Chapter 1

2236 Words
Wendy's Point of View “Bili na kayo mga boss! Kakanin! Kakanin! Masarap at mura! Malinis ang pagkakaluto!” sigaw ko habang may buhat buhat na basket na naglalaman ng aking paninda at palibot-libot lang dito sa paligid ng Divisoria. “Magkano ba 'yang kakanin mo?” tanong ng isang nasa mid-40s na babae na nakaupo sa loob ng jeep. Mabilis naman akong lumapit dito. “Sampung piso lang po tatlo, ate. Ilan po bibilhin niyo?” “Aba'y kamahal naman niyan.” Napakamot na lang ako sa ulo ko dahil sa narinig. Tangina naman oh, sampung peso na nga tatlo namahalan pa ang tikbalang na 'to. “Sige po, ate, gagawin ko na lang apat sampo kapag bibili kayo ng halagang fifty pesos.” “Huwag na, mukhang hindi naman masarap, wala man lang cheese sa ibabaw, 'di katulad ng iba.” Anak ng tinola naman, oh! Ang mura na nga ng benta ko gusto pa may cheese. Lintik talaga! “Aba'y luging-lugi naman ako nu'n kung lalagyan ko pa ng cheese, eh ang mahal kaya nu'n. Sabihin mo na lang kasi na wala ka lang pera kaya ayaw mong bumili nitong kakanin ko, eh halata naman sa 'yo na natatakam ka na dahil mula kanina ka pa palunok-lunok diyan! Hays, diyan ka na nga! Minamalas mo lang ang paninda ko, eh!” Mabilis na akong naglakad papalayo. “Aba't bastos ka! Hoy, hindi porke't guwapo ka, eh mapapalampas ko na ang kabastusan mo! Bumalik ka rito at nang masampal kitang lalaki ka!” galit na pagtawag ng babae sa akin pero hindi ko na ito nilingon pa. Talagang ako pa ang nagmukhang bastos, samantalang siya 'tong nakakabwisit kung makainsulto sa paninda ko! Pero kahit paano ay hindi ko mapigilan ang mapangiti. Gandang lalaki pala, ha? Halos araw-araw ko yata naririnig ang salitang gandang lalaki ako, guwapo, pogi at cute. Nakakatawa sa totoo lang, hindi naman kasi ako lalaki, pero ngayon lalaki na talaga ang tingin ng lahat sa akin dahil sa pagbabago ko three years ago; Ginupitan ko ang sarili ko, iniba ko ang ayos ko, paglalakad at pananalita. Pinapagalitan ko rin ang mga kapatid ko kapag tinatawag akong ‘ate’ dahil mas gusto kong ‘kuya’ na lang ang itawag nila sa akin. Kailangan ko kasi maging lalaki dahil sa pinasok kong trabaho na isang waiter sa isang club tuwing gabi, at para na rin maprotektahan ang tatlo kong nakababatang kapatid na puro mga babae rin tulad ko. Ako na lang ang nagsisilbi nilang ina at ama dahil matagal nang wala sa mundong 'to ang parents namin, pareho na kasi silang namatay dahil sa kanilang sakit na cancer. “Pare! Pareng Wendel!” Napalingon ako nang marinig ang pagtawag. Akala ko hindi ako, pero nang makita ang nakangisi kong kaibigang konduktor ng bus na si Homer ay agad akong napangiti at napakaway. “Hindi pa ubos ang paninda ko, pare! Kailangan ko pa itong ilako!” pasigaw kong sagot. Pero agad naman itong kumaway sa akin na para bang sinasabing lumapit ako sa kanya. “Halika muna rito, pare! Bibilhin na namin 'yan lahat! Tamang-tama at meryenda na namin ngayon!” Sa narinig ay biglang nagliwanag ang mukha ko at tumakbo nga papalapit sa bus kung saan ang kaibigan ko. Homer is my best friend, isa itong konduktor sa bus kapag araw, at waiter naman sa club kapag gabi; Magkasama kami sa trabaho. At alam niya ang sekreto ko na isa akong babae dahil aksidente niya akong nakita na nagbibihis nung isang gabi sa club. Sa totoo lang ay sobra akong natakot nang mahuli niya ako dahil baka isumbong niya ako, pero buti na lang ay hindi. Sinabi niya sa akin na wala akong dapat ipagaalala dahil mananatiling lihim ang sekreto ko at hindi niya ito ipagsasabi kahit kanino. “Two hundred na lang lahat, pare! Ibibigay ko na ang isa ng libre!” “Oh, siya, hetong bayad. Ako na lang ang mag-aalok nito sa loob ng bus.” Mabilis na tinanggap ng kaibigan ko ang basket pagkabigay sa akin ng pera. “Idadaan ko na lang 'tong basket mo mamaya sa inyo pag-uwi ko.” “Walang problema, pare. Sige, salamat ha! Kira-kits na lang tayo mamaya!” Kumaway pa ako sa kaibigan ko bago patakbo nang umalis para umuwi. Salamat naman at naubos din ang paninda ko, halos isang oras din akong naglibot-libot sa paglako, si Homer lang pala ang makakaubos. Hays, dapat pala hinanap ko agad siya, 'di sana hindi na ako napagod pa. Sobrang init pa naman ng araw kahit alas nuebe pa lang naman, kaya parang nangingitim na ako. Bago umuwi sa bahay ay dumaan muna ako sa tindahan at bumili ng tatlong kilong bigas, mga sabon na panlaba at panligo, toothpaste, shampoo at iba pa. Kaya ang natira sa pera ko ay 54 pesos na lang, tamang baon na lang sa school ng tatlo kong kapatid, dahil lunes na naman bukas. “Kuya!” Mabilis akong sinalubong ng tatlo kong kapatid pagkapasok ko pa lang sa pinto ng bahay at kinuha sa kamay ko ang aking mga pinamili. “Anong ulam ang nabili mo, kuya?” tanong ni Jemma, ang 15-year-old kong kapatid na sumunod sa akin. “Ngek, ito lang ang nabili ni kuya!” pagsimangot naman ni Arya nang makita ang laman ng supot, ito naman ang 10-year-old kong kapatid. “Walang candy, kuya?” si Meme na 6-year-old naman at bulok na ang ngipin sa kakain ng candy. “Oh, ito, bumili kayo ng candy.” Binigyan ko si Meme at Arya ng tig dalawang piso. Napangiti naman ito at tumakbo na palabas para bumili sa tindahan. “Kuya, ano na ang ulam natin ngayon kung hindi ka pala bumili?” tanong ni Jemma na sumimangot pa. Pagod naman akong naupo sa upuang gawa sa kawayan at sumandal. “Mag-ulam muna tayo ng asin ngayon, o kaya mamitas ka muna ng talbos ng kamote riyan sa likod ng bahay. Mamayang bukas na lang tayo babawi kapag nakabale na ako ng pera sa boss ko mamayang gabi.” “Ate naman, puro na lang tayo talbos!” Napapadyak si Jemma. “Aba't— anong puro talbos, eh kagabi nga barbeque ang pinaulam ko sa inyo. At tigil-tigilan mo nga 'yang pagatawag sa akin ng ate, at baka may makarinig pa sa 'yo! Sige na, huwag ka na magreklamo pa at magsaing ka na!” Napasimangot na lang ang kapatid ko at wala nang nagawa kundi ang sumunod sa utos ko. Pumasok naman ako sa loob ng maliit naming kuwarto para kumuha ng bihisan at nang makaligo dahil nanlalagkit na rin ang katawan ko sa pawis gawa ng paglibot-libot kanina para lang ibenta ang paninda ko. Pero pagbukas ko ng kahon kung saan nakatupi ang mga damit ko ay nagulat na lang ako nang biglang may malaking pakpak na nagtampisaw at lumabas mula sa loob ng kahon ang isang malaking inahing pato. Nagulat ako at muntik pang mapasigaw, pero mas nanlaki ang mga mata ko nang makita ang waiter uniform ko na may tae na na kulay itim. “Tangina naman oh, kaninong pato 'to at paano nakapasok dito?!” sigaw ko sa sobrang galit at nanlilingas ang mga matang tiningnan ang pato na pakimbot-kimbot nang lakad sa loob ng kuwarto matapos tumalon mula sa loob ng kahon. “Anong pato, kuya?” tanong ng kapatid kong si Jemma na patakbong pumasok nang marinig ang galit kong boses. “Ayan tingnan mo, paano nakapasok ang hayop na 'yan dito!” nanggigigil kong pagturo sa pato na ngayon ay naupo na. Aba't talagang magaling din ang hayop na pato na 'to, malilintikan talaga 'to sa akin. “N-Naku, kuya, mukhang pato 'yan ng kapit-bahay natin. Parang 'yan ang nakita ko kanina nakatali riyan sa paupahan ni Aling Merna, baka nakatakas sa pagkakatali. Hindi ko namalayan na nakapasok pala 'yan dito—” “Papaano mo naman mamalayan kung nasa layasan kayo habang wala ako! Kaya kahit anong hayop o tao ang pumasok dito sa bahay natin ay talagang hindi niyo mamalayan dahil mga layas kayo!” pagalit kong sabi sa kapatid ko. Napasimangot na lang ito at hinuli na ang pato na agad namang nahuli sa pakpak. Pero nang akmang ilalabas na ng kapatid ko sa kuwarto ang nagpupumiglas na pato ay agad kong inagaw ito sa kanyang kamay. “Kumuha ka ng kutsilyo, ngayon na!” utos ko at hinigpitan ang pagkakahawak sa pakpak at pa ng inahing pato para hindi na makapagpumiglas pa. “Bakit, kuya, aanhin mo naman ang kutsilyo—” “Huwag ka nang marami pang tanong at sumunod ka na lang sa pinag-uutos ko!” Wala nang nagawa ang kapatid ko kundi tumakbo palabas ng kuwarto. Nang makabalik ito ay may dala ng kutsilyo. “Hawakan mo sa paa ang lintik na pato'ng 'to para hindi makapalag.” Nanlaki ang mata ng kapatid ko sa akin. “Kakatayin mo?! N-Naku, kuya, hindi naman sa atin 'yan, eh!” “Oh, ano ngayon kung hindi sa atin? Ba't siya pumapasok dito sa bahay natin at tinaehan pa itong uniporme ko? Ano na lang ang susuotin ko nito mamaya sa trabaho, ha?!” “P-Pero, kuya, baka mahuli tayo ng may-ari at magalit!” “Mas galit ako kaysa sa lintik na may ari na 'yan, kaya hawakan mo na 'to at nang makatay ko na para may pang ulam tayo! Bayad niya na ang buhay niya sa pagtae niya sa uniform ko!” Wala nang nagawa ang kapatid ko kundi igapos ang pato, kaya agad ko itong kinatay. Pero talaga namang ang tagal malagutan ng hininga dahil nagpupumiglas pa rin kahit may hiwa na sa leeg, hindi tulad ng manok na madali lang mamatay. Kaya naman pinutol ko na lang nang diretso ang leeg. Matapos kong katayin ang inahing pato ay pinabalahibuhan ko na ito sa dalawa kong kapatid na si Jemma at Arya para matadtad na at maluto. Ako na lang ang nagsaing at naghanda ng mga rekado na gagamitin tulad ng sibuyas, bawang, bawang, luya, paminta at iba pa. Nakasimangot pa rin ang kapatid kong si Jemma habang nagbabalahibo na parang napilitan lang talaga, pero halata naman sa kanyang mga mata na excited nang makaulam ng pato. “Pagkatapos ninyong balahibuhan 'yan ay ilagay niyo lang diyan sa bilao at ako na ang bahalang magtadtad. At ang mga balahibo ay sunugin niyo lahat. Hugasan niyo na rin ang mga plato.” “Hindi, kuya, ikaw na lang ang maghugas ng mga plato, at ako na lang ang bahalang magtadtad nito, expert naman ako pagdating sa pagtatadtad ng manok, so kayang-kaya ko na 'to. Pero ang tanong, hindi kaya mapapa-barangay tayo nito?” sagot ni Jemma. “Bakit, ate, kanino bang pato ito? Nakaw lang ba 'to?” inosenteng tanong naman ni Arya. Napasatsat naman ako at inis na napakamot sa ulo ko. “Puwede ba, huwag na kayong marami pang tanong at baka marinig pa ng kapit-bahay, basta bilisan niyo na lang diyan!” pagalit kong saway sa kanila sa mahinang boses. “Okay po, kuya!” sabay na sagot ng dalawa kong kapatid at binilisan na nga ang pagbunot ng balahibo sa patay na pato. Habang ang bunsong kapatid namin si Meme ay tamang panood lang sa kanila habang sumisipsip ng lollipop. Lumabas naman ako ng bahay at pumunta sa kabilang kalsada kung saan naroon ang water pump at naghihintay ang mga platong hugasin na mula kanina kagabi pang hindi nahugasan, dahil nga pagod na ako kagabi at may mga assignment ang mga kapatid ko na kailangang tapusin, kaya naman hindi na nahugasan ang mga plato. Pero sa kalagitnaan ko ng paghuhugas ng plato ay siya namang paglabas ni Jemma sa pinto ng bahay at pagsigaw sa akin. “Kuya! Kuya! Halika muna rito may ipapakita ako sa 'yo!” “Ano ba 'yan! Mamaya na, tatapusin ko muna 'tong mga plato!” sagot ko sa iritadong boses. “Basta, kuya, halika muna rito! May importante akong ipapakita sa 'yo!” “Hays naman. Gaano ba 'yan ka importante? Talagang kukurutin kita kapag hindi ko 'yan nagustuhan.” Wala na akong nagawa kundi tumayo at mabilis na tumawid sa kalsada. Pagdating ko sa pinto ng bahay ay agad akong hinila ng kapatid ko papasok at mabilis na sinara ang pinto. “Bakit ano ba ang sasabihin mo at—” Naputol ang tanong ko nang mabilis na itinaas ng kapatid ko ang kamay nito at pinakita sa akin ang kanyang hawak. “Ito po, kuya, tingnan mo may singsing! Nakuha ko ito sa loob ng katawan ng pato!” Bahagyang lumaki ang mga mata ko at napangiti bago mabilis na inagaw ito sa kamay ng kapatid ko. “Wow, ang ganda ha, mukhang mamahalin. Susubukan kong ibenta 'to mamaya. Sige na, ikaw na ang magpatuloy ng paghuhugas ng plato sa labas.” “Sige, ate, basta balatuhan mo ako mamaya, ha?” “Tsk. Oo na, sige na. At puwede ba, tigil-tigilan mo na 'yang pagtawag sa akin ng ate at baka may makarinig pa sa 'yo, talagang makurot na kitang bata ka, kita mo lang.” “Hehe, pasensya na, kuya. Nagkakamali kasi ang bibig ko minsan,” napabungisngis na sagot ng kapatid ko at tumakbo na palabas ng bahay. Napailing na lang ako, pero agad ding napangiti nang mapatingin muli sa singsing. Mukhang mamahalin, siguradong magkakapera na naman ako nito mamaya. Sinuswerte yata ako ngayong araw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD