Case Number 1: Ang Mahiwagang Underwear (Part 2)

2879 Words
Habang nakapiit sa kulungan ay tawang-tawa pa siyang inusisa ng hepe na si Rod. Ngayon lang siya nakatagpo ng kakatwang kaso na may kinalaman pa ang isa sa mga Alagad ng Simbahan. "Ibigay mo na sa akin 'yan, Padre. May sentimental value ba 'yan?" "Pinaghirapan ko itong kunin, pagkatapos hihingin mo lang?" panunuplado naman niya. Kanina pa kasi siya pinagtitripan ng mga pulis kaya nauubos na rin ang kanyang pasensya. Makirot pa rin ang ibaba ng puson niya kaya hindi na niya mapigilang magsungit. "Humanap ka ng sa iyo, marami sa palengke." "Anak ng...ang ibig kong sabihin, ibigay mo sa akin 'yan para maibalik ko sa may-ari!" "Ayaw ko nga," mariin na pagtanggi pa rin ni Pablo. "Sa maniwala man o hindi, uulit-ulitin ko na rin, may sanib nga ito." "Totoo nga ang mga bali-balita, ikaw nga ang paring kakaiba na kung anu-ano ang mga sinasabing multo at kababalaghan! Napaka-weird mo talaga!" "Ako nga," may pagmamalaking inamin pa niya. "Hindi naman ako nagsisinungaling, totoo na halimaw itong panty." "Hay...hindi naman totoo ang mga multo o espiritu na 'yan," pailing-iling na sinabi na lang ng pulis. "Kung matigas talaga ang ulo mo, patawad, pero kailangan ka na namin pwersahing isuko 'yan!" Pinabuksan ni Rod sa dalawang kasamahan ang selda. Hinatak nila siya sa magkabilang braso at sapilitang isinandal sa dingding upang hindi makagalaw. Gaya nga ng inaasahan, nagmatigas pa rin siya at isinuksok sa bulsa sa likuran ang pulang bikini. Kahit na pagtulungan at takutin pa ng mga pulis ay ayaw pa rin niyang pakawalan iyon. "Ilabas mo na, Father!" pamimilit sa kanya. "Ayaw namin maging marahas!" "Hindi pwede!" pagpupumiglas niya. Pinalo pa niya sa kamay ang isa nang tangkain nito na hawakan ang bulsa niya sa likuran. "Don't touch my puw*t! Tsk! Minus points ka sa heaven!" Umupo na lang siya sa sahig upang wala nang makakuha ng panloob sa bulsa niya. Kahit anong hatak pa, hindi na nila magawang patayuin pa siya. Nagtawag pa ng ibang tauhan si Rod dahil hindi kinaya ng dalawa ang lakas ng pari na nagmistulang isang tonelada ng bato sa kinalalagyan. "Tignan natin kung kakayanin mo pa ito!" mapaghamong pinagbantaan siya ng mga pulis. Humikab lang si Pablo at walang kabuhay-buhay na pinanood ang mga lalaki na lumalapit sa kanya kaya mas kinainisan siya ng nga ito. "Dahil sa panty, aawayin niyo pa talaga ako? Hiramin niyo na lang kaya 'yun sa mga misis niyo para hindi niyo na pagnasaan it-" Naasar na sila sa pinagsasabi nito kaya sabay-sabay nila siyang dinaganan. Nagbuno sila hanggang napahiga na sa sahig. Pinagtulungan siya ng limang matitipunong lalaki upang maagaw ang underwear. "Ibalik niyo 'yan sa akin!" may panlulumong pakikiusap niya. Tinangka pa niyang habulin sila pero naisara kaagad ang piitan. "Hindi niyo alam kung gaano kabagsik 'yan!" "Sa amin na ito!" may panunuyang tinuran ng mga bumihag sa kanya. "Pinahirapan mo kami dahil lang dito!" "Sandali," pagpapakumbaba na ni Pablo upang maibigay lang sa kanya ang bikini. "Pasensya na. Peace na tayo, mga kapatid. Pakibalik na sa akin 'yan...please..." Kahit anong pakiusap niya ay hindi na siya pinansin ng mga kausap. Iniwan nila siya kasama ang ibang preso na nahuling naghahamon ng away sa kalaban na mga gangster. Dismayado at malungkot siyang umupo at nagmuni-muni kung paano makukumbinsi ang mga tao na tunay na may kababalaghang nangyayari at hindi lang kathang-isip. Biniyayaan kasi siya ng spiritual gifts katulad ng third eye kaya nakikita niya ang mga bagay na hindi natatanaw ng ordinaryong tao. Sa makailang beses na pagsasabi niya patungkol sa mga espiritu, halimaw at mga demonyo, paulit-ulit na rin siyang pinagtawanan at napagkamalan pang may diprensya sa pag-iisip. Sanay na siya sa ganoong pangyayari pero hindi pa rin niya maiwasang mapagod at masaktan kapag hindi siya pinapaniwalaan. Napabuntong-hininga na lamang siya at ipinikit ang mga mata upang makapagpahinga nang panandalian. Dumating ang obispo ng lalawigan at pinuntahan sa piitan ang mas nakababatang pari na alam niyang may sariling mundo at mahilig sa mga katatakutan. Hindi naman niya magawang parusahan ito dahil taos-puso itong naninilbihan sa Simbahan at malaki nga ang naitutulong sa mga kaso ng paranormal. Ang ayaw lang talaga niya rito ay ang pagiging palaban at kung minsan ay asal-batang kalye pa, dala na rin ng malungkot na kabataan nito. Survivor kasi ng giyera at pananakop ng mga Hapon si Pablo, at lumaking ulila na pagala-gala kaya nasa sistema na nito ang pagiging agresibo kapag nararamdamang may inaapi o nilalamangan ng kapwa. Batid naman niya na mabuting tao talaga ito at sinisikap na magpakadisente kaya iniintindi na lang din niya at pinalalagpas kung mabababaw na pagkakamali lang ang nagagawa. Subalit, napatapik na lang siya ng ulo nang makitang naikulong nga si Pablo. Dismayado siya dahil umabot pa sa ganito ang pagiging pasaway ng kapwa pari. Sa natatanaw niya, kaagad naman nitong nakasundo ang ibang mga preso at nakikipaglaro pa ng poker. Habang inaayos ang nga baraha sa kamay, kasabay pa nitong kinukwento at ipinapaliwanag ang "The Prodigal Son".. "Kaya mga kapatid, ganoon tayo kamahal ng Diyos. Kahit nagkakamali tayo, handa Niya tayong patawarin at binibigyan ng pagkakataong magbagong-buhay. Pero huwag naman sana masyadong makapal ang mga mukha natin na paulit-ulit na kasalanan, sige pa rin. Mahiya naman tayo kahit kaunti kay Lord, neh?" "At nanalo na naman ako, haha!" kasunod na sinambit naman niya na ikinadismaya ng mga kalaro. Sa inis nila ay itinapon nila sa sahig ang hawak na mga baraha. Inis na inis sila dahil kanina pa sila natatalo kahit anong pandaraya pa ang gawin nila. Hindi pa rin sila makapaniwala na ang isang pari ay napakahusay palang maglaro ng poker. "Dahil diyan, mananalangin na kayo!" pahayag niya habang nilalabas sa bulsa ang rosaryo na gawa sa kahoy at inabot sa lider ng Tigasin Gang. "Lead the prayer..." "Nakakabagot naman 'yan," nakasimangot na sinabi nito. "Oo nga, hindi ba pwedeng maglaro na lang tayo ulit?" "Tsk! Ang haba-haba ng dasal naman!" sunud-sunod na pagrereklamo nila. "'Yun ang usapan. Kapag natalo ko kayo, magrorosaryo kayo," pagpapaalala niya. "At 'yan ang reparation niyo dahil sa mga kasalanang nagawa. Magbagong-buhay na kayo dahil kapag nabalitaan kong naghahasik na naman kayo ng lagim, ipapalunok ko ang rosaryo sa inyo!" "E-hem!" paggambala ni Rod sa naglalarong mga preso. "Father, hanap ka ng visor mo!" Napatayo kaagad si Pablo at halos patakbong sinalubong ang obispo. Natuwa siya nang malamang may concern naman pala ito sa kanya kahit medyo kinakabahan siyang masermonan at mapagalitan. "Father Mark," nakangiti at magalang na pagbati niya. Sa lahat ng nilalang, ang obispo ang pinakarerespeto niya dahil parang naging ama-amahan ito sa kanya simula pa noong nasa seminaryo pa. "Mukhang hindi ako makapagmimisa ngayon at makakapagpakumpisal sa parokya ko. Pasensya na po, akala kasi nila nagnakaw ako ng..." Natigilan siyang magsalita sa pag-aalalang baka mapalabas siya bigla sa pagkapari at ma-excommunicate pa kapag nalaman ni Mark ang issue ng red bikini. "Anong ninakaw mo, Hijo?" pagtatanong ng nakatatanda. "Ano e...hindi ko naman talaga ninakaw..." nag-aalangan na sinambit niya habang nagkakamot ng ulo. "Huwag po kayong magagalit...huwag niyo rin sana akong itakwil..." "Ano nga 'yun?" kinakabahang pag-uusisa ni Mark. Kinukutuban na siya na may gulong kinasangkutan na naman ang mas nakababata. "Anong binibintang na ninakaw mo raw? Baka pwedeng palitan na lang para pakawalan ka na." "Panty po...pulang panty..." hiyang-hiya na pagtatapat na niya. Nagsitawanan ang mga preso habang nasa kalagitnaan ng pagrorosaryo nang dahil sa narinig. Napikon si Pablo kaya binulyawan niya ang mga kakosa sa piitan. "Anong nakakatawa, ha? Ngayon niyo lang ba narinig ang salitang "panty"?" tiimbagang na pagtatanong niya kaya napatahimik sila bigla. Ganoon pa man ay hindi nila napigilang humagikgik kahit na nagpapatuloy sa pagdarasal. "P-Panty?" halos atakahin na sa pusong inulit ng obispong si Mark. "Diyos ko, patawarin! Ano bang nangyayari sa iyo?" "Ganito po kasi. May sanib kasi ng demonyo 'yun panloob," pagpapaliwanag na niya. "Nangunguha 'yun ng enerhiya ng mga lalaki kaya hinuhuli ko sana." "Pablo, hindi naman sa hindi ako naniniwala sa misteryong sinasabi mo, pero hindi kaya nagkamali ka lang sa pagkakataong ito? Bakit naman sasanib ang demonyo sa panty? Pwede naman sa tao, o kaya sa hayop?" "Hindi ko rin po alam kung bakit iba ang natipuhan ng demonyong 'yun," tugon niya sa obispo. "Para hindi na kayo magduda sa akin, ipapakita ko sa inyo na nagsasabi ako ng totoo. Iabot niyo sa akin ang panloob para magkaliwanagan na." Nagdadalawang-isip man ay pinakiusapan ni Mark ang mga pulis na pagbigyan ang hiling nito. Ganoon pa man ay hindi sila pumayag na maibalik ito kay Pablo kaya inilapit lang nila iyon sa piitan. Nilabas niya mula sa bulsa ang maliit na botelya ng holy water. Tinanggal niya ang takip nito at itinutok sa underwear. Hawakan mong mabuti," panuto niya sa lalaking nagdadala niyon. "Huwag mong pakakawalan kahit na gumalaw 'yan." Pagkapatak pa lang ng likido ay umusok na ito. Napanganga ang mga pulis nang makitang nanginig ang inaakalang ordinaryong panty. Ilang sandali lang ay naging bayolente na ang pagkilos nito at nagpumiglas sa pagkakahawak. Mabilis itong lumipad at dumikit pa sa mukha ni Pablo. "Ay!" sabay-sabay na napatili ang mga pulis, maging si Mark, nang dahil sa sindak. Imbis na tulungan ay hinatak ni Rod ang obispo at sabay-sabay nilang iniwan na nakikipaglabang mag-isa si Pablo. Mga preso pa ang naawa at tumulong upang mahila palayo ang malademonyong pang-ibaba. "Hilain natin, mga kakosa!" pag-aya ng lider ng Tigasin Gang sa mga kasamahan. "Isa, dalawa, tatlo!" Sabay-sabay at buong-lakas nilang hinatak ang underwear pero nabigo silang mailayo iyon sa ulo ng minamalas na pari. "Isa pa! Lakasan niyo!" "Mmph! Sandali!" pagpigil na ni Pablo sa kanila dahil ramdam niya na banat na banat na ang balat niya sa mukha. "Ilong ko na ang nahahatak niyo! Nabunot na yata ang kilay ko, Susmaryosep!" Sinubukan siyang kuhanan ng lakas ng halimaw pero hindi ito nagtagumpay. Nang mapagtantong walang mapapala sa nais, pinagtangkaan nitong sakalin naman siya pero palaban at mautak din ang nakatapat. May baon pala siyang lighter kaya nang maramdamang sinusunog na ito, kusa nang bumitaw. "Pweh!" pigil ang hiningang napabulalas ni Pablo nang matanggal na sa mukha ang pulang panloob. "Ilan na ba ang nagsuot niyan at napakabaho na!" Lumipad sa ere ang underwear at lumabas ng presinto. Malayo man ay rinig niya ang paghalakhak ng demonyo sa pag-aakalang natakasan siya nito. Mula sa medyas ay kinuha niya ang hair pin at kinalikot ang lock ng pintuan. Maya't maya ay tagumpay na nabuksan iyon kaya nakalabas siya at hinabol ang pulang bikini. "Bumalik ka rito!" nanggalaiti sa inis na tinawag niya. Nakailang beses niyang pinunasan ng panyo ang mukha habang hinahabol ang demonyong sumasanib sa panty. "Pagbabayaran mo ang kalapastanganang ginawa mo sa akin!" Habang nasa alapaap ay natanaw ng demonyo ang isang kumpol ng mga teenager na lalaking nagsasabong ng mga manok. Dahil sa nanghihina na at napalaban nang husto sa pari, naisip nito na kuhanan muna ng lakas ang mga iyon. "Mabangis ang manok ko," pagyayabang ng binatilyo sa mga kabarkada. "Walang natalong laban ang tatay nito kaya siguradong matapang din ito!" "Duwag kaya 'yan," pagkontra ng kalaro. "Mas magaling ang akin kasi pinapainom ni Itay ng vitamins araw-araw!' Habang nagtatalo ang dalawa kung sino ang mas mabangis na manok, napansin ng isa na may kumikinang na pula sa itaas. Napaturo siya kaagad sa tuktok kung saan lumulutang ang teeny weeny red bikini. "Ano 'yun?" pagtatanong niya sa mga kalaro na nakiusyoso na rin kung anong nilalang ang mabilis na dumadausdos pababa sa direksyon nila. "It's a bird!" "It's a plane!" "No! It's a-" Napatigil na ang mga kabataan ng mapagtantong papalapit na ang panloob upang sila rin ay biktimahin. "Waaahhh! Lumilipad ang panty!" sabay-sabay na sinigaw nila habang nagkakandarapang makatakas sa nilalang na gusto silang kuhanan ng enerhiya. Nagsikaripas sila ng takbo subalit sa kasamaang-palad ay nahuli ang pinakabata sa kanila. Walang awa itong dumikit sa ulo ng binatilyo upang sipsipin ang lakas. Pinagtulungan man ng mga kaibigan na matanggal iyon ay napakalakas ng masamang espiritu kaya natalo sila. Mawawalan na sana ng malay ang lalaki pero maswerte siya dahil naabutan siya ni Pablo. Mabilis siyang tumakbo patungo sa kinahihigan nito at winisikan ng holy water ang panloob. Umusok ito at panandaliang nahulog sa lupa. Akmang tatakas at lilipad pa sana ito ulit pero inapakan na siya ng paring inis na inis pa rin nang dahil sa pagdikit nito sa mukha niya. Masamang-masama pa rin ang loob niya dahil masangsang na nga ang amoy na nalanghap, aksidente pa niyang nalasaan ang lansa at panghi ng pulang bikini. "Hindi ka na makatatakas pa!" deklarasyon ni Pablo sa demonyong nagdulot ng pagpapahirap, hindi lang sa kanya, maging sa daan-daang kalalakihan. Ibinuhos niya nang buong-buo ang botelya ng banal na tubig upang parusahan ang nilalang. Lumabas mula rito ang makapanindig-balahibo na hiyaw hanggang sa nagliyab at kaagad na naging abo. Kasabay ng paglaho ng red bikini, naibalik sa impiyerno ang masamang espiritu na sumanib doon. Lumipas ang isang linggo at napabalitang nawawala ang sexy star na si Susie dela Torre. Inakala ng karamihan na nangibang-bansa na ito upang makapag-asawa ng banyaga. Wala silang kaalam-alam na nasa paligid pa rin ang pinagpapantasyahang babae, pero hindi na ito ang maalindog at magandang dalaga na nakilala nila. Tulalang nakikinig si Daisy habang nagmimisa si Pablo. Alam niya na simula nang nawala ang red bikini, naglaho na rin ang imahe niya bilang si Susie. Malungkot man na hindi na siya magiging artista, aminado siya na gumaan pa ang pakiramdam niya. Noong nasa impluwensya pa siya ng panloob, imbis na matuwa sa tagumpay na natatamasa, napakabigat ng pakiramdam niya at palaging makamundong mga bagay lamang ang laman ng isip niya. Ngayon ay parang unti-unti na niyang nakakamit ang kapayapaan... Nang matapos ang misa ay hinintay niya na magsiuwian na ang mga tao. Nais sana niyang makausap ang lalaking nagligtas sa kanya at humingi na rin ng dispensa dahil sa pambabastos na nagawa. Kaagad din naman siyang napansin ni Pablo kaya pinuntahan siya nito upang kumustahin. "Susie," maligayang pagbati ng pari sa kanya. "Daisy po," pagtatama niya sa pangalan. "Screen name ko lang ang Susie..." "A, Daisy!" nakangiting pag-ulit niya. Tumabi siya rito upang makinig sa kung ano mang gustong sabihin ng babae sa kanya. "Mabuti at nakadalaw ka at nakapagsimba na." "Opo," nag-aalangang sinambit niya sa kausap. Hanggang ngayon ay nahihiya pa rin siya sa mga nagawang hindi kaaya-aya sa pari. Napansin ni Pablo ang pagiging balisa ng katabi kaya siya na mismo ang nagsimulang makipagkasundo. "Hindi naging maganda ang pag-uusap natin dati," paninimula na niya. "Pero kalimutan na natin iyon. Ang importante, malaya ka na mula sa demonyong umaalipin sa iyo..." "S-Sorry," maluha-luhang paghingi na ng paumanhin ni Daisy. "Pasensya na po kasi naging makasarili ako. Simula pa noong bata ako, tinutukso na ako nang dahil sa katabaan ko at mga tagihawat sa mukha. Nag-diet na ako at exercise pero hindi ko talaga makuha ang katawang katulad ng sa mga kaedaran ko na sexy at makikinis. Kaya nang magpakita sa akin ang red bikini at inalok ako ng kagandahan, sinunggaban ko ang pagkakataon. Inakala ko na ang panloob ang sagot sa lahat ng problema ko. 'Yun pala ay maraming kapalit ang hinihingi niyon at nadamay ka pa sa kalokohan ko! Tuluyan na siyang napaiyak dahil nakukunsensya na siya sa mga nagawang mali. Nabulag din kasi siya ng katanyagan at papuri ng mga lalaki kaya pinagpatuloy lang niya ang pagiging pain sa mga ito upang makakuha ng enerhiya ang demonyo. "Wala na sa akin 'yun," pagpapalubag na niya sa kalooban ng kausap. Marahan niyang hinaplos ang ulo ng babae bilang patunay na wala siyang sama ng loob. "Basta ba, magbabalik-loob ka na sa Simbahan at kay Lord, neh?" "Atsaka, palagi mong iisipin na nilikha kang maganda ng Panginoon," pagbibilin rin ni Pablo. "Hindi lang pisikal na anyo ang dapat maging basehan ng kagandahan. Palagi mong tignan ang iyong puso. Lumilipas ang kaakit-akit na mukha at katawan pero kapag mabuti ang kalooban mo, para sa Diyos ay ikaw ang isa sa pinakamaningning na nilalang niya. Hindi ba, mas masarap sa pakiramdam kapag ganoon?" Tumango-tango si Daisy bilang pagsang-ayon. Tila ba nabunutan na siya ng tinik sa puso nang dahil sa pagpapatawad ni Pablo, na para sa kanya ay Sugo ng Diyos upang maisalba siya sa kasalanan. "Father, pwede bang humingi ng isa pang pabor?" namumula ang pisnging pakikiusap niya. "Ano 'yun, Hija?" "Pwedeng pa-hug?" "Halika nga rito," pagpayag naman niya. Inilahad na niya ang mga kamay upang ayain si Daisy. "Pero huwag mo na akong dadakmain, ha?" Natawa ang babae at lumapit na sa kanya upang mayakap. Tuwang-tuwa siya dahil nakatagpo ng tunay na kaibigan at tanggap siya kahit may pagkakamaling nagawa. Lumipas man ang mga taon, hindi niya makakalimutan ang butihing pari na nagligtas sa kanya. "Ikaw talaga, pilya ka rin, haha! Ang sakit talaga niyon, huwag mo nang uulitin!" pabirong pinaalala pa ng pari. "Pero wala na sa akin 'yun, forgive and forget! Bilangi reparation, magrorosaryo ka mamaya, neh?' "Yes po!" maligayang pagpayag ni Daisy na may ningning sa mga mata. Author's Note Maraming salamat po sa pagdalaw niyo rito. Marahil, akala niyo ay serious 'yan si Pablo, ano? May pagka-weird man, maraming pa-good vibes naman siya at mga life lessons na mababahagi sa atin. Kung nagustuhan ang istorya, paki-add sa library at comment naman diyan! Nawa'y narito pa rin kayo upang samahan si Father sa mga adventures niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD