Natapos na ni Salome ang apat na silid. Sa isang palapag ay dalawa lang ang room girl na naka-assign. Sila ni Evangeline ang magkasama sa fifth floor. At nasa fifth floor din ang stock room na madalas tambayan nilang mga staff kapag tapos na sila sa paglilinis.
“Hoy, Salome!” Tinawag siya ni Roda.
Matangkad at malaking babae si Roda. Hanggang leeg lang ni Roda si Salome. Siya kasi ang maliit sa kanilang lahat.
“Oh, bakit?”
“I-pull out mo iyong room six.” Kinakalikot pa ni Roda ang kuko.
Iyong room six ay sa palapag iyon ni Roda. Kapag nandiyan siya ay nang-uutos itong si Roda sa kaniya.
“Ha? Ah, e, may lilinisan pa ako dito sa palapag namin Roda, e. Mamaya na lang siguro?” Nagkamot siya ng ulo. Paano niya ba kasi pagsasabayin iyong paglilinis sa dalawang silid?
“Kailangan ngayon na. Ano ba? Gagamitin na ngayon iyon!”bulyaw ni Roda.
Muntik na siyang mapatalon sa gulat. Bigla-bigla na lang kasing naninigaw itong si Roda. Bakit ba ayaw siyang intindihin ng babaeng ito?
“Aba! Ang kapal mo naman, Roda!” Biglang sumulpot si Evangeline. Kakatapos lang nito sa paglilinis sa kabilang silid.
Namaywang si Roda. Halatang papalag din kay Evangeline.
“Parang sino ka kung mang-utos, ah. Sino ka ba dito? Sumbong kita sa manager, makikita mo!”
Biglang namutla si Roda at agad kinuha ang trolley para magtungo sa elevator.
“Ano ka ba? Ba't ba nakikinig ka sa bruha na iyon?” Siya naman ang nilingon ni Evangeline.
Napayuko na lang siya. Ayaw niya lang ng gulo. Matagal na sina Roda at Evangeline sa trabahong ito. E siya? Kauumpisa niya pa lang. Pang-isang linggo niya pa lang ito. Ayaw niyang mapag-initan. Kaya gagawin niya ang lahat para mapakisamahan ng maayos ang lahat ng katrabaho.
May anak siya. Iyon ang priority niya at baka wala siyang maipakain sa anak kapag nawalan na siya ng trabaho.
“Ako na sa huling silid. Marami ka nang nalinisan. Mag-relax ka na rin diyan. Huwag mong sagarin ang katawan mo. May batang umaasa sa'yo,”ani Evangeline.
Nahiya siya pero tama ito. Kanina niya pa talaga gustong umupo. Simula noong nakapag-umpisa siya sa trabaho ay madalas na siyang maagang pumasok. Siya na ang nagma-mop sa buong six floor kada-umaga. Nakakapagod pero kinakaya niya. At binibigyan niya ng importansya ang trabaho dahil sa anak niyang si Daniel.
At isa pa ay... first time niya rin na makapagtrabaho sa ganito karangyang hotel.
Kaya't napakasaya niya.
Nang break time na at oras na sa pagkain ay pumila na agad sila ni Evangeline sa baba. May dala siyang baunan parati.
“Oh, ano? Kunti na naman ang kakainin mo?”
Napansin ni Evangeline na hinihiwalay niya ang ulam sa kanin na inilagay ng cook kanina sa baunan niya.
Ngumiti siya sa kaibigan. “Busog na ako dito.”
Tinuro niya ang kanin na nadumihan lang ng kaunting sauce ng ulam na inilagay sa lagayan niya kanina. Ayos na iyon, may lasa na ng kaunti ang kanin niya.
Dadalhin niya sa anak niya 'yon. Iyon ang uulamin ni Daniel kapag nakauwi na siya. Siguradong magugustohan ng anak niya ang ulam na 'to. Di baleng wala siyang ulam araw-araw. Ayos na sa kaniya ang kanin.
“Grabe! Bilib na talaga ako sa pagiging mapagmahal mong ina. Masiyado mong mahal ang anak mo. Para kang si Mama!”ani Evangeline.
Ngumiti lang siya at kinain na ang kanin tsaka uminom ng tubig.
“Magnanakaw ng pagkain kamo!”biglang singit ni Roda sa likuran.
Sinamaan ito ng tingin ni Evangeline. Hindi niya na pinansin ang komento ni Roda. Pero sa loob loob niya. Napapatanong siya sa sarili. Pagnanakaw ba ang tawag dito sa ginagawa niya? Ibinigay na naman ng hotel ang pagkain, 'di ba? Kaya paanong matatawag na nakaw ito?
“Patay gutom,”pabulong na dugtong pa ni Roda.
Umupo sa malayong upuan si Roda kasama ang mga kaibigan nito. Wala naman siyang ginagawa kay Roda. Hindi niya maintindihan kung bakit pinag-iinitan siya nito.
“Bruha talaga. Kalbuhin kita diyan, e.”Bumulong-bulong si Evangeline.
Nagpatuloy na lang siya sa pagkain at tahimik na itinabi pa rin ang ulam na ibibigay niya sa anak.
Pagkatapos nila sa break ay biglang lumapit ang manager nila. Medyo nagulat sila ni Evangeline kasi sila agad ang nilapitan ng manager.
“Kung tapos na kayo sa fifth floor. Pakisunod ang VVIP. Gagamitin ni boss ngayon.”
“As in talaga?!”napabulalas si Evangeline. Habang wala naman siyang idea sa nangyayari.
“Kunin mo ang trolley sa baba, ako na magpo-pull out ng mga old stock na gamit sa silid ng VVIP.” Natataranta si Evangeline nang utusan siya.
“O-Oo, sige.”
Agaran siyang tumalima upang magtungo sa stock room. Sumakay agad siya ng elevator. At sa elevator din ulit siya sumakay nang paakyat na sa VVIP floor. Ang buong top floor ay ang VVIP ayon sa nalaman niya.
May naabutan siyang tatlong lalaking naka all black suit pagkabukas ng elevator. Parehong naka black face mask. Agad na dumako ang tingin ng tatlo sa kaniya. Lalo na ang lalaking nasa unahan.
“Excuse me po,”aniya sabay pasok ng malaking service trolley.
“Sa susunod. Ang elevator ng staff ang gamitin mo. This elevator is not for staff.” Isang baritunong boses ang pumailanlang.
Galing sa lalaking nasa harap ang boses. Napaisip siya. Oo nga pala. Nasabi na ni Evangeline na dapat niyang gamitin ang isang elevator at hindi ang elevator na ito.
Pero nagmamadali kasi siya. Parating puno ang elevator ng mga hotel staff. Matatagalan siya kapag iyon ang ginamit niya.
“Sorry po. Hindi na mauulit.” Pahiya siyang yumuko.
Gusto niyang pindutin ang top floor button pero natatakot na siyang kumilos matapos magsalita ng lalaki. At ang worst ay napagsabihan pa siya.
Sana lang ay bumaba na ang tatlo para makapindot na siya. Pero hindi pa rin bumababa ang tatlo. Kinabahan na siya. Baka bigla na lang bumalik pababa ang elevator kasi di niya pa napindot. Baka mas lalo lang siyang matagalan.
Magagalit si Evangeline kapag na-late siya. Kinakabahan na tuloy siya ngayon.
“What floor?”
Gulat na napatingin siya sa lalaki. Tulala siya at hindi agad nakapagsalita.
“Anong floor daw sabi ni boss.” Nagsalita na rin ang lalaking malaki ang katawan na nasa likod.
Natataranta na agad siyang sumagot.
“V-VVIP po, Sir! Salamat po!”
Ang tinawag na boss ng lalaki sa likod ang siyang pumindot sa button ng VVIP.
“Salamat po!”ulit niya sabay bow ng slight.
Nang tumunog ang elevator at dumating na sa VVIP floor ay agad din na bumukas ang pinto nito. Pagkabukas ay nagulat siya nang makita ang anim na nakahilerang mga room staff sa labas ng elevator.
Nakita niya si Evangeline na kasama ng anim na staff. Namimilog ang mata ni Evangeline nang makita siya at parang may ginawa siyang kasalanan na kagulat-gulat base sa reaksyon ng kaibigan.
Agad siyang lumabas ng elevator at nagtataka na lumapit kay Evangeline na ngayo'y gulat na gulat pa rin na nakita siyang lumabas ng elevator.
“Sorry, ah. Nagamit ko ang elevator. Nagmadali kasi ako. Akala ko walang guest sa loob,”aniya kay Evangeline na hindi pa rin makapagsalita.
Napatingin siya sa tatlong lalaking lumabas ng elevator. Dumaan ito sa harap nilang lahat. Dito rin pala ang tungo ng mga ito. Akala niya sa ibang floor ang tungo ng tatlo.
May kakaibang awra siyang napansin habang naglalakad sa harap nila ang lalaking nasa unahan. Kakaiba na hindi niya maintindihan at hindi ma-explain. Matangkad ito, malaki ang pangangatawan. Kapansin-pansin ang malagong kilay at ganda ng mga mata. Napaisip siya, parang artista at modelo ang tindig ng lalaki. Dinagdagan ng kaalamang boss ang tawag dito ng dalawang lalaking nakasunod dito. At nasa VVIP ang lalaki. Ibig sabihin ay hindi talaga ito basta-bastang tao.
Nang tuluyan nang nakadaan ang tatlo ay agad siyang hinarap ni Evangeline. Hinampas siya bigla sa balikat.
“Aray, Evangeline!” Napahawak siya sa brasong nasaktan.
“Ang tanga tanga mo!”
Napanguso siya sa narinig mula sa kaibigan. Halatang iritado ang kaibigan niya.
“Grabe! Sa lahat ng ginawa mo ito ang pinaka-tanga, Salome. Jusko naman!” Napasapo si Evangeline sa noo dahil sa frustration.
“Sorry na. Nagmamadali talaga ako kanina.”
“Oh, tapos? Nakaabot ka ba? Tapos na kami dito saka ka nakaakyat. At kasabay mo pa talaga ang...” Hindi na ipagpatuloy ni Evangeline ang sasabihin dahil sa inis.
Sinusuyo niya ang kaibigan hanggang sa nakababa na sila. Halos ayaw siyang kausapin ni Evangeline.
Ayaw pa rin siyang kausapin ni Evangeline kahit sa canteen. Tinatabi niya na naman ang ulam niya nang biglang padarag na inilagay ng kaibigan ang ulam nito sa baunan niya.
“Evangeline...”Nagtataka siyang tiningnan ang kaibigan.
“Kainin mo yan. Asikasuhin mo ang sarili mo. Wala kang ibang puhunan dito, katawan mo lang.”
Nakagat niya ang ibabang labi at parang gustong maiyak. Kahit galit ang babae ay concern pa rin ito sa kaniya.
“Salamat. At sorry kanina, Vange.”
Inirapan siya nito.
“Wag ka nang tatanga tanga ulit. Ayokong matanggal ka dito dahil may anak ka at kailangan na kailangan mo itong trabaho. Kakaumpisa mo pa lang kaya please lang. Mag-ingat ka na ulit.”
“Sorry talaga, Vange.”
Bumuntong hininga ang kaibigan. “Hay! Sana lang walang reklamo na dumating sa manager bukas. Sa lahat ng nakasabay mo ay ang may-ari ng hotel pa talaga!”
Namilog ang mata niya sa narinig.
“Ha?”
Iritadong nilingon siya ni Evangeline.
“Oo, may-ari ng hotel ang kasabay mo kanina.”
Natulala siya.