NGINGITI ngiti akong pumasok sa kompanya na pag-aari ng pamilya namin. Isa itong radio station at tv network na pinamamahalaan ni Third, ang isa sa mga kapatid kong close na close ko. Para na kaming pinagbiyak na bunga dahil sa pagiging malapit namin. Katatapos lang ng shooting ko sa bago kong teleserye at agad akong tumuloy dito para makapagpahinga.
Tulad ng nakasanayan ko na lahat ng tao sa lobby napapatingin sa'kin. Sino ba naman ang hindi kung isang Second Castillion ang masisilayan nila. Aba gwapo na nga at macho mayaman pa. Total package na.
Pero sorry sila dahil hanggang tingin lang sila sa isang tulad ko.
"Good afternoon, Sir Second," salubong sa'kin ng secretary ng kapatid ko.
Imbes na ngumiti hindi ko nalang siya pinansin, baka bigyan niya ng ibang kahulugan ang pagngiti ko. Ayoko ng kahit na anong attachment sa mga babae maliban nalang sa bestfriend kong si King. Napangiti ako ng maalala ang nakasimangot niyang mukha.
Nakita ko ang pagsimangot nito na hindi ko pinansin. Nagtuloy tuloy ako sa office ni Third, hindi na nag-abalang kumatok pa.
Abala ito sa pagbabasa ng mga dokomento. Hindi manlang tumingin sa kinatatayuan ko. Nakangisi kong kinuha ang sapatos na suot ko syaka ibinato sa kanya. Napahagalpak ako ng tawa ng masapol ito sa ulo.
"You're crazy and childish," inis na sabi niya sabay bato pabalik sa'kin ng sapatos, agad ko namang nasalo.
"Ang seryoso mo kasi baka magkapalit kayo ng papel na 'yan," tatawa tawa akong lumapit sa upuang kaharap ng office table niya.
"Bakit ka na naman nandito?" taas kilay na tanong niya habang seryosong nakatingin sa'kin. Hindi na siya bumalik sa pagbabasa ng boring na mga papeles na 'yon.
"Bored lang ako."
"Mambabae ka," suhestyon niya na ikinasimangot ko.
"Gagawin ko lang 'yon kapag nainlove ka na." Sinamaan niya ako ng tingin kaya hindi ko na naman napigilang mapahalakhak.
"Tapos ka na ba sa pagpapasakit ng ulo ng direktor mo kaya nandito ka na naman?"
Kilala niya si King, lahat naman ng mga kapatid ko kilala ang bestfriend ko. Minsan kapag wala silang magawa sa buhay kinakantiyawan nila ako tungkol kay King. Ipinagkikibit balikat ko lang 'yon dahil alam kong malabong mangyari ang gan'ong bagay sa pagitan naming dalawa. Parang bato 'yong bestfriend ko kaya imposible.
"Dude kahit anong katigasan ng ulo ko sa taas at sa baba, mahaba ang pasensya n'on pagdating sa'kin, baby niya nga ako e."
"Ewan ko ba kay Anton at nagagawa niyang pagtyagaan ang tulad mo, mas matanda pa akong mag-isip sa'yo."
Ngising aso lang ako sa sinabi niya. "Halos two years na kaming magkaibigan bro kaya sanay na sanay na siya sa'kin."
"Kaya wala kang love life dahil nakadepende ka lang sa kanya."
"Wow, Third, brother ikaw ba 'yan? Usapang love life ba? Pass ako diyan dahil alam mo namang pareho ang likaw ng bituka natin, pareho tayong naniniwala na hindi babae ang makapagpapasaya sa'tin. Don't me dude, wag si Second Castillion."
Doon ko narinig ang pagtawa niya. "Yeah right, at nakigaya ka pa sa prinsipyo ko."
"Prinsipyo mukha mo, ayoko lang talaga sa babae dahil hassle." Totoo naman talaga ang mga sinabi ko, no girlfriend since birth ako dahil ayoko ng commitment and complication. Ayokong sumakit ang ulo ko dahil sa babae, masaya na ako sa buhay ko na shooting, inuman at bonding lang sa bestfriend ko umiikot ang buhay ko.
"So anong tingin mo kay Anton? Hindi mo lang alam na ang tingin sa inyo ng mga empleyado ko, mag-asawa kayo," bakas ang pangangatyaw nito. Iningusan ko siya sabay taas ng middle finger ko.
"Bagay kayo nitong saliri ko, bro."
"Baka mamatay tayong virgin," natawa kami na parang wala ng bukas.
Hindi pa man humuhupa ang tawa namin sa sarili naming mga kalokohan ay bumukas ang pinto, nagsipasok ang mga kutong lupa. Sina Fourth, Fifth, Six and Seven. Pare parehong nakangisi ang mga ito maliban kay Fourth na walang reaction sa paligid.
"Hey Queen," bati nila sa'kin, sabay na nagtawanan.
"Ano namang nakakatawa do'n?" Isa isang akong nakipag-apir sa kanila. Nagsiupo sila sa couch at humarap sa'min ni Third.
"Kuya Second career na career mo talaga ang gan'ong pet name, nagmukha kang reynang may ulo sa baba," hirit ni Six.
"Walang masama do'n ang saya nga e, para akong prinsesa dahil may taga alaga sa'kin," pagmamalaki ko.
Wala naman talagang masama sa endearment na 'yon, tinawag akong Queen dahil sa maginhawa kong buhay na parang reynang nasa palasyo na walang ibang ginawa kundi ang humilata at magpahinga kahit hindi naman nabanat ang buto. At King naman si Anton dahil siya ang halos gumagawa ng dapat ay gagawin ko, inaalagaan niya ako, siya ang director ko, assisstant, nanny, nanay at lahat lahat na.
"Hindi ka na nahiya kuya sa laki mong 'yan ang batugan mo, kawawa naman si Ate Anton," tugon ni Seven.
Binato ko siya ng sapatos ko na mabilis niyang nailagan kaya napatawa kami. Ganito kababaw ang kaligayahan naming magkakapatid, as long as magkakasama kami konting kibot at kalokohan nagtatawanan.
"But seriously, wala ka ba talagang gusto kay Anton, kuya?" seryosong tanong ni Fourth. Kumunot naman ang noo ko sa pagtatanong niya, kailan pa siya nagkainterest sa gan'ong bagay?
"Obvious naman ang sagot itatanong pa." Syempre wala akong feelings para sa bestfriend ko dahil hindi kami talo.
Nagkatinginan naman sila at alam ko kung ano ang mga nasa isip nila ngayon. Mga gunggong talaga, mga lalaki pero parang mga bakla kung magchismisan.
"Oo nga naman obvious na obvious nga naman talaga," tugon ni Third na may halong pang-aasar.
"Obvious na may gusto siya kay Anton," sabay sabay nilang sabi.
Dahil wala na akong pambato sa kanila dinamba ko silang apat na nasa couch, nagwristling kaming lima habang nagtatawanan. Pinagtutulungan nila ako kaya ako ang nasa ilalim. Siya namang pagbukas ng pinto at bumungad sa paningin ko ang madilim na mukha ni King. Ang ngiti ko kanina ay napalitan ng ngiwi at pasimple akong nagtago sa katawan ng mga kapatid ko.
Patay na naman ako nito, nahanap na naman niya kung saan ako.
"Follow me." Kahit hindi niya ako nakita ay sinabi niya ang mga katagang iyon na seryosong seryoso.
"O, nandyan na ang commander mo kuya." Tawa ng tawa si Fifth at naramdaman kong umalis siya sa harapan ko at lumapit kay King. Gan'on din ang ginawa ng tatlo kaya wala akong nagawa kundi ang tumayo nalang at harapin ang tigreng masama ang timpla ng mood.
Napapakamot sa ulong lumapit ako kay Third para humingi ng tulong pero ang gago kong kapatid naghands up lang tanda na wala siyang balak na tulungan ako kaya napilitan akong bumaling kay King.
"Akala mo naman kung makapagrelax ay walang trabahong tinakasan," asar ni Seven na pasimple kong sinamaan ng tingin.
"Lagot ka na naman sa misis mo," dugtong ni Six.
Wala talaga akong aasahan sa mga ulupong na 'to. Kapag talaga ganitong sitwasyon nilalaglag nila ako dahil alam nilang si King lang ang nakakapagpatiklop at nakakapagpasunod sa'kin. Paanong hindi ko siya susundin siya ang gumagawa ng lahat para mabuhay ako kaya kapag nawala siya patay ako sa gutom.
Isa pa mahal ko 'tong bestfriend ko dahil siya lang ang nakakatagal sa ugali ko, parang bato kasi.
"Bakit ka tumakas sa shooting?" tanong niya habang ako ay nakayuko. Ang mga kapatid ko naman nagsibalik na ng upo sa couch matapos bumati kay King, para silang nanonood ng action movie sa pagtunganga sa'min.
"Hindi ako tumakas, naghanap ako ng CR kaso wala akong nahanap kaya dito na ako tumuloy para magbawas, pabalik na nga sana ako kaso dumating ka," palusot ko. Ang totoo kasi hindi pa tapos ang shooting, nabored ako dahil sa panlalandi sa'kin ng kalove team ko sa project na 'to. Kaya tumakas ako at pumunta dito.
"May CR sa cafè."
"Barado." Agad ko siyang inakbayan. "Tara na total tapos na naman akong magCR, di ba nga tuturuan mo ako sa tamang anggulo na parang humahalik?" pag-iiba ko sa usapan. Akala ko mahihiya siya at mamumula tulad ng normal na reaction ng isang babae dahil sa sinabi kong halik, kahit anggulo lang na rerehistro sa camera, pero siya walang nagbago sa reaction at tanging tango lang ang sagot bago muling tumalikod. Naglakad palabas ng office ni Third.
Nangibabaw ang mapang-asar na tawa ni Fifth nang makaalis si King. "Under ka talaga bro, at anong tuturuan ka ng anggulo ng halik? Bro, inaabuso mo ang sitwasyon at pagiging misis niya." Inambahan ko lang ng suntok ang mga walang kwenta niyang pinagsasabi.
"Yan napapala mo sa pagyayabang na may tagaalaga ka, meron nga pero nag-ala mister Andres de saya ka," sabat ni Six.
"Hindi ko kayo mga kapatid." Nagpakawala ako ng malulutong na mura na mas lalong ikinatawa nila. Bago pa ako maasar sumunod na ako kay King, ano naman ngayon kung mala Andres de saya ako wala lang naman 'yon kompara sa sakripisyo at pag-aalaga niya sa'kin kaya ayos lang total sa huli ang gusto ko pa rin ang sinusunod niya.
Pagkarating sa parking lot nakita kong pasakay na si King sa motor niya. Nagsalubong ang mga kilay ko nang makita ang ginamit niyang sasakyan papunta rito. Malalaki ang ginawa kong hakbang papalapit sa kanya. Walang kahirap hirap ko siyang inalis sa pagkakasampa sa motoriklo niya bago pa man iyon humarurot palayo. Kainis, kababaeng tao nakasakay sa Ducatti, ako nga kahit bike ayokong gumamit dahil baka mapahamak ako sa daan tapos siya higanteng motor ang ginagamit.
"Di ba sabi ko wag mo ng gagamitin ang motor na 'yan? Paano kung mapahamak ka?" iritang sambit ko.
Mas lalong nag-init ang ulo ko ng magkibit balikat lang siya. Hindi naman totoo na ako lang palagi ang sakit sa ulo dahil minsan may pagkapasaway rin ang babaeng 'to kahit hindi halata. Minsan nga kapag tinutopak mas malala pa sa'kin ang saltik sa utak.
"Nag-usap na tayo tungkol sa motor na 'yan King." Namewang ako sa sobrang inis.
"Kung hindi ka tumakas hindi ako mapipilitang gamitin 'ti," rason niya.
"May kotse ka naman di ba?"
"Mas mabilis kitang mapupuntahan kung ito ang gagamitin ko, hindi ka ba nahihiya sa mga taong parte ng project na 'to at umiiral na naman 'yang katamaran mo. Kapag bored ka na tatakas ka nalang ng basta basta? Matanda ka na Second pero hindi ka man lang nagbago kahit konti, napakairesponsable mo pa rin dahil alam mong ang mga taong nasa paligid mo kaya kang pagbigyan. Maging professional ka naman kahit saglit," dire-diretso niyang tugon sa mababaw na tono pero alam kong galit na siya dahil sa haba ng mga sinabi niya. Nabibilang palang sa mga daliri ko sa kamay ang mga pagkakataon na naubos ang pasensya niya pero dahil naiinis talaga ako sa pagiging matigas rin ng ulo niya hindi ako natinag kahit masakit sa'kin ang mga sinabi niya. Sinalubong ko ang malamig niyang tingin.
"Ako itong nagmamalasakit lang pero nagagalit ka, oo tumakas ako sa shooting pero pwede ka namang gumamit ng kotse o hindi naman kaya hinintay mo akong bumalik."
"Hintayin kang bumalik? Bakit may balak ka bang balikan ang mga naiwan mong trabaho? Alam mong kilala kita kaya wag mo akong bigyan ng ganyang rason."
Napabuntong hininga ako. "Yon na nga e, kilala mo na ako so bakit ka nagagalit sa ginawa kong pagtakas?"
"Hindi ako galit, disappointed ako dahil sa tanda mong 'yan ay immature, iresponsable at batugan ka pa rin." Bakas ang pagkadismaya sa maamo niyang mukha.
Natahimik ako sa huli niyang sinabi. Isa pa wala na naman talaga akong balak na bumalik sa walang kwentang tandem na 'yon.
"Kung ayaw mo ng mga bagay at trabaho na meron ka ngayon magsabi ka hindi 'yong pagmumukhain mong tanga ang mga tao na dugo at pawis ang puhunan matapos lang ang trabahong nasimulan nila. Hindi 'yong gagamitin mo 'yang pagiging isip bata mo. Gosh, Second Castillion, wala ka ngayon sa kinatatayuan mo kung hindi dahil sa mga taong nakapaligid sa'yo."
Nag-iwas ako ng tingin dahil tagos sa puso lahat ng mga sinabi niya. Padabog akong tumalikod at naglakad papunta sa kotse ko. Mabilis iyong pinaharurot palayo sa lugar. Ayoko na siyang sagutin pa, alam ko kung saan patungo ang usapan kapag sinabayan ko ang galit niya. Hindi man siya sumisigaw bakas naman iyon sa diin ng bawat salita niya. Naiinis na pinalo ko ang monobela.
"Gusto ko lang naman na wag na siyang gumamit ng motor na 'yon dahil baka mapahamak siya tapos ako pa ang naging masama, oo tumakas ako sa shooting pero hindi naman tama na pagsalitaan niya ako ng masasakit dahil d'on," sigaw ko sa monobela. Alam kong para akong tanga ngayon pero sobrang nainis talaga ako sa mga sinabi niya.
"Iresponsable? Immature? Batugan? Hindi naman ako magiging ganito kung hindi niya ako hinayaang maging dependent sa kanya," asik ko sa sarili habang sapo ang noo.