Pero hindi pala madali ang buhay asawa iyon agad ang natutunan ni Ffion sa loob ng dalawang linggo. Sumama siya kay Audric nang magpasya ang lalaki na tumira sa Villa sa San Mateo. Sa villa ng Villanueva kung saan malayo sa mga tao at sa media.
Walang magawa ang kaniyang Ina nang sumama siya sa lalaki. Nasa tamang edad na siya. 25 years old na siya at hindi na siya bata kaya alam niya kung ano itong pinasok niyang sitwasyon. Isa pa, hindi niya hahayaan si Audric na mamumuhay sa madilim na mundo nito ngayon. Sasamahan niya ito kahit katangahan ang kaniyang gagawin. Masisisi ba niya ang kaniyang puso kung nagmahal lang naman ito?
Nagbago ang dating kilala niyang Audric. Kung dati ay malambing ito sa kaniya at tinatrato siyang nakakabatang kapatid, ngayon ay hindi. Nag-iba ang ugali ng lalaki at lagi itong mainit ang ulo. Minsan ay nagwawala ito sa loob ng kanilang silid at siya ang taga-sunod ng mga kalat mula sa pagwawala nito.
Minsan naman ay naririnig niya itong umiiyak at kasunod niyon ay ang malakas na mga suntok sa pader. Gusto niyang daluhan ang lalaki pero sa tuwing gagawin niya ito, tinutulak lang siya nito papalayo.
Hirap na hirap siyang pakisamahan ang lalaki, lalo na at hindi siya sanay na sinisigawan at binubulyawan nito. Pero dahil mahal niya si Audric at nangako siyang sasamahan niya ito sa paglalakbay nito sa madilim na mundo, nanatili siya sa paligid.
Tinutulak din siya ni Audric papalayo at pinapabalik ng Maynila pero hindi siya umalis. Nung kinuha nito ang kaniyang kamay at siya ang sinuotan ng singsing, tinatak niya sa kaniyang isipan na mananatili siya kahit na paulit-ulit siyang itulak ni Audric palayo sa buhay nito.
Nagbalik sa reyalidad ang isip niya nang marinig ang pagbasag ng baso sa kusina. Mabilis siyang bumangon at tinakbo ang pasilyo papuntang hagdanan. Nakita niya ang asawang nakatayo sa gilid ng mesa at nasa sahig ang basag na baso.
Nakagat niya ang kaniyang labi nang mapatingin siya sa daliri nitong may band-aid na. Siya dapat ang gumagawa nito, eh. Siya dapat ang gumagamot ng mga sugat nito pero hindi siya nito hinahayaan. Kahit ang hawakan ito ay hindi siya nito pinahihintulutan. Ang makatabi ito sa kama ang siyang pinahintulutan nito pero malaki ang espasyo nilang dalawa. Kahit papaano, masaya siya. At least, sa paraan iyon, nadadarama niyang kailangan ni Audric ang kaniyang presinsya bilang asawa nito.
Yumuko ito para pulutin ang nabasag na baso. Sa takot niyang baka masugatan na naman ang kamay ng asawa, agad siyang lumapit dito para siya ang pumulot sa mga bubog.
"Go away. Its my mess. Ako ang maglilis sa kalat kong ito."
"Audric..."
"Naiintindihan mo ba ako, Ffion?"
Humugot siya ng malalim na hangin. Pinuno niya ang kaniyang dibdib ng hangin. "K-kailan mo ba ako hahayaan na makapasok sa mundo mo, Audric? Bakit mo ba ako laging tinutulak palayo sa tuwing lumalapit ako sa'yo?"
"Hindi ko kailangan ang presinsya mo Ffion."
"Pero asawa mo ako!"
"Asawa?" Natawa ito nang mapakla. Dahan-dahan nitong pinulot ang mga bubog at hindi siya nagkamali nang masugatan ang kamay nito pero parang balewala lang ito ni Audric, nagpatuloy ito sa pagpulot kahit dumudugo na ang kamay nito.
"Audric!" naiiyak na pinigilan niya ang kamay nito.
"Why? Hanggang ngayon takot ka pa rin sa dugo?" pagak itong tumawa at inalis ang kamay niya. "Pwede kang umalis sa bahay na ito, Ffion. Hindi ka bilanggo ng bahay na ito. Bumalik ka na sa buhay mo. Huwag mong itali ang buhay mo sa'kin."
"H-hindi ako aalis. Nangako ako."
"Putang pangako 'yan!" nagtaas ito ng boses at tinulak siya papalayo rito.
Nakagat na lamang niya ang kaniyang labi nang tumama ang kaniyang pang-upo sa sahig. Masakit iyon. Masakit ang ginawa nitong pagtulak sa kaniya lalo na at naitukod niya kaniyang kaliwang kamay sa mga bubog na nagkalat sa sahig.
Napaigik siya at mariin kinagat ang labi. Pinigil niyang huwag makalikha ng ingay at baka marinig ni Audric na nasaktan siya sa ginawa nito.
Nanginginig na pinagmasdan niya ang palad nang may lumubog doon na dalawang bubog. Malayang dumaloy ang dugo mula sa kaniyang kamay at tama si Audric, takot siya sa dugo.
"Tsk!"
Nagulat si Ffion nang lapitan siya ni Audric at kinapa ang kaniyang kamay. Nang mahawak nito ang kaniyang kamay, hinila siya nito papunta sa may lababo.
"Iyan ang nakukuha mo sa pagiging pakialamera mo." madilim ang mukha nito nang buksan ang faucet at hinugasan ang kaniyang kamay. "Maghihintay ka pa ba na ako ang magtatanggal?" paangil na tanong nito.
"S-sorry." Mabilis niyang pinunasan ang kaniyang luha at kagat ang labing tinanggal niya ang bubog na dumiin sa kaniyang palad. "Aray!" Hindi niya mapigilang mapaigik nang matanggal niya ito. Malalim ang ginawang sugat ng basag na baso sa kaniyang palad pero bakit pakiramdam ni Ffion, umabot pati sa puso niya ang sakit?
"Next time, mind your own business. Hindi ka masusugatan kung hindi ka pakalat-kalat sa harapan ko." Binitawan nito ang kaniyang kamay at agad itong tumalikod.
Tinungo nito ang two-way door refrigerator at kumuha ng tinapay at tubig saka siya nito iniwan. Deretso ito sa hagdanan at alam niyang magkukulong ito sa art room hanggang sa makatulog siya sa kanilang silid mag-asawa.
Napasunod na lamang ang kaniyang tingin sa asawa at nagpasyang gamutin ang sugat sa kaniyang kamay. Nilagyan niya ito ng alcohol at napaiyak siya sa hapdi. Muling dumugo iyon pero binalot niya na ito agad ng bendahe. She hates blood! Nanghihina ang kaniyang tuhod at katawan kapag nakakakita siya ng mga sugat at dugo. Ang dugong kaya lang niyang harapin ay ang kaniyang buwanang dalaw.
Pero pagdating kay Audric, nakakalimutan niyang takot siya sa dugo. Tulad nung nahiwa ang kamay nito ng kutsilyo. Mas inuuna niya ito keysa sa kaniyang takot. Ganito talaga siguro kapag sobrang mahal niya ang isang tao. Lahat kaya niyang harapin kahit kamatayan pa ito.
Matapos niyang lagyan ng bendahe ang kaniyang kamay, hinarap niya ang nagkalat na mga bubog at tinapon iyon sa basurahan pagkatapos niyang iligpit ang mga ito.
At sa gabing iyon, pinili niyang tumambay sa labas ng bahay. Maliwanag at safe ang Villa kaya wala siyang dapat ikatakot. Isa pa, kasama niya sa labas ang kaniyang mga halaman at mga alagang hayop. Kahit papaano, gumaan ang kaniyang pakiramdam habang pinagmamasdan ang mga naggagandahang halaman niya. Nakakatulong ito sa pagtanggal ng sakit na kaniyang nararamdaman.
Isang oras siyang nakatambay sa labas nang marinig niya ang magandang tunog ng piano mula sa music room. Napangiti siya at saglit na napapikit ng mata. Mag-isang linggo bago niya narinig ulit na magpatugtog ng pyesa si Audric. Mas mahaba ang oras nito sa Art room.
Do You by Yiruma ang tinitipa ng kamay nito. Magaling si Audric pagdating sa musika at pagpipinta pero tago ang galing nito dahil ayaw ni Don Arturo Villanueva. Ang gusto ng Ama nito ay paghawak ng negosyo kaya ito ang kinuha ni Audric nung kolehiyo. Siya lang ang nakakaalam na gusto nitong kumuha ng Fine Arts noon.
"Adi mahal kita! Mahal na mahal kita..."
"Silly."
Nagmulat siya ng mata. Tapos na ang pyesang tinipa nito. Napangiti siya nang pumasok sa isipan niya ang lantarang pagpapahayag niya ng damdamin sa lalaki noon.
Sana, matugunan ang kaniyang pagmamahal na tinatangi niya rito. Sana...