Taong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang pogi pero kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Kilala siya bilang malupit na kalaban ng masasamang elemento at maging sa ibang bansa ay ipinapatawag pa siya upang gumawa ng exorcism sa mga nasasaniban. Mapa-aswang o mga engkanto pa man, lahat sila ay natatalo niya at napapadala sa impiyerno. Bali-balita na maging mga demonyo ay pinangingilagaan siya dahil hindi nila ito masindak man lang.
Isang umaga, habang nagmimisa ay napansin niya na puro kababaihan lamang ang nagsimba. Karaniwan naman sa lugar na mas kaunti ang lalaking relihiyoso pero nagtaka na siya kung bakit tatlo lamang ang naroon at mga bata pa.
Iyon pala ay may nagshu-shooting sa ilog ng bayan ng Tarlac na isang sexy star na nagngangalang Susie dela Torre. Nabalitaan ng mga kalalakihan na naka-red bikini pa iyon kaya nagsipuntahan sila roon at nakalimutan nang magsimba. Dinaig pa ang bigayan ng ayuda at nutri-bun ang pagdagsa at pagpila ng mga ginoo sa lugar nang dahil kay Susie.
Siya rin ay na-curious na kung bakit nawawala ang mga lalaki sa bayan. Maging mga lolo ay wala siyang makita na gumagala kaya napag-isipan niyang dumalaw na rin kung nasaan ang magandang babae na kinahuhumalingan ng mga fans.
Nagkukumpulan ang mga tao nang makarating na siya sa may ilog. Nagtutulakan pa sila upang masilip lang ang mala-diwatang artista. Nang lumabas na mula sa tent ang inaasam nila, naghiyawan sila at nagsisipulan nang makitang naka-two piece swimsuit na ito.
Malayo man ay kitang-kita ni Pablo ang kumikinang na red bikini, maging ang flawless na kutis nito. Tunay naman na sexy at kaakit-akit ang babae pero para sa kanya, mas maganda pa rin si Audrey Hepburn dahil sweet and wholesome ang image nito.
"Ang mga babae nga naman ngayon, paikli nang paikli ang mga salawal," may pagkadismayang naisip ni Pablo habang pinapanood na nagpo-pose sa camera si Susie.
"Sa susunod niyan, baka sinulid na lang ang isuot nila..."
Maya't maya ay napansin siya ni Susie. Dahil sa matangkad, makisig at may itsurang maipagmamalaki ang pari na may pinaghalong lahi ng Pilipino at Kastila, natipuhan pa siya ng babae na mahilig sa mestisuhin at gwapo. Kasama ang mga alalay, kumekendeng na lumapit siya kung saan naroroon ang walang kaalam-alam na pari na may sexy star na palang nagka-instant crush sa kanya.
"Hi, Tisoy!" pagbati nito sa kanya.
Mabilis na nagsilingunan ang ibang mga lalaki sa kanya at tinignan siya nang masama. Bigla-bigla ay parang naging mabangis na mga hayop ang ekspresyon nila at nanlisik ang mga mata nang dahil sa selos at inggit.
"Hala, bakit nagalit sila?" natanong pa niya sa sarili habang lumalayo na dahil napansin na niyang kaunti na lamang ay dadambahin na siya ng mga katabi. Kaagad niyang napansin ang pag-iiba ng aura nila na para bang may hindi nakikitang nilalang ang kumukontrol sa kanila.
"May mali," naobserba na niya. "Parang nababaliw sila, hindi ito normal..."
"Uy! Bakit ka umiiwas?" paggambala ni Susie sa pag-aanalisa niya sa naging reaksyon ng kalalakihan. "Hindi ako nangangagat!"
"Ako ba ang kausap mo?" paniniguro niya kasabay ng pagturo sa sarili.
"Oo, halika!" pag-aya pa nito. Hinila niya mula sa nagkukumpulang mga tagahanga si Pablo upang maisama sa loob ng tent at makausap. Naghahanap kasi siya ng makakatambal sa bagong pelikula at inakala niya na may bago siyang talent na na-discover.
Pagkahawak pa lang sa kanya ni Susie ay may naramdaman na siyang kakatwa. May madilim na kapangyarihang nagmumula rito pero hindi lang niya matukoy kung saan nanggagaling. Tinignan niya mula ulo hanggang paa ang dalaga pero ang talagang nakakakuha kaagad ng atensyon niya ay ang pulang bikini na kumikinang-kinang pa. Tila ba may gayuma ito na inaakit siyang bumigay sa tukso na hatid ng alindog ng babae.
"Halika...masarap ang bawal..." tila ba narinig niyang binulong nito.
Bahagya siyang natulala at nagdilim pa ang paningin nang marinig iyon pero umiling-iling siya para matauhan at malabanan ang mahika nito. Nagsitaasan pa ang balahibo niya nang ma-realize na kinausap siya ng teeny weeny red bikini na napaka-daring lalo na noong 1960s.
"Parang may hipnotismo ito," napagtanto niya. "Kailangan ko itong maimbestigahan!"
"Pero, paano? Hindi ko naman mapapahubad 'yan dahil siguradong eskandaloso kung gagawin ko!"
"I like you! Nasa iyo ang whole artista package! Pogi na, madating pa!" deklarasyon ni Susie habang inaakay siya papasok ng tent. Pinaupo niya sa silya, katabi niya ang inaakalang discovery na binata. Inabot ng alalay ang puting robe at isinuot niya iyon habang kinakausap si Pablo.
"Talaga? Salamat!" tugon niya sa matatamis na salita nito. Ilang sandali rin niyang tinantya kung paano kakausapin si Susie na hindi nababastos o nagdududa.
"May itatanong lang sana ako," paninimula na niya.
"Ano 'yun?" Kumuha ang dalaga ng sigarilyo at sinindian. Hinithit niya iyon at inibuga ang usok habang nakikinig sa bisita.
"'Yan underwear mo, saan mo binili?"
"Ha?" Napaawang tuloy ang bibig ng artista sa kakaibang katanungan niya. Maya't maya ay napatawa siya dahil hindi niya inaasahan na may lalaking magkakainteres sa bikini niya.
"Hmmm, secret," sinagot niya habang nagsasalin naman ng alak sa kopita. "Bakit naman naitanong mo?"
Tanging ngiti lamang ang isinagot niya sa babae. Mas natuwa ito sa kanya dahil mas lumilitaw ang kagandahang lalaki niya kapag ngumingiti. Ngayon lang nakatagpo si Susie ng binatang biniyayaan na ng magandang itsura, may bahid pa ng misteryo kaya gusto niya itong makasama sa mga pelikula.
"Sa tingin ko, papatok tayong love team," diretsahang pahayag niya. "Pagkatapos, pa-picture tayong naka-swimsuit sa beach! Mag-red shorts ka rin para match na match tayo! Sa itsura mong 'yan, siguradong mabebenta ang pin-ups natin!"
Si Pablo naman ang napaawang ang labi at natulala dahil sa mapangahas na suhestiyon ni Susie. Nai-imagine palang niya na naka-shorts lang siya na tumatakbo sa may dalampasigan ay parang nasusunog na ang kalahati ng kaluluwa niya sa impiyerno. Noong beinte anyos at hindi pa pari ay nagawa na naman na niya iyon nang dahil sa pang-uudyok ng mga kabarkada pero nang may muntikang malunod na babae dahil sa magandang pangitain, nangako siya sa sarili na hindi na uulit pa.
"Salamat sa papuri. Na-flatter ako, sobra!" namumula ang mga pisnging tugon niya sa paghangang narinig. May ilang nagsasabi sa kanya na crush nga raw siya pero hindi niya inaasahang ganoon pala ang dating niya sa mga tagahanga. Dahil sa pari nga, kinukunsidera lang niya iyon na pampa-good vibes at walang malisya. Simula noong nagdesisyon siya na magsilbi sa Simbahan, lumayo na siya sa kahit anong tukso na maaaring sumubok sa kanyang propesyon. Alam niya na lalaki rin naman siya kaya kung hindi maingat, posibleng mahulog siya sa patibong ng mapang-akit na mga babae.
"Pero hindi ako pang-artista. Ako ang kura paroko rito kaya hindi niyo ako makikitang nakasalawal lang," pagtatapat na niya.
"P-Parish priest?" nanlalaki ang mga matang napabulalas ni Susie. Halata sa reaksyon nito ang magkahalong kaba at nerbiyos nang malamang Alagad ng Diyos ang kausap. "Pari ka?"
"Oo, kaya naisip ko na pagkakataon na rin ito para makausap ka patungkol sa salita ng Diyos at aayain sana kitang magsimba mamaya..."
Kaagad na napasimangot ang babae nang marinig ang imbitasyon ni Pablo. Kung kanina ay paghanga at pagnanasa ang nararamdaman niya sa lalaki, kaagad itong napalitan ng suklam. Tila ba baliw siya na ipinagtabuyan ang pari at pinagtutulak pa palabas.
"Alis! Hindi ko kailangan ang Panginoon mo!" nanlilisik ang mga matang pagtataboy niya.
"Sandali, huminahon ka. Hindi naman ako namimilit," pagpapakalma niya sa naghuhurimintadong babae.
"Layas! Hindi totoo ang Diyos! Mga salot sa lipunan ang katulad niyo na mga santu-santuhan!" sinigaw pa rin nito. "Huwag na huwag mo na akong lalapitan!"
Walang nagawa si Pablo kungdi sumunod sa nais ni Susie dahil nag-iingay na ito at nagsisilapitan na ang mga alalay. Umiiwas na rin siya sa eskandalo kaya nilisan na niya ang tent.
Paglabas ay sumalubong ang mga lalaking blangko ang ekspresyon habang hinihintay pa rin na lumabas si Susie. Maya't maya ay natumba ang isang lalaki sa lupa at magdeliryo. Nasundan pa ito hanggang sa mahigit isang dosena na ang nakahandusay. Tila ba may sumanib sa kanila na masamang elemento dahil tumirik ang mga mata nila habang bumubula ang bibig.
"Tumawag kayo ng ambulansya!" inutos ni Pablo sa mga tauhan ng media. Nilapitan niya ang isang binata na nanghihina at namumutla na. Hinawakan niya ito sa noo at nanalangin upang hindi magtagumpay kung sino o anong nilalang ang nagnanais na mapahamak ito. Gamit ang sariling enerhiya at pananalig sa Diyos, nailigtas niya ito mula sa peligro.
Nais man niyang tulungan lahat ay kinulang na rin siya ng lakas dahil halos lahat ng fans ni Susie ay nagsisitumbahan na, katulad ng sa larong domino. Laking-pasasalamat niya dahil dumating na rin ang ambulansya, dala ang rescue team upang tumulong. Mas nakahinga siya nang maluwag nang makitang sumasakay na sa kotse si Susie upang umalis. Alam niya na hangga't naroroon ang dalaga, mas marami pang posibleng mapahamak.
Sinundan niya ng tingin ang papalayong sasakyan habang unti-unting nagiging klaro sa kanya na may kinalaman nga si Susie at ang pulang underwear sa hipnotismo at panghihina ng kalalakihan sa kanilang bayan.
"Malalaman ko rin ang sikreto mo," paniniguro niya habang inaalalayan na maisakay sa ambulansya ang isang may edad na biktima.
Napag-alaman niya mula sa mga doktor ng ospital na na-overfatigue daw ang mga lalaki at posible na nagka-mass hysteria lang kaya sabay-sabay silang nahimatay. Sobrang init din kasi ng panahon kaya maaaring na-dehydrate sila o na-heat stroke pa. Ipinaliwanag man sa kanya gamit ng siyensa ang mga pangyayari, hindi pa rin siya kumbinsido lalo na nang mabalitaan kinagabihan, sa kabilang bayan naman nagkaroon ng magkaparehong kaso. Nagkataon na doon naman nag-fan meeting si Susie kaya mas lumakas ang pagdududa niya sa babae at sa red bikini nito.
Kinabukasan ng madaling-araw, habang nagmamaneho patungo sa bayan na kinaroroonan ni Susie, may nahagip ang paningin niya na kulay pula. Sa talas ng mala-abong mga mata, nasundan niya kung saan lumilipad ang nilalang na inakala pa niyang paniki.
"Ano kaya 'yun?" pagtataka niya habang pinagmamasdan itong bumabagsak mula sa alapaap. Sa sobrang kinang ng unidentified flying object, bahagya pa siyang nasilaw. Itinabi niya ang kotse at bumaba upang mapuntahan kung saang bahay magtutungo ito. Huminto ito sa isang lumang mansyon at tumapat sa may pintuan.
Nagtago si Pablo sa likuran ng puno upang hintayin kung anong kababalaghan ang bumabalot doon.
Ilang sandali lang ay may nagbukas ng bintana at lumantad ang isang babaeng may katabaan. Lumingon-lingon ito na tila ba may hinahanap. Sumenyas ito gamit ang kamay at laking-gulat ni Pablo nang pumasok ang pulang nilalang na nakita niya kanina lamang. Nang maisara na muli ang bintana, maingat na pumasok siya sa tarangkahan upang mag-imbestiga. Sumilip siya sa siwang ng bintana at nakita niya na may hawak na pulang underwear ang nakatira roon.
"Mabuti at nakabalik ka na," pagbati nito at paghaplos sa panty na tila ba alaga itong pusa. "Kailangan kita kasi may shooting pa ako mamaya."
Habang isinusuot ang panloob ay pansamantalang nagdilim ang silid. Pagbalik ng liwanag ay lumantad na ang isang sexy, maganda at mas batang babae, malayong-malayo sa pisikal na anyo kanina. Kitang-kita ni Pablo na nag-transform ito bilang si Susie dela Torre.
"Ha! Ang red bikini ang may kagagawan ng lahat ng ito at ginagamit niya ang babae para makaakit ng mga lalaki at makuhanan ng lakas!" nakumpirma na niya.
Nang lumabas na ng silid ang inaakala ng lahat na napakagandang artista, nagmamadaling lumabas siya sa bakuran upang hindi mahuli. Desidido na siyang makuha ang mala-demonyong panty na kumokontrol sa babae at nambibiktima pa ng kalalakihan.
Kinagabihan, habang tahimik na ang nakararami sa barangay, bumalik si Pablo sa mansyon. Pagsilip sa silid ni Susie, naisip niya na sakto lamang ang pagdating niya dahil mahimbing na itong natutulog at humihilik pa.
"Ayos, madali na lang ito!"
Kinuha niya mula sa bag ang safety pin at dahan-dahang sinungkit ang kalawit ng bintana upang mabuksan. Maingat siyang pumasok sa madilim na kwarto upang hindi magising ang babae. Mas tinalasan niya ang pandama upang maramdaman kung saan naroroon ang salbaheng underwear.
Habang naghahalughog sa mga cabinet at drawer, lumakas ang kutob niya nang matapat sa isang antigong baul. Lumingon muna siya sa gawi ni Susie upang masigurong natutulog pa rin ito. Maingat niyang inangat ang lalagyan at tumambad nga ang hinahanap.
Akmang hahawakan at wiwisikan na sana ng holy water ang pakay pero sa kamalas-malasan, sumigaw nang napakatinis ang pulang bikini kaya napabalikwas ng gising si Susie. Hindi niya inaasahan na may boses pala ito kaya maging siya ay nagulat. Napatakip siya ng mga tainga dahil sa lakas ng tinig na makabasag-salamin. Nahihirapan man ay nahablot pa rin niya ang panloob na nagtatangkang tumakas.
"F-Father...bakit hawak mo ang panty ko?" namumungay ang mga mata nang dahil sa antok na tinanong ni Susie.
"Shhh...huwag kang maingay, magpapaliwanag ak-"
"Eeek! Mga kapitbahay, si Father Pablo Ezequiel T. Sandoval, ninanakaw ang panty ko!" hiyaw niya kaya napatalon na ang pari sa kinahihigan niya at tinakpan ang bibig.
Subalit, huli na ang lahat dahil nagsibukasan ang ilaw ng mga kapitbahay nang marinig ang sigaw ni Susie.
"Aru, neh?* Sinigaw mo pa talaga ang buong pangalan ko, pati middle initial! Salamat Hija, may bonus points ka sa langit!" sarkastikong pahayag niya sa babaeng desperado na lalo na nang mapag-alamang nadiskubre ang sikreto ng magical underwear niya. Dahil sa pursigidong mabawi iyon, dinakma niya sa ilalim ng puson ang kaawa-awang pari upang bitiwan siya.
(Ekspresyon ng mga Kapampangan kapag nababahala.
"****!" napamura tuloy siya nang dahil sa karumal-dumal na ginawang pag-atake ni Susie.
Sakit, pighati, lumbay, pait, desperasyon at dalamhati ang dumaloy sa mga ugat niya nang mga panahong iyon, na kailanman ay hindi niya malilimutan.
Ganoon pa man, kahit na namimilipit sa sakit at nanghihina ang tuhod ay hindi pa rin niya isinuko ang panty. Buong-lakas na hinila ni Susie ang bikini pero mahigpit na hinawakan naman ni Pablo iyon.
"Ang bad mo! Hindi mo na iginalang ang pagkapari ko!" naniningkit ang mga matang pinagalitan niya ang babae.
Matapang man ang ipinapakitang awra sa kaalitan, sa kaloob-looban niya ay nananalangin siya sa lahat ng anghel sa langit upang manatiling matatag kahit na nakatanggap ng matinding parusa mula sa babae. Pakiramdam niya ay nasabugan ng atomic bomb ang p*********i niya kaya kinakailangan ng sangkaterbang dasal upang hindi siya himatayin.
"Wala akong pakialam kahit ikaw pa ang Santo Papa! Kaya sorry, may nakapa ako sa iyo, Fa-therrr! Hahaha!" may panunuya at patawa-tawang sinambit pa nito na mas ikinainsulto pa lalo ni Pablo.
"Napakabastos mo talaga!" nagtitimping pinagsabihan niya na ito. "Masama talaga ang impluwensya ng panty na ito kaya hindi mo na mababawi ito mula sa akin, forever and ever!"
Kaagad na rumesponde ang mga tanod, maging ang mga kapitbahay sa panawagan ng babae. Pinasok nila ang bahay kung saan rinig ang alitan ng dalawa. Natagpuan nila na hinahabol at pinapalo ni Susie ng unan si Pablo. Hindi naman siya gumaganti at umiilag lang pero siya pa rin ang inaresto ng kinauukulan.
"Grabe si Father, hindi ko alam na mahilig pala sa panloob ng babae," pag-arte ni Susie na tila ba nabiktima talaga siya. Nagkunwari pa siyang umiiyak upang mas makuha ang simpatya ng mga naroroon. "Akala ko pa naman kagalang-galang!"
"Pari 'yan? Sayang, ang pogi sana pero ang laswa naman pala," pakikiramay ng kapitbahay na babae. "Hindi bale, ipapakulong natin siya para magtanda!"
"Sandali, hindi ako nagnanakaw," pagpapaliwanag ni Pablo sa mga tauhang hinahatak na siya patungo sa barangay hall. "Misunderstanding lang ito!"
"Sa presinto ka na magpaliwanag!" pahayag ng kapitan ng barangay. "Hindi ko kinukunsinti ang pagnanakaw sa lugar ko kaya ipapahuli kita sa mga pulis!"