MAGANDANG umaga ang bumungad kay Ffion sa araw na iyon. Tulad ng kaniyang nakagawian bilang asawa ni Audric, hinanda niya ang susuotin nito at agad siyang nagtungo sa kusina. Magluluto siya. Magluluto siya kahit pa paulit-ulit na masayang iyon at basurahan ang nakikinabang.
At masaya siya sa kinalabasan ng kaniyang luto ngayon umaga. Hindi sunog ang tocino pati ang itlog. Mas lalong naging masigla ang kaniyang araw nang kainin ito ni Audric. Walang reklamo na lumabas sa bibig nito at inisip niyang nagustuhan nito ang kaniyang hinandang almusal sa umagang iyon. Kahit papaano, masaya siya na maganda ang gising ngayon ni Audric dahil sabay sila ngayon na kumakain.
"How's your hand?"
Natigilan siya nang magtanong ito. Nagtaas siya ng tingin at tumingin sa kaniyang gwapong asawa na kahit bulag ito, wala pa rin nagbago. Nagsimula rin humaba ang buhok nito pati ang balbas nito pero gwapo pa rin sa paningin niya si Audric.
"O-okay naman."
"Hindi masakit?"
Nakagat niya ang labi. Pinigil niyang huwag kiligin sa simpleng tanong nito. Kahit binago ng panahon ang lalaking mahal niya, nararamdaman niya pa rin na nag-aalala sa kaniya ito.
"H-hindi na."
"Good." Bumalik ito sa pagsubo ng pagkain.
Habang siya ay pasulyap-sulyap sa pinggan nito. Gusto niyang lagyan ng ulam at itlog pero alam niyang ayaw ni Audric na gawin niya ang bagay na iyon. Mas gusto pa rin nito na pagsilbihan ang sarili.
"Anong araw ngayon?" Mayamaya ay tanong nito.
"Ah, sabado."
"Anong buwan at araw ang ibig kong sabihin," angil nito.
Nagyuko naman siya ng tingin kahit hindi nito nakikita ang kaniyang reaksyon. "June 07, 2016. Saturday."
"Ibig-sabihin ilang buwan kang nakatali na sa'kin. Go, Ffion. Bumalik ka na sa Maynila at sa pamilya mo. Wala akong balak na ikulong ka sa Villa na ito habang-buhay."
Lihim siyang napabuntong-hinga sa narinig. Bigla, nawalan siya ng ganang kumain. Naibaba niya ang kutsara at tinidor at malungkot na tumingin sa lalaki. Bakit ba paulit-ulit nitong tinutulak siyang umalis at lumayo? Oo alam niyang si Ivony ang mahal nito. Hindi siya manhid, damang-dama niya iyon.
"H-hindi ako aalis." Mahinang anas niya.
"Bakit ba ayaw mong umalis!"
Tumaas ang boses nito. Nagyuko siya ulit ng tingin at hindi kumibo. Kahit naman na paulit-ulit niyang sabihin ang totoong dahilan, wala naman itong pakialam. Mas mabuting hindi na lamang niya patulan ang galit nito at init ng ulo. Kanina lang ay maganda ang mood nito. Ngayon, ibang Audric na naman ang kaniyang kaharap.
"Sige, hihintayin ko na lang ang araw na mapagod ka. Alam natin pareho na napapagod ang tao at nagbabago."
"H-hindi totoo iyon!"
Mapakla itong ngumiti at uminom ng tubig saka binagsak ang baso sa mesa. "Sinabi ko na ba ang totoong rason kung bakit ikaw ang pinakasalan ko at hindi si Ivony?"
Hindi siya kumibo. Alam niya pero hindi lahat.
"Dahil nagbago ang pagmamahal ni Ivony. Nagbago nung nalaman niyang isa na akong bulag at maliit ang tyansa na muli akong makakita ulit. Alam kong mangyayari ang bagay na iyon pero sumugal akong hintayin sa simbahan ang babaeng mahal ko dahil ang buong akala ko, mananatili ang isang tao kapag mahal ka. Pero hindi sapat ang pagmamahal para manatili sa'kin ang babaeng mahal ko. Hindi ikaw ang babaeng gusto kong makasama habang-buhay, Ffion, pero ikaw 'tong nandito at hindi ko alam bakit ikaw ang hinila ko sa araw na iyon. Ah, dahil siguro gusto kong ipamukha sa fiancee ko na kaya ko siyang palitan kahit isa pa akong bulag."
Hindi pa rin siya kumibo. Nanatili siyang tahimik sa tabi nito kahit ang nasasaktan siya. Natural dahil tao lamang siya at nagmamahal. Kung may paraan lang na i-reset ang kaniyang puso, ginawa niya na. Hindi naman niya gustong mahalin ito, eh. Ang puso niya ang tangang pumili, hindi siya.
Marahan niyang pinunasan ang luhang kumawala sa kaniyang mata. Hindi siya iiyak. Masyado pang maaga para sirain ang kaniyang araw. Ngayon pa ba siya masasaktan? Araw-araw naman na pinapadama sa kaniya ito ni Audric. Ngayon pa ba siya aatras? Dalawang buwan na ang nagdaan pero heto, hindi pa rin siya nasasanay sa malamig na pakikitungo sa kaniya ng kaniyang asawa.
"M-maghihintay ako. Maghihintay ako na darating ang araw na matutunan mo akong mahalin. Hindi ako m-mapapagod na hintayin ang araw na iyon, at kung s-sakaling mapagod man ako, magpapahinga lang ako at muli kang mamahalin, Audric."
Tumaas lang ang kanan sulok ng labi nito at tumayo. Iniwan siya nito ng walang pasabi. Malungkot na lamang siyang napatingin sa lalaki. Mahal pa rin nito ang babaeng nagngangalang Ivony. Kung sabagay, anong laban niya?
Ang maipapagmalaki lamang ni Ffion ay ang kaniyang pagiging Suma c*m Laude at Botanist. Isa siyang simpleng babae na ang pangarap lamang ay ang mahalin ng mas higit pa sa kapatid ni Audric. Ano nga ba ang laban niya sa ex-fiancee ni Audric na international model at sikat na sikat sa larangan ng internet? Wala. Hindi niya kayang pantayan ang kagandahan meron si Ivony. Isang half american ang babae at hanggang kalingkingan lang siya nito. Kaya naiintindihan niya kung bakit ganito kabaliw si Audric sa babae. Mahal na mahal nito ang babae kahit on and off ang relasyon ng mga ito.
Pero dahil sa lalaki, iniwan niya ang pagiging botanist niya sa isang malaking Medicine Company at sumama rito sa San Mateo. Pinili niyang maging isang asawa nito kahit sa papel at sa mata lang iyon ng tao. Pinanghahawakan niya ang kasal na iyon dahil inisip niyang baka ito na 'yong hakbang na mamahalin din siya ni Audric balang-araw.
Smile, Ffion! Huwag mo na masyadong isipin ang sinabi ni Audric. Galit lang siya sa mundo dahil sa nangyari. Be happy at ikaw ang nandito at hindi ang babaeng iyon na walang ibang ginawa kundi ang saktan ang damdamin ni Adi. Pampalakas niya sa kaniyang sarili at kahit papaano, gumaan ang kaniyang pakiramdam.
Siya ang nandito kaya dapat maging masaya. Ang gawin lang niya ay mas lalong pagbutihan at iparamdam sa lalaki na hindi ito nag-iisa at hinding-hindi kailanman mapapagod ang kaniyang pagmamahal dito.
Agad niyang tinapos ang kaniyang almusal sa umagang iyon at nagligpit ng pinagkainan. Nagpasya rin siyang maligo bago harapin ang kaniyang mga halaman at mga alagang hayop.
Isang bestida na kulay pusyaw na dilaw ang kaniyang napiling suotin at hinayaan niyang nakalugay ang kaniyang light brown na buhok. Natural na kulay na buhok niya ito. Namana niya sa kaniyang Ama.
Napangiti siya nang makita si Audric sa veranda. Nakaupo ito sa rattan chair. Ang walang emosyong mata nito ay nakatingin sa unahan at alam niyang naiisip nito si Ivony.
Tinungo niya una ang mga alagang hayop at pinakain ang mga ito. Natutuwa siya na masigla ang anim na alagang bunny. Kinausap niya ang mga ito at sandaling sinamahan saka siya nagtungo sa kaniyang mga alagang ibon. Binili niya ang mga iyon sa palengke nung isang linggo pa lamang sila rito ni Audric.
"Good morning! Kumusta kayo?" masayang anas niya at pinalitan ang tubig at pagkain ng mga ito. Ang lawak ng kaniyang ngiti habang pinanood niya ang mga ito na kumakain. Nag-iisip siya kung dadagdagan pa ba niya ang mga ito o hindi na.
"What kind of bird is it?"
Nagulat siya nang biglang magtanong si Audric. Napatingin siya rito at nasa deriksyon niya ito nakatingin. Siguro naiingayan sa mga alagang ibon niya.
"L-love birds."
Tumango ito at muling binalik ang atensyon sa unahan. Muli itong naging tahimik at hindi na bago sa kaniya iyon. Dahan-dahan niyang tinanggap na nagbago ito pero may bahagi pa rin ng kaniyang puso na umaasang babalik ang maingay nitong personalidad 'pag siya ang kausap.