Nakaupo kami sa coffeeshop ng hotel na iyon, nagrelax, huminga at sinubukang gisingin ang sarili ko mula sa pagkahilo. Umiiling na lang at ngumingiti kapag nakikita siya sabay yuyuko at tatawa nang kaunti. Napapangiwi naman siya sa paulit-ulit na pagtingin ko sa kanya.
"Kanina ka pa hindi nagsasalita diyan, ah!" wika niya.
"Tangina...bakit ka na'ndito?!"
Ang mga ngiti niya ay biglang kumupas. Sumandal siya sa kanyang upuan at padabog na tinulak ang kape na kanyang iniinom.
"Weh, tangina pala ako, eh. Tangina ko, eh, 'no?" sambit niya na para bang nang-aasar habang tinuturo ang kanyang sarili.
"Haha. Adik. Hindi ka nagsasabi, eh, pano kung iba pala yung location namin? Mali napuntahan mo? Teka pa'no mo nga pala nalaman na na'ndito kami?"
"Magaling akong stalker, 'no! May pa-tag-tag pa yung kasama mo, nakatag kaya name mo sa sss. Hindi naman nakafilter ang mga notifs mo. Nakalagay pa yung location at yung hotel. 'Sitting pretty here in this hotel blah blah,' 'yun ang sabi ng kateam mo," wika niya habang nilalaro ang kanyang kamay at nilalaro ang mukha. Napangiti na lang ako ulit at natawa.
"Arte ng kateam mo, 'no? Makapost sa sss kala mo bading, eh," dagdag niya pa sabay higop ng kape gamit ang straw.
"Si Greg? Haha, yaan mo 'yon."
"Tapos kung makabully akala mo ang perfect...bading naman," pang-aasar niya ulit. Halos tumulo naman ang yelo mula sa frappe na iniinom ko dahil sa pagtawa.
"Ay pucha sorry," sabi ko sabay kuha ng tissue habang nakatakip ang ilong.
"My gosh hahaha. Ngayon lang kita nakitang tumawa ng ganyan, ah!"
"Eh ikaw din bully ka, eh!" sabi ko habang nagpupunas ng ilong.
Hindi naman siya nagsalita. Bagkus ay tiningnan niya lang ako sa aking mga mata. Ang mga ngiti niya ay tila lumalalim at ang mga mata niya ay nahahaluan ng kalungkutan at pagkaseryoso.
"Na-miss mo ako, 'no?"
"Ha?" tanong ko naman sa kanya.
"Siraulo ka pala, eh! Halos 1 week hindi ka kumontak tapos ang sasabihin mo lang sa akin ngayon eh, bakit ako na'ndito? At 'ha?' Nakakagago 'to." Salubong ang kanyang mga kilay pero ang ganda niya pa rin talaga.
"Sorry na, kala ko kasi..." hindi ko tinuloy ang sasabihin ko. At oo, gusto ko siyang gawing manghuhula. Uminom na lang ako ulit ng frappe at umubo nang kaunti.
"Kala mo galit ako?" malumanay niyang sambit. Tumingin ako sa kanya at tumango.
Naging tahimik ang lahat at tila naging seryoso ang mood sa loob ng café. Naglalabasan na ang ilang mga bisita. Ang ibang mga waiter naman ay tila nagliligpit na sa ibang mga mesa na hindi naman nagamit. Hinintay ko lang ang mga salitang bibitawan niya bago ako umimik.
"Pusong mamon! Bakla ka rin siguro, 'no?"
"Ano?!" gulat kong tanong.
"Ang sensitive mo kasi!"
"Hindi ako bakla, ah!" ngiti kong sagot.
"Anuhin pa kita diyan, eh..." sinundan ko naman ng bulong.
"Go!" sambit niya ng malakas sabay lapit ng kanyang katawan sa akin na nang-aasar pa rin.
Natawa lang ako sa kanyang ginawa. Nakikita ko naman ang ilang mga waiter na nakangiti habang kami ay pinagmamasdan.
"Pero seryoso...hindi talaga ako nagpakita. You're mad. I ruined your day."
"No!" putol niya sa aking sinasabi.
"He ruined my day...hindi nga lang day, week!" Napangiwi ako. Napataas na lang ang isa kong kilay habang nakatingin sa kanya.
"Langya...Nakipagkita siya?" nanlalaki ang mga mata ko habang nakatingin sa kanya at nakangiti. Iniimagine ko ang scenario. Napaka-intimate ng mga pangyayari sa isipan ko pero ang imahinasyon kong iyon ay bigla niyang binasag at sinira.
"He drove me crazy!"
"A-ano?!" lalo akong napangiwi.
"Pumupunta siya sa condo...nambubulahaw, nangangatok. Nakakainis nga kasi ako yung sinisisi ng mga kapitbahay kasi ang ingay. There's this one night na pumunta siya ng condo, lasing, asking for forgiveness at maging kami ulit, eh ayoko ng maingay kaya pinapasok ko..."
"Maging kayo ulit? Nakalagay dun sa sulat na binigay niya sa 'yo na he's not asking to be back in your life...forgiveness lang daw," sabi ko. Sinipsip ko hanggang kadulo-duluhan ng frappe ang straw sa aking bibig habang nakatingin sa kanya.
"Oo nga, pinatawad ko na siya," sagot naman ni Charmaine. Sinamahan pa ng kibit-balikat matapos niyang bitawan ang mga salitang iyon. Napapikit na lang ako at napailing.
"Bakit?" tanong naman niya. Ang ngiti sa aking mga labi ay pansamantalang nawala. Naging maasim ang kanina lamang ay matamis. Naging mapait ang kanina lamang ay malamig.
"Hindi na naging kami..." tiningnan niya ako habang nakangiti at parang nang-aasar ang tingin.
Hindi naman naitago ng pisngi ko ang tunay kong nararamdaman. Ang asim ay muling nabalutan ng tamis. Ngumiti ako at napangisi nang kaunti. Hinigop kong muli ang straw kahit puro yelo na lamang ang aking naiinom.
"Share?" sabi niya naman habang inilalapag sa gitna ang kanyang frappe na hindi niya maubos.
________________________
"Pupunta ba ako dito kung nagkabalikan kami? Gago ka ba?" sambit niya.
Naglalakad kami noon sa highway. Nag-aabang na rin ng masasakyan patungo sa isang lugar na alam daw niya. Hindi naman ako nakapagsalita. Nakinig lang ako sa paliwanag niya at sa kanyang boses. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala dahil narito siya ngayon sa tabi ko. Malayo ang binaybay niya para lang puntahan ako. Sa isip ko ay nakikinita ko na ang dahilan. Pero napakawalang kwenta ko naman yatang lalaki para hindi maappreciate ang ginawa niya. Siya pa 'tong babae, siya pa 'tong pumunta kung saan ako naroon.
"Eh, anong sinakyan mo? Ang bilis mo naman yata?"
"Eroplano..." sagot niya. Tumalikod pa siya upang humarap sa akin dahil sa pagbagal ko ng lakad.
"Huh?!"
"Hindi mo alam na may airport dito sa Bicol?!" tanong niya.
Ako naman si tanga, walang alam. Hindi ko naman kasi talaga alam na may airport pala dito sa bicol. Baka nga ako lang talaga ang hindi nakakaalam.
"H-hindi..." nahihiya kong sagot.
"Haha! Sa Bicol International Airport. Sa Albay! Hindi ka pa nakapunta dito, 'no?"
"Nakapunta na pero sa CamSur lang...noon, pero promise. Hindi ko talaga alam na may airport dito. Langya...high-tech," sarkastiko kong sagot.
"Haha...ngayon alam mo na," sambit niya naman.
Sa pagkakataong iyon ay pumara na siya ng isang bus. Agad kaming sumakay at kahit na hindi ko alam kung saan talaga kami papunta ay sumunod na lang ako sa kanya.
Magkatabi kami sa pangtatluhang upuan na bus. Ang mga gamit namin ay nakapatong sa upuan na malapit sa bintana. Siya ang nasa gitna at ako naman ang nasa gilid kung saan katabi ko sa aking kanan ang daanan ng mga pasahero. Inayos ko pa ang bag niya sa ilalim. Na-conscious yata siya sa ginawa ko dahil napataas ang kamay niya habang ako naman ay pilit na sumisiksik sa kanyang mga hita. Hindi ko na sinubukang galugarin pa ang ilalim ng upuan na iyon. Naisip ko na rin kasi na parang ang awkward na ng ginagawa ko.
"Sorry, inaayos ko lang..."
"Sus, defensive..." bulong niya naman.
Ngumiti na lang ulit ako at umiling. Siya naman ang sumunod na nag-ayos ng kanyang bag. Para mabasag naman ang namumuong harang sa amin ay nagtanong na lang ako.
"Eh ilang oras ang biyahe mo?"
"Siguro less than 30 minutes sa plane? Tapos mga 45 minutes from Albay hanggang sa location niyo. Bali nagtravel lang ako kung susumahin mga 5 hours," sagot niya.
"Hulaan ko, mas matagal pa ang byahe mo mula Fairview hanggang Pasay kesa Pasay hanggang Bicol," natatawa kong sambit.
"As usual...ay nako, sana nga may cable cars o zipline na lang sa EDSA," sagot niyang muli.
Tumingin siya at ngumiti at pagkatapos ay sumandal na sa kanyang inuupuan at pumikit. Pinagmasdan ko lang ang maamo niyang mukha, nakasandal ang noo ko sa harapang sandalan habang nakatingin sa kanya. Hindi ko talaga alam kung bakit niya pa ako kailangang puntahan sa ganoon kalayong lugar. May nararamdaman na ba talaga siya para sa akin?
Nalukot lang ang mukha ko, naalala ko ang mainit niyang halik sa akin bago kami pumunta ng Panggasinan. Bugso lang ng damdamin, iyon lang ang naiisip kong dahilan noon. Ang importante lang ay masaya siya...masaya rin ako. Pero binasag ng mga binigkas niyang salita ang haka-haka ko.
"Hindi ka mahirap mahalin," bulong niya.
Kalahating tulog at kalahating gising ang ulirat niya habang nakatingin sa akin at nakangiti. Maya-maya pa ay muli siyang pumikit at isinandal ang ulo niya sa aking balikat. Ngumiti na lang din ako at sumandal sa kanyang ulo kahit na alam kong parang hindi ako nararapat na sabihan niya noon. Baka nananaginip lang siya. Pero bakit parang tama? Sinubukan kong hawakan ang kamay na nakapatong sa hita niya, dampi lamang ang nagawa ko sa kanyang daliri. Hindi na ako nangahas pa.
_________________________
"Kung ano yung ikinalakas ng loob ko noon na makilala siya, saka naman naging mahiyain ang pagkatao ko pagkatapos," sambit ko.
Kinuha ko ang bato sa ilalim ng aking hita at pinaglaruan sa aking kamay. Sinukat ko pa ang batong iyon, itinapat ko sa harapan ko at pinantay sa laki ng bulkan na nakahiga sa malawak na lawa.
"Ito siguro yung takot ko, kung paano ko tingnan yung takot ko kaysa sa realidad," wika ko.
Ibinaba ko ang bato, pinagmasdan ko sa aking bisig at muling tumingin sa bulkan. Kinuha naman ni Jen ang batong 'yon at ibinato sa bangin.
"Expectations..." wika niya.
"Reality," dagdag niya naman habang nakaturo ang kanang hintuturo sa malaking lawa.
Tumawa na lang siya. Natawa na lang din ako sa ibig niyang sabihin ngunit matapos ang munting kasiyahan na iyon ay muling humupa ang ngiti.
_________________________
"Ian...Ian gising...andito na tayo," sambit ni Charmaine.
Nakanganga pa ako nang tapikin niya ang pisngi ko at ang maamo niyang mukha ang agad na bumungad sa akin. Nangingiti pa siya na parang nang-iinis.
"N-nakatulog pala ako?" sagot ko.
"Oo, medyo malapit lang naman tayo galing sa city, but still kinda far," sagot niya. Agad siyang tumayo, ako naman ay kinuha ang mga bag na nakasandal sa tabi ng kanyang upuan.
"Irosin na, Irosin na!" sigaw ng konduktor. Agad naman akong tumayo at naglakad patungo sa harap.
"Manong...may sakayan dito pa-Bulusan?" malambing namang tanong ni Charmaine.
"Iyo...duman sa balyo may jeep," sagot naman ng konduktor. Tinulak naman ako ni Charmaine upang bumaba na.
"Salamat po!" malambing na sagot niyang muli.
"Ano daw?" hindi ko naintindihan ang sinabi ng konduktor kaya ako bumulong.
"Doon daw sa kabila, tara."
"Naintindihan mo 'yon?" tanong ko habang nakangiti.
"I don't know...instinct maybe? Eh nagtuturo siya doon eh ibig sabihin doon," natatawang sagot ni Charmaine. Madilim na noon at halos wala nang tao sa highway na aming nilalakaran. Tumawid kami at sa isang maliit na terminal ay doon kami tumambay.
"f**k walang jeep!" sabi niya.
"Ay nako. Ala-una na kasi po. Saan ba kasi tayo pupunta? Eh, mukhang liblib na dito," sagot ko naman.
"Basta. I miss that place, eh sakto andito lang naman kayo. Kaya pumunta na rin ako," naiinis niyang sambit. Patingin-tingin siya sa malayo, umaasa na may sasakyan o jeep na dadaan sa aming harapan.
"So pumunta ka dito para mapuntahan yung lugar na 'yon? Hindi para sa akin?" tanong ko habang nakangiti. Tumingin naman nang masama sa akin si Charmaine habang nakangiti din.
"Ay nako, hirap maging option..." sabi ko habang tumitingin-tingin sa kalangitan.
"Gago ka!"
"Hindi mo pala ako na-miss talaga..."
"Stop it!" nangingiti niyang sambit.
"Tapos wala pa tayong masakyan...option lang ako, gutom pa ako. Haay, ang saklap ng buhay ko," pagda-drama ko kunwari.
"Hindi ka option! I want you to see that place! Okay?" medyo naiinis niyang tugon.
"Akala ko ba hindi ako mahirap mahalin sabi mo?" tanong ko.
"What? Sinabi ko ba 'yon?" Kahit na may kadiliman sa puwesto namin ay hindi ako nahirapang sipatin ang namumula niyang pisngi.
"Hindi ko alam kung tulog ka kanina o gising, pero 'yan ang sinabi mo sa 'kin," sabi ko. Hindi naman siya nakapagsalita. Tumalikod lang siya sa akin at kunwaring hindi narinig ang sinabi ko.
"Mukhang wala pa namang darating na jeep, puwede pa naman nating pag-usapan 'yon," basag ko sa katahimikan. Tumingin siya sa akin at ngumiti.
"It's true..." sagot niya nang mabilis.
"Hindi ka mahirap mahalin, pero baka mahirapan ka sa akin," sagot niya.
Biglang naging malungkot ang kanyang mukha. Hindi ko naman naintindihan ang kanyang sinabi. Saka naman gumuhit sa malayo ang dalawang bola ng ilaw. May sasakyan na parating. Kumaway si Charmaine at bumusina naman ang jeep na iyon.
"Sain kamo?" tanong ng driver sa amin.
"Ahmm. Bulusan po?" sagot niya. Napangiwi na lamang ako. Hindi ko alam kung nakakaintindi siya ng Bicol at pinagtitripan niya lang ako o nanghuhula lang siya.
"Tara!" sagot naman ng driver. Agad kinuha ni Charmaine ang braso ko at hinatak papasok ng jeep.
"Sa may beach resort kayo?" Bahagyang naging baluktot ang pagta-tagalog ni kuyang driver. Halatang sinubukan na makipag-usap sa wikang tagalog. Siguro naisip niya din na taga-Maynila talaga kami.
"Opo!" malambing na sagot ulit ni Charmaine.
"Ang cute mo sumagot, 'no?" sabi ko.
"Alangan namang pasigaw. Dapat kapag gano'n may lambing, para hindi galit. Ayoko kasi nung iba nagtatanong na nga ang tono parang galit pa. Akala mo sila pa yung naagrabyado at nakaabala," sagot niya.
"I like your way of thinking..." sabi ko na may pagkasarkastikong tono. Tinaas niya lang ang kilay niya at tila nang-iinis na naman habang tumitingin sa harap ng jeep.
Nasa likod ako na bahagi ng jeep, siya naman ay nasa kaliwa kong tabi. May dalawa pang sakay ng jeep na iyon. Dalawang matanda at ang kanilang mga naglalakihang mga bayong na naglalaman ng mga gulay at buko. Tulog na tulog ang dalawa at halatang pagod na pagod. Sa pagmamasid ko sa kanila ay hindi ko napigilan ang humikab.
"Are you okay?" tanong niya. Ngumiti lang ako at tumango habang nasa kalagitnaan pa ako ng paghihikab.
"Hindi ka inaantok?" tanong ko sa kanya.
"Inaantok..." paawa effect pa ang mukha niya habang nakatingin sa akin.
Itinaas ko naman ang kaliwa kong kamay upang akbayan siya. Dahan-dahan kong hiniga ang ulo niya sa aking balikat. Saka lang ako pumikit at sumandal sa harang na nasa aking likod. Hindi ko na inisip kung ano ang iisipin niya. Ang gusto ko lang talaga ay maiparamdam sa kanya na masaya ako na nasa tabi ko siya. Masaya ako na pinuntahan niya ako kahit hindi ko talaga alam kung saan kami pupunta.
Hindi siya pumalag. Habang ibinababa ko ang ulo niya sa aking balikat ay dahan-dahan niya namang nilambutan ang kanyang bisig. Saka siya sumandal sa akin nang mahanap niya na ang kumportable niyang posisyon. Ngumiti ako nang kaunti, ninamnam ko ang sandali, ayoko nang tumigil sa pag-andar ang jeep na iyon.
_______________________
"You were waiting...both," nakangiting sambit ni Jen. Napapikit lang ako.
"Hinintay namin yung pagsikat ng araw doon sa beach. Hindi kami kumuha ng cottage o room, sa buhangin lang, naglatag kami ng mga damit, humiga...nagkumot ng jacket, naghintay. Yung moment na 'yon yung ayoko ring ma-miss. Gising lang ako habang siya natutulog at nakayakap sa akin. Simula sa dilim hanggang sa pagsikat ng araw, sinilayan ko lang ang malungkot at nangungulila niyang mukha. Nang masinagan na ng araw ang mukha niya, saka lang siya gumising. Nagmamadali pa siyang umupo para lang makita ang pagsikat ng araw. Umupo rin ako at nakita kung paano kumalat sa kapaligiran ang liwanag ng araw. Mas lalo kong nakita ang ganda ng paligid, dahil kasama ko siya," pagpapatuloy ng kuwento ko.
"You were waiting for that right moment. At noong dumating na?" tanong ni Jen na para bang nasasabik sa susunod niyang maririnig. Ngumiti lang ako at huminga nang malalim.
________________________________
"A-ang ganda..." sambit ko habang nakangiti.
"Never gets old!" wika niya.
Tiningnan ko ang mga mata niya. Namumuo pa ang luha sa kanyang mga mata habang tinitingnan ang pagsikat ng araw. Maya-maya pa ay tumingin siya sa akin, umusog sa aking puwesto at binigyan ako ng isang mainit na yakap.
"Charmaine? Bakit?" Ramdam ko ang paghikbi niya habang ibinabaon niya ang kanyang mukha sa aking dibdib. Hinimas ko na lamang ang kanyang malambot na buhok upang siya'y pakalmahin.
"Hey. It's okay...it's okay," paulit-ulit kong sambit. Matapos ang ilang segundo ay saka niya muling sinilayan ang araw. Parang isang batang umiiyak na tumingin sa malayo. Humikbi pa siya at huminga nang malalim.
"Okay ka na?" tanong ko.
"Shet ang ganda talaga," sambit niya.
Muli siyang yumakap at umiyak habang muling sumisiksik sa aking damit. Napangisi na lang ako. Sa pagkakataong iyon iniisip ko na talagang nagti-trip siya.
Matapos ang ilang oras na pagsilay sa araw ay saka kami bumangon, kinuha ang mga damit na inilatag namin upang kami ay makahiga sa pinong buhangin at saka kumuha ng room para makatulog. Pagod talaga ako noon. Wala pa halos akong pahinga dahil sa coverage ng kasal. Inaayos ko ang aking mga gamit habang siya naman ay dumeretso na sa pagtulog sa malambot na kama. Napangiti na lamang ako habang pinagmamasdan ang kanyang pag-ikot at pagyakap sa unan. Binuksan ko ang bag ko upang tingnan ang ilang mga gamit at doon tumambad sa akin ang papel na ibinigay sa akin ni boss Ronald nang kami ay nasa hotel.
"Singapore..."bulong ko.
Napatitig lamang ako saglit sa kawalan at muling tumitig sa papel. Hinawakan ko iyon at napailing na lang. Sinara ko ang bag, tumitig muli kay Charmaine na kasalukuyan nang nakatulog. Ngumiti na lamang ako, kahit sa likod ng ngiting iyon ay may nagtatagong pag-aalala.
_____________________________
"Kung bata pa ako...kung mayaman na ako noon, ano kayang mangyayari, 'no? Kung nakilala ko yung bestfriend mo tapos mayaman ako..." hindi ko na itinuloy ang sasabihin ko. Tumingin na lang ako kay Jen at naghintay ng kanyang sasabihin.
"I don't know...malaki ang epekto ng oras sa tao. Kung hindi maagang kinuha ang mama mo, tingin mo ba mago-OFW pa ang papa mo? Kung natuloy ang kasal noon nina Charmaine at Jerrick, tingin mo masaya siya? Yung mga oras na 'yon na nakita niya si Jerrick sa condo na may iba, and after a week nagkakilala kayo...tingin mo aksidente lang?" tanong niya.
"Kapalaran?" sambit ko.
"Destiny..." sagot naman ni Jen. Tumingala na lamang ako at pinanood ang mga ulap na mabilis na gumagalaw sa kalangitan.
"Hindi kaya yung mga desisyon natin ang nakakaapekto sa kung sino tayo ngayon?" tanong ko. Hindi ako umaasa ng sagot pero agad siyang nagsalita.
"If you pursue being an engineer rather than a photographer, will it make a difference?"
"Hindi ko siguro siya makikilala...pero bakit nga ba kailangan kong lumayo?"
____________________
"Nagalit ka ba?" tanong ni Charmaine. Nagdikit lang ang mga kilay ko at kumunot ang aking noo nang itanong niya iyon sa akin habang ngumunguya ng pagkain.
"Sa ex mo?"
"Hindi...sa akin, kaya ka lumayo?"
Nanahimik lang ako at kumain. Sa totoo lang ayoko nang pag-usapan ang gabing iyon. Ang gabing nasira dahil sa ex niya na nag-abot pa ng bulaklak at sulat.
"Tell me!"
Halos ibagsak niya ang kanyang dalawang kamay sa mesa. Tumalbog at kumalansing pa ang kutsara at tinidor sa kanyang plato at ang tubig naman mula sa aming mga baso ay halos matapon na. Ang mga tao naman ay natahimik, natigil sa pagkukwentuhan at napatingin sa amin.
"Huy...anong nangyayari sa 'yo?" bulong ko. Ayokong gumawa siya ng eskandalo kaya't nginitian ko siya habang nakatingin sa kanyang mga mata.
"You didn't tell me how you feel. Kagabi ka pa! Gusto kong marinig sa 'yo kung bakit hindi ka nagpakita ng halos isang linggo," sambit niya. Nagulat na lang ako sa pagiging demanding niya.
"S-sandali...akala ko napag-usapan na natin 'to kagabi. Marami kaming shoot, sunod-sunod. Bihira lang mangyari 'yon sa amin kaya syempre kinuha na namin yung opportunity."
"No! Hindi 'yan ang gusto kong marinig!" padabog niya namang sagot. Uminoom na lang ako ng tubig nang mabilis at halos mabulunan pa para lang makasagot sa kanya at siya'y mahimasmasan.
"Sandali lang...'wag naman dito. Ang daming tao, oh," saway ko sa kanya. Tumingin na lang ako sa paligid at sa mga tao na kumakain sa resto na iyon sa loob ng resort.
"Just tell me!"
"Oo na, oo na...kalma," sabi ko. Huminga lang ako nang malalim at muling nagsalita.
"Nagalit ako...sinabi ko naman siguro 'yon kagabi. Tsaka ano...nainsecure ako. Ayon," sagot ko.
"Bakit? Bakit kailangan mong lumayo?" tanong niya. Malungkot ang mukha niya habang sinisipat ang aking mga mata. Napapikit na lang ako at muling nagsalita.
"Sorry...hmm. Sorry, insecure ako. Insecure ako sa ex mo...may bulaklak pa, may sulat pa. Ako, ano ba ako? Isang hamak na photographer, walang ibang kayamanan kundi dalawang camera...isang tripod. Pumasok nga sa isip ko sa isang linggong 'yon...kung tama nga ba na nakilala kita. Kasalanan ko eh, wala naman pala akong ibabatbat pero sinubukan ko pa," wika ko.
Humulas ang mga ngiti sa aking pisngi at unti-unting lumilitaw ang mapait na katotohanan na inihain ko sa aming harapan. Nakakunot naman ang kanyang noo at nakatingin sa aking mga mata. Malungkot din at tila hinahanap ang sagot na gusto niyang marinig.
"Kaya kung mapapansin mo, medyo malamig ako. Hindi na ako gaya nang dati...yung nagjojoke, yung masayang ako. Ewan ko ba. Lahat 'yon nawala no'ng nalaman kong...may hangganan pala ako," dagdag ko. Natahimik ako pagkatapos at tumingin sa bintana kung saan kita ang malawak na dagat.
"Ako ba ang kalungkutan mo?" dinurog ng tanong na iyon ang pagkatao ko. Ni wala akong maisip na dahilan kung bakit niya iyon kailangang tanungin sa akin.
"No...bakit mo sinasabi 'yan?" tanong ko sa kanya habang pinipilit na ngumiti.
"Ipinakilala mo ako sa isang tao na alam kong magiging masaya ako. Pero yung taong 'yon, unti-unting nawawala. Where the hell are you Ian?" tanong niya. Hinawakan niya ang kamay ko at tumingin sa akin.
"'Wag mong gawin 'to Charmaine...hindi naman big deal 'to. Isang linggo lang akong nagpahinga..."
"Yung isang linggo na 'yon, marami na tayong napuntahan, naging masaya sana tayo. 'Yon yung hinanap ko...bakit kailangan mong lumayo?!"
"Dahil hindi ko alam kung anong meron sa atin! Yun ba yung gusto mong marinig?" tanong ko sa kanya.
Nagliwanag na sa wakas ang kanyang aura ngunit mas lalong nangibabaw sa akin ang kalungkutan. Binitawan niya nang marahan ang aking kamay at yumuko.
"Sorry...pero 'yan kasi talaga yung gusto kong malaman," dagdag ko.
"You never asked," sagot niya naman.
"Asked? Ask what? Isa't kalahating buwan pa lang bago kayo magkahiwalay. May respeto ako doon sa tao kahit papaano. Hindi siya nagpakita ng pagiging barubal niya. Hayaan mo akong ibigay sa kanya yung respetong nararapat sa kanya," sagot ko. Napalunok na lamang siya ng kaunting laway at muling tumingin sa akin.
"Eh bakit mo ako tinatanong kung ano ang mayroon sa atin?" isang tanong na bumasag sa aking kamalayan. Bakit nga ba?
Noong mga panahon na kakakilala ko pa lang sa kanya parang ang lahat ay okay lang hanggang sa umabot ang ilang linggo at isang buwan. Pero noong nagpakita na yung ex niya, parang biglang nagbago lahat. Masasabi kong may nagbago nga, malaki, at kapansin-pansin.
___________________________
"Kailan ba tumitigil ang pagmamahal? Kapag ubos na ang kilig? Kapag wala nang spark? Kapag naglaho na ang masayang nararamdaman? Kapag nagsawa na? Kapag puti na ang mga buhok at kulubot na ang balat at handa nang tanggapin ang katotohanan...na ang lahat ng bagay sa mundo ay hindi nagtatagal?" tanong ni Jen. Tumingin siya sa aking mga mata, tila may mas malalim na katanungan sa likod ng lahat ng iyon.
"Kapag ang isa sa inyo ay sumuko na," sagot ko.
"Kaya ka ba tumakbo sa kasal?" tanong niya. Nang-uusig ang kanyang tinig. Yumuko na lamang siya at inis na tumingin sa malayo.
"Mahal ko siya...mahal na mahal," wika ko. Umiling na lang ako at ngumiti.
"Pero alam kong mas magiging masaya na siya."