NAPASIMANGOT si Nikki nang may nag-missed call sa kaniya na number lang. Wala iyon sa phonebook niya, ibig sabihin. Inignora na lang niya ito at kumain ng almusal kahit parang masusuka siya dahil sa hangover.
Buti naman at ang kasambahay niyang si Mena ay ipinaghanda siya ng sabaw. Naghahanap din kasi ng sabaw ang sikmura niya.
“O, gising ka na rin pala?” bungad niya nang tumawag sa cell phone niya si Eden.
“Oo. Ang sakit ng ulo ko.” Umungol pa ang kaibigan niya.
“Dami mo kayang ininom kagabi. Nag-taxi na nga lang tayo pauwi dahil ‘di ko na rin kayang magmaneho ng kotse ko. ‘Ayun, naiwan sa parking lot ng club na ‘yon ang sasakyan ko. Sana okay lang ‘yon. Kukunin ko na lang ‘yon mamayang hapon.”
“Eh, ‘di baka makikita mo roon ang kaibigan ni Zander,” ang tudyo nito. Nakikinita niyang nakangisi ngayon nang kausap kahit sa inindang hangover. “Malapit lang ang club na ‘yon kung saan natin sila nakilala, ah.”
“Ano siya? Lurker sa area na ‘yon? Tumigil ka nga diyan. Susugurin kita para sabunutan, eh!”
Napatawa si Eden sa kabilang linya.
Napangiti naman siya. “Okay ka na? Naalala mo naman siguro nang magising kang wala na si Juan.”
Biglang natigil ang pagtawa nito. “Eh… gano’n naman talaga ang buhay.”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito.
“Mamaya, ipapasyal kita. Ano? Gusto mo? Ililibre kita. Bibilhan kita kahit anong gusto mo. Huwag lang bahay at lupa o kotse.” Ngumisi pa siya pagkasabi.
“O, sige ba. Pero saan tayo pupunta?”
“Huwag ka nang magtanong. At may naisip na rin akong surprise para sa ‘yo.” Lumapad ang ngiti niya.
“Wow! Ang galante mo naman ngayon. Ikaw nga ang nagbayad sa lahat kagabi, eh.”
“Eh, gusto kong huwag ka nang ma-depress dahil kay Juan. Isa pa, matagal na ring hindi tayo nakapagpasyal na magkasama dahil busy ako sa punerarya. Ang dami kasing namatay lately, eh.”
Tumawa ang kaibigan niya pero biglang tumahimik. Siguro na-realize na dapat hindi iyon ikinatuwa. Masakit ang mawalan ng kapamilya. Eh, ito ngang kaibigan niya ay nawalan lang ng aso nalungkot na, lalo na ‘yong kamag-anak na talaga at kapamilya.
“Sige, ano’ng oras ba tayo aalis mamayang hapon?”
“Mga bandang alas kuwatro. Pero hintayin mo na lang ako dahil kukunin ko pa nga ‘yong kotse ko,” paalala niya.
***
EWAN ba ni Nikki kung bakit pero napalinga-linga siya sa kaniyang paligid bago siya pumasok sa kaniyang kotseng nasa parking lot pa rin kung saan niya ito naiwan kagabi. Kahit paano ay intact pa naman.
Ayaw mang aminin ay naisip niyang baka magdilang-anghel—este mamalasin—siya at makita niyang bigla ang aroganteng si Caden.
“Ano ba, Nikki? Napapraning ka na siguro dahil sa pagka-loveless mo nang matagal ng panahon,” usal niya sa sarili nang makaupo na sa driver seat.
Naalala niya tuloy si Thalia, ang ex-girlfriend niya. Kahit paano ay napaisip siya kung ano na ang buhay nito ngayon sa America. Nang magkaroon sila ng high school reunion, hindi siya nakapagpunta dahil sa nagkataong namatay ang kaniyang abuelo. Pero nabalitaan din naman niyang hindi nagpunta si Thalia noon. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman kapag nakita niya itong muli at kung pareho pa rin ba ang mararamdaman niya katulad ng dati. Kahit paano ay gusto niya ring malaman kung may mararamdaman nga ba siya para sa ex niyang iyon kapag nagkita sila ngayon.
Sinundo niya si Eden at dinala sa mall. Binilhan niya ito ng sapatos at damit, ayon sa gusto nito. Pagkatapos ay nagtungo sila sa isang pet shop, ang sorpresa niya para rito.
Napalingon ito sa kaniya nang pumarada siya sa harap ng pet shop. Para itong maiiyak.
“O, ayaw mo ba?” Gusto niyang kumpirmahin.
“Siyempre gusto ko,” anitong napanguso pa at pinigilan ang sariling huwag mapaiyak. Nanunubig na ang mga mata nito.
Umibis sila ng kotse niya at saka pumasok sa pet shop. May mga isda sa aquarium, saka nasa kulungan na mga kuneho, mga puting daga, mga ibon na may iba’t ibang klase at kulay, mga tuta na iba’t ibang breed at mga pusa, pati na ahas na nakahawla,. Samo’t sari naman ang naamoy niya sa paligid nang dahil sa mga hayop na ito at dahil sa mga ipot ng ibon.
Napatingin sa isang dilaw na may puting balahibong tuta si Eden. Naisip niyang buti naman dahil gusto na niyang umalis sa lugar na iyon dahil sa amoy. Hindi na niya kaya.
“Gusto mo ‘yan? Ano’ng breed ba ‘yan?” Tiningnan niya ang isang tag sa ilalim na parte ng hawla. ‘Goberian: Cross-bred Golden Retriever and Husky’ ang nakalagay.
“Ang cute, ‘no? Matatalino ang Golden Retriever at Husky,” ang pahayag nito.
“Alam na alam mo ‘yong mga aso,” aniyang ngumiti sa kaibigan. Hinanap niya at tinawag ang nakatalikod na may-ari at itatanong sana ang presyo ng tutang gusto ni Eden. Namangha na lang siya nang humarap ang lalaki.
What the hell? sigaw ng isip niya.
In most unlikely places ba naman ay heto at nakita niya si Caden. Mukhang nasorpresa rin ito nang makita sila ni Eden. Medyo busy kasi ito sa pagkakalikot ng cell phone nito at hindi sila napansing pumasok.
“Ikaw ang may-ari ng pet shop na ‘to?” agad niyang tanong sa lalaki.
Ngumisi pa ito sa kaniya. “Sa ngayon, oo. Wala kasi si Zander.” Kumindat pa ito sa kaniya.
Napaikot siya ng mga mata. So, kay Zander pala ang pet shop na ito. Hindi niya mahulaan na ito ang hanap-buhay ng lalaking iyon. Napalingon siya kay Eden na napangiti sa lalaki.
Ang friendly naman ng bruhitang ito! Traydor! Alam naman niyang ayokong makipagmabutihan sa taong ‘to, inis na ani isipan niya. Hindi niya matanggap kasi.
“Kanina pa nga pala kita tini-text hindi ka sumasagot,” biglang sabi ng binata sa kaniya.
Nalilito siyang napakapa ng kaniyang cell phone sa kaniyang shoulder bag. Naka-vibrate lang pala iyon pero hindi niya naman napansin. Nagsalubong pa ang mga kilay niya nang makita ang texts nito. Of course, mula sa di-kilalang number. Naalala niyang iyon ang naka-missed call sa kaniya kaninang madaling-araw. Natandaan niya kasi ang huling tatlong numero.
“Ikaw ang nag-missed call sa ‘kin kaninang madaling-araw at nag-text ka nang… halos isang dosena?” Napaangat siya ng tingin sa lalaking nakangisi.
Sumilip naman si Eden sa kaniyang cell phone. Mukhang natutuwa sa eksena nilang dalawa.
“You were in my 3 A.M. thoughts. Hope you slept well,” basa ni Eden sa unang text na binuksan niya. Inagaw pa nito ang cell phone niya para basahin ang ibang texts ni Caden pero inagaw niyang muli ang kaniyang cell phone nang makitang napatawa nang mahina ang lalaki.
Binasa naman niya ang ibang text messages ng binata.
“Ikaw ang unang naisip ko nang magising ako kanina. Napanaginipan pa nga kita. Gusto mo bang malaman kung ano ‘yong panaginip ko tungkol sa ‘yo?”
“You’re always on my mind since I saw you last night, stunner.”
“I’m wondering what you wear today. Can you tell me, stunner?”
“This is serious. I can’t stop thinking about you, Nikki!”
“I know I sounded so f*****g straightforward to you last night but it was and is how I feel.”
“Can you tell me if you think about me, too?”
“Stunner? Notice me please!”
“What do you say if we go out sometime?”
“Kahit ayaw mong mag-reply, maghihintay pa rin ako.”
“Busy ka ba sa araw na ‘to? Kung tatanungin mo ako, ang sagot ko ay oo. Busy ako sa kaiisip sa ‘yo.”
“Bibisitahin kita bukas sa workplace mo. Walang atrasan.”
“Still waiting for your reply…”
Napamaang pa siya nang matapos mabasa ang lahat ng text messages ng lalaki. Nakangisi pa rin ito sa kaniya at nakatingin sa mukha niya nang walang patid.
“Alam mo kung saan ako nagtatrabaho?” sita niya kay Caden.