BH 7
SHE abruptly stopped and looked at the door where Phoenix went out. She has a mild thumping in her heart. What was that? Kinapa niya ang sariling dibdib at nakiramdam.
Umikot siya at humarap sa portrait ng asawa, pinakamasdan yun nang husto bago niya naisipan na magsalita.
"Did you just hear everything? The way that man talked to me seemed so different. Parang may something sa kanya, Hector. Parang ang confident niya, ganun. While everyone in this place is all afraid of me, siya parang hindi. You saw that?" Tanong niya, as if naman sasagot ang litrato ng nasira niyang ama-amahan.
Napakibit-balikat siya, "Anyway, wala naman akong mapapala sa kanya. Ikaw lang naman ang mabait na lalaki. Magkaiba kayo ng galaw. He isn't like you, so I know hindi siya mabait kagaya mo. Mayabang, oo," ismid niya. Mukha siyang tanga na kausap ang isang bagay na kahit mapudpod ang dila nila ay wala naman siyang makukuhang katiting na salita.
Ganun na talaga siya. Para sa kanya ay nariyan lang si Hector sa paligid, tulad ng ipinangako nun sa kanya.
Pinaikot muli ng dalaga ang upuan at hinarap na ulit ang ginagawa niya. She has to stay focused and not get distracted by that man. At isa pa, maraming gwapo sa paligid niya, na hindi naman siya naging apektado, may mga nagpapagiwatig sa kanya na mga graduate ng mga mamahaling unibersidad sa ibang bansa. Bakit naman siya paa-apekto sa isang lalaking may hangin sa utak tulad ng receptionist niya?
"Lady P," sumilip ang ulo ni Katrina sa pinto niya, parang nananantya kung galit siya.
She just glanced and returned her gaze to what she was doing.
"Okay lang po si Phoenix?"
"Sinong Phoenix?" Tanong niya, ni hindi na ito sinulyapan.
"Yun pong pogi na messenger…este receptionist."
So, that's his name. He has such a nice name. Ang tapang ng pangalan nun, kasintapang ng apog. Muntik siyang mapangiti sa naisip niya. Hindi kaya dapat ang pangalan nun ay Typhoon, o di kaya Ego?
"Saan banda siya pogi?"
"Lady P naman."
Iniba niya ang usapan, "Nasisante mo na ang messenger?" Tanong niya sa babae.
Tumango iyon at isinara ang pinto, nakuha naman na ayaw na niyang pag-usapan si Apog.
"Nakikiusap. May pinapag-aral daw siyang graduating na anak, bunso. Sa baba raw ng pinag-aralan niya, baka mahirapan daw siyang maghanap ng iba, Lady P."
She sighed, "Now he realizes that thing, but when he chose to smoke during working hours, he didn't," napailing siya.
"A-Ano na po ang order natin, Lady P?"
Napatigil si Paige sa pagdutdot sa kanyang laptop. Naalala niya, noong siya bata pa, kumahog ang Nanay niya na maghanap-buhay para magkagatas siya, habang ang letse niyang ama ay nakahilata, lasing, kapag nagising na walang makakain, sampal ang aabutin ng Nanay niya, na pagod na nga sa paglalabada, nabubugbog pa.
Maswerte ang mga batang iginagapang ng mga ama nila para makapagtapos ng pag-aaral, hindi tulad niyang kailangang mapunta sa ibang tao para maging kung sino siya ngayon.
She blinked. Naramdaman niya ang pait sa dibdib. Wala na ang Tatay niya pero ramdam pa rin niya ang hinanakit doon.
"Paakyatin mo siya rito," utos niya lang saka ibinalik ang sarili sa ginagawa niya.
Agad naman na sumunod si Katrina sa utos niya. She personally wants to talk to that messenger. Iba kapag sa kanya manggaling ang salita, hindi relayed message lang.
THE door opened again after ten minutes or so. Iniluwal nun ang kanyang assistant, na mukhang kilig sa receptionist. Ayaw niyang pag-usapan si Mister Apog kaya hindi niya sasang-ayunan si Katarina sa mga kalokohan nito.
"Nandito na po si Mang Jun," ani pa ng babae kaya tumingin siya.
Pumasok ang isang may edad na lalaki tapos ay isinara ni Katrina ang pinto. Hindi iyon pumasok at binigyan sila ng privacy.
Nakatingin ang lalaki sa litrato ni Hector kaya tinanguan niya para lumapit.
"Mang Jun, tama po?" Umpisa niya.
The mid-aged man nodded with so much respect. Hawak nito ang sombrero sa may harapan.
"Ma'am, baka naman po pwedeng humingi ng isa pang pagkakataon," anito kaagad sa kanya, "Hindi ko ho sinasadya. Akala ko po wala kayong ipag-uutos kaya pumunta muna ako sa smoking area. Kadarating ko lang din po kasi, magdeliver po ng mga titulo."
Hindi siya umimik at pinakamasdan lang ito.
"Ilang taon na ang anak niyo, Mang Jun?"
"Bente po, nasa…eskwelahan ng mga espesyal na bata pero ga-graduate na, Ma'am!" Napangisi ito at kitang kita ang pagiging proud na ama, "Ma-May Autism po kasi siya, Lady P, mild lang naman po. Pinagtyagaan kong ipa-therapy sa pamamagitan ng pagbabale dito noon kay sir Hector. Natutong magsalita yung bata kahit paano, kaya ipinasok ko sa eskwelahan."
"Mahal ang bayad sa ganun," sumandal siya sa swivel chair at mataman na tiningnan ang lalaki.
Naiiyak siya. Wala siyang ama na tulad nito, na kahit may deprensya ang anak ay itonaguyod at pinapag-aral pa. Kung sa Tatay niya siguro yun nangyari na may sakit siya, baka ipinatapon siya nun sa ibang planeta.
"M-Mahal po, Ma'am pero napagtyagaan ko. Nagre-relax lang po sana ako kanina dahil kailangan ko pong mabayaran ang tuition, full. H-Hindi makakasama ang anak ko kapag hindi ko nabayaran."
"Nasaan ang iba niyong anak, walang trabaho?"
"Patay na po, Ma'am ang dalawa, naaksidente sa field trip."
Diyos ko.
Napapikit siya at para siyang tinamaan ng kidlat, "Pasensya na, Mang Jun."
"Okay lang po, Lady P. Pinalaya ko na sila dahil pitong taon na rin ang nakakalipas nang mangyari yun. Payagan niyo pa sana akong manatili rito, Lady P. Hindi na po mauulit ang nangyari. Matanda na po ako at di ko alam kung matatanggap pa ako sa trabaho sa ibang kumpanya, k-kahit para na lang po sana sa anak kong kailangan ako."
Hindi siya tumango. Hindi rin siya umiling.
Humarap siya sa laptop at binuksan ang files niya roon, "Ano ang pangalan mo ulit?"
"Solomon Bernabe Jr. po, Lady P."
Hinanap niya ang pangalan nito sa files at naroon ito kaagad. Tiningnan niya ang mga beneficiaries nito, kung nagsasabi ba ito ng totoo. Nakita niya ang dalawang pangalan ng anak nitong may open and close parentheses, deceased. May isa na lang nga itong natitirang anak. Totoo ang sinasabi nito sa kanya. Hindi ito nagsisinungaling.
"Sige," sagot ni Paige, "Isa pang pagkakataon, Mang Jun pero ipinapaalala ko sa inyo na nandito kayo para magtrabaho, hindi para tumambay at manigarilyo. May coffee break naman at lunch break, hintayin niyo na lang siguro para nasa tamang oras ang pagpapahinga niyo."
"Opo, Ma'am, opo, opo. Salamat po."
"Saan pala nag-aaral ang anak niyo?"
"Sa Special Angels po, Ma'am. Pinilit ko pong i-private dahil wala ng public na mapapasukan."
Tumango siya at iminuwestra niya ang pintuan. Kitang-kita sa mukha nito ang kasiyahan nang maglakad papalabas ng pinto niya. Bago ito tuluyan na umalis ay saglit itong lumingon at nag-bow sa kanya.
She smiled, too.
Pumasok naman si Katrina pagkalapat lang ng pinto, nakangiti sa kanya.
"Kat, punta ka sa Special Angels, hanapin mo ang record nitong anak ni Mang Jun. Bayaran mo full ang tuition para makagraduate na, kasama ang graduation fee. Don't ever mention this to anyone. I don't ever want them to think that I am kind," aniya at masaya itong tumango.
"Hindi mabait pero napakabait," anaman nito kaya naman sumimangot siya at tumuloy sa pagtatrabaho.
Mas gusto niya yun para hindi tulad ng Nanay niya ay huwag siyang masamantala.
NAKATAAS ang noo ng dalaga nang makababa siya sa lobby. Handa na siyang umuwi pero sasaglitan niya kung dumating na si Phoenix na inutusan niyang maghatid ng jewelry set sa kanyang kaibigang si Porsha. Nanghihiram iyon ng mga alahas, gagamitin daw para sa sasalihang pageant.
"Si Phoenix?" Tanong niya sa mga babaeng nasa reception area.
"Nandito na ang gwapo!" Sagot nun na kapapasok lang ng pintuan. Kinilig na naman kaagad si Katrina sa may tabi ni Paige.
She looked back.
Nagpunas ng pawis ang lalaki sa noo. Namumula ang mukha nun, malamang sa init.
"Hoo," nakangising sabi pa nun saka pumameywang, "Job well done na, Lady P," anito pa.
"You just delivered a set of jewelry, not the whole jewelry store," mataray na saad niya sa lalaki.
Napakatagal naman nitong maghatid, napakalapit lang naman ng condo ni Porsha.
"Hinintay ko pa si Miss Porsha, Lady P. Wala man lang bang pa-softdrinks?"
"Wala," aniya rito, nakataas ang mga kilay.
Ang kapal talaga nito.
"Kiss na lang."
Nanlaki ang mga mata niya at si Katrina naman ay napahagikhik, kasama ang mga babae sa reception counter.
"Excuse me?" Namumulang tanong sabi niya rito pero nakatitig ito sa mukha niya.
Nakataas ang noong naglakad siya at nilagpasan ito. Naiirita naman kasi siya kay Porsha, isa rin naman sigurong naglalaway sa lalaking si Phoenix kaya hindi sinasagot ang tawag niya kung natanggap na ba ang items.
"Kapag hindi natanggap ni Porsha ang mga yun, bukas nasa preso ka na," banta niya rito.
He just chuckled behind her, "Kapag ba Ma'am natanggap may kiss ako?"
Muling nagkahighikan ang mga kababaihan pero tuloy-tuloy na siya. Kahit ang mga gwardiya ay halos mapangiti sa kalokohan ni Phoenix.
My God!
Ngayon lamang siya naka-encounter ng tulad nito, sobrang mapresko!