Case Number 2: Multo sa Kubeta (Part, 2)

4000 Words
"Kung iaanalisa ko ang mga biktima, may isa akong napansin na tipo ng multo," mataimtim na pag-iisip niya habang inaayos ang abitong suot. Kasalukuyang umaawit ang koro upang panimula ng misa. Gaya nga nang inaasahan, naliligalig pa rin ang mga tao sa kababalaghang nangyayari sa bayan kaya biglang dumagsa ang nagsisimba. Lahat ng naroon ay nananalangin na maresolba na ang kaso dahil hirap na hirap na sila sa paggamit ng arinola at dyaryo. "Lahat sila ay may history ng pambababae at pangangaliwa sa asawa," napagtanto na niya. "Ang mister naman ni Armada, napag-alaman ko na may kabit at isinama pang iuwi sa Davao. Kaduda-duda dahil hindi iyon normal na gawain ng isang lalaking nawawawalan ng kabiyak, anim na buwan pa lang ang nakararan. Kung pagkokonektahin ko ang mga pangyayari..." "Maaaring pinatay si Armada ng esposo at naghihiganti tuloy ang kaluluwa niya!" Nagmimisa man ay hati ang isipan at atensyon ni Pablo dahil nais niyang maresolba ang kaso nang mabilisan para guminhawa na ang paggamit nila ng kubeta at matulungan na rin ang kaawa-awang kaluluwa. Mali man ang pamamaraan ng paghihiganti ng babae, nakikisimpatya rin siya dahil kung tunay nga na pinaslang ito, marahil ay sumisigaw lang din ito ng hustisya. "The mass has ended, go in peace and serve the Lord..." pagwawakas na niya sa misa. Akmang aawit na sana ang koro at magsisialisan ang mga tao pero pinigil niya kaagad. Nakaisip kasi siya bigla ng kakatwang paraan upang mahuli ang multo sa hacienda ng mga Johnson. "Sandali!" pagpahinto muna siya sa mga mang-aawit. "Umupo muna lahat..." Sumunod naman ang mga parokyano at naghintay ng magiging announcement ng kura paroko. "Alam naman natin na may kababalaghang kumakalat sa ating bayan," paninimula na niyang mag-anunsyo. "Hindi ito tsismis, totoo ito at tatlo na nga ang nabiktima at maaari pang maragdagan ang bilang kung hindi natin ito pipigilan." Nagbulung-bulungan ang mga tao dahil lahat sila ay takot ngang mapuntirya ng nasabing nilalang. Kung noon ay hindi sila naniniwala sa mga multo, demonyo o engkanto, ngayon ay nababagabag na sila dahil mismong mga biktima ang lumantad sa publiko at media upang ikuwento ang tunay na pangyayari. Pinatunayan din ng mga doktor sa kapitolyo na hindi self-inflicted ang mga sugat at maging pulis ay sinabing walang foul play. "May naisip akong paraan upang mahinto na ito pero kailangan ko ang kooperasyon niyo..." Biglang nanahimik ang mga tao at sabik na nakinig sa suhestiyon ng kanilang kura paroko. Akala nila ay magnonobena o magpuprusisyon lang subalit nagimbal sila sa susunod na sasabihin nito. "Mga misis, sino po sa inyo ang may nangangaliwang asawa?" diretsahang pagtatanong na niya. "Itaas ang kamay!' Laking-gulat niya nang lagpas kalahati ng mga maybahay ay nagtaas ng mga kamay. Napatakip tuloy ng mukha ang mga mister nila nang dahil sa kahihiyan. Nabunyag pa tuloy sa buong parokya kung sinu-sino ang mga babaero nang dahil sa pag-uusisa ni Pablo. "Wow! Napakarami!" hindi makapaniwalang napabulalas niya. "Hindi na kayo nahiya sa mga asawa niyo!" nagawa pa niyang pagalitan ang mga ito bago sambitin ang tunay na pakay kung bakit inalam niya ang mga may kabit. "Bilang reparation, kailangan ko ng volunteer!" "Anong gagawin po namin?" pag-uusyoso ng lalaking lahat ng anak ay panganay sa iba't ibang mga babae. "A, nice question! Madali lang..." "Ipapain ko sa multo para mahuli ko," prangkahang tugon niya kaya nagsitakbukhan palabas ang nangangaliwang mga mister. Subalit, hindi nakatakas si Art, ang alkalde ng bayan. Hatak-hatak siya ng matapang na misis na dating Miss Tarlac, taong 1953. Ngitngit na ngitngit siya sa esposo dahil kahit napakaganda na niya, nagagawa pa rin nitong maghanap ng kabit. Limang taon na siyang nagtitiis sa panloloko nito dahil iniiwasan sana niyang makipaghiwalay alang-alang sa mga musmos pang anak. Kaya kahit mapahiya pa ang asawa sa nakararami, nilantad na niya ang kabalastugan nito upang magtanda na. "Father, bino-volunteer ko ang asawa ko!" deklarasyon ni Mira habang sapilitang hinihila patungo sa altar ang mister. "Para sa ikabubuti ng bayan, magsasakripisyo na raw siya!" "H-Honey, huwag mo naman akong ibuking dito. Baka, matalo pa ako sa susunod na eleksyon," nauutal na pagmamakaawa niya. Alam kasi niya na masamang magalit ang ginang kaya hindi na niya magawang magpumiglas. Minsan, nang mahuli na ibinahay pa ang isa sa mga kerida, nalampaso siya at ang babae sa sahig. Black belter pa naman ang kabiyak sa karate kaya siguradong bugbog siya kung manlalaban pa. Ganoon pa man ay hindi siya matuto-tuto at patuloy pa rin nangangaliwa. "Matalo ka man, wala akong pakialam! Para matuto ka rin, gag*!" nanlilisik ang mga matang sinabi ni Mira. "Magtatanda ka na niyan! Kapag nahuli pa kita ulit na nambababae, hihiwalayan na kita at kukunin ko ang dalawang anak natin! Itaga mo 'yan sa bato!" "Wala naman ganyanan, Darling. Alam mo naman na ikaw ang true love ko," namamawis nang malapot na pahayag niya. Kahit na babaero pa, hindi naman niya kayang iwan ang pinakamamahal na mga anak. Takot din siyang hiwalayan ng esposa dahil asset ito sa pangangampanya at maykaya rin sa buhay. "Che! Mambobola!" pagtataray pa rin niya. "Father, ikaw na ang bahala rito!" pagbibilin naman niya kay Pablo na bahagyang naawa pa kay Art. Tamemeng-tameme kasi ito sa mabagsik na asawa, malayo sa kakapalan ng mukhang ipinapakita sa kanya halos araw-araw. Kahit na may pagkabrusko ang babae, hindi niya maiwasang kampihan ito dahil tunay naman na napakasama ng pag-uugali ng alkalde. "Huwag kang mag-alala Mira, sisiguraduhin ko na matututo ng leksyon ang mister mo na hindi niya makakalimutan," sinabi niya rito. "Pero pwede ba akong humingi ng pabor? Pakibantayan ang asawa mo para hindi makatakas. Susunduin ko siya mamayang gabi." "'Yun lang pala, e!" pagpayag naman kaagad ni Mira at um-OK pa gamit ang hinlalaki. "Bantay-sarado ito! Akong bahala!" "S-Sandali! Hindi pa ako pumapaya-!" pagkontra ni Art pero napatahimik siya bigla nang kurutin ng pinong-pino sa tagiliran ng asawa. "Thank you for being such a hero! Mga kababayan, nagvo-volunteer si Art! Mabuhay ang alkalde!" may halong pang-aasar na pagpapasalamat ni Pablo sa lalaki, maging ang bayan ng Tarlac dahil meron ng pumayag na maging pain para mahuli na ang multo. Nagsipalakpakan pa ang kababaihan dahil sa pagpapakabayani ng pulitiko. Nang bandang hapon na, napagpasyahan na niyang bumalik sa hacienda ng mga Johnson. Ang pakay lang sana niya ay sasabihin ang plano at ihahanda ang kubeta upang mahuli ang nilalang na mahilig manusok ng puw*t. Subalit, takang-taka siya nang pagdating palang sa may tarangkahan, sinalubong na siya ng mga magulang ni Carlota. Hindi maipaliwanag ang tuwa nila nang makita siya kaya akala pa niya, mayroong nagbe-birthday sa pamilya. "Carlota, told me so much about you!" maligayang paglalahad ng banyagang ama ng dalaga. Inakbayan pa siya nito na tila ba matalik na silang magkaibigan. "You seem well-mannered and decent, Son. Because of that, you may treat this house as your own!" "That's nice, Sir!" tugon din ni Pablo sa Ingles kahit hindi niya naiintindihan ang ipinahihiwatig nito. Gulong-gulo man ay sinakyan na lang niya ang pinagsasabi ng mga nakatatanda upang makisama. "Taga-saan ka, Hijo?" pag-uusisa naman ng ina ni Carlota na Pilipina. "Naka-assign po ako rito sa Tarlac, pero taga-Pampanga talaga ako," sinagot naman niya. "Kapampangan ka pala!" nagniningning ang mga matang pahayag ng ginang. "Kaya pala napakagwapo mo! Marami raw magaganda't pogi sa Pampanga e! Totoo ba?" "Opo! Totoo po 'yun!" wala sa wisyong pagsang-ayon naman niya kaagad. "Mukha kang responsable at maaasahan. Sana alagaan mong mabuti ang anak namin," pagbibilin pa nito na may malawak na ngiti. "Ganda ng lahi nito..." pabulong-bulong na hinabol pa ni Mrs. Johnson. "P-Po?" nausal niya dahil talagang naguguluhan na siya sa pinagsasabi ng mag-asawa. Kinakabahan na rin siya dahil malagkit makatingin ang dalawa na tila ba ini-x-ray nila siya mula ulo hanggang paa. Natanaw niya si Carlota sa may pintuan na naghihintay. Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa mga labi nito habang papalapit na siya sa tahanan. "Pablo," masuyong pagbati niya. "Sakto ang dating mo, pinaghanda kita ng meryenda." "Look after our valued guest," instruksyon ni Mr. Johnson sa kaisa-isang anak. Tinapik-tapik pa nito ang balikat ni Pablo, na inaakala niyang posibleng maging son-in-law. Wala rin kaalam-alam ang matanda na pari pala ang napupusuan ng only child. Iniwan na ng mag-asawa ang dalawa upang makapag-usap. Medyo naalangan pa ang dalaga na kausapin si Pablo dahil nahiya siya sa pangingilatis na ginawa ng mga magulang. Pero lihim din siyang natuwa dahil mukhang boto naman sila sa binata. "Halika," pag-aya niya sa pari. Marahan pa niyang hinawakan ang braso nito at hinila patungo sa dining room. "Nagluto ako..." namumula ang mga pisnging deklarasyon niya. "Para sa iyo..." "Pinanluto mo ako?" pagtatanong ni Pablo habang umuupo sa may hapag-kainan. Nagsalin ng pagkain ang dalaga sa plato at inilapag sa harapan ng crush. Umupo pa ito sa tabi niya upang mapagsilbihan ang inaakalang ideal man. "Ang bait mo naman," pagpuri niya sa hinandang meryenda. Napakurap-kurap pa siya ng ilang beses habang inaanalisa kung ano ang dilaw na pagkaing nakahain. "A! Nagluto ka ng scrambled egg!" "Hindi 'yan scrambled egg!" nainsultong napabulalas ni Carlota. Pinagpaguran niyang i-prepare ang makakain kaya nainis siya nang mapagkamalang ordinaryong itlog lang ang ihinanda. "Pancake 'yan!" Nilapit pa ni Pablo ang mukha upang makita at mapatunayan kung pancake nga ang nasa plato. "Pancake nga! Sorry na, malabo na yata ang mga mata ko," pagdadahilan na lang niya upang hindi mapahiya at mapikon ang heredera. Kaagad din naman bumalik ang ngiti ng dalaga kaya nakahinga na siya ng maluwag. "Kain na!" pag-aya na nito. "Sige, pero magdasal muna tayo, neh?" panuto muna niya bago kumain. Nag-sign of the cross siya at sinambit ang panalangin upang basbasan ng Diyos ang nakahain na pagkain. "Bless us, O Lord, and these Thy gifts, which we are about to receive from Thy bounty, through Christ our Lord. Amen." "God-fearing pa!' kilig na kilig na naisip ni Carlota habang pinagmamasdang nananalangin ang binata. Na-i-imagine na niya na kung magkatuluyan man at magkaanak, sigurado na magiging masaya silang pamilya dahil mabuting tao ang padre de pamilya. Wala pa rin siyang ideya na "padre" nga naman talaga ang hinahangaan pero hindi katulad ng pinapangarap niya. "Tikman ko nga," sinambit nito pagkatapos magdasal. Kinuha niya ang kutsilyo at tinidor upang hatiin ang tinapay. Nanlalaki ang mga mata at may malawak na ngiting pinanood lang siya ni Carlota. Excited kasi ito na ipagmalaki ang kakayahan niya bilang isang mabuting maybahay. Pinayuhan siya ng ina at ng mga tiyahin na para mapaibig ang lalaki, bonus points ang marunong magluto. Kaninang umaga pa nila siya ino-orient kung paano aakitin ang bisita. Kabado man ay naglakas na siya ng loob na sumunod dahil aminadong natitipuhan naman niya si Pablo. "Hindi ka pa ba kakain?" pagtatanong nito sa kanya. "Mamaya na..." "Mauna na ako, ha?" pagpapaalam nito. Pagkasubo pa lang sa meryenda ay nagreklamo na kaagad ang taste buds ng pari dahil para siyang nakasubo ng isang bareta ng Tide. "Pfft! U-huh!" napaubo siya bigla nang malasaan ang pagkain. Nais man niyang iluwa ang nasa bibig ay hindi naman niya magawa dahil baka mabastos ang dalaga na nag-abalang ipaghanda pa siya ng meryenda. Ngiting-ngiti pa naman ito kaya kahit labag man sa kalooban ay nilunok na niya iyon. "Lasang bareta!" hiyaw ng kanyang isipan habang lumalagok ng tubig upang mawala ang sama ng lasa. "Bubula yata ang bibig ko!" "Ito pa o, lagyan mo ng maple syrup para mas malasa," pag-alok pa ni Carlota. Naglagay pa siya ng isang pancake sa plato ng katabi kaya napalunok nang malapot ang kaawa-awang bisita. "Ayos na ako," pagtanggi na niya. Nagsalin siya ulit ng tubig sa baso mula sa pitsel upang inumin at malabanan ang lasa ng sabon na ayaw mawala sa dila. "Medyo busog pa kasi ako..." "Bakit? Ayaw mo ba ang luto ko?" may pagtatampong inusisa na ng kausap. "Hindi naman sa ganoon, na-appreciate ko nga ito per-" "Sayang ang effort ko!" panunuplada na niya. Padabog niyang kinuha ang isang bandehado ng nilutong pancake. Dahil sa kaisa-isang anak at medyo spoiled pa, hindi na niya napigil ang sarili na ipaalam sa lalaki na nasaktan ang damdamin niya. "Nakakainis ka! Hmph!" Gamit ang tinidor, tumusok siya ng isang piraso ng tinapay at nilagay sa sariling plato. Humiwa siya ng maliit na piraso upang matikman ang niluto. Siya rin ay nasamid at napaubo nang malasaan ang pait at alat ng niluto. "Hala, lasang sabon na Perla!" aligagang naisip na niya. Napagtanto niya na napasobra ang nilagay na baking powder at asin kaya sumama ang lasa ng pancake. Dahil sa sobrang kahihiyan na pumalpak ang luto at natarayan pa ang butihing lalaki, hindi niya napigil ang sarili na maiyak. "Sorry, napakasama ng lasa ng luto ko!" humahagulgol na sinambit niya. Napatakip siya ng mukha at pailing-iling na tumangis. "Hindi na talaga ako makakapag-asawa! Simpleng luto lang, hindi ko magawa!" Naawa at nakunsensya si Pablo kahit hindi man sinasadyang mapaiyak ang dalaga. Wala man siyang kasalanan, siya rin ay nalungkot dahil pakiramdam niya ay nakasakit siya ng damdamin. Nakita naman niya ang effort ni Carlota pero mukhang hindi naging sapat ang kanyang pamamaraan ng pag-a-appreciate. "Tahan na, hindi naman ganoon kasama. Kailangan lang ng improvement," pagpapakalma niya na rito. Marahan niyang tinapik-tapik ang likod nito upang hindi na magtampo pa. "Siguro, tama ka. Lagyan nga lang natin ng maple syrup para mas...sumarap?" Inabot niya ang botelya ng matamis at ibinuhos halos ang lahat ng laman niyon sa tinapay upang mapagtakpan ang sama ng lasa. Ilang sandali rin niyang inipon ang lakas ng loob upang isubo iyon. Hirap na hirap man ay pinilit niyang nguyain iyon at lunukin. "Hmmm, medyo umayos na," pahayag niya. "Sa susunod, bawasan mo na lang ng pampaalsa at asin, para perfect na. Sa kakapraktis mo, makikita mo, ikaw na ang best chef in the Philippines!" Napangiti na ang heredera nang dahil sa pang-eengganyo niya. Imbis na malungkot, mas naging desidido siya na pag-aralan ang pagluluto at iba pang gawaing-bahay. Nasanay kasi siya na may mga yaya kaya aminadong nangangapa pa rin. Nang marinig ang pang-uudyok ni Pablo, mas ginanahan siyang mas pagbutihin ang pagpapraktis. "Kinikilig ako, sobra!" asang-asa na naisip ni Carlota habang sinasamantala ang pagkakataon na makasama ng dream boy niya. Mag-a-alas diyes na ng gabi nang umalis muna panandalian si Pablo sa hacienda ng mga Johnson upang sunduin ang magiging pain sa multo na si Art. Bago lumisan ay binigyan niya ng panuto ang pamilya, kasama ang mga tauhan nila na lumayo muna sa kubeta, gripo, o kahit saan posibleng daanan ng tubig. Pinalipat muna niya sila sa bodega ng mga bigas dahil iyon ang nakikita niyang pinakaligtas na mapaglalagian nila. Binigyan din niya isa-isa ng rosaryo ang mga naroon bilang pananggala kung sakaling demonyo ang umatake at hindi pala multo. Nang makarating na sa bahay ng alkalde, nakita niya na nag-aabang na si Mira sa may garahe. May hawak itong pamalong yantok bilang panakot sa asawang nagtatangkang tumakas. "Father!" masayang pagbati pa nito kahit alam niya na posibleng matusok sa puw*t ang asawa ng pasaway na multo. Patakbo pa itong sumalubong at pinagbuksan siya ng gate. "Handa na ba ang iaalay?" pagbibiro pa niya na nakapagpatawa sa babae pero ikinais naman ni Art na masamang-masama ang loob sa ginawang pagbo-volunteer sa kanya ng asawa. "Oo," humahagikgik na tugon nito. "Pwede ba akong sumama? Para masigurong hindi tatakas 'yan!" "Pasensya na, pero medyo delikado kasi ang gagawin namin kaya mas mainam na dito ka na lang muna," pagtanggi ni Pablo sa nais nito. "Huwag kang mag-alala dahil sisiguruhin ko na hindi makakatakas ang asawa mo..." Halos maluha-luha si Art nang sapilitang maitali ang kalahati ng katawan sa tuktok ng inodoro. Gaya nga ng sinabi ng pari, hindi nga posibleng siya ay makatakas lalo na at mahigpit ang pagbabantay sa kanya. Kaunting galaw lang ay napapagalitan na siya at pinagbabantaang ipapakain pa sa multo. Napikon din kasi si Pablo nang sunod-sunod niyang insultuhin mula sa p*********i hanggang sa sekswalidad nito kaya nasagad na rin ang pagtitimpi. "Tigang kayong mga pari, ano?" pang-aasar niya rito habang nasa daan pa sila. "Ang hirap ng buhay kapag walang babae!" "Pwede ba, manahimik ka!" tiimbagang na pagpapatigil niya sa kakadaldal ng alkalde. Simula nang makasakay sa kotse ay hindi na siya tinigilan sa panunuya nito kaya naaalibadbaran na siya. "Ang sungit mo naman! Nagtatanong lang e! Ganyan kasi talaga kapag hindi nadidiligan!" "Hindi mahalaga sa aming mga pari ang ganyang bagay. Marami kaming pinagkakaabalahan kaya wala ng oras para isipin pa 'yan." "Hmmm...hindi ba ba kayo nababakla sa isa't isa sa monateryo?" pangungulit pa rin nito. "Wala bang nagkaka-developan?" "Tsk!" nasambit na lang ni Pablo habang nagmamaneho. Batid niya na kahit ano pang paliwanag ang gawin niya, hindi matatapos ang pambubwisit ni Art sa kanya. Nanatili na lang siyang tahimik habang patuloy na nag-iingay lang ang kasama. Pagpapasensyahan naman sana niya ang napakasalbaheng alkalde pero hindi na siya nakapagpigil nang tawagin siyang "may saltik sa ulo". Hindi inaasahan ni Art na dadaigin pa ng inaakalang banal na Alagad ng Simbahan ang mga lider ng gangster sa Tondo sa pagiging maton kapag naubos ang pasensya. Salbahe man ay nasindak siya ng pari na sanay sa pakikibaka sa mga sindikato o kahit kriminal pa noong mas bata pa. Hindi man miyembro ng mga gang si Pablo, noong teenager pa ay pinangingilagan na siya dahil palaban ito at hindi napapasunod sa mga bagay na iligal. Mahirap ang naging buhay niya lalo na at naulila pa at katatapos lang ng giyera kaya kailangan niyang magpakatatag at magpakatapang upang mabuhay. Marami siyang karanasang malungkot, bayolente at nakapanghihina ng loob kaya para sa kanya, sisiw lang ang pakikipagtuos sa isang katulad ni Art. "Huwag kang gagalaw!" naniningkit ang mga matang inutos niya sa alkalde. Siniguro niya na mahigpit ang pagkakatali ng mga paa nito sa toilet bowl. Hawak ang itak, itinuro niya ang mga kamay nito. "Ibaba mo 'yan!" "S-Sorry," ninenerbiyos na paghingi ng paumanhin ni Art. Medyo nangangawit at namamanhid na kasi ang mga pata niya kaya hinaplos-haplos muna. May dumapo pa na lamok sa puw*t niya at kinagat siya kaya mas naglilikot siya. "Sabi nang huwag kang gagalaw!" "Ang kati-kati naman kasi e!" pagrereklamo na niya habang tinitiis ang presensya ng insektong nagpapakabusog sa dugo niya. Maya't maya ay naramdaman niya na yumanig ang inodoro. Tumalsik pa ang maruming tubig sa balat niya kaya mas lalo siyang naging aligaga. Natakot na siya na baka nga naroon na ang multo at tusukin siya. "Father, pakawalan mo na ako rito, please lang!" pagmamakaawa na niya nang mas lumakas ang pagtalsik ng tubig sa ilalim. Bumulwak pa ito kaya nangatog na ang mga tuhod niya nang mapansing itim pa ang dumaloy palabas ng inodoro. "Sandali lang, magtiis ka!" instruksyon ni Pablo habang nakikiramdam. Ipinikit muna niya ang mga mata upang mas makapag-concentrate. Unti-unti niyang naramdaman ang madilim na enerhiyang dumadaloy sa mga tubo kaya alam niya na parating na ang inaabangan. "Hala, andiyan na yata!" sigaw ni Art habang namimilipit sa inodoro. Tila ba naging yelo ang hanging lumalabas sa butas kaya mas nangilabot siya. "Waaahhh! Ayaw kong matungi! Huhuhu!" Akala niya ay matutuhog na ang puw*t o p*********i niya pero maswerte siya dahil tantyado pala ni Pablo ang pagdating ng nilalang. Akmang tutusukin na sana siya nang tagain ng pari ang lubid na nagtatali sa kanya. Mabilis siyang naitulak palayo bago pa man masaktan ng multo. Nang maialis si Art sa kapahamakan, naabutan niya ang maputlang kamay na nakalabas pa sa butas ng bowl. Buong-lakas niyang hinatak palabas mula roon ang mapaghiganting kaluluwa. "Sino ka?" pagtatanong niya sa multo na nanlilimahid pa sa dumi. Impit na iyak ang nagmula sa babae dahil siya rin ay nagulat at nasindak sa kapangyarihan ni Pablo kaya nagpumiglas siya. "Bitiwan mo ako!" "Hindi, magpakilala ka muna," pagmamatigas ni Pablo. "Bakit mo ginagawa ito?" "Hindi mo ako maiintindihan! Pare-pareho lang naman kayong mga lalaki na manloloko!" puno ng poot na pahayag niya. Akmang tutusukin din sana niya ng tinidor ang pari pero nakailag ito. Upang mabitiwan, dinuraan naman niya si Pablo. Lumabas sa bibig nito ang itim na likido na saktong tumama sa makinis na mukha ng pari. Patawa-tawa itong tumagos sa dingding sa pag-aakalang naisahan ang kalaban. "Diyos ko po!" napabulalas niya nang madikit sa bibig ang putik na may butil-butil pa ng mani at mais. Pigil ang hiningang pinunasan niya ang mukha na nasabuyan ng samu't saring dumi ng tao. Kamalas-malasan pang natikman niya ang bagsik ng pose n***o kaya halos masuka na siya sa kinaroroonan. "Magpupurga pa ako nito at baka magkabulate ako!" Amoy inodoro man ay hinabol pa rin niya ang kaluluwa. Naabutan niya ito na nakalutang sa tapat ng hardin. Nang mapansin siya nito ay mas binilisan nito ang pag-alis. "Sandali, Miss! Hindi ako kalaban!" pagpapaliwanag niya sa nilalang na tumatakas. "Narito ako para tulungan ka! Tulungan mo akong matulungan ka!" Subalit takot na takot din ang multo kaya hindi siya pinansin. Inaakala kasi nito na baka parusahan pa siya at ipadala sa impiyerno kaya nagtuloy-tuloy lamang ito sa pagtakas. "Armada!" pagtawag na ni Pablo. Tila ba natauhan ang babae nang marinig ang tunay na pangalan. Anim na buwan na rin siyang pagala-gala sa hacienda at dahil sa matinding poot na nararamdaman, halos nakalimutan na niya ang pagkakakilanlan, maging ang pagiging tao niya. Nagmistula siyang halimaw na nais lamang maghiganti kahit na makasakit pa ng kapwa. May mga sandaling nasa tama siyang pag-iisip pero kadalasan, tila ba nabablangko ang alaala niya. Paulit-ulit lamang niyang natatagpuan ang sarili na nakabaon sa pinakamaruming parte ng hacienda kaya mas tumitindi ang galit niya sa mga manlokoko ng asawa. Kung noon ay isang reyna ang pagtrato sa kanya ng nakararami, ang tingin niya sa sarili ngayon ay isa na lamang basura. Noong nabubuhay pa, akala niya ay magiging masaya sa piling ng esposo subalit gumuho ang kanyang mundo nang malamang may ibang babae na pala ito. Nang tanungin niya at paaminin ang lalaki, p*******t pa ang natanggap niya hanggang sa mawalan siya ng malay. Kasama ang kabit na babae, pinagtulungan nilang ilibing siya sa poso n***o na nasa may hardin, kahit humihinga pa. Doon ay tuluyan na siyang namatay at hindi na nahanap pa. "Tulungan mo ako!" lumuluhang pagsusumamo na niya. Napasadlak na siya sa lupa nang dahil sa pighati at reyalisasyon na baka hindi na siya makaalis pa sa kinaroroonan. "Ibinaon ako ng asawa ko at ng kabit niya sa lupang ito!" "Oo, tutulungan kita," pangako ng pari sa kanya. Maingat siyang lumapit at umupo sa tabi ng babae upang damayan ito. "Kung ang pagkahanap sa katawan mo ang paraan para makatawid ka na sa liwanag, gagawin ko. Pero kailangan mong ituro sa akin kung nasaan ang bangkay mo..." "Gustuhin ko man na tumawid na, natatakot din ako! Baka mapunta ako sa impiyerno kasi tatlo ang nabiktima ko! Ang asawa ng kusinera, ang driver at hardinero!" inamin na ng babae hahang tumatangis. "Hindi ba ako mapaparusahan nang dahil sa mga nagawa ko?" "Marami na akong kaluluwang ligaw na natulungan," paniniguro niya upang mawala na ang takot na nararamdaman ni Armada. "Lahat naman sila ay maligaya at mapayapang nakatawid. May awa ang Diyos at naiintindihan Niya kung bakit natin nagagawa ang ilang pagkakamali. Pero kung taos-puso tayong lalapit sa Kanya, magsisisi at aaminin ang mga pagkukulang, handa Niya tayong tanggapin sa kaharian ng langit. Kaya huwag ka nang matakot, magtiwala ka lang kay Lord!" Napangiti na ang kausap at napuno ng pag-asa. Ramdam niya ang sinseridad ni Pablo kaya nasabik pa siyang makita ang liwanag na maghahatid sa kanya sa kabilang-buhay. Sa wakas, naisip niya, matatapos na ang pagdurusa sa mala-impiyernong lugar kung saan pinagtaksilan at pinaslang pa siya ng kabiyak. "Halika, ipapakita ko sa iyo kung nasaan ang katawan ko," pag-aya ng ginang sa pari. Naglakad siya at inakay ito sa lugar na napapalibutan ng malulusog na rosas. Walang makapag-iisip na sa lahat ng lugar, nasa ilalim pala roon ang poso n***o ng hacienda kaya noong nagkaroon ng imbestigasyon ang mga pulis, hindi man lang nila napansin na posibleng may nakalibing na bangkay roon. "Ibinaon nila ako rito," nahihiyang itinuro ng babae. "Sorry na at medyo maalingasaw, hehe!" Napabuntong-hininga na lang si Pablo nang mapagtantong mabahong paghuhukay ang gagawin niya buong magdamag...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD