V

1472 Words
HINDI PA RIN SILA tumitigil sa pagtakbo hanggang hindi nakakarating sa kanilang lokasyon. Kung anumang lakas ng loob na mayroon ang batang kasama niya upang makadaan sa mga bangkay na nagkalat sa kung saan-saan, iyon ang labis niyang hinahangaan dito. Maaaring kaedad lamang ito ng anak niya ngunit mapapansin kaagad ang pagiging matanda ng isipan nito. May kakaiba rin dito na hindi niya matukoy. Ilang pasilyo pa ang kanilang dinaanan at ang bawat pasilyong iyon, hindi maaaring walang bakas ng dugo. Maraming nakapahid sa pader at mapapansing may pinuntahang lokasyon ang mga sugatan dahil sa bakas na nakapahid. Sa tagal niyang naging tracker ng mafia, ang mga ganitong uri ng bakas ay alam niya na kaagad ang ibig sabihin. Hindi man niya nakikita ngunit sigurado na kaagad siyang may mga humampas na katawan sa pader. Pinilit ng mga itong maglakad sa kabila ng pagiging sugatan at duguan. Maaaring ang lugar din na pinuntahan ng mga ito ay isang sanktuwaryo na pupuntahan din nila upang maging ligtas. Ngunit ang ipinagtataka niya, bakit doon ang punta nila kung nanghihingi nga ng tulong ang bata sa kanya? Napasok na rin ba ng kalaban ang pinagkukublihan ng mga biktima? Iyon ang bagay na hindi niya maintindihan. May mali na hindi niya mawari. Hindi alam ni Rocco kung anong dahilan para makumbinse siyang sumama sa bata. Alam niyang hindi niya teritoryo ang napuntahan kaya may posibilidad na isa itong patibong. Kakaiba ang paraan ng pananamit ng mga nasa kaharian, iba ang itsura, ang paligid at maging ang lahat ng rason upang magtiwala siya rito. Ngunit sa kabila ng mga iyon, may bumubulong pa rin sa kanya na maniwala rito kaya naman kahit may pagdududa pinakinggan niya ang tinig na iyon. Mayamaya pa, unti-unti nang sumisila’y sa kanila ang daan papalabas sa mahabang pasilyo. Hindi pa man nagtatagal, bumungad sa kanila ang mas matinding liwanag. Tinakpan pa ni Rocco ang mga mata nang sumabog pa ang mas nakakasilaw na liwanag na hindi maipaliwanag kung saan nanggagaling. Nang tuluyan ng nasasanay ang mga mata ni Rocco ay mas naimumulat niya na ang mga mata. Tinanggal niya rin ang kamay na nakatakip sa mga mata kanina. Doon niya lamang napagmasdan ang lugar na kanilang pinuntahan. Isa iyong hardin na napapalibutan ng mga halamang nag-aapoy. Tila ba ang mga bagang dumadaloy sa bawat parte ng sanga ng halaman ay nagpapanatili sa pagiging buhay ng mga pananim. Ang isa pa sa nakapukaw ng kanyang atensyon ay ang mga hanging plant na nagsisimula sa pinakatuktok ng palasyo. Napakaraming tinik ng bulaklak na kamukha ng rosas. Ang tanging kaibahan lamang ay nagbabaga iyon at ang ibinubuga ng bulaklak ay nagsisilbing palamuti sa paligid. Mukha iyong mga alitaptap na nagniningas at bigla na lamang kumukutitap bago mahinang sumasabog sa ere na parang isang paputok na ginagamit tuwing bagong taon. Sa kinalalagyan niya rin ay matatanaw ang kalangitang napakalayo. Ang sentro ng buong kaharian ay ang hardin kung tama ang pagkakaintindi niya sa paraan ng pagkakatatag niyon. Ang gitnang bahagi ay may butas paitaas. Dahil doon din ay malayang nakakapasok ang malakas na hangin na maaaring may mahika upang tuluyang mas sumiklab ang baga sa mga halaman. Ang isa pa sa mga napansin niya ay ang mga buhanging lumulutang at tila may buhay. Nagsisilbing bakod iyon sa magkabilaang bahagi ng hardin. Ang nakakagulat pa roon ay ang mga isdang nagtatalunan sa buhanging nakalutang sa ere ng bawat bahagi ng bakod! Ano iyon? Naguguluhan niyang tanong sa sarili. Hindi tubig kung hindi buhangin ang dahilan para makahinga ang mga isda? Gustong hilutin ni Rocco ang kanyang sentido. Masyadong marami nang nakikita ang kanyang mga mata na kapag ikinuwento niya sa iba ay paniguradong hindi paniniwalaan ng kahit sino. Hibang lamang ang maglalakas ng loob na magkwento ng mga nakikita niya ngayon. Hindi pa man tapos ang pagkamangha niya sa mga nakikita sa paligid, ginulat naman siya ngayon ng malaking-malaking pagong na bigla na lamang bumulaga sa kanyang harapan. Nakaangat iyon sa ere—sa madaling salita, isang pagong na lumulipad! Muntikan pang mabuwal si Rocco dahil sa matinding pagkagulat. Kahit sinong matapang at matatag, mawawala nang panandalian sa sarili kung makikita ang mga nakikita niya. “Ginoo, labis yata ang iyong pagkabigla?” tanong ng pagong na naging dahilan ng pag-awang ng bibig niya! Alam niyang nasa delikado silang sitwasyon ngayon ngunit hindi niya maiwasang huwag mabigla sa pagsasalita nito! Kailan pa nagsalita at lumipad ang isang pagong? Ngayon laman siya nakakakita ng ganoon sa buong buhay niya! Nang bumukas ang bahay ng pagong, doon niya nakita ang isang matikas na lalaking may mahabang buhok. Habang tumatagal ang pagtingin niya rito, unti-unti niyang napapansin ang pagkakapareho ng hubog ng katawan nila. Nang hindi makatiis dahil sa labis na kuryusidad, dahan-dahan ang paglapit niya rito upang sipatin ang mukha ng lalaki. Muntikan niya pang mabitawan ang hawak na espada nang tuluyang mapagmasdan ang mukha nito. Kahit saan niya tignang anggulo, magkamukhang-magkamukha sila! Para silang pinagbiyak na bunga. Para siyang nananalamin. Ang tanging kaibahang nakikita niya lamang dito ay ang mahabang puting buhok nito at walang balbas na katulad ng kanya! Parang lalong sumakit ang ulo ni Rocco. Ano pa ba ang kailangan niyang maranasan at masaksihan sa mundong ito? Muling ibinaling ni Rocco ang tingin sa batang nanghihingi ng tulong sa kanya kanina nang magsarado ang bahay ng pagong na iyon. “Anong tulong ang hinihingi mo?” tanong niya rito. Gusto niya ng umalis sa lugar bago pa siyang tuluyang mahibang. “Hindi makaalis ang aking ama sa kanyang pwesto dahil nakatali ang mga paa ng kanyang himlayan,” saad ng bata bago umakyat sa itaas ng pagong. “Ang panganib, narito na.” Nang makaakyat sa itaas ang bata, mas umangat sa ere ang pagong kaya nagkaroon siya ng mas malaking pwesto sa ilalim. Dahil sa pagtunog ng kadenang tubig, kaya niya lamang napansin na hindi makakaalis ang pagong na iyon. Nakatali ito at hindi madaling matatanggal. Ngayon ay medyo naiintindihan niya na. Maaaring nagsisilbing proteksyon ng nakahiga roon ang bahay ng pagong upang makaiwas sa mga pinsala na ibabato rito. Hindi na rin nagtagal ang pagtingin niya sa lugar dahil sa biglaang paglabas ng nilalang na nakabalabal na kulay putik sa magkakaibang bahagi. Sigurado siyang mga lalaki iyon dahil sa pangangatawan. Ngunit ang naging dahilan ng muntikang pagkalaglag ng panga niya ay ang pagbababa ng mga ito ng balabal upang makita ang mga mukha. Hindi tao o kamukha ng tao ang nasa harapan niya! Ang mga ulo ng tatlo ay sa uwak! Habang ang mga kuko ng kamay ay matutulis at mahahaba. Nang iporma ng mga ito ang kamay sa ere, bigla na lamang lumitaw ang mga espada na hindi niya alam kung saang planeta nanggaling. Kung hindi lang matibay-tibay at matatag ang kanyang isipan, baka tuluyan na siyang nasiraan ng bait. Tama ba na kawangis ng ulo ng uwak ang pang-itaas ng mga ito habang ang pagsasalita ay sa isang tigre? Hindi. Maling-mali! Hindi pa man siya tuluyang nakakaporma dahil sa pagkabigla, bumulaga naman ang mga ito sa pamamagitan ng sabay-sabay ng pagsugod sa kanya! Tila awtomatikong bumalik ang tapang at tatag ng loob ni Rocco nang maalala ang kanyang pamilya. Hindi siya pwedeng mamatay sa lugar na ito! Kailangan niya pang bumalik sa kanyang mundo. Dali-dali ang naging pagsangga ni Rocco gamit ang espadang kanyang hawak sa tatlong sabay-sabay na sumusugod sa kanya. Ramdam niya ang matinding lakas ng tatlo sa pakikipagbuno gamit ang kakaibang patalim. Napapaluhod pa ang kanyang tuhod dahil sa matinding pwersa na ibinubuhos ng mga ito. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi niya magawang panghinaan ng loob. Ang tatag sa kanyang dibdib ay kasingtibay ng pader. Hindi iyon madaling matitibag. Mas nararamdaman niya pa ang takot na hindi na maiiligtas sa piligro ang pamilya kumpara sa pinagdadaanan niya ngayon. Nang unti-unti nang nararamdaman ni Rocco ang pagkanginig ng kamay at pangangalay... Bigla na lamang umilaw ang espadang hawak niya. Nang mas naging maliwanag iyon, tila ba nadama niya ang ibayong lakas na hindi maipaliwanag. Nang mas iniangat niya ang espada, may kakaibang pwersa iyon na naging dahilan upang tumalsik ang tatlo sa magkakaibang bahagi. Ang isa sa mga tumalsik, hindi tuluyang nakalabas dahil sa bakod ng buhangin na biglaang humarang sa buong lugar. “Tinutulungan ka ng buhangin,” saad ng bata. “Hindi maaaring makalabas ang tatlong iyan sa lugar na ito. Manganganib ang buhay mo. Hindi ka nila titigilan hanggang hindi ka nahahanap. Ipapakalat nila ang amoy mo sa kanilang lahi. Uubusin nila ang lahat ng taong malalapit sa iyo. Magiging mangangaso sila at hahanapin ang lahat ng taong nakadaupang-palad mo.” Tuloy-tuloy na saad ng bata na naging dahilan para mas pag-ibayuhin niya pa ang konsentrasyong mayroon siya. Hindi pwedeng mangyari ang mga sinabi nito. Kung nakapunta siya sa mundong ito, hindi rin imposibleng makarating ang mga ito sa kanyang mundo at hanapin ang kanyang pamilya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD