Kabanata 15
NAPAKURAP si Sabrina habang nakatingin sa harap ng salamin. Wala siyang ideya sa kung ano ba ang nangyayari. Ilang minuto pa lang ang nakalilipas magmula noong umalis si Tyler kanina ay ganoon na lang ang gulat niya nang muling bumungad si David sa harap ng pinto ng mansyon at mayroon pa itong mga kasama na kilalang stylists. Ang ilan sa mga ito ay nakatrabaho na niya rati.
“Wait. Hindi n’yo pa sinasabi sa ‘kin kung sino ang nagpapunta sa inyo rito at anong klase ba ng event ang dadaluhan ko. Bakit hindi ko man lang alam ‘yon? Ni wala naman akong natanggap na imbitasyon,” nagtataka niyang tanong sa mga stylists.
Noong una akala niya ay mayroong tinanggap na proyekto ang manager niya na si Josefa para sa kanya na hindi siya kinonsulta. Pero ng tawagan niya ito kanina ay wala naman daw.
“Just wait and see later, mamsh. For now, sit back and relax ka na lang muna,” maarteng wika ng make-up artist.
Hindi na siya umimik pa at hinayaan na lamang ang mga ito sa ginagawa. Noong sinubukan naman niyang tawagan ang asawa ay patay naman ang phone nito. So for now, he will trust David. Matagal na rin niyang kilala ang lalaki kaya alam niyang mapagkakatiwalaan naman ito. Wag lang talaga sana itong gumawa ng kalokohan.
Ilang sandali pa ay napamaang siya nang mapansin na naka-updo ang kanyang buhok. Pagkatapos ay nilagyan siya ng kulay blue na headband.
Hanggang sa may biglang kumatok sa pinto. Agad namang pinagbuksan ng isa sa mga assistant na nandoon ang kung sino man na nasa labas. Kahit hindi pumasok ay nasisiguro niya na si David ito base na rin sa boses nito. Naningkit naman ang kanyang mga mata nang mapansin mula sa salamin ang inabot na malaking kahon ng assistant. Pagkasara nito ng pinto ay naglakad ito palapit sa kanila bago inilapag ang kahon sa mismong harap niya.
“Ayan! Perfect! Siyempre para makumpleto ang princess like mong hitsura ay kakailanganin mo ng gown,” aniya naman ng fashion stylist niya.
Akmang bubuksan na nito ang kahon nang mabilis niya itong napigilan. Sa nanginginig na kamay ay inabot niya ang card na nakalagay sa ibabaw at binasa ang nilalaman nito.
See you at the annual party
Napatakip na lang si Sabrina sa kanyang bibig. Hindi niya magawang umimik hanggang sa tuluyan ng nabuksan ang kahon at tumambad sa kanyang paningin ang kulay asul na ball gown. Just like Cinderella’s.
Then the realization hit her. Tyler’s costume is just like Cinderella’s prince charming.
Kung ganoon ay siya ang date ng asawa sa annual party. Higit sa lahat ay para sa kanya ang damit na binili nito sa boutique noong nakaraang linggo.
Nag-uumapaw ang saya sa kanyang dibdib habang isinusuot sa kanya ang naturang dress. Idagdag pa ang isang pares ng glass slippers. Pakiramdam niya ay nasa loob siya ng isang fairy tale story at siya ang bidang babae.
“There! Ready to go ka na. Naghihintay na ang magiging bodyguard mo para sa gabing ito at ang karwahe na sasakyan mo sa labas.” Nagpalakpakan ang lahat ng nag-ayos sa kanya.
Napaharap naman siya sa mga ito bago isa-isang tiningnan. “Thank you so much for the help and support.”
Marahan naman siyang tinapik sa balikat ng hairdresser niya. “No worries. Basta support lang kami sa ‘yo, girl. Stay strong sa inyo ng asawa mo at flip hair ka lang sa mga basher at negative issues na lumalabas tungkol sa relasyon n’yo.”
Napatango naman siya sa sinabi nito bago tuluyang nagpaalam. Sa pagbukas niya ng pinto ay prenteng nakatayo na roon si David at naghihintay.
Napalabi siya at marahan itong sinuntok sa braso. “Kayo talaga ng boss mo. Hindi ko mahulaan ang trip n’yo sa buhay,” nakangiting wika niya rito.
He shrugged. “Well, after all it’s a surprise.”
Napailing na lang siya at hinayaan ito na alalayan siya mula sa pagbaba sa hagdan hanggang sa makasakay sila sa naghihintay na limousine sa labas ng mansyon.
“Enjoy, hija,” malawak ang ngiti ni Manang Salome na naghatid rin sa kanya. Inabangan siya nito sa dulo ng hagdan kanina.
Sumilip naman siya sa bintana. “Maraming salamat po.”
Sa pag-andar ng sasakyan ay kumaway lamang siya rito bago tuluyang itinaas ang bintana.
Namamangha na inilibot naman niya ang tingin sa loob ng limousine bago inabot ang nakahandang wine glass sa isang tabi. “Ngayon na lang niya ulit pinagamit ito,” komento niya.
“It’s for the special event like this,” aniya naman ni David na nakaupo sa harap niya.
Napahinga siya nang malalim at itinuon na lang ang atensyon sa labas habang nasa biyahe sila papunta sa hotel kung saan kasalukuyang ginaganap ang party. Hanggang sa bumaba ang tingin niya sa suot na relo.
Malapit na mag-alas-onse ng gabi.
Nang sa wakas ay dumating na sila sa hotel ay tila maiiyak siya sa sobrang saya nang sa pagbukas ni David ng pinto ay bumungad sa kanyang paningin ang naghihintay niyang prince charming. Nasa tabi naman nito ang isa pang kaibigan na si Rodel.
Inilahad nito ang palad na agad naman niyang tinanggap. Ilang segundo rin na naghinang ang kanilang mga mata na tila nangungusap. Hindi nila alintana ang sunod-sunod na pag-flash ng camera sa paligid.
“Beautiful as ever,” sa wakas ay sambit ng asawa. Mababanaag sa mga mata nito ang magkahalong pagkamangha at kapilyuhan.
“Handsome as always,” ganting papuri naman niya rito.
Hindi nagtagal ay nakangiti at magkahawak kamay na silang naglakad papasok sa function hall ng hotel. Sakto naman na pumapailanlang ang isang malamyos na musika.
Tila dagat na biglang nahawi naman ang mga tao sa gitna pagkakita sa kanilang dalawa. Samot saring emosyon ang makikita sa mukha ng mga ito. Pero bukod tanging nangingibabaw ang kasiyahan.
Hindi naman niya hinayaan na masira ang mood niya nang makita si Tanya na matalim ang tingin sa kanya. Kahit pa sa totoo lang ay gusto niyang humalakhak nang malakas. Bagay kasi rito ang suot na costume. Kontrabida na talunan ang datingan.
Ngunit masaya rin siya dahil sa kabila ng mga problema na kinaharap nilang mag-asawa nitong mga nakaraang buwan ay hindi pa rin nito hinayaan ang dating kasintahan na tuluyan silang masira.
“May I have this dance?” Tumungo si Tyler at muling inilahad ang palad sa kanyang harap.
She chuckled as she reached on his hand. “Of course.”
Nang magsimula na silang sumayaw ay tila biglang nawala ang mga tao sa paligid at naging tahimik. Wala siyang ibang naririnig kung hindi ang t***k ng kanilang puso na tila ba may sariling ritmo na sinusunod.
“Unlike Cinderella, you wouldn’t be back from those tough times anymore when the clock strikes twelve. Instead, it will be the start of something new.” He grinned. “And something adventurous.”
Napataas siya ng kilay. “What do you mean?”
Ipinagdikit naman nito ang noo nilang dalawa bago mariing ipinikit ang mga mata. “Just savor the moment for now.”
Hindi na siya umimik pa at katulad ng sinabi nito ay ninamnam na lang niya ang oras nilang dalawa na magkasama at pumikit. Habang magkadaop ang kabila nilang kamay at nakahilig siya sa matipuno nitong dibdib para damhin ang bilis ng pagtibok ng puso nito.
Namalayan na lang niya na tapos na ang tugtog nang makarinig sila ng masigabong palakpakan at hiyawan. Napadilat siya ng mga mata at doon lang niya napansin na sila na lang pala ang sumasayaw sa gitna at sa kanila na nakatutok ang mga ilaw.
As if on cue, the clock strikes twelve. Its sound was heard all over the place.
And finally their lips met.
MAGMULA ng magical night noong annual party tatlong linggo na ang nakararaan ay muling nanumbalik ang init ng samahan nilang mag-asawa. Tabi na ulit silang matulog ni Tyler at walang araw itong pinapalampas para makaniig siya na para ba’ng sabik na sabik ito.
Kaya naman ay puyat ulit si Sabrina sa araw na ‘yon. Tanghali pa sana siya babangon pero bigla siyang nagising nang maramdaman na tila hinahalukay ang kanyang tiyan. Agad naman siyang dumiretso sa banyo upang doon magduwal. Maaga namang pumasok si Tyler kaya wala na ito roon. Maigi na rin ang ganoon dahil paniguradong mag-aalala na naman sa kanya ang asawa kapag nakita siya nito sa ganoong kalagayan.
Nang matapos ay nagmumog lang siya at bumaba na. Sakto naman na naabutan niya si Manang Salome na naghahanda sa kusina. Ngunit sa dinami-rami ng pagkain na nandoon ay may isang partikular na prutas ang pumukaw sa kanyang atensyon.
“Saan po ito galing, Manang?” tanong niya sa mayordoma nang makalapit bago kumuha ng isang mangga na hilaw.
Natigilan naman ito sa ginagawa at nilingon siya. “Nandiyan ka na pala. Binigay lang ‘yan sa ‘kin ni Sir Aurelio noong madaanan ko siya kanina. Bagong pitas daw ang mga ‘yan.” Hinango na nito ang ulam na niluto. “Ipaghahain na kita.”
Mabilis naman niya itong pinigilan. “Wag na po. Ito na lang po ang kakainin ko,” aniya sa mga mangga na nagkalat sa countertop.
Hindi makapaniwalang napatitig ito sa kanya. “Sigurado ka? Hindi ka naman kumakain niyan, ah.”
Kinagat niya ang ibabang labi nang mapansin ang bagoong na nasa isang tabi. Agad na kinuha niya ito at sinawsaw roon ang mangga.
“Kaya nga po, eh. Pero bigla po akong natakam pagkakita ko pa lang dito kanina,” sagot niya bago sunod-sunod na sumubo. Ni hindi na siya nag-abala na umupo pa.
Sa totoo lang nitong mga nakaraang araw ay hindi niya lubos maintindihan ang sarili kung bakit ang lakas niyang kumain. Bukod roon ay mahilig din siyang maghanap ng mga pagkain na hindi naman niya gusto noon.
“Teka. Dahan-dahan lang, hija. Baka mabilaukan ka niyan,” natatawang komento ni Manang Salome sa kanya bago mabilis na kinuha siya ng tubig.
“Ayos lang po ako,” aniya habang puno pa ang kanyang bibig.
Patuloy lang siya sa pagkain nang muli itong nagsalita.
“Hija, may iba ka pa ba’ng nararamdaman?” tanong nito sa mababang boses.
“Madalas po akong mahilo nitong mga nakaraang araw. Tuwing umaga naman po ay nagsusuka ako.” Kusa siyang natigilan nang may maalala.
Dahan-dahan niyang nilingon si Manang Salome. Biglang may umahon na pag-asa sa kanyang dibdib.
Napatango naman ito na para ba’ng nababasa nito ang iniisip niya.
“Hintayin mo ako. Mayroon lang akong bibilhin para makumpirma kung tama ba ang hinala natin.”
Hindi siya umimik at tuluyan ng napaupo nang makaalis ang mayordoma. Habang naghihintay ay hindi mapakali si Sabrina. Magkahalong kaba at excitement ang nararamdaman niya. Hindi kasi niya akalain na muli silang mabibiyayaan agad kung saka-sakali.
Sa pagdating ni Manang Salome ay agad niyang kinuha ang tatlong kulay puti na kuwadradong bagay rito bago dumiretso sa banyo. Mabilis ang naging pagkilos niya. Hanggang sa napatakip na lang siya sa kanyang bibig nang lumabas ang dalawang pula na guhit sa tatlong ito.
Ngunit natigilan siya nang marinig ang boses ni Tyler mula sa labas. Dali-dali naman niyang binuksan ang pinto ng banyo at tumungo sa kusina.
“May naiwan po kasi akong papeles kaya napabalik ako. Gising na po ba si Sabrina?” naabutan niyang tanong nito kay Manang Salome.
Hindi naman umimik ang mayordoma at napatango lang ito sa direksyon niya dahilan para mapalingon si Tyler sa kanya.
Nakangiti naman siya nitong nilapitan. “Gising ka na pala. How—” Natigilan ito nang itaas niya ang mga hawak na pregnancy test.
Napakurap ito bago sunod-sunod na bumagsak ang luha sa mga mata nito. Bakas ang gulat sa mukha nito. “Y-you’re pregnant?”
Napatango naman siya at napaluha na rin. “Positive na positive!”
Maging si Manang Salome na nakangiting nanonood sa kanila ay tahimik na napahagulgol nang dahil sa sobrang saya.
Mabilis namang pinahid ni Tyler ang luha nito at mahigpit siyang niyakap. “Thank you! Thank you so much for the wonderful gift!”
Mariin siyang napapikit at masuyong hinaplos ang likod nito. “Thank you so much for giving us a second chance as well. This time, I’ll definitely take care of it.”
Wala ng iba pa na mahihiling si Sabrina. Kaya naman ay sisiguraduhin niya na sa pagkakataong ito ay tuloy-tuloy na ang panibagong simula nilang mag-asawa.