CHAPTER 8
“Klein, nandiyan ka pa ba? Tinulugan mo na ba ako?” Pangungulit ni Robert.
“Andito pa. Sige send ko sa email mo, bukas. Salamat.”
“Mabuti naman. Sige na, baka matutulog ka na, uuwi na rin ako dahil tapos na ang trabaho ko.”
Magrereply na sana siya kay Robert nang bigla na naman lumabas ang message ni Leigh.
“Dalian mo ha. Baka di mo ako maabutan. Inaantok na kasi ako, Kuya. Wala kasi lang akong makausap.”
Binura niya ang ire-reply niya kay Robert at kay Leigh na lang siya sumagot.
“Okey, on the way na.”
Mabilis siyang lumabas. Nagulat ang kapatid niyang nagre-review sa sala nila. Nagtanong ito kung saan pupunta ngunit hindi na niya nagawang sagutin pa sa pagmamadali.
Madali niyang natunton ang kinaroroonan ni Leigh. Isang sosyal na kapehan ito. Kapehang hindi pa niya naiinuman. Nakapasok na siya sa mga inuman at bar pero sa mga high-end at class kapag lang nagbabakasyon si Robert kasi mahilig siyang manlibre ng mga bar pero sa kapehan, kahit madalas siyang ayain ng kanyang mga kaklase noon at katrabaho e, naiwas siya.
Huminga siya nang malalim. Ang ganda talaga ni Leigh. Bagay sa kanya ang nakalugay niyang buhok. Napakabuti niya sa black off shoulder top na binagayan niya ng white fitted jeans. Nakakanerbiyos. Paano ba niya lalapitan si Leigh? Kakasya kaya ang pera niya kung sakaling magkakape sila ta’s magba-bar pa. Gusto niya sana ang bar pero wala siyang malaking perang dala.
Nakita niyang hinawakan ni Leigh ang cellphone niya. Hindi na muna siya nagpakita.
“Gusto mo bang sa bar na lang? Lipat ako sa bar. Gusto kong mag-inom, instead.” Nag-pop-up iyon sa screen niya.
“Sige, malapit na rin lang naman ako. I-message mo na lang sa akin ang pangalan ng bar.”
“Can I have your number? Text na lang kita o tawagan.”
Kinabahan siya. Malalaman ni Leigh ang number niya na iisa sa number ni Culver. Hindi pwede.
“Basta chat mo na lang sa akin, sunod ako.”
“Okey.”
Ilang minuto pa, nakita na ni Kleine na lumipat na si Leigh sa bar. Naghintay muna siya ng ilang minuto bago siya sumunod.
Huminga siya nang malalim bago pumasok sa bar na pinasukan ni Leigh. Mukhang mapapagastos yata siya sa bar na ito. Pumasok siya. Nakita niyang umiinom na si Leigh sa dulo. May salamin iyon. Nakikita lahat ang nangyayari sa labas ngunit mahina ang pumapasok na music. Ginawa talaga ang bahaging iyon para magkarinigan ang mga nag-uusap na umiinom habang pwede naman nilang mapanood ang mga nagsasayawan sa dance flloor.
Bumunot siya ng malalim na hininga pampatanggal nerbiyos. Paano kaya kaasya ang dala niyang pera. Mukha kasi talagang mamahalin ang bar. Inisip niya agad kung magkano ang per shot. Mas makakamura ba siya kapag per bottle? Malakas kayang uminom si Leigh?
Nakita niyang malungkot ang mukha ni Leigh habang nilalaro ng hintuturo ng babae ang gilid ng wine glass. Mukhang nasaktan talaga ito sa kagagawan niya. Bumunot siya ng malalim na hininga. Kailangan niya itong i-comfort dahil siya naman talaga ang dahilan kung bakit ito nagluluksa.
Nahihiya siyang lumapit. Kumaway pa si Leigh nang makita siya. Hindi niya alam kung ilalahad niya ang kamay niya pero dalawang beses na niya iyong ginawa ngunit hindi tinatanggap ni Leigh. Minabuti niyang huwag na lang ulitin ngayon ang pakikipagkamay.
“Upo ka,” seryosong sinabi ni Leigh sa kanya.
Tumango lang siya at nahihiyang umupo. Nakita ni Kleine na may redwine nang iniinom si Leigh.
Tahimik lang na nakamasid muna si Leigh sa mga sumasayaw sa dance floor.
Kung kanina sa Mall ay agresibo siya, ngayon na kaharap na niya si Leigh at ito na ang kumakausap sa kanya ay bigla naman siyang nahiya. Ni hindi niya alam kung paano niya sisimulan ang pakikipag-usap. Natatameme siya. Hindi kaya dahil hindi din siya komportable sa lugar na ganito dahil wala siyang sapat na pera? Inilibot niya ang paningin niya sa kabuuan ng bar na iyon. Karamihan mga sosyal na babae at lalaki. Magagara ang mga suot. Mukhang lahat handang magsunog ng pera. Lahat mayayaman. Pakiramdam niya, hindi siya doon nababagay. Nagmumukha siyang lalong walang-wala.
Nagtatawanan ang lahat. Masayang nagsasayawan. Sinasabayan ang tugtog. They are all having a good time at siya? Heto, nagwo-worry sa pera. Nahihiya sa kasama. Alangan ang damit at hitsura niya sa lahat ng naroon. Hindi niya maiwasang maawa sa sarili. Nanliliit siya.
“Okey ka lang?” tanong ni Leigh sa kanya.
“Okey lang naman,” nasamid pa siya. Halos maubo.
“Mukha kasing di ka sanay sa ganito.”
“Ayos lang ako, ano ka ba?”
“Mukha kasing hindi na komportable e.”
“Hindi naman.” Pilit na ngiti. “Ayos lang ako.”
Katahimikan. Sa kanya na nakatingin si Leigh habang tumutungga ng wine. Diretso sa kanyang mga mata ang titig na iyon. Nagbaba siya ng tingin. Hindi niya kinakaya yung mga titig sa kanya ni Leigh.
“Anong sa’yo?”
“Ha? Anong sa’kin?”
“Iniinom?”
“Ah, ayos lang ako.”
“Ano? Hindi naman pwedeng umupo ka lang diyan at panoorin mo akong umiinom.”
“Ah oo nga. Okey lang ako sa beer.”
“Beer? Sa bar na ganito? Come on! Let’s have a stronger one. What about tequila? Vodka? Martini? Whiskey? Mag-order ka.” Utos iyon.
“Ah ok, sige, o-order ako.”
“Do’n?” ininguso ni Leigh ang maliit na parang bar.
“Ganito din ba?” itinuro niya ang brand na iniinom ni Leigh.
“No! Gusto kong mas mahal. Gusto kong Tequila or anything na malalsing ako. ayaw kong shots. Gusto kong bottle.”
“Sure ka?” napalunok si Klein. Magkano kayang isang bote no’n? Napasubo na yata siya.
“Isang bote?”
“Yes. Isang bote na lang muna. Kapag mabitin tayo, isang bote uli.”
Sa linyahan ni Leigh, mukhang siya ang magbabayad sa lahat ng maiinom. Siya itong inimbitahan siya pala ang pagbabayarin. Pero siya ang lalaki eh. Saka sino bang nababaliw sa kanila, hindi ba siya?
Hindi muna siya siningil sa inorder niya. Dinala ng bartender ang tequila sa kanil with ice cube and lemon.. Binuksan ng bartender ang bote ng tequila at nagtanong kung may kailangan pa sila. Tumingin siya kay Leigh. Sana hindi na mag-order ng pulutan but she did. Wala na. Hindi na niya aalm kubg saan siya kukuha ng pamabayad ne’to. Kinakabahan na siya. Pero bahala na. Saka na lang niya iisipin ang tungkol roon kapag bayaran na.
Matagal na siyang hindi nakaiinom at kasama pa niya si Leigh. Enjoy na lang niya.
Itinungga niya ang one shot ng tequila. Masarap naman ang init na hagod nito sa kanyang lalamuna. Mapait. matapang pero bahagi iyon sa lasa nito.
“Nainom ka rin naman pala eh,” si Leigh, nakangiti. Nakahuhumaling na ngiti.
“Occasionally,” sagot niya. “Ikaw?”
“Ngayon lang. Gusto ko lang maranasang magpakalasing. Gusto ko lang lumabas sa hindi ko kakilala. Sa taong hindi ko alam kung manloloko o hindi.”
“What?”
“Sorry, medyo na-hurt lang ako kanina. Klein, hindi ba?”
“Oo. Mabuti naalala mo pa ang pangalan ko.”
“Di ba nga matagal na kitang friend sa f*******:?”
“Oo, halos dalawang taon?”
“Talaga? Tagal na nga.”
“Kaso, snob ka e.” tumungga siya ng alak. Pinagdasal niyang sana di mapikon si Leigh.
“Pag di ko personally kilala. Di ko kasi ugali makipag-chat lalo na kapag hindi ko type.”
Nasaktan siya sa hindi type pero okey lang. Alam na niya iyon.
“Sorry ha? Honest kasi akong tao.”
“Ah, naintindihan ko naman ‘yon.”
“Bakit pala hindi na kita friend? Nakita ko kanina hindi na tayo friends.”
“Ini-unfriend mo kaya ako.”
“Talaga? Kasama ka siguro sa mga ini-unfriend ko nang sinabi nong poser na si Culver na dapat mga nasa friend list ko lang ay mga personal kong kakilala.”
Napalunok siya. Sinabi nga niya iyon noong siya pa si Culver. Kung pwede lang sanang hindi na nila pag-uusapan ang nilikha niyang poser account.
Tumungga ng alak si Leigh. Nagsalin si Klein ng alak sa baso nila. Naglagay ng ice. Nangingiunig. Tahimik. Halatang nag-iisip ng sasabihin. Panay ang dasal na sana hindi na mababanggit pa tungkol kay Culver. Ngayon pa lang, pinagsisihan na niya iyon.
“Anong trabaho mo?” tanong ni Leigh. Naktingin siya sa mata niya. Diretsuhan.
“Engineer.”
“Wow, astig. Malaki sahod diyan di ba?”
“Sakto lang, ikaw?”
“Nagre-review. Nursing ang tinapos ko. Jobless sa ngayon.”
“Hmmn, okey. Goodluck sa exam.”
“Thank you. Sana pumasa ako kasi gusto ko nang magtrabaho. Kinakabahan kasi marami akong nakikitang tambay na nakatapos ng nursing. Kahit mga registered nurse na, tambay pa rin sila sa kanila.”
“Mahirap kasi talagang maghanap ng trabaho dito ngayon.”
“Sinabi mo pa. Balak ko nga, mag-abroad e.”
“Ako din nga e. Inaasikaso ko na ang papers ko.”
Medyo magaan na ang kanilang usapan at gusto ni Klein iyon.
“Ayos ah. Saang bansa?” tanong ni Leigh.
“Saudi?”
“Saudi?” natawa si Leigh. “Bakit Saudi? Mababa pasahod do’n ah.”
“Depende yata sa trabaho yung sahod. Kapag Engineer, Nurse, Accountant mga gano’n ayos naman ang bigayan.”
“Talaga, magkano offer sa’yo?”
“Mga nasa 9,200, lahat na ‘yon.”
“Kita mo? Ambaba di ba? Sahod na lang ‘yan ng waiter dito, tapos Engineer ka pupunta ka roon. Mas malaki pa riyan siguro sahod mo dito bilang Engineer, tapos aabroad ka pa?”
“Sa riyals ‘yon eh.”
“Ah sa riyals ba? Akala ko kasi sa peso. Sorry …” itutungga na ni Leigh ang hawak niyang shot glas. “Magkano ‘yon sa pera natin?”
“Mga nasa 115,000 to 120,000 pesos free na lahat.”
Muntik nang nasamid si Leigh sa narinig niya. Namula ang mga mata sa pagkagulat.
“Seryoso?”
Tumango si Klein.
“God!Anlaki nga no’n noh. May pasahod pala sa Saudi na gano’n?”
“Direct e. Kukunin ako ng kaibigan kong nandon na. Ako ang papalit sa kanyang iiwanang trabaho. Lipat daw kasi siyang Dubai e.”
“Ah kaya. Gusto ko din do’n sa Dubai o Doha sana.”
“Sa Riyadh yata ako. Bakit naman ayaw mo sa Riyadh?”
“Mababa do’n. Isa pa baka reypin akong arabo mahirap na. Ikaw?”
“Anong ako?”
“Okey lang sa ba sa’yo na mareyp ng arabo?”
“Syempre hindi. Pero, andami namang mga Pinoy doon, di naman karamihan narereyp. Meron man sigurong mga case na gano’n pero, baka nasa tao din lang ‘yan. Nasa pag-iingat.”
“Sabagay, kailan alis mo?”
“Di ko alam e. This month, o baka next month na.”
“Bilis ah. Buti ka pa.” Bumunot ng malalim na hininga si Leigh. Muli niyang pinagmasdan si Klein. “Ano palang ginagawa mo sa Mall kanina?”
Tumungga muna si Klein. Nag-iisip ng isasagot.
“Napadaan lang. Ta’s nakita kita kaya di muna ako umalis.”
“Bakit?”
“Anong bakit?”
“Bakit mo ako binantayan?”
“Kasi nga friends tayo sa facebook.”
“Come on, Klein. Just be honest please!” Umiling si Leigh. Uminom ng alak saka siya tumingin kay Klein, “Gano’n ka ba sa lahat ng friend mo lang sa f*******:? Pwede ka naman kumaway lang o ngumiti sa akin sabay alis. O pwedeng nakita mo lang ako at mag-message ka na lang na nakita mo ako sa Glorietta.” Sandali siyang tumingin sa paligid. “Gano’n kasi ang alam kong usual na ginagawa ng mga friends lang sa f*******: eh lalo na hindi naman tayo magkakilala.”
“E, gusto ko rin tumambay do’n,” sagot niyang kinakabahan.
“Kalokohan,” uminom si Leigh ng alak. Siya na rin mismo ang nagsalin sa baso niya. “Alam kong may dahilan kung bakit ka nananatili ro’n.”
“Ano namang dahilan?”
“Bakit mo sa akin itinatanong, ikaw ang nakakaalam niyan at iyon din ang gusto ko sanang malaman. Anong dahilan at dalawang oras mahigit ka ring nando’n habang naroon ako?”
Bumunot ng malalim na hininga si Klein. Tinignan niya ang hawak niyang shot glass. Wala nang laman iyon. Kinuha niya ang bote ng tequila. Binuksan niya iyon at agad siyang nagsalin. Itinungga niya agad.
“Ano nga?” pangungulit ni Leigh sa kanya.
Tumingin muna siya sa napakagandang mukha ni Leigh. Kailangan ba niyang sabihin na ang totoo? Hindi kaya pagmumulan ng gulo o di pagkakaunawaan. Hindi niya kilala si Leigh. Sa f*******: lang niya ito nakikita. Paano kung sampalin siya nito sa galit? Paano kung eskandalosa pala
“Bakit hindi ka makasagot, Klein?”
“Gusto kasi kita.” Walang kagatol-gatol niyang pag-amin.
“Ano? Gusto mo ako?”
“Oo.”
“Okey, alam ko naman iyon pero hindi kaya may mas malalim pang dahilan?”
Huminga nang malalim si Klein. Pakiramdam niya may alam na si Leigh ngunit hindi siya nito dinidiretso.
“Okey lang sa’yo?” lakas-loob na tinanong ni Klein kasi mukhang hindi naman nainis si Leigh sa inaming niyang iyon.
“Na gusto mo ako?”
“Oo. Okey lang, pero hindi tayo talo eh!”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Kyle, hindi ang tipo mo ang gusto ko. Hindi ang kagaya mo lang ang magiging asawa ko.”
“Naintindihan ko, kasi I am not physical attractive to you, right?”
“Hindi lang ‘yon. Alam ko sa sarili ko na hindi iyon ang pinakaayaw ko sa’yo. Kaya lang naman ako nandito ngayon kasi may taong walang magawa sa buhay na nanloko sa akin.”
“Taong walang magawa sa buhay na nanloko sa’yo?” kinutuban na siya lalo sa narinig niyang iyon. “Hindi kita maintindihan, pa’nong naloko ka?” pagmaang-maangan niya pa rin.
“Nasa Mall ako kasi may naka-chat akong Culver ang pangalan na dapat imi-meet ko kanina.”
Hindi siya tumitingin kay Leigh. Nagi-guilty siya.
“Naglike kasi ‘yon sa isang profile pic ko. Dahil nagwapuhan ako. Ini-add ko agad. Nang una hindi ako kumbinsido na totoo yung account na ‘yon, kaso dahil may mga videos siya kaya naniwala na rin ako nang naglaon.”
“So, ikaw ang nag-add?” gusto na lang ni Klein na sakyan ang kuwento ni Leigh para hindi siya halatang guilty.
“Oo, ako rin kamo ang unang nagmessage. Simpleng pangungumusta lang at pasasalamat sa pag-add niya sa akin ang sinend ko sa kanya. Andami ko nga message no’n. Hindi siya kasi siya nasagot kaya naman nakaapat agad ako. Alam mo ‘yon? Kababae kong tao pero ako yung aggressive? Ako yung parang naghahabol? Kasi gusto ko eh! Kasi sa tagal ko sa socmed, ngayon lang ako nakahanap ng lalaking gusting-gusto ko.”
“Anong nangyari?” kunwaring tanong lang niya.
“Tinanong ko kung pwede kami maging friends. Pumayag naman. Pansin ko nga agad may gusto din siya sa akin kaya malakas ang loob kong magpalipad-hangin na agad agad sa kanya kasi nakakahiya namang ako ang diretsahang manligaw.”
“Paano mo alam na gusto ka niya?” nag-eenjoy na siya sa pagmamaang-maangan.
“Siya kata itong unang naglike sa profile pic ko. Ibig sabihin, gusto niya ako at nagpapakipot lang.”
“Ah okey. Kung hindi ka naman pala kumbinsido na totoong siya yung nasa picture, bakit mo pa rin itinuloy makipag-flirt?”
“Yun na nga e. Nagdududa ako kasi pati nga bilang ng friends niya anliit. 189 lang yata e sa ganda niyang iyon? Di ba kapag maganda o gwapo madami talaga nagpapa-add? Sa kanya, 189 lang at halos walang comment o likes ang mga pictures niya. Do’n lang ako nag-base sa mga videos niya na parang nag-live.”
“Naiintindihan ko. Magaling lang siguro talaga siya. ”
“Nagdelete pa ako ng mga friends ko sa f*******: na di ko kilala kasi sabi niya, dapat daw ang mga nasa friend list lang ay mga personal na kakilala, kaibigan at kamag-anak o kapamilya. Di ba nga pati ikaw? Nadelete ko?”
Tumango lang siya. Alam na niya lahat ang pinag-uusapan nila ngayon at hindi niya alam kung anong pinupunto ni Leigh at kinukuwento niya lahat ito sa kanya.
“Na-curious kasi talaga ako. Napakamisteryoso niya at inaamin ko, nagwapuhan talaga ako sa kanya. May sinabi pa siya na ako lang daw ang in-accept niyang hindi niya personally kakilala. Kaya naman ako lalong nagka-interes. Inabot kami ng madaling araw sa pagcha-chat. Ayaw ko na tumigil kasi kahit picture at videos lang niya ang nakikita ko, okey na ako. Napaniwala ko ang sarili ko na nahanap ko na yung gusto at mamahalin kong lalaki. Pero Diyos ko naman, sa kanya lang ako nagsabi ng mga totoo at personal na mga bagay sa buhay ko. Ni ultimong paborito kong pagkain, bilang ng naging boyfriends ko, basta lahat na yata nakukuwento ko sa kanya. Sarap kasi talaga niyang kausap. Parang bagay talaga kami sa in all aspects eh.”
Tumungga lang si Klein ng alak. Ano nga bang sasabihin niya? Sa mga oras na iyon nga parang ginigisa na siya sa sarili niyang mantika.