Unang araw ng pasukan ngayon sa university na pinapasukan ko. Business Administration ang kinuha kong kurso dahil gusto ko makapagpatayo ng sarili kong negosyo.
Naging maayos naman ang unang araw ko sa kolehiyo. At naging kaklase ko si Kristine dahil business administration din ang kinuha niyang kurso.
''Natutuwa ako at naging magka-klase tayo. Business din pala ang kinuha mo?'' ngiting sabi ni Kristine sa akin habang naglalakad kami palabas ng eskwelahan.
Mabuti na lang talaga at naging kaklase ko siya at may makakausap man lang ako. Masyado kasi akong mahiyain at si Sybe naman na pinsan ko hindi pa alam kung ano ang kursong kukunin, kaya hindi muna ito nag-enroll.
"Mabuti na lang at pareho tayo ng kurso at iisa lang din ang paaralan natin,'' ngiti kong sabi kay Kristine.
Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay nabuhusan ako ng icetea sa aking damit. Isang nagmamadaling estudyante ang nakabangga sa akin.
''Ay! Sorry, Miss! Pasensiya na nagmamadali po kasi ako,'' hingi niya ng paumanhin sa akin. Sosyal ang dating nito at maganda siya. Kasing tangkad ko rin ito at parang kasing edad ko lang din.
''Sa susunod kasi ay tingnan mo ang dinadaanan mo!'' mataas na boses na sabi ni Kristine. Siniko ko siya para tumigil dahil ayaw ko pagsimulan iyon ng gulo.
''Naghingi na nga ako ng sorry, 'di ba? At saka bakit ikaw ang naghihimutok riyan? Hindi naman ikaw ang nabuhusan ko, ah!'' mataray na sabi ng babae.
''Jasmine, ano ang problema?'' tanong ng isang mataray na babae na matangkad lang ng kaunti sa amin ni Kristine.
''Natapunan ko kasi siya ng ice tea. Eh, hindi ko naman sinasadya ngunit siya itong sabat nang sabat! Eh, hindi naman siya ang natapunan,'' mataray na turo ng babae kay Kristine.
''Paano kasi ang lawak ng daan hindi mo tinitingnan!'' mataray rin na sagot ni Kristine sa kaniya.
''Kristine, tama na!" Saway ko kay Kristine at humarap sa dalawang estudyante na kagaya namin.
''Okay, lang. Tinatanggap ko ang paumanhin mo. Pasensya ka na sa kaibigan ko,'' hingi ko ng paumanhin sa sa kaniya.
''Ayan naman pala, eh! Mabuti pa huwag niyo na pairalin ang init ng ulo niyo. Magpatawaran na lang kayo dahil magka-klase lang din naman tayo,'' wika ng kasamahan ng babae na tumilapon sa akin ng ice tea.
''Wala namang problema sa akin. Sorry talaga, Miss. Business administration din ba kayo?'' tanong nito sa amin.
Mukhang mabait naman ito, kaya nginitian ko na lamang siya.
'''May bago akong damit rito ibigay ko na lang sa 'yo. Basa na ang damit mo at narumihan na,'' alok pa nito sa akin.
''Huwag na pauwi naman na ako, eh!'' tanggi ko sa kaniya.
''Sige, na. Alangan naman na uuwi ka na ganiyan ang suot mo,'' pagpupumilit niya sa akin. Nahihiya naman ako na tanggapin ang alok niya dahil hindi naman iyon big issue sa akin.
''Ako nga pala si Jasmine Delatore. Siya naman si Bioly Garcia, and you are?'' ngiti niyang tanong sa akin.
''Cristy Villaruel at siya si Kristine kaibigan ko,'' pakilala ko sa kaniya.
"Hi! Pasensya na talaga,'' bati ni Jasmine kay Kristine.
''Ako ang dapat humingi ng paumanhin. Akala ko kasi sinadya mo na tapunan ang kaibigan ko ng ice tea," panghingi ng paumanhin ni Kristine kay Jasmine.
''Mabuti pa magmeryenda na lang tayo sa labas. Total wala naman tayong pasok at para hindi boring ang araw natin,'' yaya ni Bioly sa amin.
''Gusto ko, yan! Basta treat niyo kami,'' seryosong sabi ni Kristine.
Kahit kailan ay wala talagang hiya ang kaibigan kong ito. Feeling close kaagad sa bago naming kilala.
''Walang problema! Ako na ang sasagot pero bago 'yan magbihis ka muna, girl,'' ngiting sabi ni Jasmine sa akin.
Nagtungo kami sa banyo ng eskwelahan at nagbihis ako ng damit na ibinigay niya sa akin.
''Wow! Bagay sa'yo, kaya iyo na 'yan,'' papuri ni Jasmine sa akin habang nakangiti itong tiningnan ang buo kong katawan.
''Pareho tayong sexy, ano? Hahaha..'' sabay tawa niya.
Natataw na lang din ako sa papuri niya sa aming dalawa. Totoo naman kasinglaki lang din ng katawan namin at kasingtangkad lang din naman kami. Hindi ko alam ngunit mabilis ko siyang nakagaanan ng loob. Parang ang tagal na namin magkakilala. Nilibre niya kaming tatlo sa isang class na restaurant na malapit lang sa paaralan.
Nang hapon na iyon ay nakangiti akong umuwi dahil nadagdagan ang naging kaibigan ko. Nang makarating ako sa bahay ay si Sybe agad ang sumalubong sa akin.
''Hugasan mo ang hugasan riyan, sampid! Saka huwag ka sumama sa Amerika, ha? Dahil pupunta na kami sa Amerika nila Mommy at Daddy sa susunod na linggo!'' mataray niyang sabi sa akin sabay taas ng kilay nito.
Hindi ako naniniwala sa sinabi niya dahil wala namang nabanggit sina Tito at Tita sa akin.
''Bakit hindi ka kaya mag-aral, Sybe? Saka maganda kapag may pinag-aralan ka,'' malayong sagot ko sa kaniya sa sinabi niya sa akin.
''Huwag mo akong pakialaman dahil wala kang pakialam sa akin! Saka-'' natigil ang sasabihin niya nang napadako ang tingin niya sa aking kamay na may suot na bracelet.
''Bakit nasa 'yo ang bracelet na ni Mommy? Ninakaw mo 'yan ano?'' galit niyang sabi sa akin sabay hawak sa aking kamay. Agad ko naman inagaw ang kamay ko sa kaniya.
''Mali ka ng iniisp! Ibinigay ito sa akin ng Mommy mo,'' wika ko sa kaniya.
''Ibinigay? Eh, hindi nga iyan maibigay-bigay sa akin ni Mommy tapos sa'yo niya lang iyan ibinigay?'' galit niyang sabi sa akin at pilit na inaagaw ang bracelet na iyon sa aking kamay.
Tudo despensa ko naman ito na hindi maagaw sa akin dahil to na lang ang alaala na naiwan sa akin ni Mama.
''May sintemintal value ang bracelet na ito sa akin, Sybe. Kaya, huwag mo itong kunin sa akin,'' wika ko sa kaniya.
''Walang hiya ka!'' sigaw ni Sybe sabay samapal sa magkabila kong pisngi. Sobrang lakas iyon kaya napatagilid ang aking mukha.
''Simula nang tumira ka sa bahay wala nang nakikita sina Mommy na mabuti kundi ikaw na lang palagi! Lagi nila akong ikinukumpara sa'yo! Matalino ka lang pero wala kang pamilya na nagmamahal sa'yo! Kaya gusto mong agawin sa akin ang mga magulang ko!'' garalgal niyang sabi sa akin.
Hindi ko alam kung bakit gano'n ang mga sinasabi niya sa akin.
''Nagkakamali ka, Sybe. Wala akong inaagaw sa'yo. Nakikihati lang naman ako sa pagmamahahal ng magulang mo. Hindi ko sila inaagaw sa'yo dahil tunay ka nilang anak. Huwag mo naman ako pagselosan dahil kapatid na ang turing ko sa'yo,'' iyak kong wika sa kaniya.
''Ayaw ko na maging kapatid ka! Ayaw ko may kahati sa lahat ng bagay! Ayaw ko may kahati sa pagmamahal ni Mommy at Daddy! Kaya pakiusap, Cristy. Huwag ka ng sumama sa Amerika kapag niyaya ka nila. Patunayan mo na hindi mo sila inaagaw sa akin,'' aniya at pinalis ang luha na pumatak sa kaniyang pisngi. Tinalikuran niya na ako at umalis. Nagtungo na lang ako sa aking silid at umiyak. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang isip ni Sybe. Wala naman akong ginawang masama sa kaniya.
Makalipas pa ang mga oras ay dumating na si Tito at Tita. TInawag nila ako dahil may mahalag raw kaming pag-uusapan. Nasa sala na kaming lahat kasama si Sybe. Alam ko na kung ano ang mahalagang sasabihin nila sa akin.
''Cristy, asikasuhin mo passport mo dahil susunod ka sa amin sa Amerika dahil sa sunod na linggo na ang alis namin. Pasensya na kung ngayon lang namin sinabi dahil kahapon lang din ako sinabihan na sa Amerika na ako kailangan magduty. Doon na rin kayo mag-aral ni Sybe,'' wika ni Tita sa akin.
Matalim na sulyap ang iginawad kaagad ni Sybe sa akin.
''Pero sayang po ang scholarship ko, Tita. Puwedeng magpaiwan na lang po ako rito sa Pilipinas? Tatapusin ko na lang po ang kolehiyo ko rito saka ako susunod sa inyo sa Amerika,'' sabi ko.
''Kaya mo ba mag-isa rito?'' tanong sa akin ni Tito.
''Kaya ko naman, Tito,'' tipid kong sagot sa kaniya.
''Paano 'yan at ibibinta na namin ang bahay na ito dahil balak na namin na roon na lang manirahan sa Amerika,'' wika ni Tita sa akin.
''Tita, huwag po kayo mag-alala dahil puwede naman ako umupa sa Pasay para malapit lang ako sa school,'' wika ko sa kanila.
Malalim na nagbuntong hininga si Tito. ''Pero, Iha? Wala kang kasama kapag nagkasakit ka rito. Atleast kapag sa Amerika ka kasama mo kami.''
''Tito, malaki na ako. Kaya ko na alagaan ang sarili ko. Promise, pagtapos ko sa kolehiyo ay susunod ako sa inyo sa Amerika,'' wika ko sa kanila. Isa ko pang inaalala kapag sa Amerika ako ay hindi ko madadalaw ng madalas ang puntod ng mga magulang ko.
''Sige, kung iyan ang desisyon mo, rerespetuhin namin ng Tita mo. Magpapadala na lang ako ng allowance mo para sa pambayad ng upa at expenses mo sa iyong pag-aaral,'' wika ni Tito sa akin.
Malungkot man ang mawalay sa kanila ngunit kailangan ko ng sanayin ang sarili ko na nag-iisa na lang ako sa buhay kong ito. Isa pa ayaw kong isipin ni Sybe na inaagaw ko ang mga magulang niya sa kaniya. Naghanap ako ng puwede kong upahan na malapit lang sa paaralan. Nakahanap ako ng isang apartment at binayaran na kaagad iyon nila Tito at Tito ng anim na buwan.
MABILIS na lumipas ang panahon at nakaalis na sina Tita at Tito, kasama si Sybe. Lumipat na rin ako sa aking apartment at naging independent ako sa buhay.
Naging maayos naman ang pag-aaral ko at naging matalik kong kaibigan si Jasmine at Bioly. Syempre, kasama na rin si Kristine. Lagi kaming magkasama at nakatagpo ako ng kapatid sa katauhan nilang tatlo lalong-lalo na si Jasmine.
Isang taon ang nakalipas at nagpatuloy pa rin ako sa aking pag-aaral. Ngayon ay nasa second year college na ako. Naging matatag ako kahit nag-iisa minsan ngunit patuloy pa rin ang takbo ng buhay ko. Mabuti na lang at may kaibigan akong napapagsabihan ko ng mga hinanaing ko sa buhay. Kay Jasmine ko lamang sinasabi ang mga mahahalagang nangyari sa aking buhay dahil nagaanan ko siya ng loob.
Isa pa siguro na naging malapit kami sa isa't isa ay marami kaming bagay na napagkasunduan minsan. Marami siyang manliligaw at halos lahat naman ay sinagot niya. Ngunit suwerte lang kung tatagal sa kaniya ng isang linggo o ilang araw. Ngunit may isa siyang manliligaw na binasted niya. At hindi ko alam kung bakit nalungkot ako nang makita ang lalaki na laglag ang balikat na tinalikuran si Jasmine.
''Oy, gagi! Binasted mo?'' wika ni Bioly sa kaniya nang tumalikod ang lalaki.
''Oo, palagay ko kasi hindi kami magtatagal no'n,'' wika niya kay Bioly.
''Gaga! Sayang naman! Sana sinagot mo. Ang gwapo pa naman at matangkad. Isa yata 'yong basketball player kaso graduating na yan at business ads din ang kurso no'n,'' wika naman ni Kristine.
''Oo, gwapo siya. Eh, nabasted ko na, eh! Saka ko na lang sasagutin kapag nanligaw siya ulit,'' naghihinayang din na wika ni Jasmine sa amin.
''Ano ba ang pangalan no'n?'' tanong ko kay Jasmine.
''Janzel Mondragon,'' sagot ni Jasmine.
May kung anong kiliti ang nararamdaman ang puso ko nang marinig ko ang pangalang iyon. Kahit nasa bahay na ako ay hindi pa rin nawala sa isipan ko ang pangalang Janzel. Ngayon ko lang naramdaman ang kakaibang pakiramdam na ito. Inaamin ko na sa unang pagkakataon ay tumibok ang puso ko sa manliligaw ng kaibigan ko.
Lumipas pa ang mga araw ay madalas kong nakikita si Janzel sa basketball court sa labas ng eskuwelahan. Malaya ko siyang pinagmamasdan ng palihim habang nakaupo kaming apat sa puno ng acasia habang nagku-kuwentuhan.
Nakakaakit siya pagmasdan habang nagdi-dribble ng bola sa ring. Tagaktak ang mga pawis niya at basa na sa pawis ang kaniyang buhok. Lalong tumibok ang puso ko nang inakala ko na sa akin siya nakatingin. Ang lawak pa ng ngiti ko sa kaniya ngunit napahiya ako sa aking sarili nang mapagtanto ko na kay Jasmine siya Nakatingin. Napasimangot na lamang ako na binuksan ang biscuit at kinain.
"Cristy, doon ka na lang matulog sa condo ko para may kasama ako. Total wala naman tayong pasok bukas," Yaya ni Jasmine sa akin.
"Pero magre_review pa ako, baka mamaya bigla na naman mag bigay ng quiz ang teacher natin sa english," wika ko sa kaniya.
"Haler, pwede ka naman mag-review roon. Sige na," pamimilit niya sa akin.
"Samahan mo na 'yan, Cristy. Takot lang ' yan sa condo niya dahil baka momo," panunukso naman ni Bioly.
"May momo pa ba sa panahon ngayon?" sabat naman ni Kristine.
Bago ako sumagot kay Jasmine ay sumulyap muna ako sa gawi ni Janzel. Nakita ko na lang ang likuran niya at tapos na ang try out nila. Isa si Janzel na varsity sa school. Marami din ang babaeng nagkakagusto sa kaniya. Ngunit hindi ko talaga maintindihan kung bakit siya binasted ni Jasmine. Sabagay, maraming manliligaw si Jasmine, mayaman, at mga pogi rin.
''Sige, doon ako matulog sa condo mo. Basta order ka ng pizza, ha?" biro ko sa kaniya.
'''Yon lang? Kahit limang pizza pa ang gusto mo bibilhin ko basta sa condo ko na lang ikaw tumira,'' ngiti niyang sabi sa akin.
''Oo, nga, Cristy. Total mag-isa ka rin sa apartment mo bakit hindi na lang kayo magsama ni Jasmine,'' wika ni Kristine.
''Kaya nga, girl. Lumipat ka na lang kaya sa condo,'' wika naman ni Jasmine.
''Nako, wag na!'' Isa pa maganda 'yong pareho tayong independent dahil magagawa natin ang gusto natin,'' ngiti kong sabi sa kanila.
Dahil ang totoo ay ayaw ko mapalapit ng husto kay Jasmine dahil alam ko na darating ang panahon na iiwan niya rin ako. Kaya, mabuti na 'yong sanayin ko ang sarili ko na mag-isa.
Sumapit ang maghapon ay umuwi na ako sa apartment ko at kinuha lang ang iba kong gamit pagkatapos ay nagtungo na ako sa condo unit ni Jasmine. Nagpara ako ng taxi sa labas ng apartment at nagpahatid sa condo ni Jasmine.