ZERRA NICOLE'S POV
NAPABALIKWAS ako ng bangon nang maramdaman ko ang sikat ng araw na tumatama sa mukha ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko mula sa bintana kung gaano na kataas ang sikat ng araw.
Shittt na malagkit naman oh. Late ako nito!
Maliksi ang mga kilos na naligo ako, as in mabilis na ligo. Sa tatlong taon kong pagtatrabaho sa kumpanya ng irog ko ay ngayon lang ako makakatikim ng late. At hindi ako masaya dahil do'n.
Matapos maligo ay agad na akong nagbihis at naglagay ng kaunting pulbos sa mukha at light lipstick. Wala pang bente minutos ay natapos na ako. Pero siyempre siniguro ko namang presentable at maganda pa rin ako kahit pandalas na.
Hulog naman ng langit ang driver ng taxi na agad na dumaan sa harap ng apartment na tinitirhan ko. Matapos magbayad dito ay mabilis na akong bumaba ng sasakyan at tumakbo papasok sa DAM building. (Derick Aristotle Montana).
Napatingin ako sa aking orasan at nakita kong late na ako ng bente minutos.
Nagmamadali na akong naglakad, papasakay na sana ako sa elevator paakyat sa opisina ng accounting department nang makita ko ang tatlong makikisig na Montana.
Sabay-sabay na naglalakad ang mga ito at talaga namang makalaglag-panty ang mga angking kaguwapuhan. Pero siyempre para sa akin si Drake ang pinakaguwapo sa tatlo. Walang halong bias iyon dahil iyon naman ang totoo.
Halos iisa kasi ang mukha ng mga ito kahit hindi naman triplets. Namana kasi ng mga ito ang kaguwapuhan sa ama nitong si Derick Montana.
"Ate Niks!" Narinig kong tawag ni Dave sa pangalan ko. Mariin akong napapikit dahil nakita na pala nila ako. Balak ko pa namang isekreto na late ako ngayong araw, pero mukhang malas talaga ako ngayon.
"Ate Niks, good morning," muling sabi ni Dave sa akin. Wala naman akong nagawa kun'di ang humarap sa mga ito.
"Good morning po mga Sir!" alanganing bati ko. Paano ba naman ang sama ng tingin sa akin ni Drake, parang gusto ako nitong halikan, este patayin pala.
"Good morning din sa'yo, Ate Niks," magiliw na bati ni Dave. Ang bunso sa tatlong Adonis na nasa harap ko.
"Good morning too, Zerra," mabait namang sabi ni David. Ang pinakaseryoso sa tatlong Montana.
Nang si Drake na lang ang walang tugon ay agad akong tumingin dito. Sumalubong sa akin ang masama nitong tingin habang salubong na salubong ang mga kilay.
"Good morning, Babe, smile naman diyan. Bawal ang nakasimangot sa umaga nakakawala ng good vibes iyon," bati ko rito. Wala naman akong nakuhang sagot mula rito, bagkus lalo lang sumama ang mukha nito.
"Hey, sabi ko good morning," muling sabi ko.
"What's good in the morning?" asik nito. "And you're late, by the way!" Nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi nito. s**t, akala ko pa naman makakalusot ako sa lalaking ito, hindi pala.
"Ilang minuto lang naman, babe," pa-cute na depensa ko.
"Still, you're late. And I'll give you a memo for being late today!" Mas nanlaki ang mga mata ko sa sinabi nito.
Seryoso ba ito?
"That's unfair! You're really unfair!" malakas na reklamo ko.
Tinaasan lamang ako nito ng kilay.
"I'm not," tanggi nito.
"You are!"
"At paano ako naging unfair?" kunot-noong tanong nito sa akin.
"Tatlong taon akong maagang pumapasok dito pero walang reward galing sa'yo. Tapos na-late lang ako ng isang beses may memo na agad? Are you serious, babe?" hindi makapaniwalang sumbat ko.
Ang labo naman kasi ng lalaking ito jusko. Ang sarap halikan, este sikmuraan pala hehe.
"I'm dead serious," sagot naman nito na ikinatawa ng dalawang kapatid nito. Nasa tabi pa rin kasi nito ang mga kapatid na animo mga marites na nakikitsimis.
"Walang nakakatawa guys, bibigyan ako ng memo nitong halimaw na kapatid n'yo, pero tinatawanan n'yo pa ako," nanghahaba ang ngusong sabi ko sa mga ito. Mas lalo namang lumakas ang tawa ng dalawa. "Hoy, Dave, akala ko kakampi kita, bakit hindi mo man lang ako ipagtanggol sa halimaw mong kapatid, ha?" sumbat ko rito. Hindi lingid sa mga tao na sobrang close kami ng bunsong Montana. Sanggang-dikit kami kung baga.
"Sinong halimaw?" hindi makapaniwalang tanong ni Drake, nanlalaki pa ang butas ng ilong nito.
"Malamang ikaw, alangan namang ako, haler?" sagot ko.
"Sa guwapo kong ito, tatawagin mo lang akong halimaw?" Nanlaki pang lalo ang butas ng ilong nito. Parang kakasya na ang daliri ko.
Napangiti naman ako dahil mukhang pikon na pikon na ito. Ang sarap nitong inisin, sobrang guwapo pa rin.
"Oh, sige guwapo na kung guwapo. Guwapong halimaw, puwede na ba iyon?" sagot ko na mas ikinatawa ng dalawang Montana.
"Zerra!" nagbabanta na saad nito.
Kinabahan naman ako nang akmang lalapit ito sa akin na parang gusto akong tirisin. Mabuti na lamang at mabilis akong nakatago sa likod ni Dave. Humawak pa ako sa damit nito.
"Bro, kalma," sabad ni David na tatawa-tawa. Masama namang tumingin dito ang kapatid.
"She's annoying me, and it's still morning for God's sake!" pikong bulalas nito.
"Pikon ka na naman kasi bro, hindi ka na nasanay rito sa future wife mo," banat naman ni Dave. Nako, mahahalikan ko talaga itong lalaking ito. Mas'yadong pinapaganda ang umaga ko.
"Because she is always annoyed me, always pestering me. Just tell her that stop bothering me anymore. I'm pissed, really!" gigil na sabi nito bago mabilis na tumalima paalis. Mukhang pikon na naman ang lolo n'yo, well sabagay wala namang araw na hindi galit sa akin ang lalaking iyon eh.
Naku talaga, kung hindi ko lang talaga mahal ang lalaking iyon. Tatlong taon na akong habol nang habol dito eh, pero infairness hindi ako nagsasawa o napapagod. Wala eh, gano'n talaga siguro kapag mahal mo.
"You always made my day, Ate Niks," tatawa-tawang saad ni Dave sa tabi ko. Maka-Ate naman ito wagas eh kaedad ko lang naman siya. We'll okay na rin naman kasi tanggap ako nito na maging future hipag niya. Not bad.
"Yeah, but she's always made our brother angry," singit naman ni David.
"We'll, that's my way of showing my love for your dear brother," sagot ko naman na ikinatawa ng magkapatid.
Nang sumakay sa elevator ang mga ito ay sumabay na rin ako. Mauuna lang akong bumaba dahil nasa pinakataas ang opisina ng mga ito.
_ _ _ _ _ _ _
Dumating ang hapon at uwian na. Kasabay ko ang kaibigan kong si Ara at Eulla. Naglalakad na kami palabas ng DAM building nang makita ko si Drake na pasakay ng kotse nito. Pero pansin ko na badtrip ito dahil hindi man lang ito tumingin sa akin kahit alam nitong naroon ako.
Maghapon lang kasi itong nagkulong sa office nito, ayon sa source ko. Source talaga, siyempre dahil marami akong kaibigan sa opisina maraming taga-update sa akin ng mga ginagawa nito.
Daig ko pa ang may naka-install na cctv sa opisina nito sa dami ng taga-update ko. Ultimo ang secretary nito ay nasa panig ko. Kaya alam ko kung saan ang mga lakad nito araw-araw. At alam ko rin sa tuwing may bagong babae ito. Hindi naman nagtatagal at naghihiwalay rin dahil sa kagagawan ko siyempre. Ang lagay ba eh papayag akong maisahan ng lalaking iyon.
Naglalakad na kaming tatlo papunta sa sakayan ng jeep nang may humaharurot na kotse ang dumaan sa gilid ko. Halos dumikit na sa akin ang kotse sa sobrang lapit niyon. Nang makita ko ang plate number ng kotse, napagtanto kong kay Drake iyon.
Ano na naman kayang problema ng isang iyon. Makapag-drive jusko. Ayokong mabiyuda ng maaga, ano. Wala pa kaming tsikiting. Choss.
"Mukhang badtrip na naman ang baby mo, Niks," sabi ni Ara sa tabi ko.
"Kaya nga, Niks, parang gusto kang sagasaan eh," segunda naman ni Ell.
"As if namang kaya niya, ano?" sabi ko.
"Lagi mo na lang kasing inasar si Sir Drake. Ayaw mo pa kasing tigilan at baka sakaling magustuhan ka na, 'di ba?" payo naman ni Ara.
Alam kong concern sila sa akin. Pero sana lang gano'n kadali ang gusto nilang mangyari, 'di ba? Kasi kung oo, matagal ko na sanang ginawa. Mukhang madali, pero hindi lalo na kung mahal na mahal mo talaga ang isang tao.
"Oo nga, Niks, try mo kayang tigilan si Sir Drake. Baka kasi ayaw niya sa'yo kasi masiyado ka ng clingy do'n sa tao. Alam mo naman na ayaw ng mga lalaki ng gano'n, hindi ba?" sulsol naman ni Ell na ikinailing ko.
"Kapag tumigil ako, lalo lang siyang mawawala sa akin, ano?" pagmamatigas ko namang sagot na ikinatawa ng mga ito.
"As if namang may iyo, 'di ba?" tawang sabi ni Ara. "Walang iyo Niks, kaya gumising ka na, okay?" dugtong pa nito.
"Bakit natutulog ba ako?" pambabara ko naman dito.
"OO!" sabay pang sagot ng mga ito.
"Buwisit kayo," ingos ko naman.
"Tama naman kasi kami, Niks, walang sa'yo kasi wala namang kayo. Gising-gising din kapag may time, masiyado ng matagal ang ilusyon mo, Niks," pang-iinis pa ni Ell.
Nagtagumpay naman itong inisin ako.
"Kung si Sir Drake ang hihintayin mo baka mabulok na iyang kabibe mo. Sabi ko naman sa'yo hahanapin kita ng real boyfriend eh, para tumigil ka na sa ilusyon mo," sabi pa ni Ell.
"Sino iyong tambay?" tanong ko.
Binatukan ako nito. "Gaga, malamang hindi, ano ka ba? May kaibigan si Marcus na binata at naghahanap siya ng pinay na dyowa." Ang Marcus na tinutukoy nito ay ang nobyo nitong Amerikano. Mabait si Marcus kaya nakasundo namin ito ni Ara. Kaya nitong sakyan ang kalokohan naming magkakaibigan.
"Sino do'n, Ell?" tanong naman ni Ara. Tila interesado ito sa lalaking sinasabi ni Ell.
"Actually hindi mo pa siya nakikita, Ara, kasi papunta pa lamang siya rito sa Pilipinas para sumunod kay Marcus." sagot nito pagkatapos ay binilingan ako. "Interesado ka ba, Niks?" untag nito sa akin.
"I'm pass," sagot ko. Hindi kasi ako interesado sa offer nito. Hindi naman nadidiktihan ang puso eh. Dahil kung oo matagal ko ng ginawa.
"Pass ka na naman," ingos ni Ell.
"Kay Ara mo na lang ialok para naman magkaroon na ng boyfriend iyan," sabi ko dahilan para pabirong hilahin nito ang buhok ko.
"Hindi ako naghahanap ng dyowa, ano?" sagot ni Ara.
"Oo nga naman, Niks, saka may Sir Dave na iyan, hindi ba?" panunudyo ni Ell dito.
Umirap lang naman si Ara rito. Natigil lang ang kulitan namin nang may dumaan ng jeep sa harapan namin.
Nang makasakay na kami ay saka namin itinuloy ang kulitan. Para kaming baliw sa jeep dahil ang iingay namin. Kahit pinagtitinginan na kami ng mga kapwa pasahero ay hindi pa rin kami naawat.
Tumigil lang kami sa pagkukulitan nang bumaba na si Ell, ito kasi ang unang bababa at sunod si Ara at ako ang huli. Sa magkakaibang lugar kasi kami. Si Ara ay umuupa rin ng apartment dahil taga-Quiapo talaga ito.
Sa kaso ko naman ay talagang wala akong choice kun'di ang mamuhay mag-isa dahil wala na akong pamilya. Yes, tama ang narinig n'yo mag-isa na lamang ako sa buhay. High school pa lamang ako ng mamamatay ang mga magulang ko. Nasangkot kasi sa isang aksidente ang bus na sinasakyan ng mga ito nang minsang lumuwas papunta sa Maynila. Magdi-deliver sana ang mga ito ng mga ani naming gulay ngunit sa kasamaang-palad ay iniwan ako ng mga ito.
Sobrang hirap na hirap ako noon dahil bukod sa bata pa ako ay mag-isa lamang akong naiwan ng mga ito. Solong anak ako, kaya talagang masasabi ko na ulila na ako ng lubos. Walang kamag-anak na puwedeng kumupkop sa akin, kahit may mga pinsan pa si Papa sa lugar namin. Ang dahilan ng mga ito dagdag palamunin pa raw nila ako. At sa murang edad ay tumatak sa puso at isip ko ang mga salitang iyon.
Wala akong choice ng mga panahong iyon kun'di ang ipagpatuloy ang buhay kahit gaano kahirap. Sobrang hirap sa tunay na kahulugan ng salitang iyon. Ano naman kasing alam ng isang katorse anyos na dalagita hindi ba?
But life must go on. Nilakasan ko ang loob ko at buo ang puso't isip na nakipagsapalaran ako sa Manila. At sa awa ng Panginoon ay may ipinadala Siyang tao na makakatulong sa akin noong mga panahon na wala akong mapupuntahan.
May nakilala akong Madre at dinala niya ako sa kumbento. Pero dalawang taon lamang ang itinagal ko do'n dahil nagdesisyon akong makipagsapalaran sa labas ng kumbento.
Walang pagkakataon na naging madali sa akin ang lahat. Dumating pa nga ako sa punto na sukong-suko na ako sa buhay. Pakiramdam ko kasi no'n mas'yado nang sinusubok ng panahon ang katatagan ko bilang tao.
Pero hindi ako sumuko. Sabi ko no'n kung magiging mahina ako talo ako. Walang tutulong sa akin kun'di ang sarili ko lamang. Wala akong puwedeng sandalan dahil wala naman akong matatawag na pamilya o kaibigan.
Hindi naging madali ang lahat para sa akin, lahat ng hirap ay naranasan ko. Pero dahil sa lahat ng pagsisikip ko, nagtagumpay ako. Naging maayos ang buhay ko. At sa edad nga na bente-syete masasabi kong stable na ang buhay ko kumpara sa buhay ko dati. Sinikap ko kasi talaga para makapagtapos ng kolehiyo. Naging working student ako, naging assistant ako sa library. At nagtrabaho ako bilang waiter sa gabi. Nag-ipon talaga ako para kapag naka-graduate ako may pera ako para sa board exam ko. At nagawa ko naman, sa kabutihang-palad ay nakapasa ako. Hindi lang ako basta nakapasa dahil top 3 ako sa lahat ng kumuha ng exam.
Sobrang proud ako sa achievements ko. Sobrang hirap man ng naging journey ko, at least worth it naman lahat. At dahil top natcher ako hindi ako nahirapang humanap ng trabaho. Actually trabaho ang lumapit sa akin at isa ang DAM company na nag-offer sa akin. Dahil ito ang may pinakamagandang offer noon kaya rito ako napunta. At masasabi kong tama ang landas na pinili ko. Dahil doon nakilala ko ang lalaking una kong minahal at minamahal hanggang ngayon.
Sa DAM ko rin nakilala ang mga kaibigan ko na maituturing kong pamilya. Mga kaibigan na alam kong hindi ako iiwan mag-isa. Mga kaibigan na dadamay sa akin sa lahat ng oras. Hindi ko man makuha ang lalaking gusto ko, at least may mga taong handang damayan ako.
May mga taong hahawak sa mga kamay ko kapag nadapa ako. May mga kaibigan na sasamahan ako sa oras na kailangan ko ng makakapitan.