Kourtney is an only child.
At dahil may edad na pareho ang mga magulang nang magpakasal ay nahirapan na ang kanyang mama na magbuntis ulit pagkatapos syang maipanganak, kaya naman hindi na sya nasundan pa.
Sa kagustuhan na magkaroon ng kapatid ay naging malapit ang loob niya kay Ram-ram ang sampung taon gulang na half pinoy- half German na anak ng kanilang kapitbahay.
Palibhasa laking states ay hindi ito marunong managalog kaya naman ay sumayd-line siyang Filipino tutor nito dahil nahihirapan ito sa mga aralin.
Isa pa gusto ni Mrs Harris ang mommy ni Ram-ram na matuto itong magsalita sa lengguwaheng Filipino at magkaroon ng kaalaman sa kulturang Pinoy.
Subalit may katigasan ng ulo si Ram-ram palibhasa ay ayaw nitong manirahan sila sa Pinas.
Lalo na at sa isang malayong probinsya pa. Kaya naman medyo may attitude ang bata.
Kalaunan sa pagpupursige ni Kourtney ay lumambot din ang loob ni Ram-ram.
Nagustuhan na rin nitong manirahan sa kanilang bayan.
Natuto itong makibagay at makihalubilo sa kapwa nito bata.
Higit sa lahat natuto itong gumamit ng po at opo na kanyang ikinasiya.
Nang magdalaga si Kourtney at maging isang ganap na guro ay naroon pa rin sa tabi niya si Ram-ram na noo'y binatilyo na.
Lagi syang hinahatid-sundo nito sa iskwela na siya namang ikina-iinit ng ulo ng nobyo niyang si Marco.
Reklamo ng lalaki ay lagi na lang raw nakabuntot sa kanya ang binatilyo.
Dagdag pa ng nobyo sa tingin nito ay may gusto raw sa kanya si Ram-ram.
Para nang magkapatid ang turingan nila ng binatilyo sa isa't-isa kaya naman ay tinawanan na lamang niya at ipinagkibit-balikat ang mga sinasabi ng kasintahan.
Subalit mukhang tama nga ang sapantaha ni Marco. Pagka't isang gabi ay naging bisita nya si Ram-ram.
Mula sa bukas niyang bintana ay bigla na lang itong lumitaw tulad ng lagi na nitong nakagawian.
Nakatakda nang bumalik sa states sila Mrs. Harris. Sinadya siya ni Ram-ram para magpaalam, kasabay niyon ay ang pagtatapat naman nito ng tunay na saloobin sa kanya.
Inamin ng binatilyo ang damdaming mayroon ito na matagal na raw nitong inaalagaan. Sa pagkabigla ay hindi sya nakahuma kaya nang dumampi ang mga labi ni Ram-ram ay tila nagpatianod na lamang sya.
At nang magtanong ang binatilyo kung sila na ay wala sa sarili na napatango na lamang sya. Animo sya nahipnotismo sa hindi nya malamang dahilan.
Nang tumimo sa isipan niya ang tila kidlat sa bilis na pangyayari ay bigla syang natauhan.
My God! sa tanda niyang iyon pumatol sya sa bata? Ano na lamang ang sasabihin ng mga co-teachers nya, ni Marco at lalo na ng kanyang mama Elisa?
Nakakahiya! Pero sya na rin ang nagsuweto sa sarili.
Nakaalis na sila Mrs. Harris at wala namang nakakaalam bukod sa kanila ni Ram-ram sa nangyari.
Kaya't pinalis niya ang pagsigid ng konsensya at pagkabahala. Isa pa bata pa si Ram-ram hindi pa mature mag-isip malamang ay paghanga lamang ang nararamdaman nito na ipinagkamali sa pag-ibig.
Matatauhan rin ang binatilyo at siguradong makakalimutan rin ang isang tulad niya. Sino ba sya para pag ukulan nito ng panahon balang araw eh pagkadami-daming magaganda sa tate?
Pero bakit bumigat ang dibdib niya sa naisip? Ibig bang sabihin ay the feeling is mutual? Que horror! Erase, erase, erase. aniya.