Kabanata 3
"Senyorito Zsa–" Napatigil ako nang umangat ang kaliwang kamay nito.
"Masiyado kang pormal. Mas gusto ko pa rin na tinatawag mo ako sa pangalan ko, Gel," Lumambot ang puso ko sa kanyang sinabi ngunit may agam-agam pa rin ako.
"Sige Zsakae," sang-ayon ko.
"Kumusta ka kanina?" Kumunot naman ang aking noo.
"Kanina?" Bahagya niya akong nilingon. "Sa kalsada," aniya. Napaawang ang aking
bibig. Kung gano'n ay siya nga ang nagligtas sa akin kanina.
"Salamat," matipid ko na lamang na wika.
Hindi ko na itatanong kung bakit at kung paano niya ginawa na mapalabas na si Mang Greg ang nagligtas sa akin. Ang importante ay alam kong siya nga iyon.
"Kaibigan mo pala ang Seltzer na iyon," aniya. "Oo at pakiusap ko sana sa iyo ay huwag mo
siyang sasaktan." Tinitigan niya lang ako. "Maglinis ka na," utos niya.
Pumasok naman ito sa isang silid at hindi na nag-abala pang lingonin ako. Laglag ang aking mga balikat at napabuga ng hangin. Maglilinis ako sa isang silid na wala namang agiw o kaya'y alikabok man lang.
Naghagilap ako ng basahan at saktong may nakita ako sa
ilalim ng kanyang kama. Nagsimula na akong abalahin ang aking sarili. Naisip ko, hindi naman niya ako inaabuso dahil sa katunuyan pa nga niyan ay may suweldo naman akong matatanggap mula sa pagsisilbi ko sa kanya. Nailing na lamang ako at ipinagpatuloy ang aking ginagawa. Mabuti na lang talaga at wala na kaming pasok ngayong tanghali. Bigla namang bumukas ang pinto sa kung saan ito pumasok kanina. Laglag ang aking panga dahil wala itong suot na pang-itaas nang ito'y lumabas. Napalunok pa ako nang lumapit ito sa akin.
"Damit," tipid niyang wika. Napalunok ako ulit. "Ha? Damit? Oo! Teka!" Kumilos ako agad at
muntik ko pang masagi iyong plorera dahil sa aking pagkataranta. Agad na pinuntirya ng mga mata ko ang kanyang tukador at naghanap ng kamiseta para sa kanya.
"Itim," gulat ko pang sambit dahil puro itim talaga ang kanyang mga damit.
"Gel," anito.
"Oh?" baling ko rito at bigla na lamang itong napaluhod.
"Zsakae!" Agad ko siyang nilapitan pero itinulak niya ako dahilan para ako'y tumilapon at tumama sa silya ang aking binti.
"Ugh!" ungol nito. Biglang pumuti ang kanyang mga buhok at naging mas brusko ang pangangatawan nito.
"Labas na Angelika!"
Nagulat ako sa kanyang pagsigaw kaya diretso akong napalabas ng kanyang silid. Duguan ang aking binti kaya nagmadali ako sa pagpasok sa aking silid. Sa sobrang kirot at hapdi ay diretso akong napasalampak sa sahig. Mariin kong nakagat ang aking labi. Pinagmasdan ko ang aking sugat sa binti. Unti-unti na itong gumagaling. Nasapo ko ang aking dibdib. Nag-aalala ako kay Zsakae. Alam ko, kakaibang nilalang din siya pero sa nasaksihan ko kanina ay mukhang hindi maganda ang lagay niya.
Napatayo ako agad at naghanap ng basahan para punasan ang mga patak ng aking dugo sa sahig.
"Angelika! Nariyan ka ba!? Sumagot ka!
Wawasakin ko ang pinto mo!" Lumapit ako agad at pinagbuksan ng pinto si Kaye.
"Makasigaw ka naman." Pumasok naman ito agad sa aking silid.
"Nag-aalala ako sa iyo Angelika. Naamoy ko kanina ang dugo mo. Ano ba ang nangyari?"
"Nadulas lang ako at nasugatan ng konti. Huwag ka na mag-alala," nakangiti ko pang sagot sa kanya.
"Kumusta naman 'yon!" Si Zsakae ang kanyang tinutukoy.
"Maayos naman siyang amo," sagot ko at agad na umiwas sa kanyang mga mata.
"Sa oras na bumigay ka'y nandito lamang ako." Mapait akong napangiti.
"Oo naman." Pinagsanib naman nito ang kanyang mga kamay.
"Wala tayong pasok kaya ipapasyal kita." Agad akong umiling.
"Baka kailanganin niya ako. Tiyak na malalagot ako kapag hindi ko nagampanan ang tungkulin ko sa kanya. Bumuntong-hininga naman ito.
"Sabihin mo lang kung nahihirapan ka na." Matabang akong napangiti.
"Maayos ako. Huwag kang mag-alala." Nailing lamang ito at napahalukipkip.
"Gel..." Natigilan ako sa mahinang bulong ng hangin sa akin.
"Angelika, bakit?" ani Kaye.
"Ha? Wala! Maari bang iwanan mo muna ako?
Gusto ko muna mapag-isa." Kumunot naman ang kanyang noo.
"Sige," sang-ayon nito sa huli. Bakas ko sa kanyang mukha ang matinding pag-aalangan ngunit mas pinili nitong manahimik at lumabas na lamang sa aking silid.
"Bakit ko ba siya naririnig?" bulong ko sa kawalan.
"Angelika..." muling tawag nito sa akin dahilan para matigilan akong muli. Nakuyom ko ang aking mga kamao at lumabas sa aking silid. Lumakad ako palapit sa kabilang silid. Nanginginig pa ang aking mga kamay nang abutin ko ang seradora. Hindi ko inaasahan ang ginawa niyang pagtabig sa akin kanina. May kalakasan din iyon at hindi na ako nagtaka kung bakit agad akong nakabawi. Kakaiba ako at alam ko iyon. Itutulak ko na sana ang pinto ngunit bigla naman itong bumukas. Agad nanigas ang aking leeg nang bumungad sa harapan ko si Zsakae.
"S-senyorito Zsakae, bakit po?" Napalunok ako.
Matalim niya akong tinitigan at hinagod ng kanyang mga mata ang aking kabuuan.
"Nasugatan ka?" Agad akong umiling. Muli niya akong tinitigan.
"Maghintay ka rito," aniya.
Bago pa man ako makasagot ay agad na niyang naisarado ang pinto. Marahas akong napabuga ng
hangin. Bakit ba ako kinakabahan ng matindi? Dapat nga ay magalak ako dahil ang dati na pinapangarap ko lang ay kasa-kasama ko na ngayon. Dapat ba talagang magdiwang ako? Laglag ang aking balikat. Bigla namang bumukas ang pinto dahilan para mapatayo ako ng tuwid. Tinitigan niya lang ako at umuna nang lumakad. Napakurap ako at agad na sumunod sa kanya. Nakatungo ako at tahimik lamang na nakasunod sa kanya. Kapag ganito ay parang nakararamdam ako ng kaginhawaan. Ibang-iba na talaga siya sa dating Zsakae na aking kilala. Pero kahit ganito siya ay laking pagtataka ko kung bakit hindi man lang nabawasan ng kahit isang porsyento man lang ang pagkagusto ko sa kanya. Sadya ngang nakamamartir ang pagmamahal.
Napabuga ako ng hangin. Nang bigla na lamang akong nauntog sa matigas na bagay.
"Aw," daing ko at napatingala. Namilog ang aking mga mata dahil dalawang pulgada na lang ang layo ng mga mukha namin sa isa't isa.
"Hindi ka nakikinig."
"Ah ha? May sinasabi ka ba? Ah? Ano po 'yon, senyorito?" Naningkit ang kanyang mga mata at talaga nga namang tumitig pa ako sa mga mata nitong kulay abo.
"Zsakae," aniya. Napalunok ako at bahagyang umatras.