Jelly’s POV
“Hi, Miss Educ!”
“Ang ganda talaga ni Miss Educ”
“Sh*t pare yung pangarap mo dumaan na!”
Hindi ko inintindi ang mga usapan na naririnig ko habang naglalakad papasok sa campus. Dere-derecho akong naglakad papunta sa aking first subject. Simula nang manalo ako sa school pageant nang isang linggo na ang nakakaraan ay halos sa buong campus ako sumikat. Halos kilala na ako ng lahat ng estudyante from freshman to senior students. Pati ang kapatid kong si Daniel ay kinukulit nga raw ng mga classmate nito para makilala ako.
“Friend, good morning,” bati ko kay Melanie nang makarating sa classroom. Ngumiti ito sa akin ngunit bakas sa mata nito ang lungkot. Ginantihan ko siya ng matamis na ngiti sabay upo sa katabi nitong silya.
“Morning, friend. Kahit walang good sa morning ko.”
“B-bakit naman?”
“Eh, kasi nagsabi ako at nakiusap kay Tiya kahapon na kung pwede tapusin ko muna ang pag-aaral ko at kumuha ng LET, para maging ganap na teacher ako at makatulong. Hindi sila pumayag eh. Mahihirapan daw kasi sila magpaaral sa akin. Wala naman akong magawa.” Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Melanie.
Umiling na lang ako at nagbuntong hininga rin. Dinampot ko ang bag ko at binuksan. Nilabas ko ang isang libro at sinimulan kong basahin. Ilang segundo lang ay agad ko rin isinara at lumingon kay Melanie.
“Friend.” mahinang tawag ko na nagpalingon kay Melanie. “Iyong kapit bahay ba ng magiging amo mo naghahanap pa kaya ng Yaya? Iyong na-kwento mo na may special child na anak?”
“Hindi ko alam. Bakit interesado ka ba?” nagtatakang tanong ni Melanie.
“Kasi, friend, isang linggo ko ng pinag iisipan. Paano kung mag-apply kaya ako?” Seryosong sabi ko kay Melanie.
“Bakit naman? May nangyari ba at nagbago ang isip mo?” Bakas ang biglang pag-alala sa mukha ni Melanie nang makita ang lungkot sa mukha ko.
Wala akong nagawa kung hindi magkwento kay Melanie tungkol sa pagkakatanggal ni Tatay sa trabaho na noong nakaraang linggo ko pa nalaman. Kinabukasan kasi ay nagsabi sa akin si Nanay na balak nitong paghintuin muna sa pag aaral si Daniel dahil hindi raw nila kakayanin na pag-aralin kaming dalawa. Labis ang lungkot namin ni Daniel. Pero anong magagawa namin kung hindi talaga kakayanin ng magulang ko?
Dito pumasok sa isip ko ang trabahong binabanggit ni Melanie. Sayang naman ang opportunity na kumita ng malaki para matulungan sila Nanay sa gastusin sa bahay at pagpapa-aral sa kapatid ko. Siguro naman sa loob ng isang taon ay makaka-ipon ako ng sapat para sa next school year dahil malaki ang pasahod. Nagplano naman sila nanay na mag-isip ng business nilang dalawa ni tatay.
“Ganon ba, friend?” Malungkot na sabi ni Melanie. “Sa linggo ay pinapapunta ako ni Tita Isabel dun sa mansyon na pagtatrabahuhan ko. Mamaya tatawagan ko si Tita para tanungin kung nakahanap na ng Yaya yung kapitbahay nila doon.”
“Salamat, Melanie ha. Maaasahan talaga kita.”
“Ano ka ba? Wala iyon, Jell.” Ngumiti ito ng matamis sa akin. “Sana kung matutuloy ako na maging Yaya... matuloy ka rin, para magkapit-bahay pa rin tayo. Alam mo na, hindi ko naman ginusto na maging tagapag- alaga ng bata, at least mababawasan ang lungkot ko kapag alam kong malapit ka lang sa akin.”
“Bakit ba naging magkapareha tayo ng sitwasyon?” isang malalim na buntong hininga uli ang pinakawalan ko. “Change topic muna. Kamusta ang pagre-review mo?” tanong ko kay Melanie. Finals na kasi namin at patapos na ang semester.
“Okay naman,” sagot sa akin ni Melanie, bigla naman itong ngumisi.
“B-bakit?” Takang tanong ko.
“Alam mo ba na kalat na yung picture mo sa social media ng mga friends natin? Pinagpipiyestahan na ang katawan mo!”
“H-ha? Sino naman ang nagpapakalat nun?”
“Sus, nagtaka ka pa, eh diba nung rumampa ka halos lahat ng estudyante naglabas ng cellphone at kinuhanan ka ng pictures. Hindi mo nga alam baka pati anak ni Mayor Luzano may picture mo na naka-swimsuit.”
Napailing na lang ako, mabuti na lang at sinabi ko na sa pamilya ko ang tungkol sa pagsali ko sa pageant na iyon. Ibinigay ko kasi kay nanay ang ibang napanalunan ko pandagdag gastos sa bahay. Ang natira ay pang-baon namin ni Daniel, para hindi na kami manghihingi pa. Nakakahiya lang kasi, kilala akong conservative at may pagka manang, tapos rarampa ng naka-swimsuit.
MATAPOS ang eskwela ay agad akong umuwi ng bahay, naabutan ko si Ate na umiiyak sa sofa habang nagliligpit ng mga paninda nito sa online selling niya. Si Rhian ay nasa sulok at umiiyak at bakas sa mukha ang takot.
“Ate!” tawag ko agad. Pero dumerecho ako ng tungo kay Rhian. Wala pa man sinasabi si Ate Marivic ay alam ko nang nasigawan nito si Rhian. Minsan kasi sa dami ng problema ni Ate sumasabay pa ang pag aalaga kay Rhian... hindi maiwasan na minsan talaga ay napupuno rin si Ate.
Agad kong inalo si Rhian. Hinawakan ko ito sa kamay pero nagpumiglas ito.
“Shhhh... Rhian. Andito na si Tita. Tahan na, baby.” Lumingon si Rhian sa akin pero ang mata nito ay hindi dumerekta sa mata ko. “Look at me Rhian, look at me.” sabi ko sa pamangkin ko. Hindi pa rin ito tumitig sa akin. Ganito kasi si Rhian, hindi siya tumitingin ng derecho sa mata ng mga tao.
Ilang sandali pa ay napaamo ko rin si Rhian, dinala ko ito sa kwarto namin at niyakap ng matagal. Alam ko na kasi kung paano ito pakalmahin. Binigyan ko ng pagkaka abalahan at iniwan para puntahan muli si Ate Marivic.
“Anong nangyari, Ate?” Tapos nang umiyak si Ate nang lumabas ako at patapos na rin itong magligpit ng mga paninda nito.
“Alam mo na, nagsabay sabay na naman ang stress ko dahil sa mga bwisit na miners na iyan. Ang lakas ng loob mag-mine, lint*k, kapag bayaran na nakablock na ako!” Nakasimangot na sabi ni Ate. “Sumabay pa si Rhian! Diyos ko, bakit ba ganito ang buhay ko simula nang sumama ako sa leche kong asawa!”
“Ano ka ba naman, Ate. Habaan mo pa ang pasensya mo kay Rhian. Paano kapag wala na ako dito para magpakalma sa kanya?” Kalmadong sabi ko kay Ate. tumingin ito sa akin at kumunot ang noo.
“Mawala? Bakit ka naman mawawala dito sa bahay?”
Napalunok ako sabay kagat sa ibaba kong labi. Alam kong hindi naman papayag ang pamilya ko sa iniisip ko.
“E-eh, kasi, Ate... gusto ko sanang mag-apply na nanny.”
“Hah?”
Sasagot sana ako nang biglang dumating si nanay at tatay. Dala nila ang mga natirang panindang gulay sa palengke. Sinasamahan na kasi ni Tatay si Nanay sa pagtitinda.
“Nay, Tay. Napa-aga yata kayo nang uwi?” Bakas ang pag-aalala sa mukha na tanong ni Ate. Napansin ko rin ang pamumutla sa mukha ni Nanay.
Agad akong tumulong sa pagkuha ng mga panindang gulay ni Nanay. Naupo ang mga magulang ko sa bakanteng sofa.
“Nay, may nararamdaman ba kayo? Parang namumutla kayo?” Tanong ko kay nanay habang tinatapatan ko ito ang electric fan.
“Nasobrahan lang siguro sa stress nitong nakakaraang araw, Jell. Si Daniel hindi mo ba kasabay?” tanong ni Nanay.
“Busy pa sa school, Nay kaya nauna na lang ako,” mahina kong sabi kay Nanay, isang buntong hininga ang pinakawalan ko.
“Oh, parang ang lalim ng problema mo, anak?” Agad na baling sa akin ni Tatay.
“Tay, Nay, may sasabihin po sana ako.” Panandalian akong huminto at tinignan ang tatlong seryosong nakatingin sa akin. “P-pwede po ba na si Daniel na lang muna ang magpatuloy sa pag-aaral.”
“B-bakit, Jell?” Nag-aalalang tanong ni Nanay, mas lalo yata itong namutla habang hinihintay ang sasabihin ko. Hindi agad ako nakapagsalita, dahil baka magalit ito sa sasabihin ko. “Anak, huwag mong sabihin na—”
“N-nay!” Putol ko sa sasabihin ni Nanay, napahawak pa kasi ito sa dibdib nito kaya kinabahan ako.
“B-buntis ka?” Halos maiiyak na tanong ni Nanay.
Napanganga ako sa tanong ni Nanay. Napatingin ako kay Ate, na parang napahiya, marahil siguro dahil sa buntis itong nag-graduate at agad sumama sa boyfriend, akala siguro ni Nanay ay magiging pareho kami ng kapalaran ni Ate.
“Nay, ano ba ‘yang iniisip n’yo? Hindi ako buntis, at wala pa akong boyfriend!”
Napahawak si nanay sa dibdib niya at parang nakahinga ng maluwag. “Salamat sa Diyos, anak! Ano ba kasi ang sasabihin mo at pinapakaba mo kami ng Tatay mo?”
Nagsimula na akong mag-open kila Nanay at Tatay tungkol sa kagustuhan kong mag apply muna bilang nanny sa isang bilyonaryong may apat na anak. Halos nagtagal ang discussion naming apat sa sala. Nahihirapan akong i-convice ang mga magulang ko at si Ate sa gusto kong mangyari.
“Nay, kahit isang taon lang o kaya anim na buwan na pagtatrabaho ko, panigurado makakaipon ako.” malumanay na pangungumbisi ko.
“Pero anak—”
“Tay,” putol ko sa sasabihin ni Tatay.
“Kailangan may magsakripisyo. Pwede naman ako. K-kesa naman si Daniel, Tay, Alam niyo naman na pangarap niya ang mag abogado, kapag naghinto si Daniel, mas matatagalan siyang maabot ang pangarap niya. Tay, ngayon pa na Accountancy muna ang kinuha niyang kurso.” Paliwanang ko muli sa kanila.
Nagplano kasi si Daniel na Accountancy muna ang kuhanin na course, kapag naging Certified Public Accountant na ito ay itutuloy nito sa pag-aabogasya para maging ganap na CPA-Lawyer. Isa ako sa nagsulsol kay Daniel sa profession na iyon.
Ilang sandali pa ay tila nakumbinsi ko na sila.
“Mamimiss namin ang luto mong kare-kare, Jell, kapag wala ka na dito.” Malungkot na sabi ni nanay.
Agad nagliwanag ang mukha ko.
“I-ibig sabihin, Nay, pumapayag ka na?” Naniniguradong tanong ko.
“Anak, hindi ko man gusto, ay tingin ko makakatulong nga ng malaki ang plano mo. Pero nag-aalala pa rin ako,” sagot ni nanay.
“Anak, kung sa tingin mong makakatulong sa pamilya natin, susuportahan ka namin, nalulungkot lang kami dahil hindi kami sanay ng nanay mo na wala ka.”
“Tsaka, panigurado maninibago si Rhian.” malungkot na singit naman ni Ate.
Mahinang tawa ang pinakawalan ko.
“Ano ba naman kayo? Metro Manila lang naman ang pupuntahan ko, pwede naman siguro akong umuwi kapag day-off. Tsaka hindi pa naman sigurado. Malay mo hindi rin naman ako matanggap doon Ate.”
“Basta l, Anak, kapag nakaipon ka, ipagpapatuloy mo ang pag-aaral mo ha? Gusto ko makapagtapos kayong dalawa ni Daniel. Iyon lang ang pangarap namin ng Nanay mo, makita kayong lahat na may mga diploma.”
“Huwag kayong mag-alala lahat. Kaya ko na ang sarili ko.” Nakangiting sabi ko sa kanilang lahat.
HALOS mapanganga ako sa ganda at laki ng mansyon ng mga Del Fiero na halos tanaw ko mula dito sa gate na kinatatayuan ko. Kita mula rito ang mala-palasyo na mansyon na sa pelikula ko lang nakikita. Lumapit ako sa doorbell at kinakabahan na pinindot iyon. Agad naman na may lumapit sa akin na guard mula sa maliit na guard house sa gilid ng gate.
“Ano pong kailangan nila, Ma’am?” Nakangiting tanong sa akin ng guard na may katandaan na.
“Kuya, may appointment po ako kay Ma’am Aubrey po... Aubrey Del Fiero,” magalang na sabi ko.
“Ah, ikaw ba yung nag-aaply na taga pag-alaga ng apo niya?”
Agad akong tumango. “Opo.”
“Sige, hija, pasok ka at hinihintay ka na ni Ma’am Aubrey.”
Dinala ako ni kuya papasok ng mansyon, habang naglalakad papunta sa main door ay mas lalo akong humanga sa paligid. Napakagarbo. Napakaganda. Nanliliit ako sa sarili ko na lumang dress lang ang suot. Paano ba naman ay kahapon lang nagsabi sa akin si Melanie na ngayon ang interview ko. Kung si Melanie ay mismong amo ang kumausap... ako ang Lola raw ng aalagaan ko ang mag-iinterview. Kung si Melanie ay tanggap na dahil na-interview at na-background check na, ako ay hindi pa.
Dadaan pa lang ako sa interview at backround investigation. Natural lang naman din, dahil anak ng multi-billionaire ang aalagaan ko kung sakali. Hindi naman pwede kumuha ng basta-basta. Mabuti na rin na hindi muna nila ako tanggapin dahil may isang linggo pa akong pasok sa school para sa clearance at end of the school year activities. Si Melanie ay sure na mag-start ng trabaho matapos ang school year.
Sinalubong kami ng isang babaeng may katandaan na rin.
“Ate Lea, nandito na ang hinihintay ni Mam Aubrey.” Bungad ng guard sa babae.
“Thanks Vic. Sige ako na ang bahala sa kanya,” sagot ng Lea.
Dinala ako agad ni Ms Lea sa isang magarbong office, at pinaupo sa swivel chair.
“Hija, ako nga ang mayordoma dito, tatawagin ko lang si Aubrey ha, maiwan na muna kita.
Mukhang close ang mayordoma at si Mam Aubrey dahil sa pangalan lang nito tinawag ang amo. Habang naghihintay ay lalong kumakabog ang dibdib ko sa kaba, natatakot ako na baka masungit ang Mommy ng magiging amo ko.
Mahinang katok ang nagbaling sa akin sa pinto na agad ding bumukas at iniluwa ang isang babaeng parang bumaba mula sa langit, napaawang ang bibig ko.
“Ang ganda!”
Ngumiti sa akin ang bagong pasok na ginang na agad umupo sa swivel chair. Ginantihan ko ito ng ngiti. Sobrang starstruck ako sa ganda ng babae.
“I’m Aubrey Love Del Fiero,” sabi nito matapos ay inilahad nito ang kamay, “And you are?”
“Jelly Aguilar po, Ma’am.” Agad kong tinangap ang kamay nitong sobrang lambot. Nakaka-conscious. Hiyang hiya naman ako sa kamay ko.
“Well, you’re too young, ilang taon ka na hija?”
“Twenty na po.”
“So, are you still studying?”
“O-opo, pero mag-stop po ako next school year.”
Lumamlam ang mata ni Ma’am Aubrey. “I’m sad, hija, that you need to stop schooling... I’m looking for a nanny, na mag-stay ng matagal sa pag-aalaga.”
Agad na akong nawalan ng pag-asa sa sinabi nito. Mukhang nase-sense agad ng ginang ang plano kong mag-ipon lang at umalis sa pag-aalaga.
Ilang katanungan lang naman ang itinanong sa akin ng magandang ginang. At habang kausap ko ito ay hindi ko maiwasan ang mamangha sa maganda at maamo nitong mukha, lalo na siguro noong kabataan pa nito.
Hindi naman nagtagal ang interview at natapos agad ang mga tanong ni Ma’am Aubrey. Nagpaalam muna ako sa ginang na gumamit ng restroom. Pagkapasok ng restroom ay agad kong tinawagan si Melanie.
“Hello, friend!” bungad ko.
“Aray, friend. Sakit mo sa tenga! Ano kamusta interview?” tanong ni Melanie mula sa kabilang linya.
“Mukhang tagilid ako dito, friend!”
“Bakit naman?”
“Parang ayaw niya sa sobrang bata eh. Tsaka siguro iniisip nila na sandali lang talaga ako magtatrabaho.” Malungkot na sabi ko.
“Naku, friend, huwag kang mawalan ng pag-asa, malay mo ma-hire ka pa rin. Sayang ang sahod, ang laki pa naman, panigurado makaka-ipon ka agad nang pang-aral niyo ni Daniel.”
“Oo nga eh, hindi bale dala ko naman itong lucky charm ko, sana gumana,” sabi ko kay Melanie.
“Sige, friend. Malay mo lucky ka ngayon. I-wish mo na rin sa lucky charm mo na, makilala mo na ang forever mo.” Tukso ni Melanie.
“Sira ka talaga!”
Nagpaalam na ako kay Melanie at matapos mag-CR ay agad na lumabas ng restroom. Si Ms. Lea ang sumalubong sa akin na may dalang maliit na paper bag.
“Hija, tatawagan ka na lang daw ni Aubrey kung ikaw ang mapipili.” Mahinahon na sabi ng matanda. “Here, pinabibigay niya. Chocolates for you.” inabot sa akin ang maliit na paper bag.
“S-salamat po.” Sabi ko na lang matapos kunin ang paper bag na may nakasulat na Amare Chocolates.
Agad rin akong umuwi ng bahay matapos ang interview.
“Kamusta, Anak, ang interview mo?” Bungad sa akin ni tatay na sinalubong ako sa pinto.
“Mabuti naman, Tay. Napagod lang ako sa byahe. Tatawagan na lang daw po ako.” Tumango na lang si Tatay sa akin, bakas ang lungkot sa mukha nito. Alam ko naman na dahil ayaw ako nitong maghinto at magtrabaho. Pero wala itong magawa sa sitwasyon. Ilang sandali lang ay iniwan ako ni tatay sa sala.
“Sana matanggap ako!”
Akmang kukunin ko ang lucky charm ko sa bulsa ng dress ko, pero hindi ko ito makapa mula sa bulsa ko.
“My gosh! Nawawala ang lucky charm ko, bigay pa naman sa akin iyon ni Lola”