HINDI INAASAHAN NI Rocco ang patalim na tatama sa kanya kaya naman bakas pa rin ang matinding pagkagulat sa kanyang mukha. Nagpabalik-balik rin ang tingin niya sa lugar na pinagbaunan ng patalim at taong bumato niyon sa kanya nang makabalik siya sa mundo. Alam niyang hindi niya makikita ang mukha nito dahil sa suot na itim na maskara ngunit hindi niya pa rin inaalis ang patuloy na pagtingin dito. Nagbabaka-sakali siya na makakakita ng kahit isang palatandaan upang mahuli kaagad ito kung sakaling makatakas sa kanya. Pumasok din sa isipan niya ang kalaban ng kanilang pamilya. Hindi imposibleng hindi iyon konektado sa mga nangyayari ngayon.
Naging matalim ang paraan ng pagtitig ni Rocco sa taong nasa harapan niya ngayon. Matindi ang pagkaka-kapit niya sa kamay nitong may hawak ng kutsilyong nakabaon ngayon sa kanyang sikmura. Hangga’t kaya niya, handa siyang makipagmatigasan dito at pigilan ito.
“Sino kayo?” mariin niyang tanong dito. “May naging kasalanan ba ako sa inyo?” tanong niyang muli rito ngunit katulad kanina, hindi ito sumasagot.
Nang tangkain niyang itaas ang kamay upang tanggalan ito ng tabing sa mukha, dali-dali ang naging pag-aksyon ng kalaban at kaagad na pinigilan ang kamay niyang nasa ere. Nagmatigasan sila nang mga sandaling iyon. Makikitang parehong walang gustong magpatalo kahit pa sa paraan iyon ng pagtitig.
Sinubukan muling tangkain ni Rocco na tanggalin ang maskara nito ngunit kahit anong pilit niya ay matigas ito at iniiwasang makita ang mukha. Dahil may katigasan ang ulo, hindi pa rin nagpatalo si Rocco. Gamit ang kaliwang paa, sinubukan niyang tisurin ang kalabang iyon ngunit tila ba napag-aralan nito ang ganoong uri ng galaw niya dahil sa mabilis na paggawa nito ng aksyon. Mukha ring hindi nagustuhan ng lalaki ang ginawa niya dahil mas isinagad nito ang pagkakabaon ng kutsilyo sa kanyang sikmura. Mapapansin din ang matinding pagpipigil nito ng galit na hindi niya alam kung saan nanggagaling.
“May atraso ba ako sa inyo?” tanong niyang muli ngunit katulad kanina ay hindi ito sumagot.
Muling bumuhos ang malakas na pagpatak ng ulan. Malalaman iyon sa mabibigat na ibinabagsak ng kalangitan. Kahit pa nasa loob ng kagubatan, nararamdaman niya pa rin ang bawat pagtama niyon sa mga lugar na binabagsakan.
Nang balingan niyang muli ng tingin ang kanyang katunggali, makikita ang paglaki ng mga mata nito.
Kasabay ng malakas na pagkidlat at pagkulog, ang siyang pagliwanag ng paligid na naging dahilan upang makita niya ang anino na nakapwesto sa kanyang likuran. Hindi na nagawa pang gumalaw ni Rocco nang hatawin siya ng kung anong matigas na pamalo sa batok! Dahil sa malakas na pagpalo nito, kaagad niyang nabitawan ang kaharap na katunggali. Panandaliang nawala ang lakas ng kanyang mga kamay at paa kaya kaagad na bumagsak siya sa lapag.
Sinubukan niya pang pigilan ang pagtakas ng kalabang iyon habang nakayuko, ngunit ang mga kamay niyang nanginginig, hindi nakikisama. Kaya sa huli, tuluyan din siyang bumitaw rito.
Ramdam ni Rocco ang pag-ikot ng kanyang mundo. Pinakawalan niya ang malalim na paghinga. Hindi siya maaaring sumuko. Kaya sa huli, hindi niya pinagtuunan iyon ng pansin. Ang pamilyang may kailangan sa kanya ang laman ng isipan niya. Hinayaan niya na ring makatakas ang dalawang kalaban na tila ba nagmamadali sa pagtakbo.
“Melly...” mahina niyang saad at buong lakas na kumapit sa puno. “Clairen...”
Paulit-ulit na ipinipilig ni Rocco ang kanyang ulo upang malabanan ang pagkahilo. Dama niya rin ang labis na panlalamig ng kanyang batok sa lugar ng nahataw ng kung anong matigas na bagay. Nang hawakan niya ang parteng tinamaan, tila ba wala na iyong pakiramdam. Nang dahil sa matatalim na kidlat, tuluyan siyang nakalabas ng pusod ng kagubatan.
Nang makitang wala na si Levin sa pwestong pinag-iwanan niya kanina, muling nagpatuloy si Rocco sa paglalakad patungo sa kanilang tahanan.
Lulugo-lugo at wala sa sariling pumasok siya sa kanilang bahay. Hinanap niya kaagad ang kanyang mag-ina. Nagbabaka-sakali siyang naroon lang ang mga ito at hinihintay siya. Sinimulan ni Rocco ang pag-ikot sa kabahayan habang nakatuon ang pansin sa patalim na nakabaon sa kanyang sikmura. Walang takot na hinugot niya iyon habang kagat-kagat ang braso. Tinapon niya lang sa kung saan at nagpatuloy muli sa pag-ikot sa bahay para hanapin ang kanyang pamilya.
Ang unang pinuntahan ni Rocco ay ang kanilang kwarto ngunit bigo siyang makita roon ang asawa. Hindi naman siya nag-aksaya ng pagkakataon at isinunod niya ang kwarto ng kanilang anak. Ngunit katulad kanina, muli siyang nabigo sa paghahanap sa mga ito. Dali-dali ang pagbaba ni Rocco ng hagdan nang mabigo sa paghahanap sa itaas. Naalala niya kase si Caci at Levin. Alam niyang nasa malubhang kalagayan ang dalawa.
“Caci...” tawag niya sa kinakapatid nang makitang naroon pa rin ito at hindi nawala sa dating pwesto.
Muling ipinilig ni Rocco ang kanyang ulo upang manumbalik siya sa wisyo. Dama niyang anumang sandali ay bibigay ang kanyang katawan at mawawalan na siya ng malay. Napakabigat na ng kanyang mga mata at gustong pumikit.
Pinilit ni Rocco na akayin ang kinakapatid. Kailangan nitong madala kaagad sa hideout dahil maaaring marami ng nawawalang dugo rito. Nang subukan niya noong una na akayin ito, sabay silang bumagsak sa lapag na dalawa.
Dahil tumama ang likuran niya, ganoon na lamang ang pagdaing ni Rocco. Maging ang sikmura niya kaseng may tama ay nasagi.
Nang kumidlat muli, nagkaroon siya ng pagkakataon na pagmasdan ang kinakapatid ngunit hindi niya nagustuhan ang nakita rito. Labis na ang pagkaputla ni Caci. Iba na rin ang kulay nito na naging dahilan ng labis niyang pag-aalala.
Hindi na naisip ni Rocco ang sarili. Ang maagapan ang kinakapatid na nasa bingit ng kamatayan na ang prayoridad niya ngayon. Dali-dali ang pag-akay niya kay Caci at pagdala sa parking lot ng kanilang bahay.
Ang tagpong naabutan doon ang naging dahilan ng pag-awang ng bibig ni Rocco. Tama ba ang nakikita niya? Ang kanilang driver, may mga katunggali ngayong nakatabing ang buong mukha ng itim na tela. Hindi iisa ang kalaban nito kung hindi sampu! Lalong umawang ang bibig ni Rocco nang mapansing tila ba normal ang mga paa nito at walang problema sa paglalakad. Nakapakaliksi rin ng pagkilos nito at para bang sanay na sanay na sa pakikipaglaban. Sigurado ba talaga siya sa nakikita? Si Bert ito na kanyang driver! Nasa edad kwarenta at may problema sa paglalakad ngunit kaharap ngayon ang napakaraming kalaban! Lahat ng nagiging pag-atake ng mga kalaban nito nagagawang mailagan ni Bert nang walang kahirap-hirap. Mabilis din ang nagiging pagkilos nito at pinapaulanan ng suntok ang mga kalaban.
“Sir Rocco, ang Sir Levin, kailangang dalhin din sa hideoutl!” saad ng kanilang driver.
Paano nito nalamang naroon siya kung hindi naman lumingon nang kahit na isang beses sa kanyang direksyon? Mas lalong hindi siya nito makikita dahil ang pwestong kinalalagyan niya ngayon ay napakadilim. Imposible. Nasisiraan na ba talaga siya ng bait? Nanaginip lang ba siya? Lahat ng imposibleng mangyari ngayon sa totoong mundo ay nararanasan niya. Kung panaginip man ito, bakit napakatagal naman?
“Sir, ang Sir Levin!” ulit muli ni Bert.
Doon lamang muling nanumbalik sa reyalidad si Rocco. Dali-dali ang pagsipat niya sa mga sasakyang nasa kanilang garahe. Hindi siya tumitigil hangga’t hindi nakikita ang kanyang pakay.
Nang masipat si Levin na nasa itim na kotse, muling naging mabilis ang paglalakad niya. Mas naging mahigpit din ang pagkakahawak niya kay Caci. Iyon na yata ang pinakamabilis na pagkilos niya sa tanang buhay.
Nang maipasok ang kinakapatid sa sinasakyan sa tabi ni Levin at makabitan ng seatbelt, naging mabilis kaagad ang pagsarado niya ng pinto.
May pagmamadali ang naging pag-ilag ni Rocco sa kalabang may hawak ngayon ng baseball bat. Hindi niya hahayaang madungisan ang paboritong baseball bat ni Levin ng kanyang dugo. Hindi nito magugustuhan iyon. Labis ang paghanga nito sa kanya na umaabot sa puntong nagiging over-acting na ito. At dahil kilala niya si Levin, alam niyang hindi na nito hahawakan ang bagay na nakasakit sa kanya.
Habang nakayuko, naging mabilis ang pagkilos ng kaliwang paa ni Rocco. Gamit iyon, tinisod niya ang katunggaling nasa harapan. Hindi niya ito hinayaang matumba kaagad dahil hinuli ng kaliwang kamay niya ang baseball bat na hawak nito. Naging malakas din ang pagtulak niya rito na naging dahilan ng pagbitaw nito sa baseball bat na hawak at pagbagsak sa lapag.
“Siguradong hindi lamang ito ang ipinadalang kalaban. Kailangan niyo na hong makaalis dito, Sir Rocco!” pasigaw na wika ng kanyang driver dahil ang atensyon ay nasa pakikipaglaban pa rin.
“Mang Bert,” gulat niyang saad dito. Hindi niya pwedeng iwan ang kanyang driver na kaharap ang maraming katunggali.
Maliksi ang naging pagkilos ng kanyang driver. Walang kahirap-hirap na naiilagan nito ang mga kalabang nasa harapan. Sa bawat pag-ilag ay nagawa pang umatake sa katunggaling maabutan ng kamao nito. Tila hangin sa bilis ang kanyang driver. Bawat pag-atake naman ng kamao nito ay siyang pag-urong ng mga kalaban.
Kahit tila humihiwalay na ang kamalayan ni Rocco sa mundo, hindi siya maaaring magkamali sa nakikita. May kakaibang bilis at lakas ang kanyang driver na hindi pangkaraniwan sa tao. Para bang hindi pa nito nagagamit ang lahat ng lakas na iyon dahil naroon siya at nanonood.
“Sir!” sigaw muli ni Bert.
Naintindihan kaagad iyon ni Rocco at naging mabilis ang pag-ilag niya pakanan. Sinundan niya rin ng tingin ang tatlong patalim na ibinato ng kalaban. Kung natamaan siya niyon, paniguradong tatagos sa kanyang katawan ang kutsilyo dahil sa malakas na pagtapon ng kalaban. Dalawang sasakyan niya rin ang inabutan kaya hindi siya maaaring magkamali sa kalkula.
Sa pagkakataong iyon, hindi na nagdalawang-isip si Rocco na sumakay sa sasakyan. Hindi niya na kailangang itanggi na nagiging pabigat siya sa kanyang driver dahil inaalala pa siya nito habang nakikipaglaban. Hindi niya rin hahayaang mapahamak ito ng dahil sa katigasan ng ulo niya. Naging malakas na lang ang paniniwala niyang babalik ito nang ligtas sa kanila.
Nang subukang lumabas ni Rocco ng garahe. Dalawang nakamaskara ang humarang sa kanilang daanan ngunit hindi niya pinahinto ang sasakyan bagkus mas naging mabilis pa ang pagpapatakbo niya roon.
Madilim ang mukha ni Rocco nang tuluyang makalagpas sa kanilang mga kalaban. Hindi niya nagugustuhan ang mga nangyayari ngunit wala siyang magawa.
Habang binabaybay ang daan, palakas nang palakas muli ang pag-ulan. Tila ba nagiging matalim ang bawat patak ng ulan na bumabagsak para lumikha ng malakas na pagtunog sa kanyang sasakyan. Kahit wala ng ilaw ang mga poste, nagiging maliwanag pa rin ang paligid dahil sa matatalim na kidlat sa kalangitan. Habang nasa daan din sila, muling nanumbalik ang pag-iisip niya sa kanyang pamilya. Hindi niya alam kung nasaan ang kanyang mag-ina. Gustuhin niya mang ipagpatuloy ang paghahanap sa mga ito, hindi niya magawa dahil sa kalagayan niya. Habang tumatagal din, hindi niya na maigalaw ang ibang parte ng katawan. Alam niyang resulta iyon ng maraming dugong nawawala sa kanya.
Hindi na nakatawag ang kanyang mga tauhan sa kanyang ama. Sigurado siya sa bagay na iyon dahil kung nakahingi ang mga ito ng tulong, hindi papayag ang ama niya na hindi sila matulungan. Susuungin nito ang daan kahit pa anong sama ng panahon. Walang makakapigil dito kung sila ng mga kinakapatid niya ang pinag-uusapan.
Panandaliang binalingan ni Rocco ng tingin ang dalawang kinakapatid sa likuran. Nag-aalala siya sa kalagayan ng mga ito. Kailangan na talagang maidala kaagad ang dalawa sa pagamutan.
Nang muling ibalik ni Rocco ang tingin sa kalsada, ganoon na lamang ang gulat niya nang isang malaking-malaking aso ang bumulaga sa kanilang daanan. Hindi lang iyon isang normal na aso dahil may tatlong ulo ito! Ang isa sa tatlong ulo ay sa parrot, habang ang nasa kanan ay ahas at ang nasa gitna ay sa aso na kahawig ng Cayote. Eksaherado na kung sasabihin ngunit ang taas nito ay halos kasingtaas ng Pyramid! Nang ihakbang nito ang isang paa, literal na nagkaroon ng tila malakas na paglindol.
“What the f*ck!” gulat na bulalas ni Rocco. Hindi na siya nagmumura dahil iniiwasan niyang marinig ni Melly ngunit kahit sino ay makakapagmura sa bumulaga ngayon sa kanya!
Hindi pa man nakakahuman sa pagkabigla nang pagpapakita ng kung anong nilalang sa kanya, ganoon na lamang din ang bilis ng pagkawala nito sa paningin niya. Nang muli itong magpakita ay nasa harapan na nila! Hindi pa roon natatapos ang panggugulat nito dahil ginamit nito ang kaliwang paa at sinipa ang sasakyan nila.
Parang nawala ang kaluluwa ni Rocco sa katawan ng tumilapon ang kanilang sasakyan! Tila isa silang bola na lumipad sa napakalayong direksyon. Dahil sa malakas na pagtilapon kaya naging malakas din ang paghampas niyon sa kung saang bahagi.
Parang umalog ang buong mundo ni Rocco nang mga sandaling iyon. Laking pasasalamat niya at bulletproof ang sasakyang gamit nila. Hindi madaling mabasag ang mga salamin na maaring tatama sa kanila kung ordinaryong sasakyan ang pinili niyang gamitin kanina.
Laking pasasalamat niya at nalagyan niya ng seatbelt ang dalawang kinakapatid bago umalis ngunit nakalimutan niya ang sarili. Kaya nang bumangga ang sinasakyan, naging malakas din ang paghampas ng katawan niya sa kung saang bahagi ng sasakyan. Pinilit ni Rocco na kumilos ngunit tinatraydor na siya ng kanyang katawan. Hindi niya na rin maigalaw ang lahat ng parteng iyon. Pigilan niya man ang pagpikit ng mga mata ay hindi niya na magawa. Ang huling nasilayan ng kanyang mga mata ay ang paglobo ng airbag sa pwesto ni Caci at Levin. Lihim siyang nanalangin nang mga sandaling iyon na sana’y nasa maayos na kalagayan ang dalawa.