(Gio POV)
Anong maganda sa umaga kung ang nakasimangot na pagmumukha ni Gina ang makikita mo, lalo na at nasa harap kami ng pagkain?
“Ate Sarah, paki-akyat na lang sa kwarto ko ang breakfast ko, thanks!”
“At bakit kailangan pa na dalhin sa kwarto mo ang pagkain? Nandito ka na, kaya dito ka na kumain.” Sabi na nga ba, tutol na naman si Mommy. “Umupo ka na!”
“Ma naman, masakit ang ulo ko. Saka nagre-review ako para sa isang quiz bee na sasalihan ko next week. Sa taas na lang po ako kakain, please?” at hinarap ko ulit si Ate Sarah. “Ate, padala na lang ang pagkain ko, thanks.”
Totoo naman ang sinabi ko na may sasalihan akong quiz bee, pero hindi pa next week iyon, ayoko lang muna talagang makita si Gina. She said that she likes me, pero bakit iniiwasan niya ako?
“Gio, eto na ang breakfast mo.” Patay na naman ako nito, hotseat ka na naman Gio. “Anong problema?”
Hindi naman kasi si Ate Sarah ang nagdala ng pagkain ko, si Kuya Nathan. Kaya nagkasundo silang dalawa ni Ate Billy, parehong malakas makaramdam.
“Wala naman akong problema Kuya, masakit lang talaga ang ulo ko dahil sa puyat.” Sinong niloko mo Gio? Kaya ka puyat kaka-isip sa mga sinabi ni Gina. “Anong klaseng tingin naman ‘yan?”
“Umamin ka nga sa akin Gregory, may gusto ka ba kay Gina?”
What the hell?! Bakit ba pareho sila ng tanong ni Ate Billy, mukha bang may gusto ako sa sinto-sintong babae na ‘yon? Nabubulagan lang sila!
“Hoy Gio wag mo akong niloloko dahil alam ko na ‘yang mga ganyang tingin mo, kaya ‘wag mo ng tangkain na magsinungaling.” I don’t have any intention to lie, sasagutin ko naman ang tanong niya eh. “So?”
“Mukha ba akong may gusto sa kanya, tell me kuya? Mukha ba akong may gusto sa kanya? Bakit ba kayong mag-asawa kayo pinipilit na may gusto ako sa kanya?”
“Bakit, dahil hinihintay mo pa rin bang bumalik si Sofie? Dahil ‘yong nang-iwan pa rin na ‘yon ang mahal mo? Tanga ka ba Gio, iniwan ka na nga mahal mo pa rin?”
We are all stupid when it comes to love, pero magkaka-iba lang ng level. Kumbaga sa traffic may light, moderate, heavy, at bumper-to-bumper; ako kasi nasa moderate pa lang, hindi pa masyadong tanga kumbaga.
“Kuya naman, walang kinalaman si Sofie dito. Nananahimik yung tao sa ibang bansa dinadamay mo sa isang issue na wala naman siyang alam. Saka kahit iniwan niya ako, friends pa rin naman kami.”
Magsasalita pa sana si Kuya ng may biglang kumatok sa kwarto ko, si Ate Billy. “Gio, may naghahanap sa ‘yo. Patuluyin ko na dito sa kwarto mo ah, sabi naman niya madalas siya dati dito.” Tapos sinara na niya ulit ang pinto, kaming dalawa naman ni Kuya ang nagkatinginan.
“Hoy gago ka Gio, kung sino-sino ang dinadala mo dito sa bahay ha.”
Nagsalita naman ang hindi nagdadala ng iba’t-ibang babae dito sa bahay noon. “Hoy Kuya, idol lang kita.” Pero sino ba kasi ang bisita ko?
“At dahil idol mo ako, ang hanapin mong asawa ay parang si Billy.”
“Kahit hindi mo naman sabihin, ang tipo ni Ate Billy ang hanap ko. Kung hindi nga lang malaki ang age gap naming dalawa at kung hindi mo ako naunahan eh sana kami na ngayon.”
Aray ko naman! Hindi na nga ako pini-pingot ni Mommy si Kuya naman ang pumalit. “Pasensya ka na lang kapatid at pinanganak ako ng mas maaga at mas mabilis sa iyo.” Bigla na lang tumayo si Kuya. “Lalabas na ako at baka maka-istorbo pa ako sa inyo ng bisita mo.” At tuluyan na siyang lumayas ng kwarto ko, salamat naman.
++++++++++++++++++++++++++++++++
(Regina POV)
Paakyat na ako ng kwarto ng makita ko na may pumasok sa kwarto ni Gio, at dahil na-curious ako ay humakbang ako palapit sa kwarto niya. B-ba-babae ang bisita niya, pero sino? Hindi ko pa naman nakikita pero amoy babae talaga, hindi naman ako engot para hindi ko malaman ‘yon.
“Aray ko naman Gio, dahan-dahan naman kasi!”
Oh my goodness, anong ginagawa ni Gio sa babae?
“Huwag ka kasing malikot, malapit na kaya konting tiis na lang ha!”
Talagang dito pa sila sa bahay gumagawa ng milagro, ang bastos nila! Wala man lang ba silang three hundred fifty pesos para mag check-in kahit na sa mumurahing motel? Patawatin Mo po sila, kahit na alam nila ang kanilang ginagawa!
“Huy, anong ginagawa no d’yan sa tapat ng kwarto ni Gio? Nakikinig ka sa usapan nila ‘no?” si Ate Billy pala, buti na lang hindi niya nabitawan ang pitcher of juice na hawak niya. Nanlaki ang mga mata ko ng bigla niya sa akin inabot ang hawak niya, “Ikaw na lang ang magdala sa loob, tutal nandyan ka na rin lang naman, saka kailangan ko pa paliguan si Ran, bye!”
No choice naman ako ‘di ba? Kaya naman kumatok na rin agad ako, at kapag naibigay ko na ‘to, aalis na ako.
“Tuloy!”
Kailangan ko pa ba talagang pumasok, hindi ba pwedeng abutin na lang niya? “Eto ang juice ninyo, pinabibigay ni Ate Billy.” At binaba ko na ang tray sa ibabaw ng study table ni Gio. Nang tatalikod at hahakbang na ako palabas biglang nagsalita si Gio.
“Sali ka na lang sa amin Gina, kunin mo ang iPad mo laro tayo ng karera.” What the--- akala ko ba masakit ang ulo niya at kailangan niyang mag-review para sa so-called quiz bee niya, tapos ngayon inaaya ako na mag-karera! “Hey, sige na. Pagbalik mo ipapakilala kita dito sa kasama ko.”
Ayoko nga! Hindi ako interesado sa kasama niya, lalake ang hanap ko at hindi babae. Saka pakelam ko naman sa kanilang dalawa, kung gusto nilang magkarera silang dalawa na lang, huwag nila akong idamay sa ginagawa nilang laro.
“H-hindi na, mag-aayos pa kasi ako ng mga gamit ko, kayo na lang.”
“Are you sure? Anyway, this is Sofie, Sofie siya naman si Gina.” Pagpapakilala ni Gio sa babae na kasama niya. “Siya ang sinasabi ko sa ’yo kanina, Sofie.”
“Pleasure to finally meet you Gina, I’m Sofie. Anyway, you really don’t want to play with us?”
Bakla kaya si Gio at puro babae halos ang bestfriends niya? Sayang naman ang magandang lahi na meron siya kung hindi niya maikakalat.
“Makipag-laro ka na sa amin kahit twenty minutes lang, then I’ll help you to clean your room. Okay ba ‘yon?”
She’s nice rin naman like Lalaine kaya sige na nga, papayag ako. “Okay, pero hindi mo na ako kailangan tulungan. Kuhanin ko lang sandali ang iPad ko.” Then lumabas na ako ng kwarto ni Gio at dire-diretso sa kwarto ko para kuhanin ang iPad.
“Waaaaaaaaaahhhhh!”
“Why are you screaming Ate Gina, may mumu ba dito sa room mo?”
“Anong ginagawa mo dito Ran, nasaan si Ate Billy?” langyang bata na ‘to, tamang pakelaman ang gamit ko? “Bakit nag-iisa ka lang dito?”
“We’re playing hide-and-seek and she’s taya. I’m hiding here at your room so please Ate Gina don’t scream yourself to death, she might catch me first.”
“Okay, but I have to borrow that iPad because I need that.” Kasi naman ang bata na ito, nakadapa sa gitna ng kama ko habang nilalapastangan ang iPad ko. “Ito na lang phone ko ang paglaruan mo, may angry birds din dito.”
“But I don’t like angry birds, I want Temple Run. I want to beat Ate Monsi’s top score.”
“Okay, laro ka na lang muna, puntahan ko muna si Kuya Gio at iyong bisita niya para sabihin na hindi ako makakasali sa kanila. D’yan ka lang muna, babalik ako.” At lumabas na ako ng kwarto ko para sabihan sa dalawa na hindi na ako makakasali sa kanila.
“Hey, I’m sorry. Hindi ako makakasali, ginagamit kasi ni Ran yung iPad. Gusto daw niya kasing i-beat ang top score ni Monina. Next time na lang siguro.” Palabas na din ako ng kwarto ng biglang may pumasok at binalandra ang pinto sa noo ko. “Aray!!!”
“Kuya, Ate Gina told me na maglalaro daw kayo using iPad. Anong lalaruin n’yo? Sali ako!” at napansin niya na nasa likod ako ng pinto. “Ate Gina, naglalaro ka din ba ng hide-and-seek, sinong kalaro mo? Ate Gina, pahiram ako nito, sasali ako sa kanila.”
Kung hindi lang masamang pumatol sa bata, baka nakasabit na siya ngayon sa sampayan at nakabilad sa araw, pasalamat siya bata siya at cute.
“You can’t join us Ran, pang grown-ups kasi ang lalaruin namin. You give that iPad to Ate Gina then go to your Ate Monina’s room.”
“Ayaw!!!”
“Ran, huwag matigas ang ulo. Sige na, doon ka na kay Ate Monsi mo!”
“Ang bad mo na Kuya Gio, ayaw ko na sa ’yo. Dati si Ate Gina lang ni-aaway mo, ngayon pati sa akin bad ka na rin. I hate you!” at bigla naman akong hinarap ng drama prince ng bahay na ito. “Ate Gina, doon na lang tayo kay Nanny at kay Ate Monsi, sila na lang ang bati natin. Ayaw ko na kay Kuya Gio, ang bad niya.” at hinila na niya ako palabas ng kwarto ng bad kuya niya.
At dahil natuwa naman ako sa ginawa ni Ran bati na ulit kami kahit pa nagkaroon ako ng medyo maliit na bukol sa noo. Dapat pala kapag si Ran ang kasama ko dagdagan ko ang pag-iingat ko, napaka accident prone nitong bata na ‘to.
“Nanny!!!” sabay takbo ni Ran ng makita si Ate Billy. “Ate Billy si Kuya Gio ang bad niya, niaaway niya ako.” Sumbungerong bata! Pero bilib din ako sa kanya kasi hindi siya iyakin.
“Don’t worry, kakausapin mamaya ni Nanny at ni Kuya Nathan si Kuya Gio, ha. Oh, saang kwarto mo na naman nadampot yang iPad na yan?”
Napatingin naman sya sakin sabay kuha ng iPad kay Ran. “Oh, sa ’yo ‘yan for sure, kulay pink eh.” Tapos si Ran naman ang tiningnan niya. “Yung kay Kuya Nathan mo na lang ang---ay hindi, yung sa akin na lang ang gamitin mo. Gina, pakisabi kay Gio na kakausapin ko siya mamaya.” At pumunta na silang dalawa sa kwarto ng nilalanggam na mag-asawa.
Ako naman ay dumirecho muna sa kwarto ko para itago ang iPad at saka ulit lumabas para sabihin kay Gio ang pinapasabi ni Ate Billy.
Hindi na ako nag-abala na kumatok dahil alam ko naman na naglalaro lang naman silang dalawa at hindi rin naman sila sasagot kaya binuksan ko agad ang pinto.
“Gio sabi ni At---… sorry, babalik na lang ulit ako mamaya.”
Ang sakit ng puso ko, walang sinabi ang mga ginawa nang babae doon sa puso ni Bitoy sa kanta na ‘Sinaktan Mo ang Puso Ko’.
‘Di ba dapat hindi ka na affected Gina, pero bakit kung mapakag-react ka sa nakita mo napaka-OA? Saka sabi mo kakalimutan mo na siya lalo na ang nararamdaman mo para sa kanya?
“T*ngina naman oh, napaka-bastos mo talaga Regina. Bakit kasi hindi ka muna kumatok bago ka pumasok?! Bakit kasi walang subject na GMRC sa school ko before?”
Sige lang Gina, humanap ka pa ng ibang bagay o tao na pwede mong sisihin dahil sa katangahan mo. Lintik! Bakit ba kasi kung sino pa ang ayaw sa ’yo sa kanya ka pa nagka-gusto! Ang tanga ko talaga! Tanga na nga ako sa Political Science at Statistics pati ba naman sa usaping puso olats ako?