VI

1625 Words
MAY ISANG BAGAY NA labis na kinatatakutan si Rocco, iyon ay ang mapahamak ang kanyang pamilya dahil sa kagagawan niya. Nang magkapamilya siya, hindi na ang sarili at ang organisasyon ang naging prayoridad niya sa buhay. Ang anak at si Clairen na ang parati niyang isinasaalang-alang bago gumawa ng isang malaking desisyon. Kailangan din siya ng kanyang pamilya ngunit ang hindi niya maintindihan, bakit narito siya ngayon sa isang sitwasyon na nakalagay ang isang paa niya sa hukay? Maging ang pamilya niya ay iniligay niya rin sa alanganing sitwasyon. Kung hindi niya mapipigilan ang mga ito dito ngayon, kailangan niya nang maging handa sa susunod na mangyayari. Ngayon, dapat niyang harapin ang bunga ng kapangahasan niya. Muling ibinaling ni Rocco ang tingin sa kanyang mga katunggali. Naging mas maingat siya sa kanyang kilos. Pinag-aralan niya kaagad ang galaw ng tatlo. Gaano man kagaling, o kalakas ang nasa kanyang harapan, isang bagay ang nasisigurado niya, may kahinaan ang mga ito na kapag nakita niya ay magiging lamang niya sa kanilang laban. Sa bawat kilos na ginagawa ng mga ito habang umiilag siya, napansin niya kaagad na limitado ang nagiging paghakbang at galaw ng kalaban. Nang nagtatagal ang pagtitig niya sa tatlo, saka niya napansin ang kakaibang kadena na hindi madaling makita ng mga mata kung hindi pagtutuunan ng pansin. Nakakabit ang mga iyon sa magkabilaang paa ng tatlo. Kumunot ang noo ni Rocco. Labis ang pagtataka niya kung bakit nasa ganoong sitwasyon ang mga ito. Muling umiwas si Rocco at nagpadausdos sa kabilang bahagi kung saan mas malayo ang pwesto niya. Sinipat niyang muling ang isa sa tatlong kalabang naroon hanggang sa mapansin niya ang kadenang nakakabit din sa leeg ng mga ito. Bakit kanina hindi niya napansin ang mga iyon? Bakit tila mahiwaga rin iyon katulad ng lugar na kinalalagyan niya ngayon? Ang tanong, anong mayroon sa mga kadenang iyon para itago sa kanya? Dali-dali ang naging pag-ilag ni Rocco nang magbato ng palakol ang isa sa mga kalaban niyang may ulo ng uwak. Naging masama kaagad ang titig niya roon. Kung nahuli lang kase siya nang panandalian, alam niyang magiging katapusan niya na at paniguradong nagilitan na siya ngayon ng leeg. Sinipat niya naman ngayon ang lapag. Ganoon na lamang ang pagngisi ni Rocco nang makita rin ang kadena na nasa lapag na konektado sa tatlo. Katulad kanina, naging mas mabilis muli ang pagkilos ni Rocco upang mailigan ang pangalawang bagay na ibinato ng kalaban. Ngunit sa puntong iyon, hindi niya na pinalagpas ang pagkakataon. Dali-dali na ang naging pagkilos niya. Dinampot niya kaagad ang parte ng tanikala bago hilahin iyon nang buong lakas. Ganoon na lamang ang pagtataka niya nang mahila niya ang tatlo nang walang kahirap-hirap. Muli niyang hinila ang tanikala at sa pagkakataong iyon, inihampas niya kaagad sa isang poste ang tatlong kalabang may ulo ng uwak. Nang makatayo ang mga ito, ganoon na lamang kalakas ang naging pag-angil sa kanya. Mapapansin ang galit sa paraan ng pagsasalita ng mga ito na hindi niya naman maintindihan. Isang panibagong tanong ang pumasok sa isipan ni Rocco nang makatayo. Bakit magkakakonekta ang tatlo sa iisang kadena? Wala bang tiwala ang boss ng mga ito o may dahilan kung bakit nakakabit ang kadenang iyon? Kung anuman iyon, kailangan niyang malaman. Nang tatayo na si Rocco, ganoon na lamang gulat niya nang gumawa ito ng panibagong tunog na naging dahilan para takpan niya ang taynga. Napakalakas niyon, nakakabingi. Tila ba, sabay-sabay na gumawa ng ingay ang mga uwak at malapit sa kanyang taynga. Hindi niya kaya ang malakas na ingay na ginagawa ng mga ito. Tila puputok na ang kanyang eardrum. Bago pa man sumuko si Rocco at mawalan ng atensyon sa mga katunggali, ganoon na lamang ang gulat niya nang bumalot sa kanya ang buhangin. Ang iba sa mga iyon ay tumatakip sa kanyang taynga. Tila ba pinaprotektahan siya ng buhangin at nagsilbing pananggalang niya sa tatlong kalaban. Ang isa sa tatlong kalaban, sinusubukang kumawala sa buhanging nakaharang sa paligid na naging dahilan upang pare-pareho silang hindi makalabas sa sentro ng harding iyon. Muling naging mas mabilis ang pagsangga niya ng talim na ginamit ng kalaban. Nagpambuno silang dalawa at nagsukatan ng lakas. Laking pasasalamat niya nang mga sandaling iyon dahil sa kabila ng pagtalikod sa kanilang organisasyon, hindi pa rin siya tumigil sa pagsasanay sa pakikipaglaban. Ang nasa isipan niya nang mga panahong nagsasanay ay ang pamilya. Inihahanda niya parati ang sarili sa mga posibilidad na maaaring mangyari kung sakaling magkaroon siya ng malaking problema. Nang mapansin ng mga ito na walang silbi ang paulit-ulit na pagpipilit na makalabas doon, muli siyang binalingan ng kalaban. Sa pagkakataong iyon, naghiwa-hiwalay na ang mga ito ng pwesto. Iyon na ang nakita niyang pagkakataon upang sumugod. Gamit ang espadang hawak, ibinato niya kaagad iyon sa isang kadena na nakakonekta sa uwak na may katawan ng tao. Gustuhin mang umilag ng mga ito ay huli na dahil pare-parehong magkakalayo ang pwestong kinalalagyan ng tatlo. Ang isa pa sa mga pagkakamaling ginawa ng tatlo ay ang tumakbo sa magkakaibang direksyon na naging dahilan upang mas mahila ang kadena at makita niya ang sentro niyon. Nang tamaan ang gitnang bahagi ng kadena, muli niyang narinig ang nakakatuliling tunog na ginagawa ng tatlo. Pumalibot na naman sa kanya ang mga buhangin upang maging proteksyon niya. Walang takot na lumapit si Rocco sa mga nagkakagulong kalaban. Hinugot niya ang espadang bumaon sa parteng pinagbatuhan ng kadena kanina at dali-daling ibinaong muli sa gitnang bahagi na naging dahilan upang makalas nang tuluyan ang kadenang tila siya lamang ang nakakakita. Parang babasaging muwebles ang naging tunog niyon nang tuluyang magkahiwa-hiwalay at mabasag. Nang tuluyang maglaho ang kadena, ganoon na lamang ang pagsabog muli ng matinding liwanag. Sa pagkakataong iyon, hindi na lamang gawa ng kadena ang matinding liwanag dahil maging ang katawan ng tatlong kalaban niya kanina ay nagliliwanag din. Nang mawala ang matinding liwanag ay siya namang paglipad ng tatlong uwak kasabay ng pagbagsak ng tatlong katawan sa lapag. Ganoon na lamang din ang pag-awang ng bibig ni Rocco nang masaksihan niya kung papaano tamaan ng matutulis na pilak na nanggaling sa kung saan ang mga uwak na pilit tumakas sa lugar na iyon. Nang bumagsak ang tatlong uwak sa lapag, saka lamang din unti-unting bumababa ang pagong na may katawang nakahiga kanina na kamukhang-kamukha niya. Mula roon ay bumaba ang batang nanghingi ng tulong sa kanya kanina. Walang takot na lumapit ito sa mga naging kalaban niya kanina. “Bumalik na ang mga mukha nila. Sila ang mga nawawalang katiwala ng kaharian,” paliwanag ng bata sa kanya. Muling nadagdagan ang tanong sa isipan ni Rocco. Sino ba ang batang ito at bakit habang nagtatagal ay napapansin niyang tila ba matanda ang kausap niya at hindi bata? Bahagyang tinapik ng bata ang malaking pagong na sinakyan nito kanina. Mabilis ang naging pagtaas niyon sa patungo sa ere. Hindi pa man nagtatagal ay naglaho iyon sa kanyang paningin. “Halika...” saad ng bata sa kanya at hinila siya sa isang pasilyo na naman. “Ilang kalaban?” hindi niya mapigilang huwag magtanong. Mas maganda nang maihanda niya ang sarili upang hindi siya mabigla sa susunod na mangyayari. “Walang kalaban,” seryosong saad nito. “Heto...” turo nito upang maigaya ang paningin niya sa iisang diresyon. Ganoon na naman ang pagtataka ni Rocco nang makita ang isang babae na may yakap-yakap na katawan. Katulad ng batang nanghingi ng tulong sa kanya kanina, kulay puti rin ang buhok nito. Ang kaibahan nga lang ay kulot ang sa babae. Habang mas lumalapit siya dito, hindi niya maitatangging napansin niya kaagad ang magandang mukha nito. Maaari na nga itong ihalintulad sa isang diyosa dahil sa mala-manikang mukha, malalantik na pilik-mata, at manipis na labi pero para sa kanya, wala pa ring hihigit sa ganda ng asawa niya. Ito pa rin ang nag-iisang pinakamaganda sa paningin niya. Sumunod namang nabaling ang tingin ni Rocco sa yakap-yakap nitong lalaki. Muntikan na namang umawang bibig niya nang makitang iisa ang mukha ng nakahimlay sa malaking-malaking pagong at ang taong nasa harapan niya. Ang kaibahan ng dalawa ay ang nasa kanyang harapan ngayo’y naliligo sa sarili nitong dugo. Ang suot nitong damit ay kulay maroon na may lining at burda na ginto. Maging ang mukha nito ay may bakas ng dugo at mahahalatang galing sa matinding labanan dahil sa mga hiwa ng damit na nakinita niya ngayon. “Iisa sila,” saad na naman ng bata. “Ang katawan ng aking asawa ay nasa aking tabi habang ang kaluluwa nito ay nasa ligtas na lugar,” paliwanag ng babaeng may magandang mukha. “Iyong nasa loob ng bahay ng pagong?” interesadong tanong ni Rocco. Makikita ang pagkagulat sa mukha ng babae. “Nakita mo?” “Oo,” walang pagdadalawang-isip niyang sagot dito. “Nakahiwalay ang katawan niya dahil umiiwas kami sa mas malaking pinsala na maaaring mangyari kung hindi magawan ng paraan ang pagtakas namin. Ito lamang ang—” Hindi na napagtuunan ni Rocco ang susunod na sasabihin ng babae nang marinig niya ang muling pagtunog ng tambuli. Napakataas ng palasyo ngunit bakit nakakarinig din siya ng matinding pagbuhos ng ulan? Maging ang matinding pagkulog at pagkidlat ay naririnig niya rin na naman ngayon. Ang sumunod na pangyayari ay magulo na kay Rocco, ngunit isa lang ang nasisigurado niya nang mga sandaling iyon, nakabalik na siya sa kanyang mundo dahil nakikita niya na ngayon ang malawak at madilim na kagubatan. Ang sumunod na pangyayari ay hindi inaasahan ni Rocco... Isang patalim kaagad ang sumalubong sa kanya! Sa pagkakataong iyon ay hindi niya naiwasan ang pagtama nito sa kanyang katawan. Ganoon na lamang ang paglaki ng mga mata ni Rocco nang bumaon iyon sa kanyang sikmura. Nakabaling lamang ang tingin niya sa pataong nasa katawan...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD