AKALA ko ay mahal ang singsing na nakuha ni Jemma sa loob ng pato dahil napaka-unique ng design nito, pero nang makahanap na ako ng shop ay binili lang sa akin sa halagang 200 pesos, dahil mumurahing silver lang naman daw, maganda lang ang design. Medyo disappointed ako ng konti pero okay na rin kaysa wala, malaking tulong na ang 200 pesos; apat na kilong bigas na rin ang mabibili.
Ngayon ay pauwi na ako sa bahay at may bitbit na namang supot na naglalaman ng dalawang kilong bigas.
“Hey, parekoy!” Nagulat pa ako nang bigla akong akbayan ni Homer.
“Nakakagulat ka naman, bigla-bigla ka na lang sumusulpot.” Mahina ko itong siniko na kinatawa naman nito.
“Saan ka ba galing, pare? Nasauli ko na ang basket mo sa bahay niyo kanina kaso wala ka, ang sabi ng kapatid ay may binenta ka raw importante?”
Napatikhim naman ako at pinagpatuloy ang paglalakad. “Huwag mo nang itanong, pare. Nga pala, baka hindi ako makakapasok mamaya sa trabaho.”
“Oh bakit naman? May problema ba?” Kumunot ang noo nito sa akin.
“Kasi pare, tangina 'yung pato na pumasok doon sa bahay namin, iniputan ba naman ang uniporme ko. Kaya ngayon tuloy wala akong masuot para sa trabaho mamaya.” Talagang naiinis pa rin ako sa patong 'yun tuwing naaalala ang pagtae sa uniform ko.
“'Yun lang pala, eh. Huwag kang mag-alala, apat naman ang uniporme ko, ibibigay ko na lang sa 'yo ang isa.”
Awtomatiko akong napahinto sa paglalakad at tiningnan ang kaibigan kong si Homer. “Sigurado ka? Bibigyan mo talaga ako ng uniform?”
“Oo naman, ikaw pa ba? Alam mo namang malakas ka sa akin. So tara na sa bahay bago pa magbago ang isip ko.”
Sino ba naman ako para tumanggi, kaya naman sumunod na lang ako kay Homer. Talagang napakabait nga sa akin ng isang 'to, mula noon hanggang ngayon, palagi na lang niya akong natutulungan sa mga problema ko.
Matapos kunin sa bahay nina Homer ang uniform na bigay nito ay diretso na akong umuwi dahil 03:05 PM na rin, medyo hapon na. 06:30 PM pa naman ang pasok namin.
Pero nang malapit na ako sa bahay ay agad na nangunot ang noo ko nang makita ang isang lalaking naka-black leather jacket na kausap ng kapatid kong si Jemma. Base sa nakikita ko ay parang gustong pumasok ng lalaki sa loob ng bahay pero ayaw naman papasukin ng kapatid ko dahil pilit nitong hinaharangan ang pinto.
Tumakbo na ako para lang makarating agad.
“Oh, anong nangyayari dito?” agad kong tanong na parang nahapo pa dahil sa pagtakbo.
Nang marinig ang boses ko ay agad napalingon sa akin ang lalaki at gano'n din ang kapatid ko.
“Eh k-kasi, ate, itong lalaki hinahanap niya sa atin ang—”
“I'm here for my duck,” mabilis na pagputol ng lalaki sa paliwanag ng kapatid ko habang ang tingin sa akin ay napakaseryoso.
In fairness, guwapo ang lalaking 'to at maporma, matangkad din, hanggang balikat lang yata ako kung tatabi ako sa kanya.
“Anong duck ba ang sinasabi mo?” maang-maangan kong tanong at kunwari ay kumunot pa ang noo.
“Duck. Isang pato.”
Tumawa na ako. “Oh, ano naman ngayon ang kinalaman ko sa pato mo at dito mo hinahanap sa bahay namin?”
“Because I saw it. Nakita ko na pumasok dito sa loob ng bahay niyo ang pato ko, at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalabas.”
Sus, kung talagang nakita mo, eh di sana kanina mo pa pinuntahan dito para bawiin. Pero alam kong nanghuhula ka lang. As if naman aaminin ko, eh nasa tiyan na namin.
Napailing-iling ako at napasatsat. ”Tsk. Anong akala mo sa amin magnanakaw? Tumabi ka nga riyan at nang makapasok ako—” Napasinghap na lang ako nang malakas ako nitong hinaklit sa braso paatras, dahilan para mapabalik ako sa labas at hindi natuloy ang pagpasok sa pinto.
“Kung gano'n, bigyan mo ako ng pahintulot na pasukin itong bahay niyo para malaman ko na wala talaga ang pato ko sa loob.”
Sabi na nga ba, hinulaan niya lang dahil hindi talaga siya sigurado.
“Sure, pero sandali lang.” Mabilis ko nang inagaw ang kamay ko mula sa pagkakahawak nito. Agad akong yumuko ng bahagya at bumulong sa puno ng tainga ng kapatid ko. “Itago mo 'yung tirang ulam, 'yung hindi niya makikita kahit anong hanap niya.”
Nang marinig naman ng kapatid ko ang bulong ko ay agad itong kumindat sa akin na para bang gets na agad ang kanyang dapat gawin. Kaya naman muli na akong humarap sa lalaki.
“Bago kita papasukin sa loob ng bahay namin, dapat alam mo ang rules ko.”
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito sa akin. “And what kind of rules?”
“Na kung hindi mo mahanap ang hinahanap mo sa loob ng bahay namin ay magbabayad ka ng limang daan.”
“Fine. At kapag nahanap ko, ipapakulong kita sa kasong pagnanakaw.”
Ang kapal ng lalaking 'to.
“Okay, no probs—” Muntik na akong sumubsob sa lupa dahil sa malakas nitong paghaklit sa braso ko na kinaalis ko ng pagkakatayo ko sa pinto. At pagkaalis ko ay mabilis na pumasok sa loob ng bahay namin. “Hoy, sandali! Bawal ka munang pumasok!” habol ko.
Pero buti na lang pagpasok ko sa loob ng bahay ay agad na sumenyas sa akin ang kapatid kong si Jemma ng ‘okay’. Kaya napangisi na lang ako.
“Ihanda mo na ang five hundred mo dahil nasisiguro kong wala kang mahahanap. Eh kasi naman, malay ba namin sa pato mo,” pagngisi habang nakasunod sa likuran nito.
Pero ang luko, pagkapasok sa loob ng bahay namin ay mabilis na hinalughog ang maliit naming kusina at talagang sinilip bawat butas. Nang walang mahanap sa kusina ay balak pa sanang pumasok ng kuwarto namin pero mabilis na akong humarang.
“Hoy, sumusobra ka na kung pati kuwarto namin ay papasukin mo. Talagang irereklamo na kita sa barangay—Ouch!” Napangiwi ako sa sakit dahil sa biglang pagbagsak ng pang-upo ko. “Aba't bastos ka, bakit ka nanunulak?!”
Pero nilampasan lang ako ng lalaki at mabilis na pumasok sa aming maliit na kuwarto. Nang makita nitong wala sa loob ng kuwarto ang kanyang hinahanap ay nagulat na lang ako nang bigla ako nitong kwelyuhan.
“Give me back my duck!”
Umangat ako dahil sa kanyang paghila sa leeg ng t-shirt kong suot.
“B-Bitiwan mo nga ako! Malay ko ba sa duck mo, ba't ako p-pinagbibintangan mo?!” iritado kong sagot sa boses na nahihirapan at napaubo pa. Lintik talaga, nasasakal ako.
“Because I saw it, nakita ko sa CCTV ang pagpasok ng pato ko rito sa bahay niyo!”
Kahit nasasakal ay pinilit ko pa ring magsalita. “Ipagpalagay nang nakita mo nga sa CCTV na sinasabi mo kahit wala naman CCTV sa lugar na 'to. Pero tingnan mo, narito ka na sa loob ng bahay namin, eh wala ka naman makita! Hindi mo ba alam na trespassing na itong ginagawa mo?!”
Inis na ako nitong binitawan na muntik ko pang ikatumba, buti na lang ay mabilis kong naibalanse ang katawan ko.
“Oras na mapatunayan kong ninakaw mo, pwes asahan mong ipakukulong kita!” galit nitong sabi sa akin na talagang dinuro pa ako bago lumabas ng kuwarto.
“Aba't, napakayabang ng kupal na 'yun, ah.” Mabilis ko itong hinabol palabas ng bahay. “Hoy, mag-sorry ka!” sigaw ko sa lalaki. Pero hindi ako nito pinansin at agad na dumiretso sa likod ng bahay namin. Napasunod na lang ako habang nakapamaywang at salubong ang mga kilay dahil sa pagkainis.
Pero pagdating sa likod ng bahay ay agad na nanlaki ang mga mata ko at umawang ang labi ko nang makita ang mga nagkalat na balahibo ng pato.
Naku po, lagot na! Sabi ko nang sunugin nila, pero bakit tinapon lang dito sa likod? Naman oh, pahamak na mga batang 'yun!
“Ngayon ka magpaliwanag sa akin.”
Napalunok ako nang muli akong harapin ng lalaki.
“A-Ano naman ang ipapaliwanag ko, aber?” maang-maangan kong sagot. Pero nagulat na lang ako nang malakas ako nitong hinaklit sa damit at kinuwelyuhan na naman, kaya naman napatiin na lang ako para hindi masyadong masakal ang leeg ko.
“Aamin ka, o uupakan kita?”
Napalunok ako sa kanyang banta. Sa itsura niya ay mukhang hindi siya nagbibiro.
Mukhang mapipilitan nga akong umamin nito. Bahala na.
“Fine, aaminin ko na. Yes, kinatay ko nga ang pato mo. Pero alam mo kung bakit ko 'yun ginawa? Kasi iniputan niya ang uniporme ko. Kaya bayad niya na ang buhay niya. At isa pa, kasalanan na 'yun ng pato mo kasi pumasok sa bahay namin. So ano pa nga ba ang magagawa ko? Eh grasya na 'yun, alangan namang tanggihan ko pa? As you can see I have a family to feed. So stop blaming me for eating your fat duck!”
Tila mas lalong nanlingas ang mga mata nito sa galit at mas lalo akong inangat.
“Then just give me the ring!” sigaw nito sa mukha ko. In fairness, napakabango ng kanyang hininga.
“I'm sorry but I don't understand what you're talking about?” s**t. Napa-english na tuloy ako.
“There's a ring inside the duck! Ibigay mo sa akin 'yun kung ayaw mong magalit ako!”
Muli akong napalunok, pero syempre hindi ako nagpatinag kaya malakas ko itong itinulak sa dibdib. Pero naging balewala lang ang pagtulak ko dahil napakatigas niya pala, pero kahit papaano ay lumawag naman ng konte ang pagkuwelyo niya sa akin.
“A-Alam mo, tol, huwag ka nga masyadong matapang at ang lakas ng loob mong kwelyuhan ako. Bagong salta ka pa lang dito sa teritoryo namin kaya mag-iingat ka. Di porke't gandang lalaki ka, eh hindi na kita ipapabugbog sa mga tropa ko,” mayabang kong sabi at pinanlakihan ko pa ito ng mata, kung kaya mas lalong bumangis ang mukha nito sa akin.
“Ah gano'n? Eh kung ikaw kaya ang bugbugin ko?” Tila mas lalo itong nanggigil sa akin at pinakita pa ang nakakuyom na kamao sa akin.
“Then go, b-bugbugin mo. As if naman n-natatakot ako sa 'yo, eh mukha ka namang lampa!” pautal-utal kong sagot dahil sa pagkakasakal.
“Ah, ako pa ang mukhang lampa? Eh ikaw nga parang binabae!”
‘Babae naman talaga ako, gago!’ gusto ko sanang isigaw 'yun sa pagmumukha niya pero hindi pwede.
Hanggang sa may bigla na lang tumunog na phone sa bulsa ng pants nito. At napaigik na lang ako sa sakit nang malakas na bumagsak ang pwetan ko sa lupa dahil sa patapon nitong pagbitaw sa akin.
“Hindi pa tayo tapos, babalikan kita mamaya. At ihanda mo na ang sarili mo, dahil uupakan na kita kapag wala ka pang maibigay na singsing sa akin,” babala nito sa akin bago sinagot ang tumawag at lumakad na paalis.
Napasimangot na lang ako. “Akala mo naman natakot ako sa 'yo. Eh di balikan mo, uupakan din kita!” pahabol kong sigaw sa matapang na boses.
Pero ang totoo, para akong nakahinga ng maluwag sa kanyang pagbitaw sa akin at paglakad paalis, dahil natakot talaga akong upakan niya. Aba eh, isa siyang lalaki at babae naman ako, kaya anong kalaban-laban ko sa kanya kung sakaling upakan niya man ako? Mas matangkad din siya sa akin at mas malaki ang pangangatawan. Wala pa naman dito ang mga kapitbahay ko na maaaring magtanggol sa akin, dahil lahat sila ay nasa mukhang hindi pa nakakauwi sa kani-kanilang mga trabaho, mga contraction worker kasi.
Muli akong pumasok ng bahay at nagmamadaling sinuot ang waiter uniform na bigay sa akin ni Homer.
“Nga pala, Jemma, iiwan ko ang cellphone ko rito sa inyo. Basta kung may problema ay tawagan mo lang ang number ni Homer, may load naman 'to,” bilin ko sa kapatid ko at binigay rito ang keypad kong cellphone.
“Bakit, kuya, papasok ka na ba ngayon sa trabaho? Pero maaga pa, ah?” tanong sa akin ng kapatid kong si Jemma.
“Oo, papasok na ako. Medyo marami kasing mga bigating customer ngayon dahil Sunday, kaya baka malaki ang kikitain ko. Basta pag-alis ko ay i-lock niyo agad ang pinto. Kung magpumilit ulit na pumasok ang lalaki kanina ay humingi na kayo agad ng tulong sa mga kapitbahay natin. Sabihin niyong magnanakaw ang lalaking 'yun o kaya rapist. Para makatikim siya ng bugbog at hindi na uulitin pa ang pagpunta rito. Naiintindihan niyo ba ang sinasabi ko?”
“Opo, kuya,” halos magkasabay na sagot ng tatlo kong kapatid.
Pagkatapos nagbihis ay nagmamadali na akong lumabas ng bahay, pero muli akong napabalik nang may maalala.
“At oo nga pala, linisin niyo ang mga nagkalat na balahibo sa labas at sunugin. Sabi ko nang sunugin niyo kanina, pero mga pasaway kayo at tinapon niyo lang sa likod ng bahay. Basta gusto ko bukas ay wala na akong makita na balahibo. Naiintindihan niyo ba ang utos ko?”
“Yes, ate—kuya pala!” Sumaludo pa silang tatlo sa akin.
“Ubusin niyo na rin lahat ng ulam, huwag niyo na akong tirahan pa.”
Sabay-sabay pa silang napa-yes sa sinabi ko. Naiiling na lang akong lumabas ng bahay at lumakad na para pumunta na sa kanto at doon na lang sumakay ng motorcycle. Pero nang mapadaan ako sa paupahan ni Aling Merna ay siya namang paglabas sa pinto ng bahay ang lalaki kanina, at agad na nagtama ang mga tingin namin dalawa. Nanlaki ang mga mga mata ko, lalo na nang makita ang pagturo nito sa akin na para bang tinatawag akong lumapit sa kanya. Pero imbes na sumunod ay nagmamadali akong lumakad at nagpanggap na hindi siya nakita. Akala ko ay hindi niya ako susundan, pero nang lingunin ko ay muling nanlaki ang mga mata ko nang makitang nakasunod na pala ito sa likuran ko.
“Sandali lang, huminto ka muna!” rinig kong tawag nito sa akin.
Pero hindi ako nakinig, bagkus ay kumaripas na ako ng takbo. Pero talagang humabol ang luko, kaya naman mas lalo kong binilisan ang pagtakbo ko hanggang sa tumawid na ako sa kabilang highway at tuluyan ko nang narating ang kanto. At dahil sa kakatakbo ko ng mabilis nang panay lingon sa aking hulihan ay bigla na lang akong nabangga sa isang katawan ng tao, pero buti na lang ay naging mabilis ang braso ng taong nabangga ko at mabilis akong nasalo sa likuran bago pa ako tuluyang matumba.
Bumungad sa akin ang guwapong mukha ng isang lalaking nakasuot ng gray suit at may maliit na piercing pa sa ibaba ng labi. Napamaang naman ako sa gulat.
“Hays. Kalalaki mong tao masyado kang lampa,” pagsatsat nito at mabilis na akong binitiwan, kaya napaayos naman agad ako ng tayo.
“N-Naku, pasensya na po, manong!” paghingi ko ng paumanhin.
“M-Manong?” sambit nito na parang hindi makapaniwala sa akin.
Pero hindi ko na ito pinansin pa dahil muli na akong tumakbo nang makitang patawid na ng kalsada ang lalaking humahabol sa akin na may ari ng pato. Tinuro-turo pa ako nito na para bang sinasabing malalagot ako sa kanya oras na maabutan niya ako.
“Hoy! Mas bata ka lang sa akin ng konti pero mas mukha kang manong kaysa sa akin!” pahabol namang sigaw sa akin ng lalaking nakabangga ko na may halo nang pagkairita sa boses. Pero hindi ko na ito nilingon pa o pinansin.
Nang makita ang kakila kong naka-motorcycle ay agad ko itong pinara at sumakay sa kanyang motor. Napangisi na lang ako nang makita ang lalaking humahabol sa akin na masama na ang tingin sa akin at kausap na 'yung lalaking nakabangga ko. Mukhang magkakilala pa yata sila. Pero hindi ko inaasahan na sesenyasan ako nito ng masamang senyales, 'yung senyas na puputulan niya ako ng leeg oras na mahuli niya ako.
Pero dahil safe na ako at nakasakay na sa tumatakbong motor, siyempre hindi ako nagpatalo.
“Loser!” malakas kong sigaw at sinenyasan ito ng dislike gamit ang aking hinlalaking daliri. Kaya parang parehong nanlingas ang mga mata nilang dalawa sa akin.