PAGKALABAS ko ng opisina ng Boss ay tinawag ako ng Receptionist. Marahan ko pang isinara ang pintuan dahil hindi ko pa rin mawari kung ano ba ang nangyari at natanggap ako bigla.
“Mou raw ang palayaw mo? Ako nga pala si Josa. Magsisimula ka na raw bukas, sabi ni Boss. Heto ang mga forms na kailangan mong sagutan. Pakigawa na ngayon para madala ko na sa HR nang maproseso na. Ito ang temporary ID mo para hindi ka na harangin ng guwardiya pagpasok mo bukas.” Napangiti ako na abot hanggang tainga. Nag-umpisa ang araw ko sa kamalasan ngunit ngayon naman ay parang puro swerte na ang matatamasa ko. Napailing naman si Josa sa akin habang nakangiti. Sumunod ako sa kanya patungo sa isa sa mga lamesa. Ipinaghila pa niya ako ng upuan bago siya bumalik sa pwesto niya sa likod ng L Booth.
“Salamat.” Pagkakuha ko ng mga papeles na dapat sulatan ay ginamit ko ang ballpen na nakasukbit sa aking blusa upang sagutan ang Employee information sheet. Unang mga linya pa lamang ay hindi ko maiwasang mapakunot ang noo sa mga katangunan.
First Name Middle Name Surname: Ramona Dimasupil Palacol
Nickname: Mou
Address: Tondo, Maynila
SSS number: 12046133197
TIN: 1241004
Religion: RC
Height: 5’7”
Weight: 120 lbs
Highest Educational Attainment: Undergraduate BS Psychology
Sports: Volleyball
Favorite Food:
Favorite TV Show:
Favorite Actor/Actress:
Favorite KPO Group:
Favorite Movie:
Favorite Animal:
Likes in General:
Dislikes in General:
What is your motto and why?
What are your dreams and aspirations?
What is your greatest frustration in life?
What is your biggest motivation in life?
Napaisip ako kung kailangan ko pa bang sagutin ang mga pahuling katanungan matapos ang Educational Attainment dahil malinaw na hindi naman related sa trabaho ang mga iyon. Kulang na lang ay itanong kung sino ang crush ko at kung ilan na ang naging jowa ko. Napakagat ako sa dulo ng ballpen na nakakunot ang noo at salubong ang kilay. Nang hindi na ako makatiis ay nagtanong na ako kay Josa.
“Josa, kailangan ko bang sagutan lahat ng tanong?”
“Naku, oo. Sagutan mo na lang, girl! Revised employee records questionnaire nga ‘yan. Lahat kami pinagsagot ulit simula nang maging GM namin si Boss.” Napapailing niyang sagot. Mukhang maging siya ay na-weirdohan din sa pinasagutan na iyon.
Napabuntong-hininga na lamang ako at patuloy na sinagutan ang mga katanungan. Napaisip akong mabuti sa tanong na KPOP Idol dahil ayon sa social media clips na napapanood ko minsan ay napakaraming grupo ang magagaling ngayon, pero BTS pa rin ang isinagot ko dahil gaya nga ng sabi ng mga tao sa social media, BTS Paved the way. Pero para saan ba at kailangan niyang malaman iyon? Pupunta ba ka kami ng Korea para manood ng concert at mga comeback shows? Napakagat na naman ako sa ballpen sabay buntong hininga ng malalim at narinig kong nagpigil ng tawa si Josa.
Mala-essay writing contest ang datingan ng apat na huling tanong at pinagkasya ko na lang ang sagot ko sa tatlong linyang espasyong ibinigay sa papel. Gusto ko pagsabihan ang gumawa ng form na dagdagan ang mga linya kung gusto niya ng maayos na sagot in complete sentences.
What are your dreams and aspirations? To be successful
What is your greatest frustration in life? That I’m not yet successful
What is your biggest motivation in life? To have a successful life
Kapag naman hindi pa kao naging successful nito ay ewan ko na lang.
Nang matapos ako magsagot sa abot ng aking makakaya at abilidad ay iniabot ko kaagad kay Josa ang forms.
“Business attire tayo from Monday to Thursday, tapos Friday naman and half day ng Saturday naka-business casual. Bawal ang tsinelas o kahit anong open toes na saplot sa paa. Conservative din si Boss ayaw niya ng revealing na mga damit.” Tumango na lang ako. Kung pagbabasehan sa boses at tono ng pananalita ay parang hindi naman matanda ang boss namin ngunit bakit sobra naman yatang maraming bawal? Matandang binata ba siya o baka naman ayaw niyang masapawan siya ng magagandang damit na revealing?
“Thunders na ba ang Boss natin o bading ba?” Sa tanong ko na ito ay napanganga si Josa sa akin. Eksaherado ring napakapit ito sa bibig na para bang hindi siya makapaniwala sa sinabi ko.
“Hindi mo nakita? OMFG, hindi mo siya nakita?!” Nanlalaki pa ang mata nito sa akin.
“Nakatalikod siya. Hindi nga humarap, eh.” Napaisip tuloy ako kung bakit nga ba hindi ito nagpakita noong magkausap kami. Sa dalas kumunot ng noo ko ngayong araw ay baka may guhit na ito paguwi ko ng bahay.
“Naku, maswerte ka at hindi siya humarap, girl! Baka napatulala ka at hindi nakasagot sa interview mo if ever dahil sobrang gwapo ni Boss! As in gwaaaapong lalaki, hindi beki. Bata pa siya, baka mid 20s dahil genius raw sabi sa balita. Alam ko bagong graduate lang ng Computer Degree sa US at Business Masteral Degree sa France. Kung paano niya pinagsabay ang lahat hindi ko rin alam. GM muna ang binigay sa kanya dahil inaaral pa niya ang pasikot-sikot ng Business nila. Chain of restaurants, hotels and casinos ang negosyo nila. Kung hindi ako nagkakamali, pinauwi siya ng Pilipinas para siya na ang mag-take over ng Empire nila.” Mukhang maalam na maalam si Josa sa usapin tungkol sa aming amo. Excited siyang inisa-isa ang mga nalalaman niya tungkol dito.
“Wow. Ang dami mo namang alam!” Pambobola kong tugon sa kanya. Gusto ko mang mamangha sa dami ng alam ni Josa ay hindi ko magawa. Parang masyadong impressive naman na ganoon kadami ang impormasyong alam niya. Ilang porsiyento kaya roon ang tsismis lang at ilan ang totoo? Siguradong malalaman ko rin ‘yon sa mga susunod na araw lalo pa at ako ang personal secretary ni Boss.
“Magaling lang akong mag-investigate. O sige na, malapit na rin umuwi si Boss. Impunto ala-seis ng hapon lumalabas ‘yon at kabilin-bilinan niya dapat wala nang tao rito kapag lalabas na siya.” Nagligpit na rin ng gamit niya si Josa habang ang form ko naman ay inilagay niya sa isang envelope.
Tumayo na ako at nagpaalam kahit na sobrang nagtataka talaga ako sa mga pangyayari.
“Sige, mauuna na rin ako. Salamat, Josa, ha.” Kumaway na ako sa kanya at muling binagtas ang daanan palabas. Kung totoong maraming negosyo ang pamilya ng amo namin ay bakit sa Binondo ang opisina nila at mukhang horror site pa? Habang naglalakad ay bigla kong naisip ang gwapong lalaking nakaengkwentro ko nooong umaga. Kung kasing-gwapo noon ang Boss ko ay siguradong gaganahan akong pumasok araw-araw. Kaya lang, kung kasing-ugali naman noon ay gugustuhin ko na lang na bumalik sa pag-aartista.
DALAWANG oras din akong nakipagbuno sa trapiko dahil sa rush hour kahit na Binondo to Tondo lang ang biyahe ko. Mabuti na lamang at kumain muna ‘ko sa karinderiang nadaanan ko bago sumakay ng Dyip pauwi. Dahil sa tindi ng trapiko, maglalakad na nga lang sana ako kung hindi lang ako naka-heels. Sayang naman ang swelas ng takong ko kung ikakaladlad ko lang sa semento. Ilang beses ko na ring pinagalitan ang sarili nang hindi ako nakapagdala ng tsinelas na pamalit man lang.
Pagdating ng bahay, agad kong nilabhan ang pencil skirt kong suot upang magamit ko ulit ito sa isang araw. Dalawa lang ang skirt kong pamasok at apat ang blouse. Bukas ay ang itim naman ang isusuot ko. Kailangan ko na talagang mamili ng mga gamit. Kung mga costume lang sana, marami akong magagamit ngunit siyempre ay hindi ko naman ito maaring gamitin sa trabaho sa opisina. Kung bakit naman kasi mabibilang lang sa isang kamay ang maayos na damit na mayroon ako na pasok sa nararapat para sa opisina. Siguro dahil hindi ko naman naisip dati na papasukin ko ang ganitong klaseng trabaho, ang normal na buhay.
Nag-shower na ako sa pamamagitan ng tabo at timba. Shower dahil binutasan ko ang tabo na kagaya ng sa shower head at kada sasalok ako ng tubig ay itinatapat ko ito sa aking ulo. Matagal na proseso lang ngunit okay na rin ito dahil mas gusto ko ang madahan na pagpatak ng tubig na parang ulan kaysa ang isang buhos lang na parang piyesta ni San Juan.
Suot lamang ang isang malaking t-shirt na puti na paborito kong pantulog, nahiga na ako sa kama. Masayang matulog ng walang kahit isang saplot na panloob dahil para akong naka-aircon kahit electric fan lang ang pinangagalingan ng hangin. Mas makakatipid din ako sa labahin.
Matutulog na sana ako nang may marining akong ring ng cellphone. Alam kong hindi iyon sa’kin dahil Star Wars ang ring tone nito habang ang sa akin ay Love Yourself:Answer ng BTS. Kinapa ko ang gilid ng higaan ko kung saan nanggagaling ang tunog. Hindi ko ito madukot. Tumigil ang pagtunog ngunit napabalikwas ako ng bangon nang maalala si Carla na nakitulog noong umaga. Hindi kaya naiwan niya ang cellphone niya at iyon ang tumutunog? Napangisi ako nang maaalala ang ring tone. Pang-lalaki naman masyado ang Star Wars Theme. Ano naman kaya ang trip ni Carla? Dumukwang ako sa ilalim ng higaan at doon nakita kong may umiilaw kasabay ng pagkabuhay na naman ng dagundong ng opening music ng Star Wars movie franchise. Wala na akong choice kung hindi ang sumuot sa ilalim ng kama upang abutin ang cellphone. Nang maabot ko na ito at muli na akong makaupo sa higaan ko ay sakto namang tumigil na ang ring. Pinagpagan ko muna ang damit ko na napuno ng alikabok. Napaisip akong kailangan ko nang maglinis ng bahay kapag nagkapanahon ako. Pinagmasdan ko ang hawak kong itim na smartphone. Mukha itong mamahalin. Mula pa lang sa makinis at makintab na glass surface ng harap at likuran ay halatang de-kalidad ito ngunit kahit anong sipat ko ay wala akong makitang tatak nito.
Nang mag-ring muli ay naglakas loob na akong sagutin ang tawag mula rito. Baka si Carla ito at hinahanap ang telepono niya, “Hello?” bulong ko.
“Open the f*****g door ang give me back my phone, now!” Inilayo ko kaagad mula sa tainga ang cellphone at napakapit ako sa dibdib. Base sa boses at lutong ng pagmumura ng kausap ko ay iisang tao lang ang maaring nasa kabilang linya. Ang oppa ng buhay ko na hindi sana nabaog sa pagkakatuhod ko sa kanya noong umaga.
“OMFG!” bulong ko bilang paggaya ko sa sinabi ni Josa kanina. Lumapit ako sa pintuan at isinandal ang tainga ko rito habang ang isang tainga naman ay parang ewan na nakadikit pa rin sa cellphone. Pinapakinggan ko kung nasa kabilang dako pa rin ba ng pintuan ang estrangherong gwapo na masarap humalik. Napapikit pa ako nang maalala ang tagpong iyon ngunit nasira ang magandang ala-ala ko nang may sumigaw na naman sa kabilang linya.
“Open this door, now!”
Wala akong choice kung hindi ang sumagot dahil kasabay ng pagsigaw niya at pagkalabog ng pintuan ng mansyon ko ay ang pagkabog rin ng dibdib ko dahil ilang dipa lang ang pagitan namin ng gwapong nilalang.
“Teka. Nililinaw ko lang. Napulot ko lang ang cellphone na ‘to sa ilalim ng kama ko. Hindi ko talaga ‘to ninakaw, ha. Swear! Mamatay ka man ngayon, nagsasabi ako ng totoo.” Mali yata ang sinabi ko dahil lalo pa siyang nagmura sa kabilang linya na tagos na tagos din naman sa pintuan. Kinailangan ko muling ilayo ang cellphone dahil baka mabasag ang eardrums ko at humakbang palayo mula sa pinto. Naririnig ko na rin ang lutong ng galit niya mula sa likod ng pintuan.
“I swear, I’m going to make you suffer if you don’t open this f*****g door right now and return what you’ve stolen!” sigaw niya na may kasama pa sigurong pagsipa sa pintuan kong baka bumigay na dahil sa malakas na kalampag niya.
Ilang ulit pa siyang nagsisigaw sa labas at napairap na lang ako at nagpaypay gamit ang isa kong kamay. Umiinit ang paligid dahil sa init ng ulo niya. Dumating sa puntong mukha na talagang mapipigtas mula sa pagkakakabit ang pintuan kaya’t nagpasya na akong sumugod sa labas.
“Okay! Wait lang. G na G lang ang peg? Sayang ang magandang gabi kung mainit lang ang ulo mo. Masyado kang hot.” Sabi ko sabay paypay ng mukha dahil naalala ko ang halik namin na talaga namang hot. Papunta na sana ako ng pintuan nang maalala ko ang isang importenteng bagay at alam kong hindi ako maaring humarap sa kahit sinong bisita nang hindi ito nagagawa.
Ang magsuklay.