GUSTONG SUMIGAW ni Rocco dala ng matinding sakit na nararamdaman. Tila pinag-aagawan ang katawan niya pakaliwa at pakanan. May humihila sa kanya sa magkaibang bahaging malakas na pwersa. Dahil doon ay para siyang pinupunit at binabalatan nang buhay. Sinasakop ng maraming hangin ang kanyang baga ngunit nahaharangan ng kung ano ang kanyang bibig at pinipigilan sa kahit na anong ilalabas. Hindi rin siyang maaaring magkamali, lumulutang ang kanyang katawan! Ang nasa paligid niya ay iba’t ibang kulay. Nagkikislapan iyon at napakatingkad. Tila ibinaba ang langit, bituin, at mga mineral upang maging ganito kaliwanag at kaganda. Ang kanyang pandinig ay nawalang panandalian. Tila naharangan iyon. Para sa kanya, iyon na ang pinakamatagal na dalawang minuto ng kanyang buhay dahil sa kabila ng kagandahan ng paligid, dama niya ang matinding paghihirap.
Muli, nararamdaman ni Rocco ang mas malakas pang pwersa na humihigop sa kanya. Para namang pinupulupot ang kanyang katawan habang isinisiksik sa makipot na lugar. Hanggang sa madama niya ang matinding paghila sa kanya ng kung anong pwersa. Sa pagkakataong iyon, nagawa niya ng sumigaw. Ngunit bakit wala siyang marinig?
Nang bumagsak ang kanyang katawan, ang unang ginawa ni Rocco ay habulin ang kanyang paghinga. Dama niya ang matinding pagkahapo. Tila tumakbo siya nang napakalayo. Ang pawis niya ay tagaktak. Paulit-ulit niyang ginawa ang paghahabol ng hininga. Hindi siya tumigil hanggang hindi kumakalma ang kanyang puso sa mabilis na pagtibok. Ang pandinig niyang nawala kanina ay unti-unti na ring bumabalik.
Ang unang pumailanlang sa kanyang taynga nang mga sandaling iyon ay ang malakas na pagsigaw. Naroon na naman ang matinding pagpalahaw ng kababaihan at ang mga batang nag-iiyakan. Sumusuot na naman iyon sa kanyang taynga. Tila pinipiga ang kanyang dibdib. Bakit nasasaktan siya sa mga ito? Bakit tila sinasadyang ipinapadama rin iyon sa kanya?
Iminulat ni Rocco ang kanyang mga mata. Dali-dali rin ang pagtayo niya ngunit pinagsisihan niya iyon dahil sa matinding pagkahilo. Tila umiikot ang lahat ng nakapalibot sa kanya. Piniling kumapit ni Rocco sa unang bagay na mahahawakan niya. Sa kabila ng nararamdaman, hindi niya maiwasan na huwag mapangisi. Ang asawang guro kase ang unang pumasok sa kanyang isipan. Ang mga aral nitong itinatanim sa kanilang anak ang naging baon at gabay niya rin dahil sa pakikinig dito.
Melly, possibleng mawala ang balanse ng ating katawan kapag naapektuhan ang ating pandinig. May likido at maliliit na buhok sa ating taynga na nagsisilbing sensor natin, kapag naapektuhan iyon, pati ang balanse ng ating katawan ay madadamay.
Nang maalala ang kanyang mag-ina. Himalang tila bumabalik ang lahat ng lakas ng kalamnan niyang parang nalulumpo at binugbog kanina. Kasabay sa paghabol nang isang beses pa sa malalim niyang paghinga, pinagmasdan ni Rocco ang nasa paligid niya.
Napakagulo. Napakaingay. May mga nagtatakbuhan sa iba’t ibang bahagi. Ang rason, hindi niya pa alam. Nang bigyang atensyon ni Rocco ang pinagkakapitan niya upang hindi matumba, ganoon na lamang ang dali-dali niyang pagbitaw doon. Tama ba ang nakikita ng kanyang mga mata? Ang puno, dinadaluyan ng lava! Napaatras si Rocco. Ang tingin niya ay nasa palad na hindi manlang napaso. Ibinalik niya ang tingin sa puno. Lumulutang din ang punong iyon ngunit ang ugat na nagsu-supply ng lava paitaas ay nakabaon pa rin sa lupa! Isang metro ang taas niyon sa lupa at nang dahil sa ugat ay hindi tuluyang nakakalipad. Dahan-dahan siyang nag-angat ng paningin sa punong nasa kanyang harapan.
“Holy sh*t!” bahagyang napanganga si Rocco nang makita niyang bumubuga ng apoy ang puno.
Para iyong dragong galit na galit. Imbes na dahon ang nakakapit sa mga sanga, ang naroon ay baga na makikita sa kalan sa tuwing nagpapalingas. Kung hindi lang magulo ang nasa kanyang paligid, gusto niya pang bigyan ng pansin ang punong dinadaluyan ng mas mainit pa sa baga.
Nang mas mag-angat ng tingin si Rocco, ganoon na lamang na naman ang pagkamangha niya. Hindi ulap o araw ang nasa itaas at mas lalong hindi bituin o buwan ang naroon kung hindi tubig na kumukulo! Hindi rin kahit na anong uri ng isda ang makikita kung hindi ibon at alitaptap na lumalangoy. Nakakita pa siya ng malaking agila na tinitigan siyang panandalian bago magpatuloy sa paglangoy.
“Ano bang nangyayari sa mundo? Nababaliw na ba ako o ang mundo ang nababaliw?” tanong ni Rocco sa kanyang sarili matapos sampalin ang pisngi. Ngunit kahit na anong lakas ng pagsampal niya ay ganoon pa rin ang nakikita niya.
Muli ang pagbalik ng tingin niya sa paligid. Wala pa ring humpay ang pagsisigawan ng mga tao para sa kanilang mga buhay. Ngunit hindi ordinaryong giyera ang natutunghayan niya ngayon. Kakaiba iyon sa kanyang kaalaman. Hindi bala o granada ang ibinabato ng kalaban—isang malaking-malaking bola ng asul na apoy!
Kung hindi siya nagkakamali, ang asul na apoy ay mas mainit pa sa pula.
Napakamot si Rocco sa kanyang sintido gamit ang hintuturong daliri nang tumingin siya sa kanyang pambisig na orasan. Pabaliktad kase ang pagtakbo ng oras sa lugar.
“Lahat talaga baliktad.” Umiiling niyang saad.
Natigil sa malalim na pag-iisip si Rocco nang marinig ang mahinang pag-iyak ng bata. Nagpalinga-linga si Rocco upang mahanap ang kung saan nanggagaling ang tinig na iyon. Nang lumingon siya sa kanang bahagi, roon niya unti-unting nasipat ang batang wala pa ring tigil sa pag-iyak. Noong una, akala niya’y guni-guni niya lamang iyon ngunit nang tumatagal ay nakakasigurado na siyang totoo dahil papalapit na ito sa kanya. Habang lumalapit ito, mas nakikita niya ang hitsura. May kulay puting mahabang buhok ang bata. Sa unang tingin, maaari itong pagkamalang babae dahil sa porselanang kutis ngunit dahil sa matagal na pagtitig niya, unti-unti siyang nakakasisigurado na lalaki ito.
Ang sumunod na nakakuha ng atensyon niya ay ang suot nitong damit. Marami iyong bakas ng dugo. Maging ang pisngi at ibang parte ng katawan nito ay mayroon din. Ang suot na pangyapak ng bata ay hindi kompleto. Wala itong sapin sa paa sa kanang bahagi.
Sa lahat ng mga napansin niya rito, isang bagay ang nagtulak ng dahilan kay Rocco upang tuluyang gumawa ng aksyon ang kanyang katawan—nang dahil sa hawak nitong espada, nagawa niyang kumilos. Napakabilis ng paglapit niya rito. Patakbo na iyon at mapapansing wala na siyang pakiaalam sa paligid kahit pa may nagbabatuhan ng apoy.
Nang tuluyan siyang makalapit dito, ang unang ginawa ni Rocco ay hawakan ito sa magkabilaang bahagi ng pisngi. Mapapansin kase ang labis na pagkatulala ng bata kaya alam niyang hindi niya ito matatawag nang mabilisan dahil sa pagiging tulala. Nang makuha niya naman ang atensyon nito, napansin niya ang paghabol ng malalim na hininga ng bata. Hindi pa man nagtatagal, ganoon na lamang ang sunod-sunod na pagtulo ng luha nito.
“A-ang aking ama...” ang unang katagang namutawi sa bibig nito. “Tulungan mo aking ama. Pakiusap...”
Nang mga sandaling iyon, tila may kung anong humaplos sa kanyang puso habang nakatingin sa kulay abong mga mata nito. Naramdaman niya ang matinding pagsusumamo at disperasyon sa tinig nito na matulungan ang ama sa kabila ng kalagayang sinapit.
“Ito...” iniabot nito sa kanya ang espadang hawak.
Nang unang mahawakan iyon ni Rocco, tila pati ang kanyang dalawang kamay ay tinangay paibaba. Napakabigat ng espada para madala maging ang katawan niya. Mabuti na lamang at may maganda siyang panimbang kaya hindi tuluyang kumain ng lupa.
“Kinikilala ka ng espada. Dahil iisang dugo ang nananalaytay sa inyo ng aking ama, hindi mo tuluyang nabitawan ang espada. Unti-unti ka na niyang pinapakinggan at hinahayaang kontrolin siya,” tulalang paliwanag nito.
Naguguluhan si Rocco sa mga sinasabi nito ngunit hindi sapat na dahilan iyon para mawala ang konsentrayon niya sa hawak na espada. Muli niyang ibinuhos ang atensyon doon. Mayamaya pa, unti-unti niya ng nararamdaman ang paggaan ng espada. Hindi pa nagtatagal, tila himalang nadala niya iyon na parang isang papel.
“Nasaan ang papa mo?” tanong niya kaagad dito.
Noong una ay halatang hindi pa naintindihan ng bata ang kanyang sinabi. Nang kalaunan ay kaagad na hinila nito ang kanyang kamay patungo sa kung saang bahagi ng kawalan. Habang tumatakbo sila ay biglaang nagpakita ang napakalaking palasyo. Habang tumatagal, tila ba mas nagiging malaki iyon sa kanyang paningin at parang ito ang lumalapit sa kanila. Hanggang sa makapasok sila sa isang engrandeng gintong pintuan, ganoon pa rin ang itsura ni Rocco, gulat at namamangha. Ang akala niya talaga kanina’y napakalayo ng tatakbuhin nila.
Hindi niya rin inaasahan ang bubungad sa kanya nang mapabaling ang tingin sa paligid. Sa kabila ng pagiging magara ng lugar, mababakas ang mga nagkalat na katawan at dugo roon. Makikita rin ang matinding paghihirap sa mga ito.
“Dito,” kinuha nito ang kanyang atensyon nang hilahin siya papasok sa isang sikretong silid.
Patuloy ang paghila ng bata sa kanyang kamay habang walang tigil ang kanilang pagtakbo. Siya naman heto, patuloy din ang pagsunod dito habang kung saan-saan nababaling ang atensyon...