Chapter 13: Edward, The Brave (Edward, Ang Matapang)(Part 2)

2510 Words
"P-propesor!" bulyaw naman ng isang sundalo na kakapasok pa lamang sa isang kwarto ng isang malaking klinika. Kasalukuyan niyang tinutulungan ang ilang may mga sakit na sibilyan kasama si Maria. Napatingin na lamang ang propesor sa sundalong iyon at tila nagtaka. "Propesor...alam ko pong imposible pero, kumokontak na po sa atin ang Cavalier command center!" Nanlaki na lamang ang mga mata ng propesor. Nagkatinginan na lamang sila ni Maria at muling tumingin sa sundalong iyon. "I-imposible...buhay sila...ahahaha. BUHAY SILA!" Napasigaw na lamang sa labis na tuwa ang propesor. Napangiti naman ang ilang mga sibilyan, ang ilan ay napaiyak na lamang at nagyakapan. "Woohoo..." "Yes!" "Sabi na nga ba at kaya nila..." "May awa pa rin ang Diyos sa atin." Napuno ng galak ang paligid dahil sa balitang iyon. Napatakbo naman palabas sina Maria, Professor Marco at ang iba pa. Nagtungo sila sa malaking hall ng Philippine Arena kung saan nakalagak ang ilang mga communication device na kanilang ginagamit. Agad pumasok ng kwartong iyon sina Maria at Professor Marco at nakitang abala ang ilang mga sundalo sa pakikpag-usap sa command center kung saan naroroon sina Johan at ang iba pa. "Layla? LAYLA!" bulyaw naman ni Maria nang makita ang isang babae na may dilaw na buhok sa hologram screen, natuwa man ang dalaga ay tila lungkot naman ang agad na ibinungad ni Layla sa kanya. "Layla bakit? Anong nangyari?" tanong ni Maria. Umiling na lamang si Layla at napaluha. "May nangyari bang masama? May namatay ba? Nasaan si Johan? Si Helena? Buhay ba sila?!" sunod-sunod na tanong ni Maria. Tumungo naman sa likuran ni Layla si Helena upang makita siya nito. "H-Helena? Nasaan si Johan? Si Edward? Bakit ganyan ang mga mukha niyo? Ano bang nangyari?" "Nandito si Johan. Nagco-command. Pupunta kami diyan ngayon para tapusin na ang laban na ito. Pero...nakuha nila si Edward, hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya." Si Helena na lamang ang sumagot sa tanong na iyon dahil hindi na kinaya ni Layla ang labis na kalungkutan na kanyang nararamdaman. Nagpipipindot na lamang siya sa hologram keyboard at hologram screen. "N-nasaan siya ngayon?" tanong ni Maria. "Nakagawa kami ng paraan para magkaroon ng komunikasyon ang Cavalier command center sa kung saan kayo naroroon. Kung nagkaroon tayo ng komunikasyon, ibig sabihin ay nariyan na ang mga heli ship ng European Union. Kinabitan namin ng tracking device at bomba ang mga heli ships na iyan. Magsisilbi ring pansamantalang network relay ang mga tracking device na 'yan ayon na rin sa ginawa ni Layla. Si Edward...siya ang nagkabit ng mga bombang iyon. Pero...nahuli siya ng mga sundalo ni General Linford. Maswerte tayo kung buhay pa siya at nariyan siya ngayon sa isa sa mga heli ship." Tila napatigil naman si Layla sa kanyang ginagawa matapos iyong marinig mula kay Helena. "N-naiintindihan ko na. Hindi nagsasalita si Edward kaya't hindi pa rin nila alam na may bomba ang mga heli ship. Kaya tayo nakakapag-usap ngayon. O baka hindi siya nagsasalita dahil..." wika naman ni Professor Marco. "Huwag mong sabihin ‘yan propesor! Buhay pa siya, alam ko...nararamdaman ko." Agad namang pinutol ni Layla ang sinabi ng propesor. "Naiintindihan ko. Hindi dapat tayo mawalan ng pag-asang buhay pa nga siya," bawi na lamang ng propesor. "Ano ba ang susunod na plano?" tanong naman ni Maria. "Ihanda ninyo ang mga natitirang sundalo diyan. Nakikita namin dito na malapit nang maubos ang supply ng kuryente niyo, siguradong kapag naubos na ang supply ay babagsak na ang shield, kailangan niyong lumaban. Papunta na kami diyan, tatapusin na natin ang laban na ito," tugon ni Helena. Tila naging matapang ang kanyang aura habang nakaharap sa hologram screen. Tumango na lamang si Maria at tumingin kay Professor Marco. "Narinig niyo ang sinabi nila. Kailangan na nating kumilos!" "OPO!" bulyaw naman ng mga sundalo sa paligid. Agad silang kumilos at lumabas ng kwartong iyon. Sinimulan nilang ipunin ang mga sundalo sa labas, inipon naman ng iba ang ilang mga sibilyan at pinapasok sa arena at stadium ang hindi mabilang na mga tao. Hindi mahulugang karayom ang mga taong iyon habang naghahalo sa loob ng napakalaking arena at stadium. Mangilan-ngilang mga sundalo ang nagbabantay sa kanila. Nakangiti ang mga ito dahil alam nilang may pag-asa pa ngunit kasabay ng mga ngiting iyon ang labis na pag-aalala. "Pumila lang po ng maayos, dahan-dahan lang po lahat kayo ay makakapasok!" sigaw naman ng ilang mga sundalo na nagpapapasok sa mga sibilyan sa loob ng Philippine Arena. "Mama, ano pong nangyayari?" tanong naman ng isang bata sa kanyang ina. Ngumiti na lamang ang kanyang ina at binuhat ang kanyang walang muwang na anak. Sa paligid naman ng pagitan ng tila dome na shield na iyon ay nagkumpulan na ang mga sundalo, Nagsiluhuran ang mga ito pagkatakbo sa kanilang mga pwesto. Hinanda nila ang ilang mga mortar at rocket launcher. Animo'y nakapabilog ang mga sundalong iyon at nakatutok ang kanilang mga baril sa paligid kung saan nakabantay naman sa labas ng shield ang mga sundalo mula sa European Union. "What's happening?" tanong naman ni General Linford na nakikita ang mga pangyayari sa labas gamit ang hologram screen na kanyang tinutunghayan. "It means that the shield's energy is running low," sagot naman ng prototype na si Mark. Tila naningkit naman ang mata ni General Linford nang marinig iyon. Napangiti rin siya at tumayo sa kanyang kinauupuan. "They're crazy. They can't defeat us. How many soldiers do they have?" tanong ni General Linford. "Approximately 30% of the whole population are soldiers, the remaining 70% are civillians, those included are the wounded," sagot naman ng isang babae na nagpipipindot sa kanyang hologram keyboard. "What a waste of time. Prepare our forces. We will end this now!" wika naman ni General Linford. "I-I'm sorry general. But we have only 50% of our remaining forces left. Should we continue this attack?" "Why are you here?" tila galit na tanong g babaeng heneral. "T-to obey your orders...Sir," sagot naman ng babaeng iyon. "Then do it. I don't care how many of them die tonight, we have prototypes, all they have is flesh. Flesh is weak. We will tear them apart," wika naman ng babaeng heneral. Tumingin naman siya kay Subject 4 at tumango nang bahagya. Tumango rin ng kaunti ang prototype na iyon at naglakad palayo. Bumukas ang hatch ng heli ship at nagsimula naman ang malakas na tunog ng alarma mula sa paligid. Agad namang nagtakbuhan ang mga sundalo ng European Union at pinaligiran ang lugar. Ginamit ng ilan ang mga heli ship upang pumunta sa kabilang panig ng napakalaking dome ng shield na iyon. Naglagay na ng ilang mga harang ang mga sundalo ng Europa. Maayos ang mga harang na iyon at tila iyon aang ginagamit nila sa gyera. Makakapal na harang at kung oobserbahan ang kapal ng mga ito ay hindi babaon ang mga bala mula sa anumang uri ng baril. Tila harang ang mga iyon na nilalapag na lamang ng mga prototype upang pagtaguan ng mga sundalo. Nabahala naman ang mga sundalo sa loob ng shield nang makita ang kanilang mga kagamitan. Simpleng bakal lamang ang kanilang ginawang pangharang. Mga piraso ng bakal mula sa mga gumuhong gusali at ginamitan na lamang nila ng malalaking bato upang tumayo ang mga ito. Napalunok na lamang ng kaunting laway ang ilang mga sundalo nang ilabas nila ang nagtataasang kalibre ng baril mula sa pwersa ng European Union. Nagkatinginan pa ang ilan sa mga ito at tila nagdalawang isip sa labanang magaganap. "H-hindi tayo mananalo dito. Sigurado iyon. Kapag hindi dumating dito ang pwersa ng commander, lagot na tayo," sambit ng isa. "Ssshh...darating sila. Kahit kailan ay hindi pa bumali ng pangako si Johan. Darating siya. Wag kang matakot," wika naman ng isang sundalo na may hawak ng sniper na nakapwesto sa pinakataas na bahagi ng Philippine Arena. Nakahilera ang mga sniper sa bubong ng tatlong matataas na gusali: ang Arena, Stadium at ang conference hall ng buong compound. Pinagpapawisan ng malamig ang bawat sundalong iyon, nag-aalala sila para sa bawat buhay ng mga tao sa loob ng bawat gusali. *****   Naipon naman ang natitirang mga sundalo ni Johan sa pangpang ng Maynila. Kahit hindi pantay-pantay ang pagkakahanay ng mga ito mula sa himpapawid dahil sa pagkaSira ng lugar ay napansin ni Johan na marami-rami pa rin pala ang kanyang natitirang pwersa. Nakakapit lamang si Johan sa bakal na handle ng heli ship habang ito'y lumilipad. Tinutunghayan niya ang paghahanda ng bawat isa. Nililipad lamang ang mahabang balabal na kanyang suot dahil sa malakas na hangin. Napansin naman ng mga sundalong iyon na nakatingin sa kanila ang kanilang pinuno. Agad nilang inilagay ang kanilang kanang kamao sa kanilang kaliwang dibdib. Tumayo sila ng tuwid habang nakatingin sa tatlong heli ship na paparating. Mula naman sa heli ship ay inilagay ni Johan ang kanyang kanang kamao sa kanyang kaliwang dibdib. Tumingin siya nang matapang sa kanila, animo'y pinapalakas ang kanilang mga loob. Nagdatingan naman ang ilan pang mga heli ship mula sa aircraft carrier at maging sa ilang mga battleship. Tila isang maingay na pagsalubong naman ang ginawa ng mga jet fighter. Nakahilera ang mga ito sa himpapawid at tumakbo ng napakabilis sa ere patungo sa pangpang ng Maynila. Agad kumalat ang mga ito mula sa iba't-ibang direksyon nang daanan nila ang himpapawid ng Maynila. Mui itong bumalik at umikot sa ibabaw ng karagatan. Tila nagbigay naman ito ng inspirasyon sa mga sundalo mula sa ibaba, lalo nilang itinuwid ang kanilang pagkakatayo sa mga wasak na kongkretong iyon. Lumapag naman ang tatlong heli ship na lulan ng ilang staff ng command center. Naunang lumapag ang heli ship na sinasakyan ni Johan. Agad siyang bumaba at naglakad patungo sa mga guho. Hindi niya maaninag ang ilang mga sundalo kaya't umakyat siya sa isang nakausling bato ng pangpang. Matapang siyang humarap sa kanyang nasasakupan. Nililipad din sa kanyang likuran ang kanyang itim na balabal na may nakaimprenta pang maliit na watawat ng Pilipinas sa kanyang kaliwang dibdib. May kahabaan ito at halos sumayad na sa lupa. Tinanggal niya ang balabal na iyon at naiwan na lamang ang simpleng puting polo bilang panloob. Hinayaan niya iyong liparin ng hangin habang hawak niya ang dulo ng balabal na iyon. Nakasaludo pa rin ang hindi mabilang na mga sundalo sa kanyang harapan. Sumunod namang tumayo sa kanyang tabi si Helena. Matapang din ang kanyang mukha habang nakatingin sa mga sundalong iyon. "Handa na sila, handang-handa na," wika ni Helena. Tumingin siya sa mga mata ng binata. Tiningnan naman niya si Helena at pagkatapos ay muling tumingin sa kanyang mga sundalo. "Alam kong marami sa inyo ang pagod na...marami sa inyo ang gusto nang mamahinga sa mahabang labanan na ito. Kahit ako man, kahit ako…gusto ko nang matigil ang mahabang kaguluhan at pagdanak ng dugo. Pero hindi pa ako pagod. Hindi pa ako pagod dahil nakikita kong may pag-asang naghihintay sa atin, sa bansang ito, at sa mamamayan ng buong mundo. Hindi ako mapapagod na lumaban hangga’t kaya ko. Kung mamamatay akong muli at mabubuhay ay gagawin kong posible, para lang maipanalo ang laban na ito..." wika ng binata. Sabay-sabay namang pumorma ang mga sundalong iyon. Agad nilang inilagay ang kanilang mga kamay sa kanilang likuran at ibinuka nang bahagya ang kanilang mga paa. "Hindi ko maikakaila na maaaring ito na ang huling laban na gagawin natin. Maaari rin akong mamatay, tugisin ng buong mundo dahil sa gulo na sinimulan ko. Pero dapat niyong malaman na sinimulan ko ang gulong ito para makamit ang pagbabago sa sistema ng bawat bansa. Ang ibasura ang mapaminsalang MEMO at tuluyan nang talikuran ng tao ang memory gene. Gusto kong makitang malaya ang mga tinatawag nilang bid at parusahan ang mga bidder na bumibili ng mga katawan sa black market. Oo mga kaibigan, patuloy pa rin ang ganitong sistema, lalo na sa Europa. Naging boses tayo ng ilang mga bansang tikom ang bibig sa pagpapatigil sa ganitong sistema. Tayo lang ang nangahas tumuligsa sa mapanirang gobyerno ng Europa. Ang boses natin ang gumiba sa kamalayan ng bawat isa, at ngayon maririnig nilang muli ang boses natin bilang isang bansa. Tatapusin natin ang labanang ito, hanggang kamatayan," wika niya. Kahit napapaluha ang ilan sa mga sundalong iyon ay naging matapang pa rin ang kanilang mga mukha. Hindi sila gumagalaw. Nakatingin lamang sila kay Johan. Tila tumagos ang mga salitang iyon sa kaibuturan ng kanilang kamalayan. Napayuko man ang iba ay sinubukan parin nilang maging matapang "Mabuhay ang Pilipinas!" Hindi napigilan ng isang sundalo ang kanyang emosyon. Naisigaw niya ang mga salitang iyon at narinig naman iyon ng lahat. "Mabuhay ang Pilipinas!" Isang sundalo pa ang naglakas ng loob na sumigaw, kaya't sinundan ito ng manaka-nakang pagsigaw ng karamihan. "MABUHAY!" "Mabuhay ang Pilipinas!" Itinaas naman ng isa pa ang kanyang kamao, simbolo ng paglaban at katapangan. "MABUHAY!" Lahat sila ay sumisigaw sa pagkakataong iyon. Tila napaluha naman si Layla nang makita ang katapangan ng mga sundalong iyon. Napakapit na lamang siya kay Helena habang niyayakap siya ng dalaga. Napangiti naman si Johan sa kanyang nasasaksihan. Alam niyang handa na ang kanyang mga sundalo para sa madugong labanan na magaganap. Itinaas niya ang kanyang kamao at bumulong at nagsalita nang marahan: "Mabuhay..." Patuloy pa rin ang pagsisigawan ng mga sundalong iyon. Ang ilang mga piloto naman ay lalong nag-ingay at pinalipad nang mababa ang kanilang mga jetfighter, tila nakikisalo sa pagbibigay ng lakas ng loob sa mga sundalo mula sa ibaba. Nakangiti pa rin si Johan habang nakataas ang kanyang kanang kamao at pinagmamasdan ang mga sundalong iyon. Doon niya nalamang sa pagkakataong iyon na handa na ang lahat, hinding-hindi magagapi ng takot ang kanyang mga sundalo. *****   Nakahiga pa rin si Edward sa malamig na bakal na sahig ng heli ship. Kita na nang bahagya ang liwanag mula sa mga butas ng kwartong iyon dahil sa mga gasgas nito mula sa labanang nangyari. Ginising siya ng isang bulong sa kanyang utak. Hindi niya alam kung dahil sa sobrang gutom ay nagdedeliryo na siya at kung ano-ano na ang kanyang naiisip. Muli na lamang siyang pumikit at tiniis ang sakit at gutom na kanyang nararamdaman ngunit tila nakakarinig siya ng mga ugong mula sa malayo. Muli niyang binuksan ang kanyang mga mata, sinubukan niyang gumapang patungo sa pinakamalapit na butas. Tiningnan niya ang mga nangyayari sa labas, wala paring makita doon kundi mga guho. Sirang mga hover car at Sira-Sirang mga daanan ngunit nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang ilang mga heliship at jetfighter sa di kalayuan. Animo'y mga tuldok lamang ito mula sa kanyang pwesto, tinitigan niyang mabuti ang mga tuldok na iyon at siniguro ang kanyang nakikita. "M-mga heli ship nga...aha...ahaha..." wika niya habang napapangiti. "General, we have a problem," wika ng isang lalaki. Agad namang tumayo si General Linford mula sa kanyang kinauupuan. "What are those?" tanong ng babaeng heneral. "It's them..." Tumingin muli ang lalaking iyon kay General Linford. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakatingin sa hologram screen. Hindi niya alam ngunit nakakaramdam siya ng matinding takot sa pagkakataong iyon. Napalunok siya ng kaunting laway at agad na napalitan ng galit ang takot na kanyang nararamdaman.  

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD