PINING
"Charlize, gumising ka na. Dapat maaga pa lang nasa mall na tayo para makapamili tayo ng isusuot mo para sa prom nyo." narinig kong sabi ni Mama sa kapatid ko pagpasok nya sa kwarto namin.
"Hoy Josepina! Gising na daw. Aalis daw tayo!" sabay gising naman sa akin ng Ate ko.
Magmumulat na sana ako pero bigla kong narinig na nagsalita si Mama.
"Tayong dalawa lang yung aalis, Charlize. Hindi natin isasama yang kapatid mo. Ikaw lang naman yung kailangan kong ibili ng gown diba?" sabi pa ni Mama sa kapatid ko.
"Pero Ma, diba aattend din ng prom si Pining?" narinig ko pang katwiran ni Charlie.
"Sa tingin mo ba, may magtatangkang magyaya sa kapatid mo sa itsura nyang yan? Wag ka ngang mag-ilusyon dyan, Charlize. Hindi natin kailangang bilhan ng kahit ano yang kapatid mo dahil hindi rin naman sya makakaattend sa prom nyo." at parang may kung anong tumusok sa buong katawan ko nang marinig ko yung sinabing 'yon ni Mama.
Alam kong hindi ako kasing ganda ng kapatid ko pero hindi ko lang kasi matanggap na sa sarili ko pang nanay maririnig yung ganong salita.
Pero dahil ayokong malaman nila na gising ako at naririnig ko yung pinag-uusapan nila, pinilit kong pigilan yung sarili ko na umiyak sa harap nilang dalawa.
"Ma! Hindi nyo po dapat---"
"Maligo at magbihis ka na, Charlize. Ayoko nang marinig yung iba mo pang sasabihin. Hihintayin kita sa baba." malamig na sabi pa ni Mama bago ko narinig yung pagsarado ulit ng pinto.
Naramdaman ko na papalapit sa akin si Charlie kaya mas lalo kong ginalingan yung pagtutulug-tulugan.
"I'm sorry, Jopopay. Pero sana hindi ka maniwala sa sinabi ni Mama. Maganda ka Josephine, ikaw yung pinakamagandang tao na nakilala ko. Hindi lang sa panlabas na itsura. Ikaw yung pinakamabait at may pinakamalaking puso na nakilala ko. Hayaan mo, darating yung araw na makikita din nila yung kagandahan na nakikita ko sa'yo. I love you, Sis." at naramdaman ko na hinalikan nya ako sa noo ko.
Nang marinig kong sumara yung pintuan ng banyo, saka ko lang pinakawalan yung mga luhang kanina pa gustong kumawala sa mga mata ko.
Sa edad kong 'to, sanay na sanay na ako sa mga masasakit na salitang sinasabi ng ibang tao tungkol sa'kin. Yung pagkukumpara nila sa aming dalawa ni Charlie, yung pagtawa nila dahil sa kapansanan ko. Sabi ko nga, lakasan lang naman ng loob yan diba? At isa pa, ang importante naman, mahal ako ng mga kaibigan at pamilya ko. Pero yung marinig mong yung sariling nanay mo yung nagsasabi non, parang biglang nawala yung lakas ng loob mo. Ang sakit-sakit lang na kung sino pa yung inaasahan mo na tatanggap sa kapansanan mo, sya pa yung ikinakahiya ka.
Nang maramdaman ko na papalabas na si Charlie sa banyo, agad kong pinahid yung mga luha sa pisngi ko at nagtulug-tulugan na lang hanggang masigurado ko na nakaalis na sila.
At tulad nga ng sinabi ni Mama, wala ngang nagyaya sa akin sa prom kaya hindi ako umattend. At habang busy sila sa pag-aayos kay Charlie, nagkulong na lang ako sa kwarto ko. Oo masaya ako para sa Ate ko, pero ayoko kasing marinig na naman yung usapan ng mga nag-aayos sa kanya. Sigurado kasi ako na yung tungkol sa pagkakaiba na naman namin ng kapatid ko pinagttsismisan nila don. At kahit akong saway sa kanila ni Charlie, wala din syang magagawa dahil si Mama lagi yung nag-oopen ng topic na 'yon.
Well, tama naman sila eh. Sobrang magkaiba talaga kami ni Charlie. Kumbaga sa social ladder, yung mga tulad ng kapatid ko yung nasa taas, at yung mga tulad ko yung nasa baba. Kaya nga mula pagkabata, sya lagi yung maraming kaibigan. Ako? Nagkakaroon lang ako ng kaibigan kapag merong may kailangang magpagawa ng homework, research, at kung anu-ano pa. Pero pagkatapos non, ayun, mag-isa na lang ulit ako.
Akala ko nga hindi na ako magkakaroon ng mga totoong kaibigan eh. Pero buti na lang nakilala ko sila Maybelle, Anastasia, at Julia. Well, nakilala ko sila dahil kay Klarisse, yung masungit na pinsan ni Maybelle.
First day yun ng senior year ko. Wala na si Charlie non, nasa US na kasi dun sya pinag-aral ni Mama ng college, kaya eto yung unang beses na papasok ako sa school na mag-isa. At inasahan ko na marami na namang mambubully sa akin dahil wala na yung nag-iisang taong tagapagtanggol ko.
Nang makita ko na papalapit sa akin yung mga babaeng halata mo sa itsura na walang gagawin na mabuti, nagsimula na akong maglakad papalayo sa kanila. Pero syempre, dahil mas mabilis sila, napatigil na lang ako nang mapansin ko na pinapalibutan na nila ako.
"Mangingiraan. Ayongong ma-leyn ha nglahe ngo." mahinang sabi ko sa kanila.
(Makikiraan. Ayokong ma-late sa klase ko.)
At tulad ng inaasahan, nagtawanan na naman sila pagkatapos kong magsalita. Ano pa nga bang ineexpect ko diba?
"Anong sabi mo, freak? Minumura mo ba kami?" tumatawa pang sabi nung leader yata nila. Maka-freak naman si Ate, akala mo naman kagandahan sya. Eh mukhang nagpagulong-gulong sya sa harina sa sobrang puti ng mukha nyo. And hello, sana man lang ipinantay nya yung kulay ng leeg nya sa mukha nya, tse!
Pero dahil ayoko nga ng gulo, mahinahon ko syang sinagot.
"Ang hami ngo, manga mwene nyo angong maraanin nahil malamin na manghimula yung nglahe ngo." sagot ko sa kanya.
(Ang sabi ko, baka pwede nyo akong paraanin dahil malapit na magsimula yung klase ko.)
"Ano daw?" narinig kong tanong nya sa mga kasama nya na wala pa ring tigil sa pagtawa. "Oh wells, hindi kami aalis dito hangga't hindi ka nakakapagsalita ng tuwid, freak!" sabi pa nya ulit sa akin.
Gusto ko na sana syang patulan at itulak para makadaan ako pero naalala ko yung laging sinasabi sa akin ni Charlie na wag akong papatol sa mga tulad nitong si espasol dahil masyadong mababa yung level nila kumpara sa akin.
Nang magpumilit akong dumaan, bigla akong itinulak nung nasa babaeng nakatayo sa tabi ni espasol. Nakita ko na lalapitan pa sana nila ako pero bigla silang napatingin sa likuran ko. Napakunot naman ako ng noo dahil biglang nagbago yung ekpresyon ng mga mukha nila. Parang bigla silang natakot dahil sa nakita nila. Hmm, baka may nakakita sa kanila na teacher kaya ganon.
"Wala na naman kayong magawa sa mga buhay nyo, 'chaka' girls. Kung ano yung ikinapangit ng mga mukha nyo, ganun din yung ikinapangit ng ugali nyo." in fairness, nakakatakot naman talaga yung boses ni Ate kaya kung ako man dito kila 'chaka' girls, matatakot talaga ako.
"Kla--" aba, parang naging maamong tupa si espasol.
"Subukan mong sabihin yung pangalan ko, uuwi ka sa bahay nyo na may black eye!" nakita kong mas lalong natakot sila espasol dahil sa sinabing yon ni kung sino man sya.
"Umalis na kayo sa harap ko. At kapag nalaman ko na may binully na naman kayo, sa akin kayo mananagot!" banta pa nya sa 'chaka' girls. "O ano pang hinihintay nyo, pasko? Alis na! Nasstress ako sa mga mukha nyo, ang papangit nyo! Tsupi!" at nagkanya-kanyang takbo sila espasol.
Agad naman akong tinulungan ni Ate na makatayo.
Magpapasalamat sana ako pero bigla syang nagsalita.
"Wag ka nang magsalita, hindi ko rin naman maiintindihan. At wag ka na rin magpasalamat dahil hindi naman dahil sa'yo kaya ko ginawa yon." narinig kong sabi nya na hindi tumitingin sa akin. Nakatingin sya dun sa tatlong babaeng nakatayo malapit sa amin.
"Parrot, samahan nyo yan, baka kung ano na naman yung gawin ng 'chaka' girls dyan." yun lang at lumakad na sya palayo sa amin.
Agad naman akong nilapitan nung tatlo. Nakangiti silang nagpakilala sa akin.
"Ako pala si Maybelle. Pinsan ko yung babaeng masungit na yon. Ganun lang talaga si Klarisse pero minsan naman mabait yon." pakilala nung tinawag na parrot.
"Anastasia." sabi naman nung katabi nya.
"Ako naman yung pinakamaganda at pinakamatalino sa lahat, si Julia." pakilala naman nung isa.
"Nyohemin Ngarhiya." nakangiting pakilala ko naman sa tatlo.
(Josephine Garcia.)
At yun nga, pagkatapos non, hindi na kami mapaghiwalay na apat. At least kahit papa'no, naging masaya naman ako. Akala ko kasi hindi na ako magkakaroon ng totoong kaibigan eh. Buti na lang nakilala ko 'tong tatlong 'to.
Yung pagmamahal at pagtanggap na hinahanap ko sa Mama ko, sa kanilang tatlo ko nakita at naramdaman. Minsan nalulungkot pa rin ako dahil sa pambabalewala sa akin ni Mama pero at least, nandyan silang tatlo para iparamdam sa akin na kahit papa'no may nagmamahal at nagpapahalaga pa rin sa akin. Well, bukod kay Charlie. Kaso minsan na lang kami mag-usap ng kapatid kong 'yon eh. Busy daw kasi sa school. Di rin sya makauwi dahil ayaw syang payagan ni Mama. Minsan, si Mama na lang yung dumadalaw sa kanya don, na syempre, hindi ako kasama. Nahihiya kasi si Mama na makita syang kasama ako sa public places. Minsan, kahit sa bahay, hindi rin nya ako kinakausap. Masakit pero sabi ko nga, sanay na naman ako. Hindi pa rin kasi ako nawawalan ng pag-asa.
Pasasaan din ba at mamahalin ulit ako ni Mama ng tulad ng pagmamahal nya kay Charlie. Konting hintay lang Pining, mangyayari din yon. Mararamdaman mo ulit mga yakap nya na matagal-tagal na rin nung huli mong maramdaman.
Kaya mo yan, Josephine! Ikaw pa ba? Malakas ka diba? Aja Pining, AJA!