Napakagat labi si Lindsay Soliman. Nakikita niya ang unti-unting paglabas ng dugo sa mukha ng babae. Paulit-ulit itong pinupukpok ng malaking bato ng isang lalaki. Hindi na ito humihinga ngunit ganoon pa rin ang ginagawa ng lalaki. Nakadilat ang mga mata habang nakakulob ang katawan. Ang ulo nito ay nakatingin sa direksyon niya.
Pigil-hiningang pinagmasdan ni Lindsay ang lalaki na walang habas na pinupukpok ang ulo ng dalaga. Kitang-kita niya kung paano tumalsik ang dugo sa pagmumukha nito. Nawawala na sa katinuan ang lalaki. Halata sa mukha ang matinding galit.
Tumulo naman ang luha ni Lindsay. Tahimik siyang napahagulhol siya ng iyak. "Kawawa naman ang babae. Pinatay siya ng boyfriend niya nang dahil lang sa ayaw niyang magpagalaw. Kawawa. Kawawa talaga siya..." sambit niya pagkakuwan.
Bigla siyang natauhan nang may humampas sa ulo niya nang mahina. Napadaing siya at palingon siya sa gilid. Nakita niya ang nagtatakang mukha ni Alice. "Hoy, Lindsay! Horror 'yang pinanonood mo, hindi drama! Bakit nakaiyak ka?" nakasigaw nitong turan sa kanya.
Agad siyang nagpunas ng luha at sinimangutan ang kaibigan. "Makabatok ka naman, Alice, e! Bakit ba? Nakakaawa kaya 'yong babae. Mahal naman niya 'yong lalaki pero pinatay pa siya. Ano ba kasing mawawala kung tumanggi ang mga babae na makipag-s*x? Grabe naman 'yung lalaki at kailangan pa niyang patayin 'yung girlfriend niya!" nakasimangot niyang kuwento.
"Hay naku! Palabas lang 'yan, Say! At ilang beses ko nang sinabi sa'yo na bawal ka sa horror? Magtigil ka d'yan at bumaba ka na. Kanina ka pa hinihintay ni Rex doon. Sabay raw kayo mage-enroll," pagbibigay-alam nito.
Napakamot siya ng ulo. Gusto pa sana niyang tapusin ang movie pero nagiging tigre na naman ang best friend niyang si Alice. Wala naman siyang magagawa dahil mas masusunod si Alice sa loob ng bahay. Nirerespeto niya ito at itinuturing niyang nakatatandang kapatid. Agad na siyang tumalima sa utos ng kaibigan.
Pagkababa sa maliit nilang apartment ay nabungaran ni Lindsay si Rex na nakaupo sa mahabang kahoy na upuan sa waiting area. "Rex! Kanina ka pa ba? Ang aga mo naman," bati niya rito.
"Ang tagal mo, oy! Tingnan mo 'yang hitsura mo. Ang gulo ng buhok mo. Tapos hindi ka pa nagba-bra!" pambabara naman ni Rex.
"Hoy, gago!" Kaagad na napayakap si Lindsay sa sarili at tinabunan ang hinaharap. "Walang pakialamanan. Nasa bahay lang ako, e."
"Kahit na. Ang balahura mo talaga kahit kailan!"
"D'yan ka muna. Maliligo lang ako." Bigla siyang pinamulahan sa saway ni Rex. Bumaba ba naman siya nang walang bra. Magulo pa ang mahaba at kulot niyang buhok. Hindi alintana na makita ng isa pa niyang best friend na si Rex. Nasanay na rin kasi ito sa pagiging barubal ng dalaga. Pero ngayon ay bigla siyang nahiya.
Umakyat na agad siya ulit at nag-ayos. Ilang sermon pa ang natanggap niya mula kay Alice. Nakailang bilin din si Alice sa kanya saka sila tumulak ni Rex sa Emilio Jacinto University.
Natapos ang araw nila ni Rex na inis na inis sa Registrar's office ng University. Marami kasi ang pasikot-sikot na pinagawa sa enrollees. Natapos na sila sa page-enroll sa Fine Arts. Mula alas nueve ng umaga hanggang alas singko ng hapon ay hindi pa sila matapos-tapos. Halos hindi niya makumpleto ang units niya nang dahil sa haba ng pila. Buti na lang at nakahabol pa sila sa oras. Nae-excite na rin kasi siya dahil alam niyang sa pasukan ay makikita na niya si Roru Saavedra. Ito ang bago niyang crush at schoolmate.
Ipinangako nitong makikipagkita na ang binata sa kanya sa araw ng unang eskuwela. Hindi pa naman niya ito nakikita nang personal dahil malawak ang university nila at alam niyang hindi siya palakabisa ng mukha ng tao. Noong summer ay nakilala niya si Roru sa social media. Sa maikling panahon na pakikipag-chat sa binata ay napalagay na kaagad ang kanyang loob. Kaya itong bagong school year ay excited na siyang makita ito.
"Kanina ka pa nakabusangot d'yan. Naka-enroll ka naman kahit papaano. Cheer up na! Classmate mo pa rin naman ako sa apat na subjects." Inakbayan siya ni Rex at ginulo ang buhok pagkalabas nila sa university.
"Hoy! Ano ba Rex? Kanina mo pa pinupuna buhok ko, 'tapos ngayon guguluhin mo. Aba! E 'di ikaw na ang straight ang buhok. Ako na ang kulot na salot!" inis na sabi niya pagkatapos ay inalis ang kamay na nakaakbay.
Nakasanayan na ni Lindsay na maging "one of the boys" sa harap ni Rex. Marahil nagsimula iyon namg minsan niya ring pinangarap na magkaroon ng kuya. Nag-iisa lang kasi siyang anak. Idagdag pa ngayong wala na siya sa poder ng kanyang ina. Palagi siyang loner mula noon. Sa kung paano sila naging malapit ni Rex ay hindi na niya matandaan. Ang alam lang niya ay kapatid ang turing niya rito katulad ni Alice.
Alam nito lahat ng mga sikreto ng dalaga, pati na ang mga kalokohan niya. Ganoon din siya rito na halos lahat ay alam ang mga kalokohan at mga hinanakit ng binata. Sanggang-dikit sila, ganoon. Alam rin kasi ni Rex na patay na patay siya sa schoolmate nilang si Roru.
"Kailan nga pala 'yong meet up ninyo ni Roru?" bigla ay tanong ni Rex.
Kumabog ang puso ni Lindsay pagkabanggit sa pangalan ng kanyang napupusuan. "Bukas 'yon, best. Pero kinakabahan ako, eh. Paano kung hindi niya ako magustuhan? Paano na? Paano kapag nakita na niya ako pero matakot siya?"
"Bakit ka ba natatakot? Maganda ka naman. Tiyak na magugustuhan ka ni Roru," ani Rex.
"Weh? Sinasabi mo lang 'yan, e. Takot ka lang na malungkot ako. Sus!" nakanguso niyang turan.
Agad siya nitong pinahinto sa paglalakad at pinaharap sa binata. Nagkatitigan sila at nginitian siya ni Rex. "Hindi mo alam kung gaano ka kaganda. Ikaw ang best friend ko at alam mong hindi ako nagsisinungaling. Maganda ka."
Halos hindi na niya maramdaman ang sariling pisngi sa mga sinabi ng binata. Kung sa ibang pagkakataon, marahil ay magugustuhan niya si Rex dahil sa ugali nito. Kung iyon ang mangyayari ay hindi lang pagiging magkaibigan ang naging role nila sa isa't isa. Pero malabo iyong mangyayari dahil alam ni Lindsay na pamilya na niya ang binata. Simula nang mag-isa na lang siya sa buhay ay sina Rex at Alice na ang kanyang kasama.
Napangiti na rin siya rito at alanganing piningot ang ilong ng matalik na kaibigan. "Ang cute talaga ng best friend ko!"
"Aray! Makapingot naman, e!" reklamo nito. Hinila na niya ito pauwi habang tumatawa.
Masaya na si Lindsay sa buhay niya. Kahit na malaki ang kanyang pasanin sa buhay buhat ng malagim na trahedya sa buhay niya two years ago ay pinipilit niyang tatagan ang loob niya.
Siya ay diagnosed ng Major Depressive Disorder. Halos ikamatay na niya ang sakit na ito. Higit sa lahat, kung hindi dahil sa tao na magligtas sa kanya noon ay hindi siya mabubuhay at mangangarap ngayon.
Iyon ang lagi niyang tanong noon. Kumusta na kaya ang tao na iyon? Sana ay katulad niya ay lumalaban din ito sa buhay.