Chapter 1:
From End to Start (Mula sa Katapusan Hanggang sa Simula)
“Wouldn't you like to have an augmented memory chip that you could plug into your head so you don't have to look everything up and remember everything?”
-Kevin J. Anderson
Nakatayo si Johan sa harap ng isang puntod sa isang sementeryo sa Pasig. Napakalinis ng paligid at may ilang mga maliliit na mga robot na de-gulong ang rumoronda sa paligid upang gupitin ang ilang parte ng damong humahaba na. Mayroon ding ilang mga maliliit na robot na nagdidilig sa mga halaman sa paligid.
Tila isang malaking parke ang sementeryong iyon. May kasamang mga sundalong alalay si Johan na palinga-linga sa paligid at tila alisto sa bawat galaw ng mga taong nakatingin sa kanilang pinuno. Binasa ni Johan ang hologram screen na nasa harapan ng puntod.
In Memory of Erlinda Klein
Mother of our fallen hero. May you rest in peace with the Lord, our God.
Dalawang bungkos ng mga puting rosas ang dala ni Johan mula sa kanyang kaliwang kamay. Mayamaya pa’y lumuhod siya at inilapag ang isa sa mga bungkos ng rosas sa ibabaw ng puntod.
Ilang sandali pa’y sumilip na ang araw na tumama naman sa madamong bahagi ng sementeryo. May kalamigan ang hanging umiihip sa buong paligid. Nadampian nito ang malungkot na mukha ng binata. Hinimas niya ang puntod ng kanyang ina at tila napayuko.
Mayamaya pa’y pumaling siya sa kanyang kaliwa kung saan makikita ang isang puntod na tila niluma na at halatang walang dumadalaw. Iyon ang puntod ng kanyang ama. Napasimangot na lamang siya habang tinitingnan ang puntod na iyon. Pumitas siya ng isang piraso ng puting rosas at saka tumayo at inilapag sa ibabaw ng puntod ng kanyang ama. May galit pa rin siya ngunit alam niya sa sarili na wala nang patutunguhan ang galit na iyon.
Lumunok siya ng kaunting laway at saka tumalikod. Sa isa pang katabing puntod naman ng kanyang ina ay isang bago at malinis na puntod din ang nakapwesto. Ngumiti siya at lumapit sa puntod na iyon. Isang maliit na robot namang de-gulong ang lumapit sa puntod at sinimulang paganahin ang bago pa lamang na sensors para sa hologram screen. Unang lumabas dito ang isang pangalan.
Richard Clay.
May you rest in peace with the Lord, our God.
"Maraming salamat, kaibigan," wika ni Johan.
Inilagay naman niya ang isa pang bungkos ng puting rosas sa ibabaw ng puntod ng kaibigan. Ilang segundo pa siyang nagtagal sa kanyang kinatatayuan. Hindi naman magkamayaw ang mga tao sa ‘di kalayuan dahil alam nilang naroon si Johan Klein. Marami ring guwardiya sa labas na pinipigil ang napakaraming tao at media sa labas ng gate. Dinig na rin ni Johan ang mga ingay mula sa kanila.
"Sir, kailangan na po nating umalis," wika naman ng isang sundalong nakasuot ng all black na uniform at fiber glass na helmet.
May bitbit siyang mataas na kalibre ng baril. Naningkit ang mga mata ng binata habang nakatitig sa puntod ng kaibigan. Hinawakan niya itong muli at saka tumalikod. Agad namang sumunod ang mga sundalong kanyang kasama. Sa pagkakataong iyon ay iniabot na ng isang sundalo ang isang itim na sumbrero kay Johan. Isinuot naman ito ng binata sa kanyang ulo at muling naglakad.
Nagkagulo ang mga tao nang masulyapan nilang naglalakad ang binata patungo sa isang magarang hover car na kulay puti sa gilid ng paradahan ng mga hover car sa sementeryo. Hindi magkamayaw sa pagkuha ng kanilang mga cameras ang mga media mula sa iba't ibang estasyon ng TV. May ilan namang lumilipad na mga robots na mayroong camera ang kumukuha ng video kay Johan habang sumasakay siya sa puting hover car.
Binuksan ng isang sundalo ang pintuan nito. Umangat naman ang pintuan at saka umupo si Johan sa hulihang bahagi ng kotse. Ibinaba naman ng sundalo ang pintuang iyon nang maayos na ang pagkakaupo ng binata.
"Sir."
Isang hologram stick naman ang inabot ng isang sundalong katabi ng driver kay Johan. Nakikita dito ang isang video call mula kay Reuben Stalin, ang tumatayong pinuno ng Russia. Nakaputi siyang uniporme ng isang sundalo at tila ba tuwang-tuwa nang makita ang binata.
"Mr. Stalin, it's nice to see you." Blangko ang ekspresyon ni Johan habang nakatingin sa hologram screen.
"Well it looks like you're not happy to see me." Ngumiti ang Russian president at muling naging seryoso.
"How will I be happy? You were the one who wanted my death in the first place," sagot ni Johan. Ngumiti ang Russian leader at tumitig muli sa hologram screen.
"So what can I do for you?" tanong ni Johan. Nagsimula namang umangat ang hover car na sinasakyan nila. Nakaalalay dito ang ilang mga hover car ng mga militar at hinahawi ang kanilang dinadaanan mula sa mga taong nagkakagulo.
"Nothing. Just checking if you are really back from the dead. How does it feel?" tanong ni Stalin.
"Do you want to feel death? Mr. Stalin?" Naging masama ang pagkakatitig ni Johan sa Russian leader. Napapikit naman si Reuben Stalin at umiling-iling habang nakangiti.
"Well, if you keep threatening everyone, I might as well say that you are still dead, Mr. Klein." Napangiti naman si Johan.
"But don't worry, I will not interfere with this war. This is yours Mr. Klein. Somehow, everything made sense. The incident you did three years ago; the catastrophe that happened in your country; all was set into one plan. To reveal the true enemy."
Ngumiti na lamang ang binata at umiwas ng tingin. Napatitig siya sa labas kung saan nakita niya ang mangilan-ngilan pang mga taong sumusulyap sa kanilang convoy.
"Look at these people. I was once like them. Hungry for peace, always wishing for a brighter tomorrow. Yet there they are. Complaining for everything that they didn't do. Ask them, they cannot do anything at all. They just want the truth but from the looks of it, it's better to hide what is true than to hear their cries. Now I understand why the government can't tell us everything," wika niya. Tila muling bumalot sa kanyang katauhan ang kalungkutan.
"Then you are just the same as MEMO..."
"I was a part of MEMO. They have given me a gift. And now I'm just returning the favor," sagot ni Johan. Muli siyang tumitig sa hologram stick na kanyang hawak.
"Well, in that case I must say that...I'm glad you're back."
Ngumiti ang Russian leader at tinapos ang video call na iyon. Napangiti naman si Johan at muli namang naging seryoso nang mapatingin syia sa labas. Ilang mga gusaling nasira ng nakaraang gulo ang inaayos ng ilang mga inhinyero. Gamit ang ilang naglalakihang mga heli ship ay muli nilang inilalagay ang ilang mga parte ng gusali sa tabi at ang iba naman ay ibinabalik na sa pwesto nito.
May ilang mga kalsadang naging malubak dahil sa pagkawasak ng mga naglalakihang piraso ng bakal sa daan na nagsisilbing magnetic field para sa mga hover car. Marami ang hindi madaanan at halos magkaroon pa ng trapik sa lugar.
Napatigil na lamang ang sinasakyan ni Johan. Hindi pa rin magkamayaw ang mga tao sa daanan. Kung kanina ay pinagkakaguluhan ang convoy ni Johan, ngayon naman ay halos magtakbuhan na ang mga tao sa kamamadali upang lumuwas patungo sa iba't ibang parte pa ng bansa. Kapansin-pansin din ang dami ng mga heli ships na nagliliparan sa himpapawid. Alam ng mga tao ang digmaang nagbabadya sa buong mundo. Ang lahat ay gagawin nila makaiwas lamang sa gulong magaganap.
"Sir, pasensiya na po pero hindi na tayo makakausad. Dumating na po ang back up na heli ship. Ililipat na lang po namin kayo," wika naman ng sundalong nasa passenger's seat sa harapan.
"Sige..." tugon ng binata.
Isang heli ship ang dahan-dahang nagbaba ng isang hagdang gawa sa tali. Binuksan ni Johan ang pintuan ng puting hover car na iyon at agad na kumapit sa tali. Sa itaas ay may mga sundalo ding umakay sa kanya upang makaakyat. Nilipad naman ng hangin ang suot niyang sumbrero at doon ay nakita niya ang halos daan-daang mga taong naglalakad sa ibaba. Nagkabuhol-buhol na ang trapiko at kitang-kita ang balyahan ng mga tao. Animo’y isang zombie apocalypse mula sa himpapawid ang kanyang nakikita.
Umupo na lamang si Johan at tila nadidismaya sa mga nangyayari ngunit matapang pa rin ang kanyang loob. Tumakbo nang mabagal ang heli ship na iyon. Iniiwasan kasi nitong makabangga ng iba pang mga sasakyan sa ere. Nagsimula namang pumatak ang maliliit na butil ng ulan sa salamin ng heli ship na iyon.
*****
"Mr. President? Welcome po," wika ni Helena.
Naglakad si Johan sa pulang carpet sa gitna ng buong hallway. Ang lahat ay bahagyang yumuko sa kanyang harapan. Itinaas naman ni Johan ang kanyang kanang kamay. Simbolo na huwag nila iyon gawin.
Nag-aalangang nakangiti at nalungkot naman si Albert. Nasa likuran niya ang ilan pang natitirang mga sundalo ng New Order. Nalungkot si Johan dahil sa huling bilang nito ay mahigit sa limandaan pa ang mga sundalong kanyang nakasalamuha noon sa Pampanga. Marami ang nalagas sa kanilang pwersa. Yumuko na lamang ang binata at nagpatuloy sa paglalakad.
"Paano natin ipaglalaban ang bansa? Kulang na ang pwersa natin!" pabulyaw na tanong ni Professor Marco Dela Paz. Napatigil naman si Johan at muling humarap sa mga tao. Naging tahimik muli ang buong paligid at tila mga ingay na lamang ng mga patak ng ulan sa labas ang kanilang naririnig.
"Alam kong mahirap..." panimulang pagsasalita ni Johan.
"Hindi ko inakalang magiging malaki ang gulong ginawa ko noon. Ang planong binuo ko ay hindi ko inaakalang magwawaldas ng napakaraming buhay ng mga sundalo natin. Pasensya na. Pero ano ba ang kulang sa atin? Nandyan ka propesor para imonitor ang iba pang mga pangyayari; kasama si Layla ay walang imposible. Kaya niyong pasukin ang system ng buong mundo. Nandyan si Edward na kayang basahin ang iniisip ng ilan pang mga taong hindi pa nagpapalit ng mga memory gene." Mula naman sa isang sulok ay ngumiti si Edward at iniangat nang bahagya ang kanyang salamin.
"Nandito si Helena na may katumbas nang dalawandaang sundalo; at ako, ang magsisilbi niyong commander. Walang imposible. Sisimulan natin ang larong ito. Walang mapapahamak. Pangako ‘yan," wika ng binata.
Muli siyang tumalikod at umakyat ng hagdan. Mula naman sa itaas ng hagdan ay nakita niya roon ang apat na batang pamilyar sa kanya. Sina Ruth, Jek, Bobby at Cherry-- ang mga batang iniligtas noon ni Johan sa Antipolo.
Bahagyang umatras sina Cherry at Bobby nang makita ang binata. Takot na takot si Cherry na nagtago sa likuran ng kanyang ate; gayundin si Bobby. Marahil ay naaalala nila ang mga pangyayari noon at ang pagkamatay ng kanilang Kuya Johan. Hindi pa rin sila makapaniwalang muling nabuhay ang binata. Yayakap na sana si Johan sa mga batang iyon ngunit lungkot lamang ang kanyang naramdaman. Muling naglakad si Johan nang dahan-dahan patungo sa isang madilim na parte ng hallway.
"Kuya..." wika ni Ruth. Humarap naman si Johan sa kanya. Lumapit ang bata at siya’y niyakap.
"Maligayang pagbabalik, Kuya." Hinawakan niya ang ulo ni Ruth at hinalikan ang kanyang noo. Ngumiti si Johan at tumingin sa mga bata. Takot na takot pa rin ang mga ito. Muli na lamang siyang naglakad at pumasok sa isang kwarto.
"Masama ba ang ginawa ko?" tanong ni Johan.
Kasalukuyan siyang nakatayo sa harapan ng salamin na pader kung saan gumuguhit ang patak ng ulan at tila nagiging isang munting palabas ng anino sa buong kwarto. Makikita naman sa liwanag na iyon ang pagguhit ng tubig mula sa salamin patungo sa kanyang mukha.
"Ang martial law? Paraan mo iyon para maging maayos ang lahat. Gusto mo lang na hindi magkagulo at makahanap ng ligtas na lugar ang mga tao, 'di ba?" sagot naman ni Helena.
Mula sa kadiliman ng kwartong iyon ay lumabas siya. Hinawakan niya ang balikat ni Johan at tiningnan ang binata.
"Hindi. Ang buhayin ang sarili ko," sagot niya. Bumitiw naman si Helena at tumingin din sa pader na salamin.
"Hindi ko kaya kung ako lang. Pero kahit papaano ay natuto ako. Iyon ang gusto mong mangyari, hindi ba?"
"Marami ang namatay dahil sa 'kin. Sabihin mo. Sakim ba ako?" tanong muli ng binata.
"Hindi. Kung hindi mo ginawa 'yon, hindi rin lalabas ang totoo. Hindi rin namin kakayanin. Alam kong ikaw ang nag-utos sa air force ng mga gagawin nila nang lusubin nila ang pwersa ng Amerika. Kakaunti lang sila Johan. Pero simula nang ikaw ang nag-command sa kanila, walang nasawi," sagot ni Helena.
Ngumiti naman si Johan habang nakatingin pa rin sa mga patak ng tubig na tumutulo sa salamin. Lumapit naman si Helena sa kanya. Akma na niyang hahalikan ang binata ngunit pumasok si Layla sa kwartong iyon.
"A-ay pasensiya na..." wika ni Layla.
"Ano ‘yon?" tanong naman ni Johan.
"Commander, kailangan niyo pong makita ito."
Agad namang naglakad si Johan palabas ng kwartong iyon. Nang makalabas ay agad nag “peace: sign si Layla at ngumiti kay Helena. Napangiti naman si Helena na tila nahahaluan ng pagkainis.
*****
"...at nagpapatuloy nga ang mass deportation ng mga Pilipino sa iba't ibang bansang kasapi sa European Union. Ang ilan sa mga ito ay pinapabalik sa Pilipinas nang walang dalang mga gamit kundi ang kanilang sarili lamang."
Isang balita ang pinapanood ng lahat ng staff ng command center sa techno hub ng Malakanyang. Kararating lamang ni Johan kasama ang ilan pang mga staff nang matunghayan ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga Pilipinong pinapadeport mula sa Europa. Madudungis ang mga ito habang nakapila sa ilang mga nilumang heli ship ng European Union. Sugatan pa ang ilan sa mga ito na halatang pinuwersa ng ilang mga sundalo. Makikitang nakikipag-away pa ang isang lalaki sa isang sundalo. Hinampas na lamang siya ng baril sa kanyang ulo. Dumaloy naman doon ang napakaraming dugo. Inakay siya ng kanyang mga kababayang nakipagsigawan din sa sundalong nanghampas.
"Sobra na sila!"
"Wala silang awa...ganyan ba talaga ang gusto nila?"
"H-hindi na makatao ito."
Iyon na lamang ang mga naging reaksyon ng mga staff ng Malakanyang habang nanonood sa main screen ng techno hub.
"Ipadeport din ang mga taga-Europa na nasa bansa. Ngayon na," mahinahon ngunit galit na utos ni Johan. Napatingin naman ang mga tao sa kanya.
"S-sigurado ka ba dito, Johan? Kapag ginawa mo ‘yan..."
"Magiging patas ako, Propesor." Pinutol ni Johan ang sinabi ni Professor Dela Paz.
"Kung gusto nila ng ganitong laro ay hindi ko sila pipigilan," dagdag pa ng binata habang nakangiti.
"Wala silang iuuwi sa kanilang mga bansa kundi ang sarili lang din nila. Hindi ako papayag na magbitbit sila ng kung anuman galing sa Pilipinas. Hindi nila puwedeng ibaba ang estado natin. Maliwanag ba?" wika ng binata.
Ngumiti naman si Albert dahil sa kanyang narinig. Maging ang ibang mga sundalo ay nabigyan ng lakas ng loob.
"Narinig niyo ang utos ng commander. Magmadali kayo," bulyaw ni Albert.
Agad namang nagsilabasan ang mga sundalo ng New Order. Yumuko naman ang ilan pang may katungkulan sa pwersa ng Pilipinas na nasa hologram screen at pagkatapos ay agad na nag-log out. Napapailing naman at tila hindi nagustuhan ng propesor ang ginawang hakbang ni Johan.
"Johan, mag-isip ka muna. Lalo mong pabibilisin ang mitsa ng mga buhay natin kapag ginawa mo ito," pag-aalala ng propesor.
"Hindi Propesor. hindi ako ang nagsimula. Kung hindi natin ipapakita na wala tayong kayang gawin laban sa kanila, aapihin lang nila tayo nang paulit-ulit. Hindi ako papayag," sagot naman ng binata, na sa pagkakataong iyon ay nakakunot na ang noo.
"Johan, may problema pa tayo," sabat ni Layla. Kasalukuyan siyang nagpipindot sa hologram keyboard ng main computer at inilagay ang live feed ng isang video sa main screen.
"Soon, this world will know that they will not live just by themselves. We will create a new generation with hope by fulfilling the dreams of a longer life. By engaging ourselves into new technology in human genetics. Welcome to the new step of innovation. Welcome to the New MEMO."
Isang malaking press conference ang nagaganap sa London. Hinack lamang ni Layla ang live feed nito dahil hindi ito ipinapalabas sa Pilipinas. Nagsasalita ang tumatayong presidente ng MEMO at ang European Prime Minister na si James Wellington.
Tila nagngingitngit naman sa galit si Johan sa kanyang natutunghayan. Napapikit na lamang siya at tila iniinda ang matinding galit na kanyang nararamdaman.
"No one shall be above MEMO. Not even America or North Korea," dagdag pa ng European prime minister.
"Bakit hindi niya isinama ang Pilipinas?" tanong naman ni Helena.
"Simple lang...dahil minamaliit nila tayo."
Napatingin naman ang lahat sa pwesto ni Edward. Nakaupo siya sa mesa ng 3D hologram blueprint na nasa kanilang likuran. Animo'y parelax-relax pa at nag-uunat.
"Hindi ‘yan upuan!" bulyaw naman ni Albert.
"Ay sorry. Haha. Pero ganoon nga. Hind nila binanggit ang Pilipinas dahil hindi na nila iniisip na isa tayong banta sa kanila. Kumbaga, para lang tayong mga insekto sa paningin nila," paliwanag ni Edward, ngunit nakaupo pa rin sa mesa ng 3D hologram blueprint.
"Sinabi nang umalis ka diyan eh!" Hinatak ni Albert ang binata at napatayo naman si Edward. Sumimangot siya at lumayo kay Albert.
"Kailangan na nilang malaman ang kaya nating gawin," sagot ni Johan.
"Paalala lang. ‘Wag ka sanang padalos-dalos sa mga desisyon mo, Johan. Baka lalo nating ikapahamak ‘yan," tugon naman ng propesor.
"’Wag kang mag-alala, Propesor. Alam ko ang ginagawa ko."
"Gusto kong ilabas sa media ang mass deportation na magaganap. Walang makakalusot. Salain ang lahat ng pumapasok sa bansa at kung mamamayan ito ng Europa ay agad na ipadeport," utos ng binata.
Agad namang tumango ang ilang mga staff at nagsimula nang magpipindot sa kanilang mga hologram computer.
"Johan." Agad namang nakatawag ng pansin ang pagdating ni Helena.
"Si Maria, gising na siya. Pero..." wika ng dalaga. Agad namang humarap si Johan sa kanya at nagsimula ring mag-alala. "Mukhang hindi niya magugustuhan ang mangyayari sa kanya."
Napayuko si Helena nang ibulalas ang mga salitang iyon. Agad namang tumingin sina Edward at Layla sa kanya. Napayuko naman si Albert at saglit na napatalikod. Alam niyang kasalanan niya kung bakit nagkaganoon si Maria. Pakiramdam niya’y wala na siyang mukhang maihaharap pa.