Chapter 4

2005 Words
"MISSION ACCOMPLISHED," tugon ni Gale sa katawag nito sa telepono. "Sus, duda ka pa talaga boss na yakang yaka namin 'to ni Anton." Bumunghalit pa siya ng tawa na parang hindi dumaan sa p*****n kani-kanina lang nang sumugod kami sa isang sikat na hotel dito sa New York dahil nandoon ang lungga ng target sa misyong ito. Napailing na pabagsak akong umupo sa single couch bago bumaling sa floor to ceiling na glass wall dito sa loob ng hotel suit kung saan kami nakacheck in ngayon. Nalilibang akong pagmasdan ang maliwanag at maingay na syudad ng New York na kahit napakalalim na ng gabi buhay na buhay pa rin. Isang linggo na kami dito at ngayon ang huling araw namin dahil nahuli na sa wakas ang isang Fil-Am drug dealer na tauhan ng malaking sindikato para maipuslit ang mga droga papuntang Pilipinas. Anim na araw din ang tinagal namin para magmanman at humanap ng magandang tyempo na hindi na ito makakatakas pa tulad ng palaging paglusot nito sa ilang ulit na pagkadakip. Kasama ko si Desiree Gale Park, ang partner ko sa lahat ng mission na hinahawakan ko. Halos limang taon na kaming magkasama sa trabaho dahil halos pareho kami ng likaw ng bituka. Nagkakasundo kami sa lahat ng bagay maliban nalang sa pagiging taklisa nito habang ako tahimik. "Miss mo na alaga mo 'no?" Kunot noo akong bumaling sa kanya na ngayon ay tapos nang makipagyabangan sa uncle nitong heneral na siyang nag-assign sa'min ng mission na 'to. May mapang-asar itong ngisi na lagi niyang ginagamit kapag gustong makipagchismisan sa'kin. Pabagsak rin siyang umupo sa single couch na kaharap ko, matamang nakatitig sa mukha ko. "Alaga?" litong balik tanong ko. Wala naman akong aso dahil hindi ako mahilig sa mga hayop lalo na ang pusa kaya wala akong matandaan na alaga na tinatanong niya. Tumango siya. Humihikab na sumandal sa kinauupuan niya bago ipatong ang paa sa glass center table na pumapagitna sa'min. "Yup, si Second Castillion." "Ah." "Anong 'ah'? Gaga, tinatanong kita kung kumusta na ang alaga mo. Akala ko ba hindi ka tatanggap ng mission on field hanggat hindi mo natatapos ang mission na hawak mo ngayon. So bakit bigla mo nalang tinanggap ang misyon na ibinigay sa'yo ni boss. Actually, hindi pala binigay inagaw mo sa isa nating kasamahan na dapat siya ang tatapos nito." Napabuntong hininga nalang ako dahil sa bilis ng pagkibot ng nguso niya na parang pwet ng manok. "Bored na ako." Totoo ang sinabi niya na hindi ako tumatanggap ng misyon hanggat hindi pa tapos ang isa ko pang misyon na ngayon ay magdadalawang taon ko ng hindi natatapos. Pinakamatagal na project na hinawakan ko pero hanggang ngayon wala pa ring resulta. Noong isang linggo nagkainitan kami ni Second kaya nagpasya muna akong mag-unwind sa pamamagitan ng on field mission na natapos namin kanina para naman mawala ang inis ko sa kanya. "Wow bored? So cool off kayo?" Tila bituin ang mga mata niya na nagliwanag dahil sa sarili niyang tanong. "Ano kami in a relationship?" "Pwede." Nalukot ang mukha ko "Dalawang taon mo ng hawak ang trabaho mo sa alaga mo pero hanggang ngayon wala pa ring lead, minsan nga naiisip ko na sinasadya mong patagalin para magkasama kayo ng mahabang panahon e. Goodness. Si Agent Queen Antonia Santez nagkaroon ng halos dalawang taong mission tapos hanggang ngayon wala pa ring pinatutunguhan. Para mo na ring sinabing may pakpak ang mga baboy." Dinamba niya ako ng yakap at tinapik tapik ang balikat ko na parang kinikilig sa kung ano man ang laman ng walang kwenta niyang utak. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung bakit nasali siya sa hanay ng mga agent na magagaling sa aming departamento. Kung magsalita parang tambay sa kanto at kahit nakikipagbarilan panay ang daldal kung gaano kagwapo ang mga foreigner na nakikita niya. "Malapit ko ng matapos," sabi ko nalang para matapos na. Natigilan siya. Muling umayos ng upo kung maayos ba talaga ang pag-upong nakabukaka, halos kita ang singit. "Bakit parang mabigat sa loob mo ang katotohanang malapit nang matapos, don't tell me nahulog ka na rin sa nakapaglalaway bagang na alindog ng alaga mo?" Binato ko siya ng unan na nakapa ko sa couch, hindi niya nailagan kaya nasapol ang mukha niya. Napangiti ako dahil sa gulat na reaksyon niya. "Nahulog? Hindi pa ako baliw para pumasok sa gan'ong bagay." "Ang bitter mo," asik niya sabay balik sa'kin ng unan pero nasalo ko kaya mas lalo siya napasimangot. "Hindi dahil nabigo ang bestfriend mo n'ong umibig siya kailangan mo nang matakot na mahulog sa isang tao. Sadyang gan'on lang ang tadhana niya pero ang sa'yo ay iba, give yourself a break Anton para maging masaya ka naman." Natahimik ako dahil sa sinabi niya. Bumalik sa isip ko ang alaala ng mga sandaling hindi ko napigilan ang matalik kong kaibigan na tapusin ang kanyang buhay dahil sa pagmamahal sa isang lalaki. Sa isang Second Castillion. "Kung mahuhulog ako sa lalaking bumigo sa mahal na mahal kong kaibigan para ko na rin siyang pinatay sa pangalawang pagkakataon," ramdam ko ang lamig ng boses ko nang sabihin ang mga katagang 'yon. Siya naman ang natahimik, siguro ngayon lang nagsink in sa utak niya kung ano ang mga bagay na lumabas sa bibig niya. Hindi ako sensitive sa usapan tungkol sa nangyari sa bestfriend ko pero naroon pa rin ang sakit kapag naaalala ko ang pangyayaring iyon. Masakit dahil wala akong nagawa para ilayo siya sa pagkahulog sa lalaking iyon. Wala akong nagawa at huli na ng malaman ko na nasasaktan na pala siya dahil sa pagiging busy ko sa trabaho. Tumayo ako. Tumuloy sa sarili kong kwarto habang si Gale tahimik pa rin. Iyon naman ang magandang parte sa pagiging madaldal niya dahil kapag alam niyang off limits na ang mga salitang lumalabas sinasabi niya siya na mismo ang nagpapatahimik sa sarili. Padapa akong humiga sa kama nang makapasok sa kwarto dahil sa pagkayamot. Nang lumapat ang likod ko sa malambot na higaan doon ako nakaramdam ng sobrang pagod sa nangyaring engkwentro. Ilang minuto siguro akong tahimik na nakatingin sa kisame nang marinig ko ang tili ni Gale. Hindi ako natinag dahil may pagkakataon talagang tumitili siya lalo kapag nanonood ng Korean drama o kapag nang-i-stalk ng mga modelo ng mens magazine. Kinikilig siguro. Narinig ko ang pagbukas ng pinto ng kwarto habang siya ay humahangos na lumapit sa'kin bitbit ang laptop. "Tingnan mo dali," aniya sabay lahad sa'kin ng laptop niya. Umirap ako. "Aanhin ko 'yan?" Hinila niya ako paupo syaka ipinatong sa mga hita ko ang laptop kaya napatingin ako doon. May video siyang ipinakita at doon tumambad sa'kin ang nagwawalang si Second. "Trending siya dahil sa pagwawalang ginawa niya sa set ng shooting ng bago niyang teleserye," paliwanag niya. Halata nga sa background na nasa location ito ng shooting. Napahawak ako sa aking sentido nang baghagya itong pumitik dahil sa stress sa mga nakita ko. Tumayo ako at iniabot muli kay Gale ang laptop niya. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon para tapusin ang video dahil hindi naman iyon bago sa'kin. Sa sobrang katigasan ng ulo ng lalaking 'yon nasanay na ako, siguro may hindi na naman nagustuhan sa mga taong nasa paligid niya. "Mag-ayos ka didiretso tayo sa airport para makauwi agad sa Pinas," utos ko at nauna nang maghanap ng masusuot. Hindi na kailangang mag-impaki dahil tag-isang backpack lang ang dala namin papunta rito. "Ngayon na?" "Oo," walang lingong sagot ko. ILANG minuto lang ang naging biyahe namin papuntang airport. Rountrip ang ticket namin at ang destinasyon nito ay ang mga kalapit na bansa na maaaring puntahan ng target namin kung sakaling hindi kami nagtagumpay na dakpin siya dito sa New York. Naiturn over na namin iyon kanina sa mga iba pa naming kasamahan na dito nakabase kaya bukas na sana ang uwi namin pero dahil kailangan kong sapukin ang alaga ko kuno sabi pa ni Gale, mas mapapaaga kami. "Bakit naman biglaan? Wala pa nga tayong pahinga," reklamo niya nang makapasok kami sa eroplano matapos ang ilang proseso. "Kung hindi mo ipinakita ang video sana natutulog na tayo ngayon." Napakamot siya sa batok. "Hindi ko naman akalain na kaya mong hamakin ang lahat para lang mapuntahan agad ang alaga mo. Sorry naman 'no, hindi ko alam na gan'on ka mag-alala kaya imbes na magpahinga tatawirin natin ang himpapawid sa ganitong oras. Mabuti sana kung sa Pinas tayo dahil maaga pa doon ngayon," mahabang depensa niya. Pumikit nalang ako habang siya ay patuloy sa pagtalak ng kung anu anong reklamo dahil sa napaaga naming uwi patungong Pinas. "Hindi ka pa inlove sa alaga mo sa lagay na iyan, paano pa kaya kapag minahal mo 'yong tao baka kahit nasa Mars ka uuwi ka papuntang Earth kapag kailangan niyang pakalmahin sa pagwawala. Naku, naku Agent Antonia malala ka na." Hindi pa rin ako umimik. Ano ba ang dapat kong maging reaction sa pagiging madaldal niya, dapat ba akong matuwa dahil sa bibig niyang 'yan na parang machine gun minsan nawawala ang boredom ko o dapat ba akong mainis dahil nakakarindi ang matinis at maarte niyang boses? Queen, naman kasi ano na naman ang pumasok sa kukute mo para magwala ka na naman. Hanggat hindi ako nakakauwi hindi ko malalaman ang dahilan niya. Isang linggo lang akong nawala ang dami na agad niyang nagawang kalokohan para sirain ang career niya. Parang hindi artista kung umasta, but in a second thought ayos na rin na ipakita niya ang tunay na siya sa harap o likod man ng camera dahil ayoko rin kung pipilitin niya ang sarili na maging anghel kahit ang totoo mahaba ang kanyang sungay. "By the way Anton." Kinalabit ako ni Gale makalipas ang ilang minuto niyang pagtalak. Tiningnan ko ang mukha niyang napakaaliwalas na naman, ibig sabihin may kalokohan na naman na gustong gawin. "Di ba kapatid ng alaga mo ang asawa ko?" Doon nanlaki ang mga mata ko. "May asawa ka na?" Tumawa siya ng malakas hindi alintanan ang iba't ibang lahi na nakasakay. Pinalo niya ang balikat ko. "Yan ang napapala mo sa pagiging boring mo hindi mo alam ang mundo ng pagiging millennial, wala pa akong asawa. Ang ibig kong sabihin na asawa 'yong crush ko, si Third Castillion." "Meron o wala lang naman ang sagot sa tanong ko ang dami mong sinabi." "E, sagutin mo na ako, di ba kapatid niya 'yong alaga mo?" Tumango ako dahil tama siya, kapatid ni Queen si Third na mas bata sa kanya ng isang taon. Ang lahi kasi nila ay parang hagdan isang taon lang ang pagitan. "So?" Napahawak siya sa magkabila niyang pisngi na ngayon ay klarong klaro ang pamumula. "Kailangan niya ba ng bodyguard or something na maaari kong apply-an para mapalapit sa kanya?" Kung umasta siya para siyang teenager na kinikilig, wala na talagang pag-asa ang babaeng 'to. "Malay ko hindi naman ako nakikialam sa buhay ng iba." Nalukot ang noo niya, padabog na nag-iwas ng tingin. "Malapit ka kay Second so dapat alam mo rin ang tungkol sa kapatid niya." "So meaning kapag may boyfriend ka at nagsex kayo dapat makasex mo rin ang kaibigan o kapatid niya?" "No way. Hindi 'no, dapat kung sino ang boyfriend mo siya lang." "Exactly my point, kay Second lang ako malapit hindi sa kapatid niya." Napailing siya. "Ewan ko sa'yo, weirdo ka. Napakalayo ng example mo." Bumalik ako sa pagpikit habang naririnig ang ilang ulit niyang pagbuntong hininga na parang napakalaking problema nang malaman niyang hindi ako malapit kay Third meaning wala siyang pag-asang mapalapit doon. Nakakausap ko naman kahit papaano ang kapatid ni Second, ayoko lang talagang maging dahilan para magkaroon sila ng ugnayan dahil ayokong matulad siya sa bestfriend ko. Wala sa vocabulary ng magkapatid ang mahulog sa isang babae kaya alam kong masasaktan lang si Gale kapag nagpumilit. At kahit hindi man halata nag-aalala ako para sa kanya kaya tutol ako sa ideyang mapalapit siya sa isang lalaking hindi siya kayang mahalin pabalik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD