SKYE
"Good morning, Skye."
"Good morning," sambit ko kay Rowan na nakasalubong ko at bumati sa 'kin pagpasok ko sa opisina. Isa ito sa mga game developers ng MG-Tech In.
Dumeretso ako sa workstation ko. Bahagya pa 'kong nagulat nang naroon na si Cliffer sa table niya at mukhang busy na sa ginagawa. Magkatalikuran ang puwesto namin. Ngumiti ako nang tumingin siya sa 'kin. He just nodded in response. Nang mapasulyap ako sa laptop monitor niya, nagco-compose siya ng email. At bago ko pa man mabasa ang nilalaman no'n, mabilis niyang na-minimize ang window at ang lumabas na ay ang ginagawa niyang new character sa PaintTool SAI. Muli akong ngumiti nang taasan niya 'ko ng kilay.
"Let's talk later." Akala ko ay ako ang kausap ni Cliffer. Akmang sasagot ako nang mapansin kong may nakakabit na wireless Bluetooth earpiece sa kanang tainga niya. Iniikot niya ang upuan at humarap muli sa monitor niya. "I have to hang up. Ise-send ko na lang sa email mo ang needed mong file, One."
May kung anong sumipa sa dibdib ko nang marinig ang pangalang iyon. And my genuine smile was then replaced by a bitter one. Bago pa man iyon makita ni Cliffer ay tumalikod na 'ko. Inilapag ko ang shoulder bag ko sa ibabaw ng table at umupo sa upuan ko. Nang magbukas ang laptop ko, nagkunwari na agad akong abala sa ginagawa ko. Hindi ako lumingon kahit ramdam ko ang titig ni Cliffer mula sa likuran ko.
"Nag-breakfast ka na?"
"Busy ako."
Mariin kong pinaglapat ang mga labi ko nang magkasabay kaming magsalita ni Cliffer. Sa gilid ng mga mata ko, iniurong niya ang upuan niya sa tabi ko at ngumiti. Ngiting mapang-asar.
"Ang tanong ko ay kung nag-breakfast ka na."
"Oo. Heavy breakfast pa," sagot ko nang hindi pa rin lumilingon sa kanya.
Tumango-tango siya. "Kinukumusta ka nga pala ni One."
"As if," nakaismid na sagot ko sa sinabi niyang iyon. At ngali-ngali ko siyang batukan nang mahina siyang tumawa. Pinigilan ko lang ang sarili ko.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na inasar niya 'ko tungkol sa pangungumusta sa 'kin ni One. Tandem pa sila minsan ni Lander sa pang-aasar. Mas malala lang mang-asar ang huli. Mag-o-overseas call sa 'kin at magpapakilalang One. Kung hindi ba naman mga siraulo. Tsk.
Pagka-graduate namin no'n ng college, nagdesisyon sina Cliffer at Lander na umalis ng bansa. Nang ihatid namin sila ni Ash sa airport, inasar pa nila ako na ikukumusta na lang nila ako kay One. Tinanong din nila ako kung may gusto akong sabihin dito at sila na lang daw ang magsasabi.
Hindi ko na lang masyadong pinapatulan ang pang-aasar nila dahil wala namang saysay. Ni hindi rin ako nagtatanong sa kanila tungkol kay One. Because at the end of the day, hindi ko pa rin naman nakakausap ang kaibigan nila. Oo, kaibigan na lang nila. Dahil simula nang umalis si One at hindi na nakipag-usap sa 'kin, iyon na rin ang pagtatapos ng pagkakaibigan namin. No words needed to confirm the friendship over. Dahil ipinaramdam na niya iyon sa 'kin eight years ago pa.
"Ganyan din ang sagot niya nang sabihin kong kinukumusta mo siya."
Mabilis ko siyang nilingon at sinamaan ng tingin. Mas lalo lang ngumisi si Cliffer. "Ramdam ko ang sama ng loob mo sa kanya."
I raised my eyebrow, then smiled bitterly. "Sino bang hindi? Akala ko, isa siyang tunay na kaibigan. But, I was wrong. Kaya may karapatan naman siguro akong maghinanakit sa kanya, 'di ba?"
Pagkasabi ko no'n, muli na 'kong humarap sa laptop ko. Akala ko ay aalis na rin sa tabi ko si Cliffer, pero nanatili siya roon at matamang tumitig sa 'kin. Hindi ko na lang siya pinansin at itinutok ang mga mata sa ginagawa ko.
Third year college kami ni Cliffer at nasa fourth year college naman ang kambal nang magulat na lang kami sa desisyon ni One na aalis ito at pupunta ng ibang bansa para doon na ipagpatuloy ang pag-aaral. Hindi rin naman iyon ang unang pagkakataon na ginulat niya 'ko. Two weeks after Uno and I got back together, nalaman ko na lang na hiwalay na pala sila ni Ash. Nakakahiya dahil sinabi ko pa naman sa mga kaibigan namin na mag-isip kami ng suprise celebration para sa monthsary nilang dalawa. Ako ang nasorpresa nang sabihin nilang hiwalay na nga sila. And what's worse? Alam na ng buong barkada ang bagay na iyon at ako na lang ang hindi nakakaalam.
Sumama ang loob ko no'n kay One. Noong kami ni Uno ang may problema, nalaman agad niya kahit wala pa 'kong sabihin. Pero nang sila ang magkaproblema ni Ash, hindi ko man lang napansin. Kaya bukod sa nagtatampo ako sa kanya, naiinis din ako sa sarili ko dahil wala akong kamalay-malay sa nangyayari sa kanya. Sa kanila.
Halos isang linggo ko rin yata siyang iniwasan at hindi kinibo. Mahirap dahil Foundation week pa naman sa MEU no'n at pinagsama ang Fine Arts and ECE students para sa activity. Jail booth ang naka-assign no'n sa 'min.
Panay naman ang sorry niya sa 'kin. Hindi lang sa text, pati na rin kapag nagkakasalubong kami sa school at nagkakasabay sa pag-duty sa booth. Hanggang sa kaming dalawa naman ni One ang ikulong sa mismong jail booth dahil sa kagagawan ni Cliffer. At habang nakakulong kami, panay pa rin ang sorry niya sa 'kin na hindi ko pinansin. 'Tapos, narinig ko na lang ang mahina niyang pagtawa kaya nagtatakang nilingon ko siya no'n. I asked him why.
"Kami ni Ash ang naghiwalay, pero parang ikaw ang mas affected, Skye. At heto naman ako, ikaw ang sinusuyo. Sa 'yo nagso-sorry. Funny, right?"
Inirapan ko siya no'n, pero bago pa matapos ang araw na 'yon at tuluyang makalabas sa jail booth, nagkaayos na rin kami. Tinanggap ko na ang sorry niya at sinabi kong 'wag na ulit siyang maglilihim sa 'kin. Nangako naman siya.
I admit. Nakaka-miss siya at ang memories namin together. Sa kanya kasi ako nagsusumbong kapag may kaunting away at tampuhan kami noon ni Uno. Siya ang hinihingian ko ng advice. Kaya kahit papa'no, nanghihinayang ako sa friendship na nawala. Pero, gano'n talaga. Hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit kami naging ganito ngayon. Kung tutuusin, ako pa nga ang naging consistent sa pakikipag-communicate sa kanya sa loob ng isang taon. Pero, dalawang sagot lang ang natatanggap ko mula sa kanya. Either he would reply that he's busy or just no reply at all. Doon siya naging consistent.
No one could blame me if I stopped sending him messages after a year he left the country. Lalo na at iyon lang naman ang sagot na ibinibigay niya. It only means, he didn't have time to talk to me. Or he didn't want to talk to me at all. And I got tired. Kaya kung may nagbago man, hindi ako 'yon. Siya ang nagbago. Siya ang tumalikod. Siya ang nakalimot. Kaya hindi niya 'ko masisisi kung hindi ko na siya itinuturing na kaibigan ngayon.
Kahit mahirap, lalo na at kakambal siya ni Uno at pareho pa kami ng circle of friends, hindi na lang ako nagpapaapekto. At hindi rin naman lingid sa kanila ang sama ng loob ko sa kanya. Dahil mismong sila, hindi rin daw kinakausap at dinadalaw ni One sa loob ng maraming taon.
"Skye-" Naputol ang anumang sasabihin ni Cliffer nang biglang bumukas ang pinto ng opisina dahilan para mapatingin kami sa pinanggalingan niyon. Si Uno ang bumungad sa 'min.
Binati siya ng mga empleyado. Isang ngiti at tango lang ang isinagot niya sa mga ito. Tumutok ang mga mata niya sa direksyon ng katabi ko. "Cliffer, let's talk," sabi niya bago bumaling ng tingin sa 'kin. "Hihiramin ko muna siya, Skye."
Ngumiti ako. "Sure. Wala pa naman kaming importanteng pinag-uusapan."
"Follow me in my office, Cliffer." Then, he left. Cliffer followed him.
Sa labas lang ng silid na ito sa second floor ang executive office ni Uno. The walls were made of glass kaya kitang-kita ang loob ng opisina niya. At kita rin niya kung anong ginagawa ng mga empleyado niya dito sa Design and Development Department.
Nang makapasok sila sa soundproof office ni Uno, nakita ko na may iniabot siyang folder kay Cliffer. Bago pa iyon mabuksan ng huli, tumayo sa glass wall si Uno at tumingin sa direksyon ko. His gaze met mine. We exchanged smiles before he pushed a button to make all the glass walls tinted in his room.
~~~
"We have some changes, team," anunsiyo ni Vynz, ang team leader ng buong Design and Development Team. It's Wednesday morning at nagpatawag ito ng emergency meeting para pag-usapan ang game project.
"The development of our new game project will be halted and moved on the third quarter. And its new release schedule will be on the fourth quarter."
Lahat kami ay nagulat sa biglaang balitang iyon. Natahimik, pero puno ng pagtataka ang mga mukha namin.
"Ang mismong CEO at Presidente ang nagdesisyon nito," sabi pa ni Vynz.
Nagsalubong ang kilay ko. Bakit naman magdedesisyon nang ganito si Uno? Sumulyap ako sa direksyon ni Cliffer. Unlike the others, hindi siya mukhang nagulat. Busy pa nga siya sa pagbuo ng rubik's cube na para bang wala siyang pakialam sa pinag-uusapan.
Nagsimulang magtanong ang team members. Hindi na ako nakisali pa dahil ang mga tanong nila ang gusto ko rin sanang itanong.
Ilang sandali pa, "I can't give you full details, team. But, someone leaked our new game project to our rival company."
Mas lalong bumakas ang pagkagulat sa mga mukha namin. At mas lumakas din ang mga bulungan. Muli akong tumingin kay Cliffer. This time, nag-angat na siya ng tingin at sinalubong ang mga mata ko. I looked at him, asking if he knows something about it. Isang kibit-balikat lang ang naging sagot niya. Pero nang ibalik niya ang tingin sa ginagawa, hindi nakaligtas sa 'kin ang pagngisi niya. Ngising puno nang kahulugan. Sigurado ako. He knows something!
Pagkatapos ng meeting, dumeretso si Cliffer sa coffee vending machine sa pantry. I followed him. Sakto namang walang tao roon kaya kinuha ko ang pagkakataon na iyon para komprontahin siya.
"You know something, Cliff," I stated.
Saglit lang siyang sumulyap sa 'kin bago muling itinuon ang tingin sa kapeng ginagawa ng machine. Nang hindi siya sumagot, lumapit na 'ko sa kanya. "If you know anything, just say it, Cliffer."
Hindi pa rin siya sumagot. Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga bago muling nagsalita. "Kinausap ka ni Uno no'ng nakaraan. May sinabi siya sa 'yo, 'di ba? May kinalaman ba iyon sa biglaang pag-postpone niya sa game project?"
Nito ring mga nakaraang araw, nakita kong sobrang busy ni Uno. Kung hindi ko pa siya minsan pupuntahan sa opisina niya, hindi siya tatayo at hindi kakain ng tanghalian. Subsob siya sa mga dokumentong binabasa niya at madalas din siyang may kausap sa telepono. Ayon sa kanya, may ilang potential foreign investors ang gustong mag-invest at makisosyo sa kompanya. Pinag-aaaralan niyang mabuti ang background ng mga ito.
Sa tingin ko ay hindi lang iyon ang inaasikaso niya. May isang gabi sa bahay na narinig kong may kausap siya sa phone. Nagtaas ang boses niya at wari bang may pinagtatalunan sila. At kahit wala siyang sabihin, ramdam ko na may dinadala siyang problema. Nang minsang tanungin ko siya, ngumiti lang siya at sinabing wala raw akong dapat alalahanin. May maliit na problema lang na kaya naman daw niyang solusyunan. Ang pag-leak ba ng new game project niya ang sinasabi niyang maliit na problema lang?
"Kahit may alam ako, wala ako sa lugar para sabihin sa 'yo, Skye," sabi ni Cliffer bago kinuha ang kape niya.
Akmang aalis na siya, pero humarang ako sa daan niya. "Madalas kang may kausap sa telepono. At kahina-hinala ang mga kilos mo."
Sa nakalipas na dalawang araw, nadadatnan ko siya sa opisina na palaging kausap si One sa telepono. Pero sa tuwing darating ako, mabilis din niyang pinuputol ang pag-uusap nila at sa tuwina, ang huling sinasabi niya ay may ise-send na lang siyang file dito. Ayokong mag-isip nang masama, pero hindi ko maiwasang isipin na baka may ginagawa silang dalawa behind Uno's back.
Napahinto siya sa pag-inom ng kape at kunot-noong tumingin sa 'kin. "And you're saying?"
I looked at him straight into his eyes. "Ikaw ba ang nag-leak ng game concept natin sa kalaban?" Pero, sigurado naman akong hindi niya iyon magagawa. Hindi niya magagawang traydurin si Uno.
Napakunot-noo ako nang bigla na lang siyang tumawa. "Hindi ko magawang mainsulto sa accusation mo, Skye. Actually, I find it funny. Ano bang nakain mo? O wala ka pang kain kaya ganyan mo na lang ako paghinalaan?"
"Kahina-hinala ka naman kasi talaga. Tapos palagi mo pang kausap ang kakambal ni Uno."
Tumigil siya sa pagtawa at tumango-tango. "Hmm. So, hindi lang pala ako ang pinaghihinalaan mo. Iniisip mo rin na kasabwat ko si One," nakangising pahayag niya.
Umirap lang ako bilang sagot. Nagusot ang mukha ko nang hawakan at pisilin niya ang ilong ko. "Ano ba, Montalvo?" inis na sambit ko nang palisin ko ang kamay niya.
"Two things, Montenegro. First, hindi ako o si One ang traydor sa kompanya. Hindi namin kayang traydurin si Uno. Just wait for his official statement and final decision regarding this matter."
Naniniwala naman ako sa sinasabi niya. Isa si Cliffer sa mga taong pinagkakatiwalaan ni Uno. At sa tagal na nilang magkakaibigan, hindi na rin siya tumatawag ng Captain sa kambal after college. Sila ng mga kaibigan niya. Ang rason nila, wala na raw silang dahilan para tawaging Captain ang dalawa dahil wala na raw sila sa school. Pantay-pantay na raw sila kaya puwede na rin daw nilang gaguhin ang mga ito. Mga pasaway talaga.
"Second." Napatingin ako sa kanya nang maramdaman ang kaseryosohan sa tinig niya. "Running a game company is not in One's list. It doesn't interest him at all. Kaya sinisiguro ko sa 'yong walang kinalaman si One dito sa kompanya ni Uno."
"Because he doesn't care," I stated nonchalantly.
"Tinatanong mo ba ako nang ganyan para lang makasagap ng balita tungkol sa kanya, Skye? If you want to know how he was doing, just say so. Sasagutin ko naman ang mga tanong mo. With all pleasure," nakangising pahayag niya.
"No, thanks. I don't care about him anymore," I said, glaring at him. "As much as he doesn't care about me anymore," I added coldly.
Ilang sandaling katahimikan. Maya-maya pa, "Gano'n ba ang tingin mo sa kanya, Skye? Then, let me tell you a secret." Bahagya siyang yumuko at pumantay sa 'kin. "He cares. Always." Inilapit niya ang mukha niya at bumulong sa tapat ng tainga ko. "Especially for you."
Nang umayos siya ng tayo, may mapang-asar na namang ngiti sa mga labi niya. I rolled my eyes at him. Siguradong inaasar niya lang ako. At kung totoo man ang sinasabi niya, hindi ko rin naman iyon pinaniniwalaan.
One cares? Saang banda? Wala nga siyang paramdam ng walong taon, ang mag-care pa kaya? At nasaan ba siya no'ng panahong kailangan ko ng isang kaibigan? Where was he when I needed him the most? Wala. Ni hindi siya nagpakita kahit sa araw ng libing ng mga magulang ko. At ang nakuha ko lang mula sa kanya? Isang maikli at malamig na 'condolence'.
"Cliff-"
"Skye?"
Naputol ang anumang sasabihin ko nang marinig ang pangalan ko. Sabay kaming lumingon ni Cliffer sa pinanggalingan ng tinig na iyon.
"Fayre?" Agad akong lumapit sa kinatatayuan niya.
Sinalubong naman niya ako nang mahigpit na yakap. "I miss you, Skye!"
I hugged her back. "Na-miss din kita. Kumusta ang one month vacation?" pangungumusta ko. Tuluyan nang nawala sa isip ko ang dapat kong sasabihin kanina kay Cliffer.
Si Angel Fayre Velasco ang executive secretary ni Uno. Maganda at mabait siya. Friendly rin kaya hindi mahirap pakisamahan. Very efficient at maaasahan siya pagdating sa trabaho. Dahil siya ang secretary ni Uno, mabilis kaming nagkapalagayan ng loob at naging magkaibigan na rin.
One month siyang binigyan ng bakasyon ni Uno dahil never pa siyang nag-take ng vacation leave after working in MG-Tech In for five years. Kung hindi pa siya pinag-mandatory leave ni Uno, hindi talaga siya magbabakasyon. That's how dedicated she is to work and help the company.
Naka-survive naman si Uno nang walang secretary for a month. Kung tutuusin nga, hindi naman nito iyon kailangan. Pero, dahil si Uno ang Presidente ng kompanya, at dahil na rin sa suggestion ng mga board members, kumuha ito ng secretary. And Fayre was the best candidate for the position.
"Okay naman. Nakakamiss mag-relax. But, I miss my work more," nakangiting sambit niya. "Hi, Cliffer," bati niya nang lumapit sa 'min ang lalaki.
"Welcome back," pormal at tipid namang pagbati ni Cliffer.
"Nag-breakfast ka na ba, Fayre?" tanong ko.
"Not yet. Buti na lang at pagbalik ko sa opisina, wala pang masyadong gagawin. Kaya humingi ako ng permiso kay Boss Uno na bumaba muna at pumayag naman siya."
Kababalik lang niya. Siguradong wala pa siyang alam tungkol sa taong nag-leak ng info about sa game project ng kompanya. "Tara, kain tayo. At kuwentuhan mo 'ko sa nangyari sa bakasyon mo," pagyayaya ko sa kanya.
"Sure." Bumaling ng tingin si Fayre kay Cliffer. "Gusto mong sumama?"
Umiling lang si Cliffer. "Thanks for the invitation."
Sabay na kaming naglakad ni Fayre palabas para kumain. Pero, bago pa man ako tuluyang makalayo, lumingon pa 'ko sa kinaroroonan ni Cliffer. Napansin ko ang mataman niyang pagsunod ng tingin sa 'min. O kay Fayre lang? Wala akong makitang anumang emosyon sa mga mata niya kaya hindi ko mabasa kung ano ang iniisip niya.
Nang magtama ang mga mata namin ni Cliffer, tipid siyang ngumiti at itinaas ang hawak na baso ng kape bago tumalikod at naglakad na rin sa kabilang direksyon. Nagtataka man ako sa inakto niya, ipinagkibit-balikat ko na lang iyon.
Ibinalik ko ang tingin kay Fayre at nang magkatinginan kami, sabay pa kaming napangiti sa isa't-isa. I really miss this girl!