NAKAMAANG naman si Nikki na napasunod ng tingin sa lalaki. “He’s also weird and arrogant!” nausal niya sa sarili. Napailing-iling din siya.
Nakita niyang may kinausap ito sa cell phone kahit na malakas ang musika sa background. Lumingon sa kaniya at kumaway ang lalaki. Simpleng nagbawi naman siya ng tingin at saka binalingan ang Mojito na para sana kay Eden. Hindi pa ito ininom ng kaibigan kaya ininom na rin niya pati iyon.
“What the heck?” anang kaibigan nang bumalik ito sa mesa nilang wala nang maiinom, pagkatapos ng sayaw nito kasama si Zander. Ang huli ay bumalik sa mesa nitong kasama si Caden.
“Umalis na tayo habang hindi pa ako lasing,” aniya sa kaibigan na sinenyasan ang isang waitress at iniwan ang kanilang bayad sa mesa nang makalapit na ito.
Kinaladkad na niya si Eden palabas ng club.
“Hindi pa ako lasing! Ayoko pang umuwi! Hindi ko pa nakakalimutan si Juan ko!” Nagpupumiglas ang kaibigan. Nakasimangot din ang mukha nito nang malingunan niya.
“Kung gusto mong magpakalasing, lumipat tayo sa ibang club,” simpleng tugon niya.
“What? Bakit naman?” anito.
“Basta lang! Gusto kong mag-bar hopping,” palusot na lang niya.
“Fine!” Napalingon naman si Eden at kumaway kay Zander.
Napabuga siya ng hangin nang nakita niyang kumaway rin sa kaniya si Caden nang tila nanunuya at nanlalandi sa parehong pagkakataon. Inikot na lang niya ang kaniyang mga mata at hindi na ito pinansin.
***
TINAWAGAN ni Caden si Sam para malaman ang detalye tungkol kay Nikki. He knew it was not a good idea or a good move but he couldn’t help himself. He was like a creep. Pero gusto niya pa kasing mas may malalaman tungkol sa babaeng nagugustuhan niya, unang kita niya pa lang. He never liked anyone so strongly at first sight. Iyon pa lang. Si Nikki.
Isinend niya sa kaniyang PA ang larawan ng dalaga para may pagbabasehan ito sa pangangalap ng impormasyon. Batid niyang malalaman din niya kung saan nakatira ang babae at pati numero ng cell phone nito kapag si Sam ang may trabaho. Ang hindi niya lang maintindihan ay hindi pa rin nito napapalambot ang may-ari ng puneraryang nasa tapat ng hotel na na-acquire niya.
“Sinong kausap mo sa phone kanina?” tanong ng kaibigan bago tumungga ng beer.
“Si Sam. Gusto kong malaman ang tungkol kay Nikki,” turan naman niya.
Napatawa pa ito. “May number ako kay Eden. Mas madali na kung hihingin ko sa kaniya.”
Napatawa na lang siya nang marahan sa kaibigan. Halos hindi siya makapaniwala na ginawa nito iyon para sa kaniya.
Ilang oras pa ang lumipas ay umuwi na silang dalawa pagkatapos nilang magpaalam kay Jasmine. Nagpasalamat ito sa kanilang pagpunta doon.
Hindi naman siya agad nakatulog nang dahil sa kaiisip kay Nikki. Kinuha niya ang kaniyang smartphone at saka idinayal ang numero nito. Hindi ito sumasagot. Napasimangot naman siyang napatingin sa oras. Tulog na kaya ito sa mga oras na ‘to? Sabagay, alas tres nga naman na ng umaga. Dapat ay hindi siya nang-iistorbo. Lalong negative points iyon para sa kaniya.
Napabuntong-hininga na lang siyang ibinalik iyon sa ibabaw ng bedside table niya. Dumapa siya sa higaan at pilit iwaglit sa isipan ang sumasayaw na si Nikki sa club.
He was just so aroused but he could do nothing about it. Napamura pa siya sa sarili. Bumangon siya upang magtungo sa banyo at mag-shower sa pangalawang pagkakataon. Ito ang unang babaeng nagparamdam sa kaniya ng ganito. Parang bigla-bigla lang na na-boost ang kaniyang libido.
Marahan niyang iniuntog ang noo sa dingding ng shower room niya. Pagkatapos ay bumuga siya ng hangin.
***
NAGULAT si Caden nang suot lang ang roba ay nagtungo siya sa balkonahe para mag-almusal. Nakita niya kasi roon na nakatayo ang kaniyang PA, kahit sa araw ng Sabado. Naka-casual lang ito ng suot, jeans at T-shirt.
“O, bakit ka nandito, Sam?” agad na usisa niya.
Itinuro pa nito ang isang long brown envelope na nakapatong sa mesa. “Ang tungkol sa may-ari ng tapat ng building ng Soledad Hotel at ng babaeng ipinahanap mo sa ‘kin, Sir.” Ngumisi pa ito pagkatapos magsalita.
Napatingin siya sa mukha nito nang maigi bago ibinaling iyon sa envelope na nasa ibabaw ng kaniyang breakfast table, kasama ng kape at continental breakfast. Parang may kakaibang ningning sa mga mata ni Sam sa likod ng salaming suot nito. Nagdududa pa siya ritong inabot ang envelope.
“Something’s definitely off with you, Sam,” ang aniya.
Bahagya itong pumormal at tumikhim bago nagsalita. “Tuwing gabi mo lang puwedeng makausap ang may-ari ng punerarya, Sir,” ang pahayag ni Sam sa kaniya habang binubuksan ang envelope.
Napasimangot tuloy siya. “Ano? Ibig mong sabihin, sa gabi mo lang siya nakakausap noon?”
Tumango naman ito. “Yes, Sir.”
Lalo siyang napasimangot at hinugot ang laman ng envelope. Bumulaga na lang sa mga mata niya ang larawan ni Nikki at kumabog ang puso niya. Lumipad ang tingin niya kay Sam na ngumisi sa kaniya. Mabilis niyang tiningnan ang iba pang dokumentong naroroon at pati na ang kalimitang schedule ng dalaga at ibang impormasyon ukol dito.
Napamaang pa siyang lalo sa kaniyang nalaman tungkol sa dalaga. Napatukod siya ng mga kamay sa mesa at napatitig sa PA nang nakatiim-bagang.
“Natutuwa ka ba sa nalaman mo kagabi, ha, Sam?” inis na aniya rito pero sa mababang tono. Dahan-dahang lumukot ang mga daliri niya sa ibabaw ng mesa na para bang may nilamukos itong hindi nakikita.
Agad na napalis ang ngisi ni Sam. “Hindi po, Sir.”
Tumuwid siya ng tayo at nakapamaywang na humarap dito. “Bakit hindi mo kaagad sinabing hindi matanda at hindi lalaki ang may-ari ng punerarya, buwisit ka?” galit na sita niya sa PA. “Pinagmumukha mo pa akong tanga!”
Hindi nakasagot ang PA na napababa ng tingin. Akto pa niya itong babatukan pero hindi niya itinuloy. Pero alam naman niyang may kasalanan din naman siya. Hindi kasi niya pinakialaman ang PA sa ibinigay niyang trabaho. Sinabi niya ring i-report lang sa kanya ang mahahalagang bagay. Wala itong ini-report maliban sa ayaw raw ng may-ari na ibenta ang punerarya o ayaw nito ng in-offer kaya ‘di na niya naisip na pakialaman muna at hinayaan ang PA kasi trabaho naman nito iyon na itinalaga niya. May ibinigay na kasi siyang limitasyon na i-o-offer sa may-ari. At kapag umabot na roon ay saka na siya mangingialam.
“Alam ba niyang ako ang may-ari ng Soledad Hotel?”
Umiling naman si Sam.
Napabuntong-hininga siya. Ngayong alam niyang si Nikki pala ang may-ari ng Tranquilidad Funeraria ay dapat na pag-isipan niyang mabuti kung paano ito kakausapin tungkol sa punerarya nito at ang tungkol sa nararamdaman niya para sa babae.
Those were two different things. Paano ba niya maipaghihiwalay ang mga ito?
Napamura siya ulit. May pakiramdam siyang hindi ito madali pagkatapos ng inasta ng beinte y otso anyos na babae sa club. Batid na niyang ‘di ito katulad ng ibang tao na madaling kausapin.
And what the heck? Sa dinami-daming puwedeng maging negosyo ay ito pa ang napili niyang industriya? Ang makasalimuha ang mga patay? sa loob-loob pa niya saka napatawa pa siyang parang baliw.
Sabagay nga naman, dapat may mag-aasikaso sa mga patay. Kung wala ang mga punerarya, hindi niya mai-imagine kung ano ang mangyayari sa mga bangkay. Hindi niya kayang isipin. Ayaw niyang isipin. Depressing talaga para sa kaniya ang salitang “patay.” Halos lahat ng mga kapamilya niya ay namatay na maliban na lang sa kaniyang pinsan. Natatakot nga siyang pati si Jasmine ay mawala na rin.
Bigla siyang napapilig ng ulo. Pilit niyang kinumbinse ang sariling hindi mangyayari iyon. Malusog ang pinsan niya.
“I-se-set ko na po ba ang appointment n’yo sa may-ari ng punerarya sa Lunes, Sir?” ang untag na tanong ni Sam.
“Huwag na. Ako na ang kokontak sa kaniya. Palpak ka naman na, eh,” aniya sa PA na binigyan ito ng matalim na tingin.
Napakamot na lang sa batok si Sam. Nagpaalam na ito sa kaniya nang wala na siyang kailangan dito.
Tumuwid siya sa pagkakatayo at napapaisip nang malalim.
Fuck! Paano ko ba siya kakausapin?