ININSPEKSYON ni Nikki ang bagong dating na mga kabaong na nasa kaliwang parte ng gusali ng Tranquilidad Funeraria. Iba’t iba ang haba at kulay ng mga ito tulad ng puti, kayumanggi, itim, beige at asul. May mga mamahalin at may mga mura rin, pero magaganda ang kalidad. Ang lahat ay depende sa kahoy at disenyo. Lagi niyang ipinaayos ang mga ito ayon sa presyo. Kalimitang gabi rin siya pumaparito sa punerarya niya dahil ayaw niyang magtrabaho sa mainit na panahon. Kulang na nga siguro siya ng vitamin D dahil halos hindi siya nagpapakita sa araw. Naisip niyang bumili nga pala ng supplement at vitamins para naman hindi siya agad magkasakit.
Gamay rin ng kaniyang punerarya ang taga-gawa ng mga kabaong. Mga ka-barangay niyang walang trabaho ay ang sinusuhulan niya at siya mismo ang nagsu-supervise kasama ang karpintero at architect na si Mang Nacio.
Nitong huling limang taon niya ito naipatayo simula nang siya ang namamahala sa puneraryang kaniyang namana mula sa namayapang lolo at lola. Lumaki siyang walang mga magulang dahil sa namatay sa panganganak ang kaniyang ina at ang kaniyang ama naman ay nagpatiwakal nang dahil sa depression.
Kung kaya’t mag-isa na siya ngayon sa buhay kung hindi sa malapit na kaibigan niyang si Eden. Simula noong mga bata pa ay magkaibigan na sila dahil magkakapitbahay lang din naman sila. At alam na nila ang sikreto ng bawat isa.
“May bagong dating, Nikki,” pagpapaalam sa kaniya ni Eric, ang taga-embalsamo ng mga patay.
“Sige, gawin n’yo lang ang trabaho ninyo ni Abel at ako na ang bahala sa mga partidos at ibang detalye o kaya kakailanganin nila,” ang tugon niya nang kalmante.
Tumango na ito. Kinausap niya ang asawa ng namayapa. Nang dahil sa colon cancer daw kaya ito pumanaw. Pumipili ngayon ang biyuda ng kabaong at ipinahanda niya iyon kapag natapos na ang pag-embalsamo ng patay. Ipinahanda niya rin ang bakanteng chapel kung saan ang magiging lamay dahil ayaw iuwi ng asawa ang patay. Isang kumpletong package ang kinuha nito at kasama na roon ang mga bulaklak, sasakyan para sa paglibing, libreng gamit ng chapel, serbisyo sa bawat oras habang naglalamay pa lang hanggang sa paglibing, at pati pagkain at maiinom para sa mga nakikiramay.
“Excuse me po, misis,” aniya sa kliyente nang tumunog ang kaniyang cell phone. Si Eden. Umiiyak ito. “O, ano’ng nangyayari sa ‘yo?” alalang bungad niya tuloy. “Para kang namatayan diyan, ah.”
“Wala na si Juan!” pahayag nito. Humagulgol na naman ito.
Napataas siya ng kilay. “Ano? Nakawala si Juan? Ba’t ganyan ka na lang maka-react?” kunot-noong aniya sa kaibigan.
“Hindi siya nakawala, Nikki! Namatay na si Juan!” pagtatama nito na tumaas ang boses.
Napangiwi naman siya. Ano kaya ang nangyari sa aso nitong napakatamad at namatay?
“Um… s-sige. Mag-uusap tayo mamaya tungkol kay Juan. Saan mo gusto? Sa… bahay n’yo? Sa bahay ko?”
Halatang lumunok pa ito bago sumagot sa kaniya. “Ayoko sa bahay natin. Nandito ako ngayon sa isang club. Text ko sa ‘yo ang address. Puntahan mo na lang ako rito.”
“Ano? Nandiyan ka na nang hindi ako kasama?” Lalo lang siyang napasimangot. May excuse pa ang bruhita para mag-club.
“Alam ko kasing pupunta ka pa riyan sa punerarya mo kaya nauna na ako,” paliwanag nito.
Pagkatapos nilang mag-usap ay binalikan na niya ang kliyente. Nang ma-settle na nila ang babayaran nito ay pinaghintay na niya ito sa bakanteng chapel. Idederetso na lang doon ng mga tauhan niya ang patay.
Umalis na siya papunta sa club na sinabi ng kaibigan. Nang dumating siya roon ay napuna niyang bagong bukas pala iyon. Napansin niya ang mga chrome balloons na pula at puti at ang kapuputol na pulang ribbon sa may entrance. Pinapasok naman siya agad ng bouncer. May sumalubong pa sa kaniyang waitress na maganda at sinamahan siya papunta sa mesa ng kaibigang panay ang pagkaway sa kanya upang makita niya ito kaagad. Nag-order siya kaagad ng dalawang Mojito pagkaupo.
“O, paano ba namatay si Juan, eh ang tamad no’n? Siyempre, hindi iyon tumakas sa inyo at nasagasaan dahil laging nakahiga iyon sa dog house niya,” aniya sa kaibigan na namumula ang mga mata sa kaiiyak.
Lumagok muna ito ng beer bago sumagot na nanginginig ang nguso at labi. “Malamang daw ay inatake siya sa puso, sabi ni Doc Aga.”
Napasimangot siya sa narinig. Ngayon lang siya nakarinig ng asong inatake sa puso. Pati pala aso ay may ganoon ding sakit. Napabuntong-hininga pa siya at ininom ang Mojito na mabilis na ibinigay sa kaniya ng waitress na maganda. Naisip niyang ayos pala rito dahil ang bilis ng serbisyo. Sabagay, bago pa naman ang club na ito. Baka nagpapa-impress lang.
Napatingin tuloy siya sa paligid. Marami-rami ring tao at pumasok na sa ilong niya ang iba’t ibang klaseng amoy ng perfume, alkohol, beer at sigarilyo. Halos mabibingi rin siya sa lakas ng tugtog pero ayos lang kasi gusto naman niya ang Latin music at marami ng mga taong sumasayaw sa dance floor.
“So, ano’ng ginawa mo? Ipinalibing mo na ba si Juan?” naitanong niya sa kaibigan nang binalingan niya itong muli.
Tumango ang kaibigan niya. “Hindi na kita inabala pa. Pinalibing ko na siya kaagad kaninang hapon sa likod ng bakuran namin. At least doon, magiging fertilizer na siya sa mga bulaklak ni Mama,” at saka umingos pa ito.
Nakangiwi pa siyang nakatingin sa kaibigan. Sampung taon din nitong inalagaan ang asong tamad nito. Mahal nito iyon. At hindi nakapagtatakang nagluluksa ito ngayon. Kahit paano ay naaawa siya sa kaibigan na masyadong idinibdib ang pagkamatay ng aso nito.
Inabot niya ang kamay nito at tinapik-tapik iyon. Ilang sandali ay nagbawi na ito ng kamay. Napataas pa siya ng kilay rito.
Umismid itong inirapan siya. “Nananantsing ka ba, ha?”
“Huh? Ano?” Kumislot ang mukha niya nang dahil sa sinabi nito.
Naniningkit ang mga mata ng kaibigan. “Naisip mo bang maganda ako, ha, Nikki?”
Napatawa tuloy siya rito nang mapakla. “Hoy, hoy! Excuse me. Kaibigan lang talaga ang turing ko sa ‘yo simula pa lang, alam mo ‘yan! Tanging si Thalia lang ang nagpa-tomboy sa ‘kin no’n, ano? At saka… hindi ka gano’n kaganda para ma-in love ako sa ‘yo.” Umiling pa siya upang i-emphasize iyon sa kausap at saka inirapan ito. Somehow she felt a pang when she mentioned Thalia’s name.
Napatawa pa si Eden at saka uminom ng beer. Napangisi na rin siya kahit paano. Naalala pa niya tuloy ang first love niyang si Thalia nang dahil dito. Third year high school pa lang sila noon. Hindi niya alam pero na-attract siya sa kapwa babae niya noong high school. Pero nagtaka naman siya dahil pagkatapos ng relasyon nila ni Thalia ay wala naman na siyang ibang nagustuhan pa.
Labing-tatlong taon na ang nakalipas. Hindi nga niya alam kung nasaan na ang babaeng iyon ngayon. Nagtungo raw agad ito sa States pagka-graduate nila ng high school. At tanging si Eden lang ang may alam tungkol sa relasyon nila noon ni Thalia.
“Ano? Sayaw na lang tayo at nang mabawasan ‘yang lungkot mo,” suhestiyon pa niya sa kaibigan.
Ngumisi itong bigla. Gusto naman kasi nito ang sumayaw.
Tumayo ito at saka kinaladkad na siya sa dance floor. Sa tunog ng “Despacito” nina Luis Fonsi at Daddy Yankee ay sumayaw silang dalawa sa gitna ng dance floor. Kahit nagtataka sa inasal ng kaibigan ay nakiayon na lang siya.
Alam nilang nakakuha na sila ng atensyon mula sa ibang mga tao sa club habang sumasayaw. Pero hindi sila nahihiya dahil confident silang dalawa na magaling na sumayaw. Isa ito sa mga talents nilang dalawa ni Eden. Walang makakapigil sa kanila sa dance floor. Kaya naman ay gumiling lang sila nang gumiling at kasabay pa ang paghaplos ng katawan, sa bawat kurba at maya’t maya ay napapangiti o kaya ay napapakagat-labi pa.
Kahit paano ay natutuwa siyang medyo nag-e-enjoy na si Eden pagkatapos nitong umiyak nang dahil kay Juan.