Case Number 2: Multo sa Kubeta (Part 1)

2929 Words
Lasing na lasing na pumasok sa banyo ang asawang lalaki ng kusinera ng pamilya Johnson. Madaling-araw na pero kakauwi pa lang nito dahil nagkaayaan silang mag-inuman ng mga kaibigan. Nakatuwaan nilang magliwaliw magdamag sa isang beer house lalo na at maraming babae na liberated ang nakisama sa pagsasaya nila. May asawa man ay nagawa pa rin nitong makipagharutan sa iba, isang bagay na nakagawian na niya. Sa dami ng nainom at pinulutan, nagkahalu-halo na ang alak at sisig kaya kumukulo na ang tiyan niya. Dahil sa sobrang antok, halos hindi na siya umabot sa inodoro at muntikan pang mapadumi sa salawal. Maswerte pa rin siya na nakisama ang puw*t niya dahil kung hindi ay siguradong bubungangaan siya ng misis dahil sa pagkakalat. Pagkaupo pa lang sa bowl, magkakasunod na utot ang lumabas, kasabay ng lahat ng sama ng loob niya. "Hay...heaven..." bangag na nasambit na lang niya. Pagka-flush, hindi na niya nagawang tumayo pa at napasandal na lang sa may dingding. Nang dahil sa epekto ng alak, hindi na niya namalayang nakatulog na siya. Wala siyang kaalam-alam na may masamang elemento na pala siyang nagambala sa ilalim ng lupa, mula sa poso n***o. Nananahan pala roon ang nilalang na may tinatagong galit sa mga babaero at taksil sa asawa. Kaagad na napuno ng poot ang kanyang puso kaya naglakbay siya sa mga tubo ng bahay hanggang makaabot sa butas ng kubeta. "Magbabayad kayong lahat..." nakakapanindig-balahibong pahayag ng kaluluwa habang lumalabas ang mapuputlang kamay sa butas ng inidoro. "Mga manloloko!" Gamit ang hawak na tinidor bilang sandata, walang awa niyang tinusok sa puw*t ang lalaki na nakupo pa rin sa bowl. Kaagad na nagbukas ang mga mata nito nang rumehistro sa isipan ang sakit ng tumagos na pilak. Lasing man ay ramdam niya ang pagbaon ng kubyertos kaya napahiyaw siya sa sakit. "Waaahhh!" rinig sa buong hacienda ang pagsigaw niya. Kinabukasan ay nagimbal ang bayan ng Tarlac dahil sa nakakatakot na pangyayari. Nadala naman sa ospital ang biktima at nakaligtas pero halos lahat ng tao sa nayon ay takot nang magbanyo. Noong nakaraang linggo lang ay ang hardinero at driver sa hacienda ng pamilyang Johnson naman ang napabalitang nabiktima ng nilalang at hindi pa rin nakalalabas ng pagamutan. Lumakas tuloy ang bentahan ng mga arinola at dyaryo dahil wala ng gustong maupo sa toilet bowl. Nakilala tuloy ang taong 1962 sa kasaysayan* kung kailan nagkaubusan ng arinola at diyaryo sa palengke. (Gawa-gawa lang po ni Author) "Grabe naman!" pailing-iling na sinambit ni Pablo habang nakaupo sa inodoro at nagbabasa ng diyaryo, kung saan headlines nga ang misteryong nangyayari sa mansyon ng mga Johnson. "Nakakatakot nga naman na matusok sa puw*t, lalong-lalo na sa b*lls! Tsk! Nakaririmarim na halimaw naman ito!" Umihip ang malakas na hangin at natigilan siya bigla nang dahil sa masaklap na reyalisasyon. Siya rin ay nabahala na at baka nga naman maisunod sa pupuntiryahin ng 'di kilalang nilalang. Dali-dali niyang kinuha ang tabo at sabon upang makapaghugas kaagad. Sa tanang buhay niya, ngayon lang niya nagamit ang sixth, seventh, eight, ninth at tenth sense niya upang makiramdam kung may bubulaga nga ba na halimaw sa butas ng bowl at sisilipan pa siya. Pawisan siyang lumabas ng palikuran nang dahil sa pagmamadali. Imbis na takot ay inis ang nararamdaman niya dahil sa perwisyong dulot ng nilalang na nakahiligan ang panunusok ng mga lalaki na tila ba mga puw*t lamang ng manok na iihawin. "Bakit ba sa lahat ng lugar na paghahasikan niya ng lagim, sa kubeta pa?" pag-iisip niya habang pinupunsan ang kamay gamit ang tuwalya. Pagkatapos ay isinuot na niya ang abito at rosaryo sa leeg upang maghandang magmisa at magpakumpisal. Bago niya nilisan ang kwarto, nanalangin muna siya nang mataimtim upang magabayan ng Diyos at malagpasan ang lahat ng pagsubok sa buhay. Pagkalabas ng silid ay tumambad na kaagad si Art, ang mayor ng bayan. Mas lalo tuloy uminit ang ulo niya dahil napalaban na nga siya sa kubeta, nagpakita pa sa kanya ang pulitikong plastik, tsismoso at corrupt pa. "Lord, bakit naman po kaagad, may mabigat na pagsubok Ka ng ibinigay?" tahimik na pananalangin niya. "Pigilan Niyo po ako at baka masapak ko ito!" "Father," magalang na pagbati nito, malayo sa nakagawiang pambubwisit na ginagawa sa kura paroko. Isa ito sa mga bumabatikos sa Simbahan at lantaran na sinasabi pa na may saltik sa utak ang pari. Na-i-insecure kasi ito dahil 'di hamak na nga na mas magandang lalaki sa kanya ang Alagad ng Simbahan, malakas pa ang impluwensya nito sa mga tao kaya kung anu-anong tsismis ang ikinakalat niya upang masira ang imahe ng kinaiinggitan. "Good morning po!" "Anong meron?" pagtataka naman ng pari. Siya rin ay kaagad na napansin ang kakatwang kinikilos nito. "Parang maganda ang gising mo ngayon, a." "Sa katunayan, hindi," nahihiyang pag-amin nito habang nagkakamot ng ulo. "Hindi kasi ako nakapagbanyo nang maayos. Pakiramdam ko, kapag dyaryo lang, umuurong ang natural ko..." "A...ganoon ba? Nakikiramay ako," sarkastikong pahayag ni Pablo. Nais man niyang damayan ang kausap ay medyo naiinis pa rin siya dahil alam niya na lumalapit lang ito kapag may kailangan. Kapag hindi na kinakaya ng kapulisan ang mga misteryo at kababalaghan sa lugar, palagi na lang siyang ipinapatawag nito. Bukal naman sa loob niya ang pagtulong pero ang ikinasasama lang ng loob niya ay nagagawa pa siyang siraan ng alkalde at pilit na inilalayo ang mga tao sa Simbahan. "Tiis-tiis ka muna..." "A-Ano?" nanlalaki ang mga matang sinabi ng lalaki. "Matitiis mo ba kami na kababayan mo?" Akmang tatalikuran na sana ni Pablo ang salbaheng kausap upang turuan lang ng leksyon pero hinila naman nito ang manggas ng suot nya na puting abito. "Magpapatulong naman. Sige na, hehe..." "Diyan ka magaling, ang humingi ng pabor," may pagkayamot na pinagsabihan niya ang pulitiko. "Pero kung siraan mo ako, wagas!" "Sige na, forgive and forget na," may kaplastikang pakikiusap nito. "Magkano ba ang ipapabayad mo? Gusto ko lang talagang mawala na ang halimaw dahil ilang araw na akong nagtitiis gumamit ng dyaryo!" Napabuntong-hininga na lang si Pablo nang dahil sa mabigat na problema ng alkalde. Para sa kanya, iimbestigahan naman talaga niya ang pangyayari nang libre. Isa sa mga misyon niya sa buhay ay ang tulungan ang mga tao laban sa masasamang nilalang. Kahit na paulit-ulit pa siyang pagsalitaan ng 'di magaganda at matawag pa na "baliw", hindi rin naman niya matiis na pabayaan sila. "Ako na ang bahala, gagawin ko ito ng libre," pahayag niya sa kausap na nakahinga na nang malalim dahil sa wakas, makakagamit na rin siya ng kubeta. "Pero ang kapalit, magsisimba ka na bawat Linggo." "O-Oo!" kaagad na pakikipagkasundo nito. Inabot pa niya ang kamay ng pari at nakipag-shake hands. "Promise! Magsisimba ako!" "Sinabi mo 'yan, ha?" paniniguro pa rin niya dahil batid niya na tuso ang alkalde. "Oo! Pangako!" "Promise? Cross your heart?" pangungulit pa rin niya. "Opo, Father! Mamatay man ang alagang manok ng kapitbahay ko!" pangangako niya kasabay pa nang paglahad ng palad sa ere katulad ng sa panunumpa sa watawat. Pagkatapos magmisa ay nagpaalam na siya sa obispo ng bayan upang magawa na ang imbestigasyon. Nagtungo siya sa malawak na lupain ng mga Johnson upang malaman kung tunay nga ang balita at nananahan ba roon ang halimaw. Dahil sa takot na mabiktima rin ng nilalang, nagtitiyaga ang herederang si Carlota Johnson, amang Amerikano at ina na Pilipina na gumamit din ng arinola. Naiinis man siya dahil hindi kumportable ang pag-upo roon at kailangan pang linisin pagkatapos gamitin, wala naman siyang magawa dahil tatlo na nga ang naging biktima sa mga kubeta nila. "Kadiri! Nakakainis!" pabulong-bulong na pagrereklamo niya habang itinatapon ang diyaryong pinagbalutan ng dumi sa labas. Isinara niya ang malaking lata kung saan muna iniipon ang mga ambag nila sa araw. Kapag napuno na, tsaka nila ibabaon sa lupa upang maging pataba sa mga tanim na mangga at guyabano. "Si Daddy naman kasi e, ayaw pang umalis dito!" pagmamaktol naman niya. Ilang beses na kasi niyang sinabihan ang mga magulang na lumipat na ng bahay pero tumatanggi naman palagi. Hindi kasi naniniwala sa multo o halimaw ang tatay niyang banyaga kaya kahit anong pangungumbinsi niya na mag-hotel muna, hindi pa rin ito pumapayag. "Ang baho!" Pigil ang hiningang lumayo siya kaagad sa basurahan. Paakyat na sana siya sa bahay pero napahinto siya nang may nakitang papalapit na lumang kotse. Huminto ito sa harap ng tarangkahan at ilang sandali lang ay may lumabas na makisig na binata. Nagtanong-tanong ito sa mga bantay at sa pagkakarinig niya, iyon na ang ipinadala ng alkalde upang i-solve ang kaso nila. "Ang pogi!" kinikilig na sinambit niya habang patakbong umaakyat sa silid upang magsalamin at mag-ayos. Dahil nagmula pa sa Bataan at isang buwan pa lang naman silang nakakalipat sa hacienda, wala siyang ideya na ang hinahangaan ay isa palang pari at kura paroko pa. "Mukhang gentleman! Makilatis nga!" Sabik siya na makakilala ng ideal man simula nang magbeinte-singko dahil ayaw siyang tinigilan ng mga magulang na maghanap na ng mapapangasawa. Para kasi sa kanila, tumatanda nang dalaga ang kaisa-isang anak kaya kinukulit na nilang maghanap ng nobyo. Naisip ni Carlota na may potensyal ang bisita kahit unang beses pa lang ito nakita. "Sana single," pananalangin naman niya. "Iba kasi ang tama niya sa akin! Na-love at first sight yata ako!" Kinuha niya ang brush at nagsuklay, pagkatapos ay binudburan naman niya ng polbo ang mukha. Tinapik-tapik pa niya ang pisngi upang mamula subalit natigilan siya nang maamoy ang baho ng kanyang palad. Sa pagkasabik niyang salubungin ang lalaki, nakalimutan na niyang maghugas. "Ang tanga ko naman!" napabulalas niya habang ini-isprayan ng pabango ang palad. Inamoy-amoy niya ang kamay at winisikan ng mamahaling perfume hanggang sa masigurong hindi na ito aalingasaw pa. "Pwede na," pangungumbinsi niya sa sarili kahit medyo mabaho pa. Patakbo at patalun-talon siyang pumanaog upang salubungin ang lalaking nakapagpatibok ng kanyang puso. Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya nang malapitan na sa may gate ang hinahangaan. Binati siya ng mga bantay sa lupain pero hindi na niya sila napansin dahil ang atensyon niya ay nasa bisita lamang. "Magandang hapon," pagbati nito sa kanya. "Ikaw siguro si Ms. Carlota Johnson?" Hindi na siya nakaimik pa nang dahil sa pagka-star struck, lalong-lalo na nang matanaw ang mga mata nito na mala-abo at halos magkulay puti na kapag natatamaan ng liwanag. Maging ang pari ay napansin na naaasiwa na ang dalaga kaya inakala nitong natatakot o nahihiya lang ito sa kanya. Upang mas magmukhang palakaibigan, ngumiti na siya at mas nilambingan ang pagsasalita. Wala siyang kaalam-alam na dahil sa mabuting gawi, mas kinatuwaan siya lalo ni Carlota. "Ako nga pala si Pablo Sandoval, pinadala ako ni Mayor Art para mag-imbestiga sa mga nangyayaring misteryo sa hacienda niyo," pagpapakilala na niya subalit nanatiling tahimik lamang ang heredera. "Kumusta kayo riyan? May mga nagpaparamdam pa ba?" "Nagtatagalog kaya ito?" naisip pa niya dahil kahit mestisahin ang kaharap, mukha itong purong Amerikana. Habang nakanganga na tinititigan lang siya ng heredera, nagdesisyon siya na mag-Ingles na lamang upang magkaintindihan sila. "I was sent by Art to investigate," pag-i-Ingles na niya. "Would you mind if I get inside your property so that I can check any paranormal activities?" "Ay! Hello!" pagsasalita na ni Carlota nang matauhan. Inilahad niya ang palad upang makipag-shake hands. Bigla rin naman niyang binawi ang palad at itinago sa likod nang maalalang hindi pa pala siya naghuhugas nang kamay pagkatapos maglabas ng sama ng loob at hinawakan pa ang basurahan. "A-Ano, mukha lang akong Amerikana pero nagtatagalog ako," nauutal na pagsasalita na niya. "Welcome! Come in!" Pinabuksan niya ang gate sa mga tauhan upang makapasok na ang pari. Inakay niya ito patungo sa mansyon at excited na inilibot sa mga silid. Ilang minuto pa lang niyang kausap ang lalaki ay magaan na ang loob niya rito. Madaling kausap kasi si Pablo at good listener pa kaya nawala kaagad ang nararamdaman niyang hiya. "Dito naman ang kubeta namin, for public use," nagpapa-cute na pahayag niya habang mas pinapupungay ang mga mata. "Napuwing ka yata," pagtatanong ni Pablo nang mapansing pakurap-kurap ang heredera. "Gusto mo bang magbanlaw muna ng mga mata? Samahan na kita sa may lababo." "Ay hindi, hihihi!" pagtanggi niya. Medyo nadismaya pa siya dahil epic fail ang pa-beautiful eyes niya. Ginagaya pa naman sana niya si Betty Boop pero nagmukha pa pala siyang tanga. "Ganyan lang talaga ako, huwag mo na lang pansinin!" Pagkabukas niya ng pintuan ay lumantad na ang magarang palikuran. Gawa sa mamahaling marble ang sahig at mga dingding nito, simbolo ng marangyang pamumuhay ng mga Johnson. Gold-plated ang pihitan ng mga gripo at maging ang flush ng inidoro ay may ginto rin. Subalit, kahit gaano pa kagarbo ang nasabing banyo, ni isa ay wala naman gustong gumamit niyon. "Dito ba may natusok sa puw*t?" pagtatanong ni Pablo. Lumapit siya at tumalungko upang obserbahan ang bowl. Nang hawakan ang upuan nito, kaagad niyang naramdaman ang madilim na enerhiyang nagmumula sa tubig nito. Hindi man nakikita ng karaniwang tao, para sa kanya ay tila ba naging itim pa ang likido. "Hindi, doon sa bahay ng tauhan namin. Pero umiiwas na kaming gumamit ng inodoro kasi natatakot kami na baka atakihin ng halimaw. Atsaka, hindi lang sa puw*t natungi 'yun isa sa mga tauhan namin...doon sa ano...alam mo na...secret lang natin, ha?" "Tsk! Sakit!" sinambit niya habang pailing-iling. Napangiwi tuloy si Pablo at napalayo sa inodoro na para bang siya ang kaawa-awang natusok ng tinidor. Alam niya na tila ba pinagtakluban ng langit at lupa ang naramdaman ng biktima nang tumagos sa pinakamamahal na alaga ang bagsik ng pilak na kubyertos. "Hindi ito halimaw," deklarasyon na niya habang mas tinatalasan ang pakiramdam. Naging klaro na sa kanya na hindi ito gawain ng isang demonyo, engkanto o mga lamanglupa. "Isa itong kaluluwa na mapaghiganti...at puno ng poot..." "H-Ha?" napabulalas ni Carlota. "Kakalipat pa lang namin dito, may mumu na kaagad? Atsaka bakit naman siya magagalit sa amin e wala naman kaming inaagrabyado?" "'Yun ang nararamdaman ko sa ngayon," tugon niya rito habang naglalakad-lakad sa bawat dulo ng banyo upang makakita ppa ng posibleng ebidensya ng presensya ng multo. "Maaaring hindi ito galit sa inyo pero nadamay lang kayo. Kanino niyo nga ba nabili ang hacienda?" "Sa pamilyang San Jose..." "San Jose," pag-uulit niya. "Parang pamilyar ang apelyido pero 'di ko lang maalala kung saan ko narinig. Kilala niyo ba sila?" "Kilala, pero 'di kami close. Ang alam lang namin e kailangan daw nila ng pera kaya inalok ito sa amin ng ahente. Kinuha naman ni Daddy kasi asensado ang lupain at malapit pa sa palengke. Pero pagkatapos nang bentahan, lumipat na ang mga San Jose sa Davao." "May ideya ka ba kung may pinatay sa lugar na ito?" kasunod na naitanong naman niya. Madalas kasing ganoon ang mga kaso kung saan bayolente ang pagkakasawi ng mga kaluluwa kaya hindi pa rin matahimik at maaari pang maghiganti. "Sa pagkakaalam ko, walang namatay, pero nawawala ang asawang babae ni Mr. San Jose na si Armada. Ang sabi ng pamilya, pumunta raw sa bahay-bakasyunan pero hindi na nakabalik pa. Anim na buwan na ang nakaraan at wala pa rin balita kaya hindi na nila ipinagpatuloy ang paghahananap." "Hindi na nila hinanap?" pagtataka ni Pablo. "Oo, madalian nga silang umalis. Nandito pa nga ang mga gamit ni Ginang Armada. Tinambak na lang sa bodega kasi hindi naman namin maitapon at baka kunin pa ng mga kamag-anak." "Pwede ko bang makita ang mga gamit ni Mrs. San Jose?" paghingi na niya ng pahintulot. Malaki ang duda niya na may kinalaman ang nawawalang babae sa nagmumulto sa mga banyo. Sa pamamagitan ng paghawak niya ng ilang pag-aari ni Armada, maaari niyang masabi kung buhay pa ba ito o sumakabilang-buhay na. "Oo, sige," pagpayag naman ng kausap. "Tara, nasa may silong." Pagkababa sa kinaroroonan ng mga itinambak na gamit, napansin niya kaagad ang antigong aparador. Basag ang salamin nito at may mga gasgas pa sa gilid na tila ba nakalmot iyon ng kuko ng tao. "Matagal na bang basag ito?" pag-uusisa niya habang dahan-dahang hinahaplos ang mga gasgas. "Hindi ako sigurado, e. Naabutan na namin na ganyan." Pagkahawak pa lang sa kahoy ay unti-unti niyang naramdaman ang emosyon ng poot, selos at pighati ng isang babae. Malabo ang itsura nito pero kitang-kita niya na pinagmamalupitan siya ng asawa. Umiiyak ito at paulit-ulit na sumisigaw ng "Manloloko!". Susunod na natanaw naman niya ay inuuntog ang ulo ng kaawa-awang ginang sa aparador hanggang sa nabasag ang salamin nito. Dumaloy ang dugo mula sa ulo ng biktima hanggang sa mga bubog na sumabog sa sahig. Nang dahil sa malakas na emosyong biglaang nasalin sa kanya, umikot na ang paningin ni Pablo. Napaupo pa siya sa sahig nang dahil sa panghihina. "Hala, OK ka lang?" pag-aalala ni Carlota. Siya rin ay umupo na upang maalalayan ang kasama. "Oo, medyo nahilo lang ako," sinagot niya habang sinisikap na gisingin ang diwa upang hindi siya mawalan ng malay. Medyo namumutla siya at namamawis nang malapot kaya nabahala na ang dalaga. "Sandali, hihingi ako ng tulong!" "Hindi na kailangan," pagpigil na niya rito. "Makakabawi rin ako..." Napaisip si Pablo kung bakit hindi na nga nakabalik si Armada at parang napakadali lang pabayaan ng pamilya ang kaso. Malakas ang kutob niya na may itinatagong kababalaghan ang pamilya ng mga San Jose at may kinalaman talaga ang nawawalang ginang sa nagmumulto. Nais man niyang makausap pa ang mga kamag-anak ay alam niyang malabo na dahil nagpakalayu-layo na nga sila sa Davao. Ang tanging magagawa na lang niya ay pagkonektahin ang pattern ng mga binibiktima ng multo at tulungan na itong makatawid sa liwanag. "Manloloko sila..." umalingawngaw ang boses na tila ba nasa paligid lamang ang hindi pinalad na kaluluwa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD