. Ilang segundo rin akong nanahimik at tiningnan na lamang ang magandang tanawin na unti-unting nababalutan ng dilim.
“Hindi ba nakakapagod yung trabaho niyo?” basag niya sa katahimikan.
“Hindi naman. I mean, depende siguro. Sa akin kasi enjoy naman. Nakakagala ka na, may free food pa. Kumikita ka pa,” sagot ko. Tumahimik siyang muli.
“Pero ang pinakagusto ko talaga yung free food,” biro ko. Tumingin siya sa akin muli at ngumisi nang tahimik.
“I find you entertaining. Salamat ah.”
“Sabi na may pinagdadaanan ka, eh,” wika ko.
“Huh? Wala ‘no.”
“Sure ka?”
“Oo sure ako,” sagot niya. Binilisan ko pa ang mga tanong para malaman kung ano nga ba ang pinagdadaanan niya noong mga panahong iyon.
“Sigurado ka talaga?” tanong ko ulit.
“Oo nga.”
“Mahal mo pa?”
“Asa pa siya!”
Natawa na lang ako nang madulas siya. Tumitig lang siya sa akin at tinakpan ang kanyang bibig gamit ang pareho niyang mga kamay.
“Gago ka!” sambit niya habang medyo natatawa.
“Kakakilala mo pa lang sa akin pero minumura mo na ako,” sabi ko naman. Paubos na ang kape ko noon at hinigop na lang ang natitira pang patak.
“E ‘di sorry na rin,” mahinang sambit niya.
Tiningnan ko ang cellphone ko at nakita ang oras. Maga-alas-sais na pala. Sa mga oras na iyon sigurado akong grabe ang traffic na maaabutan ko pauwi. Sa labas pa lang ng café na iyon ay nakikita ko na kung gaano kabigat ang traffic.
“Alas-sais na…bilis ng oras,” sambit ko sabay ayos ng bag sa aking tabi. Kinuha ko ang isa pang tripod at inilagay sa isang bag. Matapos noon ay isinuksok ko sa gilid ng bag ng camera.
“Uuwi ka na?” tanong niya.
“Oo, kailangan ko pa ‘tong idaan sa studio,” sagot ko naman.
Tumango siya nang kaunti at ngumiti pero iba ang nakita ko sa kanyang mga mata. Nakita ko ang kanyang pag-iisa. Ang pangungulila. Umiwas siya ng tingin at muling ipinaling ang kanyang ulo sa kawalan.
“Taga-saan ka ba?” tanong ko sa kanya. Humarap naman siya sa akin at sumagot.
“Fairview,” sagot niya sabay ngiti.
Napakaganda ng kanyang ngiti. Simple pero parang may laman ang bawat ngiting iyon. Gusto ko siyang yayain na sumabay na lang sa akin para maihatid siya. Sa ganitong oras ay siguradong mahihirapan siyang makasakay ng bus. Kung hindi punuan, siksikan…baka tumayo lang siya sa loob. Hindi na uso ang gentleman ngayon ika nga. Buti na nga lang nabubuhay pa ako. Pero hindi ko talaga alam kung paano ko siya aanyayahan na sumakay sa van ng studio na dala ko.
Tumayo ako at kinuha ang iba pang bag na nasa ilalim ng mesa. Inayos ko muna ang dalawa pang tripod at saka isinuksok din iyon sa dalawa pang bag.
“Grabe, kaya mo ‘yan bitbitin lahat?” tanong niya sa akin. Hindi maipinta ang reaksyon niya. Natatawa na para bang napapangiwi.
“Oo naman! May sasakyan naman, eh,” sagot ko. Tumango lang siya nang marahan at saka tumingin sa cellphone na nakapatong sa kanyang mesa.
“G-gusto mong sumabay? Baka kasi mahirapan kang makauwi. Traffic, eh.”
Sa wakas, nasabi ko rin. Tumayo lang siya agad at kinuha ang phone sa kanyang mesa. Inilagay niya iyon sa kanyang shoulder bag na parang gawa sa abaniko. Akala ko magwo-walk out siya pero kinuha niya ang isang bag ng camera at saka naglakad palabas. Napatulala na lang ako habang nakangiti.
“Let’s go!” sambit niya nang humarap sa akin.
Kinuha ko ang dalawa pang malalaking bag at sumunod din sa kanya.
“Akin na ‘yan. Mabigat ‘yan. Nakakahiya sa ‘yo.”
Nakalabas na kami ng café at sa labas ng pinto ay sinubukan kong kunin mula sa kanya ang malaking bag na nakasukbit sa kanyang balikat.
“Don’t worry. Ayos lang ‘yan. I don’t want to be a burden on this trip,” sagot niya naman.
Hinayaan ko na lang din siya. Nauna akong maglakad patungo sa isang maliit at tila pandak na van. Nakaprint pa ang mga letra at graphic design sa gilid nito: Team Digital Photo Studio. Kinuha ko ang susi mula sa aking bulsa at saka binuksan ang pinto.
“Wow ang cute!” sabi niya. Natawa na lang akong muli.
“Cute ka diyan? Luma na nga. Ayaw palitan ni boss ng bago, kumikita naman kami,” sagot ko naman.
“Hoy, be thankful to those little things. Dahil ‘yan ang magbibigay sa ‘yo ng mas malaking opportunity, ‘no!” sambit niya.
“Little things nga, eh, little talaga yung van. Pasensiya na.”
Nilagay ko ang mga gamit sa likod. Kinuha ko rin ang binitbit niyang bag kanina lang. Mabigat ang mga bag na iyon na naglalaman ng halos dalawang camera sa isang bag. Alam kong nahirapan siyang buhatin iyon. Pinilit niya lang talaga. Siguro nahihiya lang siya. Pero hindi naman niya kailangan pang mahiya. Ginusto ko rin naman na sumabay na siya. Gusto ko siyang makilala. May iba akong nararamdaman noong gabing iyon. Mas gusto kong palalimin pa ang lahat.
______________________________
“Yung bes mo? May topak din talaga, ano?” wika ko habang nakangiti at nilalaro pa rin ang piraso ng sanga na nasa aking daliri.
Ibinato ko rin sa bangin ang sanga at tumingin kay Jen. Siya naman ay nakatingin lang sa akin. Malamlam pa rin ang kanyang mga mata. Maraming katanungan ang nasa isip niya. Alam ko. Nakikita ko iyon sa kanyang mga mata. Ngumiti lang siyang muli at tumingin sa kawalan. Inihip ng hangin ang kanyang mahabang buhok. Hinawakan niya na lamang ang kanyang malambot na buhok at sinuklay iyon gamit ang kanyang mga daliri. Suminghot siya ng kaunti bago nagsalita.
“She’s always like that, kalog, weird…minsan nga kahit kami hindi namin siya maintindihan. Pero ngayon naman…ikaw ang hindi ko maintindihan,” sambit niya.
Hindi maipinta ang reaksyon ko sa pagkakataong iyon. Muling naging tahimik ang paligid at tanging ang pagsipol lamang ng hangin ang maririnig.
“Noong hinatid ko siya pabalik ng Maynila, tahimik lang siya. Nakatitig sa labas. Alam kong malalim ang iniisip niya. Ayoko naman siyang tanungin. Hindi pa naman kami close. Pero hindi ko mapigilan na iiwas ang katotohanan na gusto ko pa talaga siyang makilala.”
_______________________
Nag-drive ako ng van, mabagal ang usad namin pababa ng Tagaytay . Nakatingin lang sya sa bintana na para bang may malalim na iniisip. Saka ko lang din napansin ang kanyang ganda. Ang puti ng kanyang pisngi, maging ang kanyang mga kamay. Masasabi kong mayaman siya. Ang postura niya, maayos. Maganda ang hubog ng katawan, para siyang modelo. Ano nga ba naman ang mapapala ko kung mas kikilalalanin ko pa siya? Baka madismaya lang ako habang kinikilala ko ang high class na katulad niya. Baka habang lumalalim, mahulog ako, hindi ako saluhin at bumagsak na lang sa malalaking letra na ‘UMASA.’
“Okay ka lang?” tanong ko sa kanya. Para naman siyang nagulat at tumingin sa akin.
“Oo naman,” matipid niyang sagot.
“Ayaw mo bang kumain muna?”
Sa tanong kong iyon ay nagningning ang kanyang mga mata. Ngumiti siya at muling tumingin sa malayo.
Ipinarada ko ang van sa tabi ng isang bulalohan. Nasa tagaytay pa rin kami noon. Hindi halos umuusad ang traffic kaya’t mas maigi nang kumain muna kami.
Nang makababa ay agad akong pumili ng puwesto. Pumunta ako sa isang mesa na pangdalawahan lang. Nauna siyang umupo at ako naman ay tinawag ang atensyon ng waiter.
“Dalawang bulalo boss, saka apat na kanin,” sabi ko.
“Grabe. Ang takaw mo!” sabat naman ni Charmaine.
“Sa’yo yung dalawa. Akin yung dalawa pang kanin. Anong problema doon?” tanong ko sa kanya. Umiling na lang siya habang nakangiti na tila nang-aasar.
Kumain kami ng gabing iyon. Hindi kami nag-uusap. Nagkakahiyaan pa. Siyempre kakakilala pa lang sa isa’t-isa. Pero habang tumatagal medyo nakikilala ko na rin ang mga kilos niya. Hindi nga siya isang ordinaryong babae lang. Nakakatuwa kung minsan ang mga kilos niya gaya na lang ng paglalagay niya ng ketchup sa sinabawan niya nang kanin. Napangiwi na lang ako nang titigan siya dahil sa kanyang ginawa.
“What?”
“Wala…” sagot ko na lang.
“You remind me of someone.”
Binasag niya ang katahimikan nang matapos kaming kumain. Nakasakay na kami ulit noon sa van. Hindi pa man ganoon kaluwag ang daan ay mas pinili ko na lang din mag-drive para makauwi na kami. Ilang segundo rin bago ako nakasagot sa sinabi niya.
“Sino naman?”
“My dad…” Naging seryoso bigla ang aking mukha. Tiningnan ko siya saglit at muling ipinaling ang atensyon ko sa pagmamaneho.
“Hmm. Ano bang puwede kong sabihin?” tanong ko habang nakangiti.
“Say thank you,” sabi niya habang napapangiti.
“Gago ka haha. Pinagtitripan mo ‘ko, eh.”
“Hoy makagago ka naman! Hindi pa tayo close, ‘no!” wika niya habang natatawa.
“Gumaganti lang ako…”
Nagtawanan lang kami sa loob ng sasakyan at pagkatapos noon ay muling nanahimik. Muli siyang tumingin sa labas ng bintana, tiningnan ang mga kasabayang sasakyan.
“Are you hurt?” Sinadya kong tanungin iyon.
Wala na rin naman sigurong masama. Kitang-kita rin kasi sa mga kilos niya, sa kanyang ipinapakita. Alam kong mas magiging maluwag din ang kanyang paghinga kung pumayag siyang pagsaluhan namin ang problema.
“I’m…I’m fine,” malumanay niyang sagot matapos tumingin sa akin. Hindi pa man nagtatagal ay tila pinahid niya na ang kanyang mga mata habang nakatingin sa kawalan.
“Mahaba pa naman ang bihaye, hindi naman siguro masasayang yung oras. Wala naman tayong hinahabol,” sambit ko.
“I…I am lost.”
“Hindi…kasama mo ako. Hindi tayo mawawala. Ako ang nagmamaneho,” sagot ko naman.
Tumingin ako sa kanya at ngumiti. Humarap din siya at ngumiti ngunit doon ko na nakita ang kanyang luha na unti-unting naglalamat sa kanyang pisngi.
“You wouldn’t even like the story.”
“Try me…” malumanay kong sagot.
Umandar na nang bahagya ang mga sasakyan ngunit mabagal pa rin ang usad. Muling naging tahimik. Hinintay ko ang kanyang sagot. Hinintay kong mapawi ang bara sa kanyang lalamunan dahil sa mapait na lasa ng kalungkutan.
“It’s really funny…nagbabyahe ako ng mag-isa. Para makalimot, para maiwan yung sakit. Pucha, babalik din pala ako doon,” sambit niya sabay hagulgol ng tahimik. Nagulat ako sa pagmumura niya, hindi kasi bagay. Pero alam ko sa pagkakataong iyon, wala na ring makakapigil sa pagpapakawala ng salitang iyon.
“It was stupid…really really stupid thing to do…” dagdag niya nang mahimasmasan nang kaunti.
Binuksan ko ang maliit na sisidlan sa aking kanan sa tabi ng handbreak. Naroon nakalagay ang isang rolyo ng tissue. Inabot ko iyon sa kanya. Kinuha niya naman iyon at itinago sa kanyang mga bisig na para bang niyayakap.
“Bakit mayro’n ka nito, ha? Ikaw ah!” nagulat ako nang biglang magbago ang kanyang mood. Nakangiti ngunit naiiyak pa rin.
“Eh alam mo na…mahirap mag-isa. Si Maria Ozawa na nga lang ang madalas na kapiling ko tuwing malamig…” pagbibiro ko.
Natawa naman siya, pinipigilan ang pag-iyak ngunit sumabog pa rin ang katotohanan. Muli siyang umiyak nang tahimik habang pinapahid ang mga luha gamit ang tissue na ibinigay ko.
“You broke up with him?” malumanay kong tanong.
“Yeah,” sagot niya. Hindi na ako nagsalita pa. Ngumiti na lang ako habang nakatingin sa dinaraanan namin.
“Why do I feel like I'm being judged?” tanong niya.
Tumingin naman ako sa paligid. Nagmasid dahil nagtataka kung sino ang kanyang tinutukoy. Hinaluan na rin ng pang-aasar saka muli siyang sinulyapan.
“Judge? Sino? Tayo lang dalawa ang na’ndito.”
“Ikaw! You are judging me because I broke up!” pabalang niyang sagot.
“Wala akong sinabi ah…”
“Natatawa ka eh!”
Sa pagkakataong iyon ay napapangisi na ako nang kaunti. Muli na lang akong tumingin sa aming dinadaanan at nagmaneho. Kasalukuyan nang umaandar nang maayos at magaan ang lahat.
“Sabi nila, kapag nakipagbreak ka daw…ibig sabihin ikaw yung mali. Tingnan mo sarili mo, nakipagbreak ka, pero iniiyakan mo siya,” paliwanag ko.
“Well, it’s not that easy!” bulyaw niya na parang isang bata.
Hinagis niya pa sa dashboard ang rolyo ng tissue na ibinigay ko sa kanya. Matapos noon ay naging tahimik ulit ang lahat. Muli siyang tumingin sa bintana at tila inaaliw ang sarili sa mga ilaw ng mga sasakyang kasabay. Binasag ko ang katahimikan para lang hindi maging dyahe ang sitwasyon.
“May girlfriend ako noon. Lahat naman ibinigay ko sa kanya. Time, effort, material things, maybe? Higit sa lahat pagmamahal. Pero sa dulo, tinanong ko ang sarili ko. Ano bang kulang? Saan ba ako nagkamali? Minahal ko naman siya - sobra. Yung wala na ako halos itira para sa sarili ko,” sabi ko. Napatingin naman siya. Seryoso na ang mukha ngunit mugto ang mga mata.
“You said it already,” sagot niya.
“Ang alin?”
“Minahal mo siya to the point na halos wala ka nang itira para sa sarili mo,” sagot niyang muli. Tumawa na lamang ako at tumingin sa kanyang mga mata. Pinahid pa niya ang kaunting luha bago nahiya at umiwas ng tingin.
“Tama ka. Minahal ko siya ng sobra noon na halos wala na akong itira para sa sarili ko. Kaya nga nagtataka ako kung bakit nagawa niya pa rin akong iwan,” malungkot kong sambit. Napalunok na lamang ako ng kaunting laway bago tanggalin ang garalgal sa aking lalamunan.
“I’m sorry for being insensitive,” sambit niya.
“Wala ‘yon. Tapos na ‘yon. Ayoko na lang din alalahanin,” sagot ko.
“Sana malakas ako katulad mo.”
Muli siyang tumingin sa akin sa pagkakataong iyon ay mahinahon na siya. Ngumiti lamang ako at pinagmasdan ang kanyang mga mata. Dinamdam ang bigat na kanyang nadarama at ang kanyang kalungkutan.
“I was wrong I guess,” matagal-tagal din kaming hindi nag-usap.
Muli niyang binuhay ang mumunti naming paraiso pauwi. Hindi ko na siya tiningnan. Hinawakan ko ang kanyang kaliwang kamay at tiningnan siya. Nagulat naman siya sa ginawa ko. Tinitigan niya ang kamay ko. Dyahe kaya tinanggal ko na lang ulit.
“Lahat naman siguro may rason kung bakit nila ginagawa ang mga bagay-bagay. Hindi nga lang tayo kasama sa mga rason na ‘yon,” sabi ko habang unti-unting ibinabalik ang aking kamay sa pagkakahawak sa manibela.
“Ang saya namin noon. Biruan, harutan, adventure. Kumuha kami ng condo sa Fairview. Pera ko yung ginamit. Bumubuo na kami ng mga pangarap eh. Magpapakasal na dapat kami. Tang ina! Lahat pala palabas lang.”
May bahid ng matinding galit ang mga salitang kanyang binitawan. Hindi na siya umiiyak sa pagkakataong iyon.
“Last week, I went to our place. Yung kampante pa akong pumasok sa loob kasi alam kong ako lang naman ang nandoon. Pero nung pagbukas ko ng pinto, nando’n siya. Akala ko pumasok siya sa trabaho pero…”
Muli siyang naiyak. Pinunasan niyang muli ang mga luha sa kanyang mga mata at kahit na nakatalikod pa siya sa akin ay alam kong muli na naman siyang naghihinagpis dahil sa kanyang basag na boses. Ang kuwento niya ay parang isang pelikula na napapanood ko sa aking isipan habang siya ay nagkukuwento. Hindi na nga bago ang mga ganitong kuwento sa akin. Nagbigay kaagad ako ng konklusyon sa aking isipan kung ano ang mga sumunod na nangyari. Hindi ako nagkamali.
“Putang ina niya! Nando’n siya. Lumabas yung babae niya nakakumot pa,” dagdag niya.
“A-anong ginawa mo?”
“Ayon! Nagpakatanga! Nagulat ako eh. Hindi ko alam ang gagawin ko. Ako pa yung nagsorry…tapos sinara ko pa yung pinto. Ano ‘yon wrong room?!”
Tawa na lang ang naibulalas ko matapos niya iyong sabihin. Umiwas ako ng tingin at bahagyang yumuko pero hindi pa rin naitago ang totoo kong saloobin.
“’Wag ka ngang tumawa diyan, ano ba?!” pagdadabog niya.
“Hindi mo ako masisisi. Nakakatawa eh. Sarili mong condo unit lumabas ka no’ng nakita mo yung boyfriend mo na may kasamang iba? Ano ‘yon? Iniimagine ko na, eh. Ang hinihintay kong sabihin mo eh sinabunutan mo siya, sinampal, hinatak palabas, ganon! Yung may aksyon!”
“Mukha ba akong gano’n?” malumanay niyang tanong. Ang bilis namang magbago ng mood niya.
“A-ano?”
“I mean mukha ba akong basagulera?”
“Basagulera? What a term!” Napabulalas ako ng tawa.
“Seryoso ako! Mukha bang…kaya kong manakit?”
Seryoso na nga siya. Ang mga mata niya ay nangungusap at naghihintay ng tanong. Ako naman ay titingin sa kanya, titingin sa daan, tingin ulit sa kanya, sa daan ulit at ang huli ay sa kanya.
“Ahh, hindi naman,” sagot ko.
“What do you mean hindi naman? Naman? Ibig sabihin medyo lang gano’n?”
“Hindi sa gano’n…yung porma mo kasi. No’ng nakita kita sa café kanina aaminin ko, medyo natakot ako sa ‘yo.”
’Yon naman kasi talaga yung totoo. Natakot nga ako sa kanya. Pero ang takot na iyon ay hinaluan ng kakaibang pakiramdam. Parang lasa ng kape, mapait ngunit malalasahan mo rin ang tamis sa huli.
“Do I look…bad?” Ang mga mata niya ay nangungusap muli at tila sinasabing sana hindi ko sabihin na mukha siyang masamang tao o mangkukulam o ano pa man.
“Hindi. Kakaiba lang,” matipid kong sagot. Tinitigan niya lang ako pagkatapos. Hindi ako nakatingin sa kanya pero alam kong tinititigan niya ako.
“Huwag mo nga akong tingnan ng ganyan…” nakangiti kong sambit. Hindi pa rin siya tumigil. Nakatingin lang siya sa akin. Parang isang bata na naghihintay mabigyan ng candy.
“Kakaiba lang ang suot mo. Medyo ethnic ang dating. Pero pasok sa fashion. Iniisip ko nga…fashion designer ka o kaya model. May tumama ba?”
Ngumiti na lang siya at muling tumingin sa bintana. Gaya ng ginawa niya kanina, hindi na naman niya sinagot ang katanungan ko.
“Nasaan na ba tayo?”
“Ahh, Bicutan na. Maya-maya nasa Makati na tayo. Gusto mo bang ihatid muna kita sa Fairview bago ako umuwi?”
Hindi siya ulit sumagot. Yumuko lang siya. Tila pinaglalaruan ang windshield ng bintana gamit ang kanyang mga daliri. Kinokonekta ang mga ilaw sa salamin na para bang connect the dots.
“Puwede bang ihatid mo ko?” bulong niya.
Hindi na ako nagpanggap na na hindi ko iyon narinig. Imbis na tuwa ang maramdaman ko ay lungkot ang dumaloy sa aking sistema. Nakakalungkot, masyado niyang pinaikot ang mundo niya kasama ang lalaking ‘yon. Ngayon na iniwan na niya ang taong mahal niya, nag-iisa sa mundong ginawa nila. Naghahanap ng kasama at makakaintindi sa kanya. Hindi ko nga alam noon kung ako ba dapat ang taong ‘yon.
“Please?” tanong niyang muli ngunit sa pagkakataong iyon, nakatingin na siya sa akin. Ngumiti na lang ako at tumango.