NAPABALIKWAS ng bangon si Graysen nang tila maramdaman niya sa kabila ng kaniyang kahimbingan ang pagbaon ng matatalim na ngipin sa kaniyang pagkalalakí.
Humihingal siya at pawisan na iniligid ang paningin sa loob ng kaniyang silid. Wala siyang nakitang kahit na anong palatandaan na mayroong nakapasok, tahimik na tahimik ang apat na sulok ng kaniyang kuwarto.
's**t! Nananaginip ako!' paanas na sabi niya sa isip.
Pabagsak siyang nahiga muli sa kama at napahilamos ng palad sa mukha para lang gigil na mapadaing. Pumitik sa kirot ang ilong niya nang masagi iyon.
“Lintik!” gigil niyang daing. Sinulyapan niya ang kaniyang desk clock. "Ssshit!" inis na anas niya nang makitang lumipas na ang oras ng pag-inom niya ng gamot. Ang alam niya ay nag-set siya ng alarm pero hindi iyon tumunog.
Padarag na muli siyang bumangon sabay waksi sa kumot na nakabalot sa kaniyang katawan.
Dinampot niya sa bedside cabinet ang iniresetang gamot ng doktor sa kaniya upang pawiin ang nadaramang kirot sa ilong niya. Dinampot niya ang baso sa tabi ng gamot at noon lang niya napansin na said na pala ang laman niyon.
Umibis siya sa kama at lumakad palabas sa kaniyang silid. Imbes na sa kitchen magtungo ay sa kanilang home mini bar siya dumiretso at kaagad na kumuha ng bote ng alak sa wine rack.
Tinungga niya iyon at siyang ginawa na pantulak sa tabletang ininom. Matapos ay ibinaba niya sa ibabaw ng counter bar ang bote ng alak at tumulala sa dingding.
Nahulog siya sa pag-iisip. Maraming gabi na siyang dinadalaw ng mga ganoong klase ng panaginip. Bakit?
"Hindi ka ba makatulog?" boses buhat sa likuran niya na siyang nagpakislot sa kaniya dahil sa pagkagulat.
Nilingon niya ang kaniyang ama na noon ay lumalakad palapit sa kaniyang kinauupuan.
Naupo ito sa bar stool na nasa kaniyang tabi. "Gray..." mahinahong tawag nito sa kaniya kaya naman mataman niya itong tinitigan.
Hindi ito agad nagsalita bagkus ay pinakatitigan siya sa mukha.
"Dad?"
Bumuntong-hininga ito. "Nasa last term na ako at hindi na maaaring tumakbo sa eleksiyon sa susunod na taon. Mas madalas na akong mapipirme rito sa mansiyon. Plano mo na rin ba akong iwanan?" May bahid ng lungkot sa anyo at tinig nito.
Napabuntong-hininga siya. Bakit ba bigla ay nagtatanong na lang ito ng ganito?
"Dad, bakit naman sa dami ng puwede mong itanong. . ." sadyang binitin niya ang sasabihin at muling napabuntong-hininga. Parang bigla ay nahulaan na niya ang paksang nais nitong buksan.
Dinampot nito ang bote ng alak na tinungga niya at sinipat iyon bago tumingin sa kaniya. "Alam ko na darating ang araw magpapantay ang aking mga paa," sabi nito bago ibinalik ang tingin sa hawak nitong bote ng alak. "Subalit ayaw kong umabot sa puntong iyon na nag-iisa."
Napakunot ang noo niya sa huli nitong sinabi.
"Dad!? Ano ba'ng—"
"Kapag iinom ka ng gamot," putol nito sa kaniya. "Tubig ang dapat mong gamitin at hindi alak. Iyon ay kung ayaw mong mamatay ng maaga nang hindi man lamang nararanasan ang buhay may asawa." Hindi ito nakangiti subalit bakas sa boses nito ang pagbibiro.
Napasinghap siya ng napangiti. Naisingit na naman nito ang tungkol sa pag-aasawa.
"Sana sa susunod," pagpapatuloy pa nito, "siguraduhin mong hindi na muling mababangasan ang guwapo mong mukha, anak." Tinapik siya nito sa balikat habang nakatingin ito sa bote ng alak na noon ay kasalukuyang ibinabalik nito sa kinalalagyan kanina. "Bumalik ka na sa iyong pagtulog," sabi nito bago siya tinalikuran.
Napasunod siya ng tingin sa ama at marahil ay nadama nito iyon kaya huminto ito sa paglakad.
"Isa sa mga araw na ito, ipapakilala ko sa iyo ang babaeng napili kong pakasalan sa ikalawang pagkakataon." Lumingon ito sa kaniya upang makita ang reaction niya.
"Dad, hindi mo naman kailangang mag-asawa muli." Hindi niya naikubli ang disgusto sa kaniyang tono. "Kung gusto mo ng kasama, narito ako. Hindi naman kita iiwan," maanghang na sabi niya.
Hindi ito nagsalita. Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nila habang nakatitig sila sa isa't isa.
Kapagkuwa'y pumihit ito paharap ng tuluyan sa kaniya. "Umeedad ka na, Gray. Wala ka pa bang planong mag-asawa?"
Iniiwas niya ang tingin dito kasabay ang manipis na ngiti. "Dad, wala namang expiration ang semilya ko at naniniwala ako na kahit matanda na ako, mananatiling malakas ang mga tuhod ko."
Napailing ito at halos mapangiti sa sinabi niya. "Gusto kong tumakbo ka sa pagka-Gobernador sa susunod na eleksiyon," bigla ay banat nito na mabilis nagpabago sa mood niya.
Napaawang ang kaniyang bibig at hindi naisatinig ang matigas na pagtutol.
Sa mga taong dumaan na nasa puwesto ito bilang Gobernador ay palagi siyang nakasuporta rito at naging taga-linis ng kalat nito noon subalit, ‘ni minsan ay hindi niya nakita ang kaniyang sarili na nakasunod sa hinawan nitong landas na pinili nitong tahakin.
Minalas siya nito na tila ba binabasa ang nasa sa loob niya. Nang maisip nito na wala siyang planong magsalita ay tumangu-tango ito.
"Good night, Gray," malamig nitong sabi bago tumalikod at muling nagpatuloy sa paglakad palabas sa home mini bar.
Malalim ang naging pagbuntong-hininga niya habang nakasunod ng tingin sa ama. Mukhang hindi lang ang sinasabi nitong pag-aaasawang muli ang magiging isipin niya, kilala niya ang kaniyang ama. Kapag gusto ay pinipilit nito.
Sana naman, hindi ito ang maging dahilan para pati siya ay magdesisyon para iwanan ito nang tuluyan.
•••
ILANG beses na napatingin si Ndrew kay Gray habang naglalakad siya palapit sa kuwadra kung saan ito naroroon at inihahanda ang kabayo para sa pag-alis nito upang mag-ikot sa hacienda.
Hindi pa mataas ang sikat ng araw sa silangan ngunit dito na niya kaagad pinasyang magtungo.
"Abala si Eliel sa kaniyang values education kaya hindi mo siya maaaring isama, Graysen," kaagad na sabi ni Ndrew sa kaniya nang makalapit siya hindi pa man lamang siya nakakabati ng magandang umaga.
Values education, mukhang may laman ang sinasabi nito.
"Ndrew—"
"Bata pa si Eliel," putol nito sa kaniya habang inaayos ang saddle sa likod ni Abilo. "Kumbaga sa mangga'y bubot pa siya, hayaan mo muna siyang gumulang sa kaniyang puno hanggang sa matamis na mahinog. Kung ngayon pa lamang ay mabubulok na siya, wala siyang magiging pakinabang," dire-diretso na sabi pa nito sa kaniya.
Heto na naman ito sa katalinhagaan.
Manipis siyang napangiti at napapikit bahagya dahil sa pagkasilaw sa sikat ng araw na tumama sa kaniyang mukha.
"Kung ganiyan pala kasama ang tingin mo sa akin, disin sana ay hindi mo na ako kinuhang Ninong ni Eliel," kunwa'y nagtatampong sabi niya rito.
"Kung maaari ko lang sanang baliin ang kagustuhan ni Elaina," umiiling nitong sabi bago umismid.
Humalukipkip siya at tinitigan itong mataman. "Hay, Ndrew... kaaga-aga ang dami mo na kaagad pinaghuhugutan. Mukhang hindi ka nakatabi kay Elaina nang nakalipas na magdamag kaya nabubuang ka na naman.” Binuntutan niya ng pagtawa ang sinabi.
Napangisi ito at sinulyapan siya pero muling napatingin sa kaniya hanggang sa mapatitig sa ilong niya. Pasimple niyang ikinubli ang mukha sa pamamagitan ng pag-ikot kay Abilo.
"Hindi nga ba halatang dito ako inumaga sa kuwadra?" narinig niyang tanong nito.
Tumingin siya kay Ndrew at napangiti nang makitang nakangiti ito habang abala sa pag-aayos ng reins ni Abilo. Kung gayon dito nga ito sa kuwadra natulog kasama ang kabayo nito. Tinupak na naman si Elaina.
"Ano ba'ng sadya mo at kaaga-aga eh narito ka?" tanong nito bago siya pahinamad na sinulyapan.
"Ikaw, kailangan ko kase ng makakausap."
Napangisi ito at napailing ng bahagya.
"Huwag mong sabihin sa akin na may problema ka, baka ipaputol ko ang tit* ko kaysa maniwala sa 'yo."
Halos mapahagalpak siya ng tawa. "Huwag kang ganiyan, Ndrew. Baka mapasubo ka sa sinasabi mo, baka nakakalimutan mong abnormal lamang ang taong walang problema sa buhay."
"Oo tama, at abnormal ka, Gray," nang-aalaskang sabi nito sabay tingin sa kaniya.
Napaangat ang mga kilay niya dahil sa sinabi nito. Siya, abnormal?
Ito naman ay tinitigan ang kaniyang ilong. "Sino namang mas sira ang ulo kaysa sa 'yo na nagtangkang i-disporma 'yang ilong mo?"
"Haist! Isang babae na sira nga talaga ang ulo," tugon lang niya.
"Iyan ba ang iyong problema?"
"Alam mo kase si Daddy," wika niya imbes tugunin ang tanong nito. Ayaw niyang pahabain ang usapan tungkol sa babaeng iyon, baka tuluyan lang masira ang araw niya. "Gusto niyang magpakasal ulit."
"Oh, iyan lang ba ang iyong problema?"
"Ndrew, hindi lang naman iyon tungkol sa pagpapakasal. Gobernador siya rito sa lalawigan natin at alam mo naman ang mata ng mga taong mapanghusga, matanda na siya at—"
"Mata ng mga taong mapanghusga kasama ang iyong mga mata, Graysen," putol nito sa kaniya. "Hinuhusgahan mo ang iyong ama dahil lamang sa pagdi-desisyon niyang magpakasal ulit sa kabila ng kaniyang edad at tungkulin."
Hindi siya nakapagsalita.
"Gray, oo't Gobernador nga siya sa lalawigang ito pero ang pagpapakasal niya ay walang kaugnayan doon dahil iyon ay tungkol sa personal niyang buhay. Saka isa pa, seperado naman siya kaya walang problema."
"Ndrew, matanda na siya. Bakit kailangan pa niyang mag-asawa ulit?"
Tinitigan siya nito habang napapatangu-tango ng bahagya. "Sa palagay mo, ano ang isa sa mga dahilan kung bakit nagpapakasal ang isang tao?" tanong ni Ndrew.
Hindi na naman siya nakapagsalita. Walang siyang ideya, at sa totoo lang, palaisipan para sa kaniya ang dahilan kung bakit kailangan pa ang kasal.
Hantaran siya nitong hinagod ng tingin. "Iyan lamang ba talaga ang iyong problema?" tanong nito sa kaniya kapagkuwan. "Kung oo, ang payo ko sa'yo. . .magtungo ka sa bar at maglasing saka ka maghanap ng makakasiping," seryosong wika nito.
Napaawang ang bibig niya bago napatawa. Paano ba niya isasangguni kay Ndrew ang tungkol sa pagtakbo niya sa darating na eleksiyon bilang Gobernador na hindi siya nito tataasan ng kilay?
Alam niyang hindi naging maganda ang panunungkulan ng kaniyang ama noon kaya hindi nalalayo na isipin nito na magiging kagaya siya ng kaniyang ama oras na mahalal siya.
Ah, baka naman hindi siya maging corrupt, pero malamang isa siyang palikerong Gobernador kapag nagkataon dahil bisyo para sa kaniya ang pagiging babaero.