SA DAMI ng pinag-applyan kong trabaho ay dalawa lang ang tumawag sa’kin. Isa ay ang call center na tumatanggap kahit undergraduate at isa ay mula sa isang tabloid na naghahanap ng part-timer na sekretarya. Kahit wala ako masyadong eksperiyensiya sa mga trabahong gusto kong pasukan ay ipinagpatuloy ko pa rin. Kailangan kong kumita ng pera at madali naman akong matuto sa lahat ng klaseng gawain.
Mabuti na lamang at umaga ang schedule ko sa call center habang hapon naman ng alas-tres ang sa part time. Nagtagal ako sa call center dahil mass hiring sila at napakadaming aplikante. Ganoon na raw talaga ang hiring process ngayon dahil nagtitipid ang lahat sa manpower. Makakatipid din naman sila sa sarili nilang manpower, advertisement at sa kuryente maging sa pa-kape o pa-tubig para sa mga aplikante. Noon ay sinasadya kong pumasok sa mga building na may mas hiring para lang makakuha ng mga kendi, biskwit o kape sa mga panahong sagad sa gipit ako.
Sa call center interiview ay ginalingan ko nang husto. I used my very capable English vocabulary to amaze them.
“How would you instruct me to go to your house coming from here? You have to be as precise and detailed as possible,” sabi sa akin ng interviewer. Napatitig muna ako sa kanya at sinipat mabuti kung Pilipino nga siya. Talamak na talamak kasi ang British accent niya. Nakasuot din ito ng contact lens na asul at kulay tsokolate ang hanggang balikat na buhok. Ang nagbigay lang ng ideya na Pilipino siya ay ang pangalan sa kanyang ID tag na Filipa Sambukal at ang ilong niyang hindi naman katangusan kahit nilagyan pa ito ng nose line at highlighter. Napalingon ako sa paligid upang kumpirmahin na uniporme nila ang suot ng babae. Lahat sila ay nakaputing blusa sa babae at puting polo naman sa lalaki. Iba-ibang kulay na ang suot nilang pang-terno sa baba. Sopistikadang tingnan ang lahat ng tao roon.
“Miss? Are yo going to answer me anytime soon?” Halatang iritable na ang babae kahit na nakangiti ito na parang nanginginig pa ang dulo ng mga labi. Napansin siguro niyang sinipat ko ng buo ang itsura niya at maging ang kasuotan nilang lahat doon.
“Oh, sorry for spacing out. I was just admiring how well made all of you looked,” pabibong sagot ko habang pakiramdam ko ay pinipiga na ang braincells ko sa kakaisip kung paano ko ipapaliwanag ang pagbiyahe sakay ang apat na tricycle, dalawang jeep at ang pagtakbong ginawa ko simula sa eskinita ng aking munting tahanan patungo sa opisina nila, isama na natin ang paglalakad ko sa initan patungo sa mga sakayan. Nginitian ko si Filipa habang naglalaro ang lahat ng ito sa isip ko at mukhang nahismasmasan naman ang naiirita niyang damdamin.
“From here, I have to take the elevator to the ground floor, go out of the building, walk a few meters towards the very tall overpass leading to the other side of the street. I have to go to the other side in order to catch a bus to the jeepney terminal,” sa parteng ito ay nakakunot na ang noo ni Filipa. Marahil ay hindi niya nagustuhan ang mga salitang ginamit ko. Anong magagawa ko kung talaga namang nasa kabilang dako ng paroon ang bus stop at kailangan ko pang lumakad ng ilang metro para lamang tumawid sa kulay asul na overpass kahit na maari naman akong mag-jaywalking na lamang? O baka naman hindi niya natipuhan ang salitang catch the bus? Napakajudgmental naman niya kung naisip niyang bola lang ang sinasalo.
“From the terminal, I have to ride a...” Ipinaliwanag ko as detailed as possible using my very amazing English vocabulary. Sinubukan ko namang magpanggap na fluent ako sa wikang Ingles.
Ngunit hindi yata talaga ako truly amazing dahil first round pa lamang ng mga tanungan ay laglag na kaagad ako. Hindi niya nagustuhan ang pagpaliwanag ko ng napakahabang proseso ng pag-uwi galing sa kanilang opisina. Sa isang banda, nakakalungkot din pala. Pakiramdam ko tuloy ay hindi ako nakapasok sa unang round ng audition sa Philippine Idol. Kung sa pakawawaan lamang naman ng background story ay panalo na ako kaso lamang ay kinulang ako sa talent, gaya na lang ng kinulang ako sa talento ng pagsasalita ng fluent English. Dahil bigo ako at hindi nakuha sa charm at ganda ang pag-apply sa call center, sunod kong pinuntahan ang part-time na trabaho. Sa may Binondo, Manila ang head office nito at dahil nanggaling pa ako sa Ortigas, Pasig at saksakan ng bagal ang usad ng trapiko kahit pa sakyan ko lahat ng tren na pwede kong sakya ay inabot na ako ng hapon. Eksaktong alas tres na nang dumating akong humahangos sa address kung saan gaganapin ang interview ko para sa trabaho.
Noong marating ko ang gate ng address na nakalap ko para sa interbyu ay tumikhim muna ako bago nagsalita upang mapansin ako ng guwardiya na nakatitig ng husto sa hawak nitong cellphone. Inayos ko ang sarili ng bahagya at saka seryosong nagsalita kahit na nakakatawa ang susunod kong sasabihin.
“Good afternoon, I’m here for a scheduled interview with Mr. Badong Dongba?” Noong una kong nabasa ang pangalan ay muntikan na akong matawa ngunit dahil doon nakasalalay ang pagkakaroon ko ng normal na trabaho ay pinigilan ko na lamang ang aking sarili. Masama rin namang manlait ng pangalan ng iba dahil dugo at pawis ng mga magulang nila na mag-isip ng pangalang magbibigay ng ibayong dangal sa kanilang mga anak sa hinaharap. Umasa rin ako na Tagalog ang isasagot ng babaeng gwardiya na kausap ko dahil naubusan na ako ng baon na English mula sa una kong pinag-applyan.
“Wala po si Mr. Badong pero nandito si Boss. Siya ang nag-iinterview sa mga aplikante. Diretso ka na lang sa hallway na iyan tapos kaliwa sa unang daan. Kapag may nakita ka ng liwanag, kumanan ka. Tumbok na noon ang opisina.” Napakunot ang noo ko nang marinig ko ang salitang liwanag. Bakit may liwanag? Hindi ba dapat ay may liwanag naman sa buong paligid?
“Miss? Nakuha mo ba? O hindi ka marunong mag-Tagalog?” Nakakunot ang noong tanong ng guwardiya.
“Ah, marunong po. Ok na. Gets na. Sige salamat.” Tumango na lang din ako at nagpasalamat. Pagtalikod ko sa kanya ay napakamot ako ng ulo. Itatanong ko pa sana kung tama ba ang tinatahak kong landas ngunit paglingon ko sa guwardiya ay nakayuko na itong muli sa kanyang cellphone.
Habang binabagtas ko ang kahabaan ng madilim na hallway, inisip ko kung nasa horror movie ba ako kung saan may bigla na lamang hihila sa aking kamay o paa. Kung alam ko lang na ganito ang pupuntahan ko ay nagbaon sana ako ng kandila upang full scary movie effect na ang peg. Wala man lang ilaw ang lugar at tanging sinag ng liwanag lamang mula sa ilalim ng mga pintuan ang nagturo sa akin na sa mundong ibabaw pa rin ang nilalakaran ko at hindi pa patungong impyerno. Unang liko pakaliwa ay nakita ko kaagad ang pinagmumulan ng matinding liwanag ngunit may ilang hakbang pa ito. Nang marating ko ang lugar ay agad akong kumanan sa kanto na iyon. Napaawang ang bibig ko nang makita ang sanhi ng liwanag. Matapos ang kadilim ay isang magarbong opisina naman ang bumungad sa ‘kin. Cream ang kulay ng mga dingding at may asul na carpet. Stainless steel chairs naman at glass tables ang nasa may gilid ng reception area kung saan may nakaupong ilang aplikante. Isang L type booth na makitab na kahoy na puti ang kinaroroonan ng receptionist. Paglapit ko sa reception area ay napansin ko na ang babae na nasa likod noon ay mukhang fashion model ang itsura ng mukha at katawan kahit na hindi katangkaran.
“I’m here for an interview. The name is Ramona Palacol.” Sinabi ko ang aking pangalan na may maliwanag na ngiti. Gusto ko namang maging impressive kahit sa receptionist man lang. Baka sakaling swertehin ako sa interview hindi gaya noong nauna.
“Be seated and wait for your name to be called.” Nang sinabihan akong tatawagin na lamang kapag maari nang pumasok ay ngumiti ako sa kanya at saka luminga upang maghanap ng bakanteng silya. Sa isang mahabang blue leather couch ako naupo.
May anim na babae na nakaupo sa waiting area at may mga hawak sila na mga folder na naglalaman sigurado ng kani-kanilang resume. Agad kong kinapa mula sa bulsa ng aking palda ang nakatiklop na papel na pinagprintan ko ng aking biodata. May kaunting lukot na ito ngunit nababasa pa rin naman ang nakasulat. Totoo ngang kailangan magpa-impress ng mga aplikante sa pinagaapplyan nila ngunit naniniwala akong mas dapat ipakita ang kagalingan sa interview kaysa sa papel. Dahil panghuli ako sa pila, kinuha kong muli ang cellphone at nag-browse sa sss gamit ang free data. Wala man akong makitang mga larawan ay naaliw pa rin sa mga hugot at kalokohang nabasa doon. Nakakaaliw na nakakaasar minsan ang mga taong mas pinipiling mag-comment para makialam at mangmata sa mga posts ng ibang tao kaysa ayusin ang mga sarili nilang buhay. Napapailing pa ako sa aking mga nababasa nang tawagin na ulit ako ng receptionist.
“Ms. Ramona Palacol? You may go inside for your inteview. Off the record, alam mo ba na masuwerte ka dahil itinuloy pa ni Sir ang interview mo. Palabas na sana siya, eh.” Nagtatakang sabi ng babae habang hinihimas pa ang kanyang baba.
“Ganoon ba? Mabuti na lang pala. Thank you, ha.” Agad akong tumayo, pinasadahan ng tatlong ulit ng mga palad ang paldang nalukot na sa pagkakaupo, huminga ng malalim at saka may kumpiyansang lumakad patungo ng mahogany na pintuang itinuro ng babae. Pagpasok ko ng silid ay napansin ko agad ang mga paintings na pula at itim sa dingding. Itim at pula ang tema ng opisina at napaisip ako kung hindi ba nadidiliman ang may-ari nito. Kung sabagay, ang hallway nga nila ay parang horror house sa kadiliman, bulong ko sa sarili. Napaigtad ako nang biglang may magsalita mula sa likod ng lamesa at upuan.
“Sit down and tell me about yourself.” Medyo mahina ang boses nang nagsalita ang nasa likod ng malaking itim na swivel chair. Nakatalikod pa rin ito kahit noong maupo ako sa isa sa mga kahoy na upuan sa harapan ng malaking lamesa. Bukod sa name plate ng Boss ay isang silver na manipis na laptop at isang puting tablet lamang ang laman ng ibabaw ng lamesa. Ang name plate ay nakataob kaya’t hindi ko nabasa ang nakasulat. Hindi ko rin naman naitanong kung anong pangalan ng boss na mag-iinterview kaya’t hindi ko na tinangkang banggitin pa ang pangalan nito. Maari namang maging generic dahil formal first meeting naman ang interview.
“Good afternoon, Sir. I’m Ramona Palacol but you can call me Mou for short. I am applying for the position of Secretary as I saw in the news clippings. Though I’m an undergraduate student of Psychology, I can assure you that I will be dedicated and passionate about this job. I am a fast learner and very adaptable to change. I can accept any challenges and overcome them with confidence. I can say that I am a performer and will perform in the best of my ability to complete all the tasks that you will be requiring of me. Masunurin din po ako at mapagkakatiwalaan.” Naubusan na ako ng memorized adjectives kaya’t napilitan na akong mag-tagalog. Sana lang hindi nabawasan ang ganda points ko dahil sa ilang katagang iyon.
“The last two words does not seem to describe you, at all,” komento ng lalaki sa likod ng lamesa.
Napaawang ang bibig ko nang iyon pa ang mapansin niya. Ano naman kaya ang ibig nitong sabihin?
“I beg your pardon?” Ito ang madalas kong naririnig sa mga palabas kaya’t ito na rin ang ginamit ko. Magalang pa rin naman kahit na nanggigigil na ‘ko.
“Ramona Palacol. Mou. Ano pa ba ang ibang palayaw mo?”
“Wala na po.” Bakit ko naman iagtatapat sa kanya na Monay ang tawag sa’kin? Ano naman ang mapapala niya sa impormasyong iyon? Napairap ako dahil hindi naman niya ako nakikita.
“Talaga ba? I see. Bakit ka nga pala tumigil sa pag-aaral?” Tanong niya. Narinig kong lumangitngit ang upuan at umusad ito papalikod.
“Itutuloy ko po ang kolehiyo kapag nakapag-ipon na ako ng sapat na pera. Nawala na po kasi ang scholarship ko.” Ayaw ko pa naman sanang maalala ang volleyball scholarship ko noong kolehiyo ngunit parang sadyang gustong mang-asar ng Boss.
“Academic scholarship? Looking at you now, mukhang hindi ka talaga papasang scholar lalo na kung Academics. Wala rin sa application mo ang details na ‘yon.”
“Varsity po ako ng Volleyball.” Sa puntong iyon ay nanggigigil na ‘ko at gusto ko siyang paluan ng bola sa mukha ngunit pinili kong maging mahinahon at sumagot ng mayroon pa ring paggalang kahit na mariing nakatikom ang aking mga labi bago at pagkatapos kong magsalita.
“Ah, kaya pala ang galing mo magpasa. Tell me, Ms. Palacol, ano pa ang pinagkakaabalahan mo ngayon?” Batid ang pangungutya sa boses ng lalaki.
“Acting po mostly dahil maganda naman ako at papasang artista.” Kung gaguhan ang gusto ng interviewer ay iyon ang ibibigay ko. Narinig ko na naman ang langitngit ng kanyang silya. Nagpipigil siguro itong humarap sa akin dahil panay ang galaw ng silya niya habang nakatilod ito.
“Interesting. Ako rin, I’m interested in acting, simply because gwapo ako at mukhang artista.” Kung makikita ko siguro ang lalaking nagsasalita ay siguradong nakangisi ito sa’kin habang ako ay abot-abot sa likuran ng mata ang pag-irap. Narating ko na ang sukdulan nang tumawa ito ng bahagya.
“Sir, ano po bang klaseng interview ito? Kung hindi ninyo ako tatanggapin sabihin niyo na para hindi na po nasasayang ang oras ninyo.” Malumanay ko pa ring sabi kahit na ang mga kataga ay nawalan na ng panggalang.
“You’ve already wasted most my day and ruined my mood. But you know what? I’m feeling crazy today so, you’re hired. Here, sign this contract. Instead of part time, you will be working for me full time.” Narinig ko ang malakas na pagbagsak ng folder sa lamesa at napatitig pa ako rito bago muling nakapagsalita.
“Talaga po?” Napalitan na ng excitement at kaligayahan ang inis ko sa aking kausap. Kinuha ko ang folder na may papel na inilapag ng Boss sa lamesa at binasa ang ilang salitang importante gaya ng kung magkano ang ibabayad sa akin kada isang buwan. Hindi na masama ang kinse mil kung hindi pa kasama doon ang tatlong libong allowance kada linggo. Ang nakakapagtaka lamang sa kontrata ay ang bilang ng oras ng trabaho dahil walang nakasulat rito.
“Wala po talagang shift schedule and working hours dito?” Tanong ko nang hindi ko talaga makita ito sa kontrata.
“You’ll be working full time, meaning you will be on call 24/7. If I will let you work during weekends and after work hours, I’ll pay for your overtime.” Malinaw niyang tugon. Bigla kong naisip na pamilyar ang boses na iyon. Parang narinig ko na kailan lang?
“I understand and acknowledge this, Sir,” Naalala ko ang nabasa ko sa social media na hindi dapat Note lang ang sinasabi kapag may iniutos o sinabi ang mga Boss, kaya’t ‘I understand and acknowledge’ ang ang nasabi ko bago ko isinulat ang pangalan ko at pinirmahan ang kontrata. Ipinatong ko itong muli sa lamesa.
“You may go. Report to me at 7 am sharp tomorrow.” Hindi pa rin siya humaharap ngunit mas lumakas na ang boses niya. Napakunot ang noo ko dahil parang narinig ko na talaga ang boses na iyon.
“Thank you, Sir.”
“Oh, before you leave, please fix the name plate on top of the table.” Kahit hindi niya nakikita ay tumango ako at marahang iniangat ang name plate niyang nakataob.
Pierre Montecillo
General Manager