CHAPTER 10
“Maniniwala ako sa’yo kung ilabas mo ang cellphone mo.”
“Sandali,” pinagpapawisan siya kahit malamig naman ang buga ng aircon at malakas pa ang hangin mula sa ceiling fan.
“Bilisan mo”
Inilabas niya ang cellphone mula sa kanyang bulsa ngunit ayaw niyang ibigay kaagad. Marami pa sana siyang gustong idelete lalo na ang palitan nila ng text. Panigurado kasi mabubuko na siya kung mabasa niya ang lahat ng iyon. Bakit ba kasi hindi niya napaghandaan? Bakit ba hindi niya naisip na kaya siya inimbitahan ni Leigh dahil may kutob na siya na siya ang poser.
Biglang tumunog ang cellphone niya. Si Leigh ang nakita niyang tumatawag.
Nakatingin sa kanya si Leigh. Tinging may bahid na galit. Tinging parang handang manakit.
Napako siya sa kanyang upuan. Hindi na niya alam kung paano niya itatago ang nilikha niyang multo. Nabuko na siya sa kanyang pagpapanggap.
“Ikaw ang poser hindi ba?”
Yumuko siya. Hindi niya alam kung paano niya ihaharap ang kanyang mukha. Gustio niyang maglaho.
“Umamin ka na bago pa kita mabugbog! Ikaw si Klein.” nakita niya ang namuo at nanigas na kamao ni Leigh. Nakahanda na ito para suntukin siya. Nakita niya sa mga album ni Leigh na black belter ito at mahilig talaga sa mga fighting o combat sports. Siya, lalaki siya pero walang alam doon. Basic lang ang alam niya sa pagsuntok at hindi niya maatim ang pumatol sa babae. Hindi siya makikipagsuntukan sa isang babae.
Tumango siya. Nakaramdam na siya ng takot sa maaring gawin sa kanya ni Leigh. Ayaw na niyang pahabain pa ang usapan dahil nasukol naman na siya. Sa puntong ito, siya ang kailangan magpakumbaba. Siya na dapat ang umunawa dahil siya naman talaga ang gumawa ng katarantaduhan at natural lang na magagalit ang naagrabyado.
“Kanino mo ninakaw ang mga photos at videos na inilagay mo sa account mong Culver?” tanong sa kanya ni Leigh.
Tumingin siya kay Leigh. Sinubukan niyang magsalita ngunit parang napipi siya bigla.
“Magsasalita ka ba o hindi? Babanatan na kita!”
“Sa former classmate ko. Si Culver.”
“Ah, Culver, Culver din pala ang tunay na pangalan ng may-ari sa picture na ginamit mo.”
Tumango lang uli siya.
“Ibigay mo sa akin ngayon din ang link ng social media account niya.”
“Bakit?” napakamot na siya.
“Ibibigay mo ba sa akin oh, mapapahiya ka lang dito? Hindi ako nananakot, Klein. Kahit lalaki ka, kayang-kaya kita. Sa tindi ng abala na ginawa mo sa akin, kulang pang paduguin ko ‘yang nguso mo.”
Sa takot niyang mapahiya at maeskandalo, mabilis siyang sumagot. “Sige, isend ko sa’yo ngayon din.”
Binuksan niya ang cellphone niya at hinanap niya ang account ni Culver na kaklase niya sa college at naging kaibigan niya. Nagkalayo lang sila nang tumigil sap ag-aaral si Culver at piniling magbisyo at tuuyang nawalan ng landas ng ito ay nabarkada. Sa social media na lang sila ni Culver nakakapag-usap ngunit hindi na sila close. Hindi na alam ni Klein ngayonang tunay na pagkatao ni Culver. Alam niyang matinik sa babae si Culver at kung singganda ni Leigh ang makakausap nito, paniguradong maging sila at tuluyan na siyang mawawalan ng pag-asa sa dalaga. Kailan lang nang nagpost si Culver na single ito. Mukhang sila nga yata ni Leigh ang pinagtatagpo ng tadhana. At siya? Paano siya?
Mabilis niyang isinend ang link ng social media ni Culver kay Leigh.
“Nasend mo na?”
Tumango siya.
“Good.”
“Sorry ha? Nagawa ko lang ‘yon dahil sobrang desperado lang akong makilala ka in person.”
“Akala mo natutuwa ako? Sa ginawa mo sa akin, andaming nasayang. Lumiban ako sa review ko ngayong araw na ito at namuhunan ako ng matinding emosyon.” Namumula si Leigh. Dala na din siguro iyon ng nainom niya at galit. “Akin na ang pitaka mo!”
“Ano? Bakit ko naman ibibigay ang pitaka ko sa’yo?”
“Huwag ka nang magtanong, narinig mo naman ang sinasabi ko hindi ba? Akin nang pitaka mo!”
“Bakit nga?”
“Bigyan mo akong dalawang libo, danyos sa ginawa mong panloloko sa akin.”
“Grabe ka!”
“Sige tatlong libo kung hindi,” nag-shot muna, sinaid niya ang laman ng baso. “Sinasabi ko sa’yo, tainga mo lang ang walang pasa. Matagal na akong hindi napapalaban at ngayon lang ako makakapanapak ng lalaki sa bar. Huwag mo akong subukan, Klein. Sa ginawa mo sa akin, kulang pa ang ginagaw akong ito sa’yo. Niloko mo ako kaya dapat lang na pagdusahan mo ang lahat ng ginawa mo sa akin.
Inilabas niya ang kanyang pitaka. Tatlong-libo mahigit na lang ang laman no’n.
“Oh eto na,” Iniabot niya ang dalawang libo. Maluha-luha na siya. “Ikaw na magbayad ng ininom natin ha?”
“Anong ako, bayad ito ng mga kagaguhan mo sa akin. Manloloko ka.”
“Leigh, ano ba, wala din naman akong pera ngayon.”
“Yown. Yan ang gusto kong marinig. Pangkain ko na lang dapat o itulong ko na lang sana sa pamilya ko, pinapanload ko pa para lang maka-chat kang poser ka. Nagre-review langa ko sa Manila at ikaw nagta-trabaho tapos ako pa ang napili mong tarantaduhin! Tama lang din sa’yo ‘yan kasi, scammer kang hayop ka. Akala ko ba Engineer ka? Tapos aartehan mo akong wala kang pera?”
“Pinagsisihan ko na. Sana naman mapatawad mo ako.”
“Patawarin kita?” umiling-iling si Leigh, “Bagay ‘yan sa’yo nang madala ka na. Eto ah, payo ko lang sa’yo, kapag gusto mo ang tao dapat daanin mo sa matinong paraan hindi yung kailangan mo pang manloko. Tandaan mo, pinaglaruan mo yung damdamin ko.”
Tumayo ito. Napahawak sa mesa. Mukhang tinamaan na nga talaga ito sa dami ng alak na nainom niya ngunit sadyang lumalabas yung pagiging palaban at malakas niyang babae. Hindi talaga siya kagaya ng ibang babaeng nakilala niya at hindi ganitong babae ang pagkakakilala niya rito sa social media.
Tumayo si Klein para alalayan sana si Leigh pero itinulak lang nito ang kamay niyang hahawak sana sa braso niya.
“Huwag mo akong hawakan. Huwag ka na ding papakita sa akin ha? Hindi mo magugustuhan ang gagawin ko kapag nakita pa kita.”
“Please, Leigh. Huwag namang ganito. Sorry na,” tumayo siya. Pilit niyang hinawakan ang braso nito. Nakikiusap.
“Sorry? Bakit, alam mo ba yung stress at sakit ng loob na ginawa mo sa akin? Yung nagpaasa ka sa wala naman talaga?”
“Wala na kasi akong pera e. Kailangan namin ‘yan.”
“Yung pera mo ba? Kailangan mo ang pera mo? Sorry ha, kailangan ko din kasi si Culver e. Yung Culver na akala ko totoo. Yung Culver na akala ko palaging nandiyan. Fake ka! Fake kang animal ka! Ibigay ko ang pera mo, basta maging si Culver ka.”
“Pa’no ko naman gagawin ‘yon eh ako nga ‘yon.”
“E ‘di akin na ang pera mo. Kasi kung madala mo sa akin yung totoong Culver, ibabalik ko ang two thousand mo. Ano, kaya mo bang ibigay sa akin ngayon?”
U,iling siya. Yumuko.
“See! Goodbye, Klein! Maging aral sana sa’yo ito! Hindi moa ko kilala. Hindi mo alam kung anong kaya kong gawin!”
Naiwan siyang hindi pa din makapaniwala sa kabastusan ng taong hinangaan at minahal niya. Oo nga’t may mali siyang nagawa pero ang kuhaan pa siya ng pera at tratuhin siya ng ganoon ay isang malaking turn-off. Nanlumo siya. Hindi muna siya umalis doon. Gusto niyang isaksak sa kanyang puso at isipan na tama lang na gantihan siya ni Leigh nang matapos na ang lahat ng kahibangan niya dito. Gusto niyang magalit sa ginawa ni Leigh sa kanya ngunit pumapasok din sa kanyang isipan na siya din kasi talaga ang unang gumawa ng mali. Ginagantihan lang din siya.
Relo niya ang pinambayad niya sa kahera. Iyon na lang ang meron siya. Ayaw pa sanang tanggapin, nakiusap lang siya. Nagmakaawa siya sa Manager. Nakarinig siya ng maanghang na salita. Nangako siya na babalikan niya ang relo at bayaran ang atraso. Kung ibenta nila ang relo, halos wala pa sa kalahati ang kabuuang babayaran niya sa presyo ng relong pinag-ipunan ng Mama at Papa niya na bilhin noong graduation niya. Lumabas siyang hiyang-hiya.
Nasa higit limandaan na lang ang naiwan niyang pera. Pumara siya ng trysikel at nagpahatid na lang siya sa kanilang bahay. Tahimik na ang bahay nila at patay na ang ilaw nang pumasok siya. Sinikap niyang hindi makalikha ng kahit anong ingay. Ginamit na lang niya ang flashlight ng kanyang cellphone hanggang sa nakarating siya sa kanyang kuwarto. Nagtanggal siya ng sapatos at humiga. Binuksan niya ang cellphone niya. Kahit ganoon ang ginawa sa kanya ni Leigh ay kailangan pa din niyang humingi ng tawad bago niya isasara na ang bahagi na iyon ng kanyang buhay.
Sobrang bigat na ng kanyang pinagdadaanan. Naghihirap na ang kanilang pamumuhay at heto siya’t pambababae pa ang inaatupag niya imbes na gawan ng paraan ang pinagdadaanan nilang kahirapan.
Nagsimula siyang mag-type ng kanyang gustong sabihin na hindi niya nasabi kay Leigh ng harap-harapan. Ganoon siya kabait, ganoon siya kabuting tao. Hindi niya intensiyong manloko. Desperado lang siyang makilala sana Leigh.
“Sorry. Sana maisip mong ginawa ko lang ang bagay na iyon dahil sobra na kitang mahal ngunit makakaasa ka na ito na ang huli kong message sa’yo. I-block na din po kita para hindi na ako makakagulo pa sa buhay mo. Gusto kong ipaalam sa’yo na yung ilang weeks na naka-chat kita, totoo lahat yung ipinaramdam ko sa’yo. Totoo yung ugali, yung pag-aalala at care na naramdaman mo sa akin. Ang hindi lang totoo sa lahat ng iyon ay ang ginamit kong litrato. Pero yung Culver na nakausap mo, yung Culver na minahal mo? Ako pa rin ‘yon. Minahal kita. Mahal na mahal pa rin kita. Pasensiya ka na sa nangyari. Hindi na sigurado pang mauulit. Ingat na lang lagi.” Pinindot niya ang sent.
Nadismaya siya. Bakit nga ba hindi niya naisip na gagawin iyon ni Leigh sa kanya.
Yung iblock siya?
Nagtaka siya, bakit nabuksan pa rin niya ang profile nito kanina? Napindot pa niya ang type a message. Ibig sabihin katatapos lang nitong i-block siya. Sinubukan niyang tignan ang f*******: nito sa profile niya, friends pa rin naman sila? Ibig sabihin sa messenger lang siya naka-block.
Paano ba niya ipaparating ang kanyang gustong sabihin ngayon? Naisip niya ang ka-dedelete niyang account ni Culver. Sinubukan niyang i-open uli iyon. Lumuwang ang kanyang paghinga nang nabuksan pa niya iyon. Hindi pa siya naba-block ni Leigh doon kaya mabilis niyang kinopy-paste ang nauna niyang naisulat kanina. Pinindot niya ang send.
Pumasok.
Ilang sandali pa na-seen na ni Leigh.
Okey na sa kanya iyon. I-dedelete na uli niya ang account na gumulo sa kanyang buhay.
Biglang may nag-pop-up na message. Isang message na biglang nagpalambot sa puso niyang sawi at galit.