MALAKAS NA PAG-ULAN, pagkulog at pagkidlat ang nasaksihan ni Rocco. Ang tahanan nila ay walang ilaw dahil sa pagbagsakan ng mga poste ngunit naaaninag niya ang ibang bahagi ng bahay sa tuwing kumikidlat nang malakas. Magulo, basag ang mga kagamitan, at mga dugong nagkalat sa paligid ang sumalubong sa kanya nang pumasok sa kanilang tahanan. Nang mga sandaling iyon, dama ni Rocco ang matinding kawalan ng lakas. Tila ba gusto niyang takbuhan ang mga susunod na eksenang makikita ngunit naroon din sa kanyang isipan ang kuryusidad.
Ngunit pansin niyang habang tumatagal, unti-unting nag-iiba ang mga nasa kanyang paligid hanggang sa sumilay ang matinding liwanag. Kaagad na itinakip ni Rocco ang kamay sa mga mata nang sumabog pa ang mas matinding liwanag na nakakasilaw.
Nang tila higupin ng kung ano ang matinding liwanag, panibagong lugar na naman ang nakita ni Rocco.
Sa lugar na iyon ay makikita ang iba’t ibang uri ng luntiang pananim. Napakarami rin ng bulaklak na nagkalat sa paligid kaya hindi na rin nakakagulat kung maraming paruparo sa lugar. Maririnig din doon ang huni ng ibon. Pawang may iisang tono na kinakanta ang mga ito. Hindi niya man naiintindihan ngunit tila ba’y napakasaya ng awiting iyon.
Ngayon pakiramdam niya, nasa loob siya ng librong binabasa parati kay Melly sa tuwing matutulog na ang anak. Hindi rin siya sigurado kung nanaginip lamang siya o totoo ang lahat ng nakikita ng kanyang mga mata. Ngunit ang mga nasaksihan niya nitong mga nakaraan, sapat ng dahilan upang pagdudahan niyang laman ng panaginip ang lahat ng ito.
Napukaw ng atensyon ni Rocco ang sapa. Doon, pinagmasdan niya ang repleksyon sa tubig. Hindi pangkaraniwang nagsusuot ng puting damit si Rocco lalo na kapag mahaba ang manggas kahit noong binata pa siya kaya ganoon na lamang katagal ang pagtitig niya sa katubigan. Naiipon din patungong likuran ang medyo may kahabaang buhok niya na dating ayos noong wala pa siyang asawa.
Ngayon, muli siyang nagdududa na totoo ang nakikita ng kanyang mga mata. Muntikan niya nang hindi makilala ang sarili.
“Ano pang dahilan ng iyong pagdududa?”
Nilingon kaagad ni Rocco ang nagsalita mula sa kanyang likuran ngunit ganoon na lamang ang pagkunot ng noo niya nang hindi akma sa boses ng nagsasalita kanina. Boses ng mama ang narinig niya habang nakatingin sa katubigan ngunit ang nasa kanyang harapan ay isang batang babae.
Itim na itim ang buhok ng bata. Nakatirintas iyon ng dalawa at ang dulo ay may puting ribbon. May suot din itong puting bestida at naka-sandals. Napakaputi rin nito at parang isang manika. Ngunit nang kumurap si Rocco, iba na naman ang itsura nito. Isa namang matandang ermetanyo ang nasa harapan niya. Nag-ibang muli ang itsura nito at isa namang ginang ngayon.
Kung may pagkakapareho man ang lahat ng pagpapalit-palit nito ng katauhan, masasabi niya sigurong ang kulay ng damit nitong puti iyon. Bukod doon ay wala na.
“Hindi ka nabibigla?” tanong nito sa kanya nang mapansing wala siyang naging reaksyon.
Sa daming nangyari, sapat na sigurong maging dahilan niya iyon upang panatalihin niya ang pagiging kalmado. Isa pa, hindi siya matutulungan ng pagiging aligaga niya.
Ipinagsalikop ni Rocco ang kanyang braso. Ang tingin niya ay hindi inaalis sa kaharap.
Nang mapansin nitong hindi siya interesado sa kung anumang ipakita nitong katauhan, saka lamang tumigil ang pagpapalit-palit ng anyo ng kausap niya. Sa pagkakataong iyon, pinanatili nito ang lalaking itsura na hindi nalalayo sa edad na limampu. Suot nito ang puting damit at pantalon habang may takip naman ng balabal ang uluhan. May tungkod na sangang ginto din itong hawak na may brilyanteng puti ang dulo. Naglalakad ito patungo sa kung saan.
Walang mapagpilian si Rocco kung hindi sundan ang lalaki. Nang makapasok siya sa pagitan ng dalawang halamang gumamela, bigla na lamang nag-iba ang nasa paligid ni Rocco. Sa pagkakataong iyon ay nasa dalampasigan naman sila. Maririnig ang malalakas na pag-alon sa tabing dagat. Ang mga buhangin ay puting-puti kaya naman makikita rin ang katubigan na may mga isdang malayang lumalangoy. Sa kanang bahagi naman ay kabundukan ngunit napakalayo niyon kaya pagtanaw ang tanging nagawa ni Rocco.
Nang lagpasan nila ang parteng may sanga ng puno, muling naging iba ang lugar na nakikita niya. Sa pagkakataong iyon ay nasa tapat na sila ng isang kubo na bahay. Ang paligid niyon ay may mga halamang nakatanim. Matataba at mayayabong ang mga iyon kaya sigurado siyang alagang-alaga at hindi napapabayaan. Napapalibutan din ng hanggang bewang na bakuran ang bahay. Halos lahat ng nakikita ng mga mata niya ay makakakitaan ng pagmamahal sa paligid.
“Hindi ka pa rin ba magtatanong?” baling sa kanya ng lalaki matapos lumingon sa direksyon niya.
Doon kumunot ang noo ni Rocco. May dapat ba siyang tanungin dito?
“Mukhang hindi ka interesado sa buhay mo.” Umiiling na sabi nito. “Paano kung tungkol sa iyong mag-ina?”
Nang marinig ang dalawang taong pinakamahalaga sa kanya, saka lamang ibinigay ni Rocco ang buong atensyon sa kausap.
“Anong tungkol sa kanila?” kalmado pa ring tanong niya kahit na dama ang matinding pagtibok ng kanyang puso. Kapag tungkol talaga sa kanyang pamilya ang usapan, mabilis na nagbabago ang reaksyon ni Rocco.
“Hindi ako nagkamali ng panghuhusga na sila ang magiging dahilan para makuha ang atensyon mo,” nakangiting saad nito bago pumasok sa loob ng bahay.
Muling sinundan ni Rocco ang lalaki.
Nang makapasok sila sa loob, hindi maitatago ang matinding pagkamangha niya nang makita ang napakalawak na lugar. Malayong-malayo iyon kung titigan mula sa labas ng bahay na mukhang maliit lamang. At kapag sinabing maliit, masasabi niyang halos kasinglaki lamang ng tatlong refrigerator ang bahay ngunit sa loob ay makikita ang engrandeng mansyon na may temang kulay abo, puti, at kahoy.
Ganoon na lamang ang pagsingkit ng mga mata ni Rocco nang lumapit sa kanya ang upuang naglalakad. Kung si Levin siguro ang nakakaranas ng mga nakikita niya ngayon, hindi malabong inatake na iyon sa puso dahil sa matinding pagkagulat sa mga bagay na nakikita. O hindi naman kaya’y nagtago na ito sa likuran ni Caci dahil sa matinding takot. Nang maaalala ang dalawa, muling napawi ang ngiti ni Rocco sa labi. Kababakasan na ngayon ng matinding pag-aalala ang kanyang mukha.
Naging malalim ang pag-iisip ni Rocco. Muli niyang inaalala ang huling memorya na kasama ang dalawa. Nang maalala ang aksidente, wala sa sariling umupo siya sa upuang lumapit sa kanya kanina.
Nang lingunin niya naman ang estrangherong lalaki, kapansin-pansing napakalayo ng tingin nito at tila malalim ang iniisip.
“Nagbago muli ang takbo ng kapalaran pagkatapos ng ikatlong dekada. May nangialam na namang muli sa takbo ng tadhana kaya nagulo ang dating nasa ayos ng mangyari...”
“Hindi ako mapupunta rito kung wala akong kinalaman. Imposible namang trip niyo lang,” diretsahang saad ni Rocco.
Makikita ang malungkot na ngiti ng estrangherong lalake. “Dahil ikaw rin ang dahilan kaya nagbago ito sa unang pagkakataon.”
Muling kumunot ang noo ni Rocco. Ano’ng kinalaman niya sa mga pinagsasabi nito? Wala siyang maisip na dahilan upang madawit sa mundong hindi niya kinabibilangan.
Bakas muli ang matinding pag-aalala kay Rocco nang makita ang dalawang kinakapatid na nasa hindi magandang kalagayan. Parehong may nakakakabit na kung anong mga aparatus sa dalawa. Makikita rin na labis ang pinsalang tinamo ni Levin at Caci. May mga sugat at pasa rin ang mga ito na halatang bago pa lamang.
Ipaggiitan niya man na hindi ginusto ang mga nangyari, alam niya sa sariling may kasalanan siya kaya nadamay ang mga ito.
Ang sumunod na nakita ni Rocco ay ang kanyang katawan. Mapapansing mas matinding pinsala ang inabot niya kung ikukumpara sa dalawang kinakapatid ngunit ang pag-aalala niya pa rin ay nasa dalawa.
“Kailangan mong isipin ang mangyayari sa ‘yo.” Umiiling na saad nito. Tila ba dismayado sa naging reaksyon niya.
Ibinaling ni Rocco ang atensyon dito. “Marami ka ng ipinakita at sinabi sa akin pero hindi ka pa rin nagpapakilala,” seryosong saad niya bago ipagsalikop ang kanyang tuhod.
Tumawa ito, “komedyante ka pala!” nagbago ang hilatsa ng mukha nito nang mapansing seryoso siya at walang oras na makipagbiruan. “Isa akong orakulo at nagsilbing tagapagbantay mo magsimula nang iyong pagkabata.”
“At anong kailangan ko sa iyo?”
“Ako ang tagapamagitan mo sa mundo ng mga tao at Kaharian ng Morefia.”
“Morefia?”
“Morefia, ang kahariang pinamamahalaan ni Haring Luther. Ang mundong may mga bagay na kabaliktaran sa mundo ng mga tao. Ang haring tinulungan mo. Ang mundong pinuntahan mo,” saad nito. “Kaya ako narito upang ipaalam ang misyon mo sa Morefia. Kailangan ka ngayon ng kaharian. Kailangan nila ang tulong mo.”
“Paano kung hindi ako tumulong?” tanong kaagad ni Rocco. Kung tutuusin, wala siyang kinalaman sa mundong iyon kaya laking pagtataka niya nang biglaan siyang mapunta roon. Isa pa, ngayon, pinagsisihan niya ang pagtulong sa hari sapagkat magsimula ngayon, hindi na siya magkakaroon ng katahimikan.
Mas naging seryoso ito kung ikukumpara kanina. “Hindi ka na magigising. Hindi ka na rin magkakaroon ng pagkakataong hanapin ang mag-ina mo. Isa rin sa dalawang importante tao ang susunod na mawawala sa mundo sa ‘yo. Kung sakaling piliin mo ring hindi tumulong, maging ang iyong ama ay maaapektuhan. Ako’y tagapamagitan at gabay lamang ng dalawang mundo. Hindi ko kontrolado ang mga susunod na mangyayari. Nasa desisyon mo na ang mga susunod na kapalaran niyo.”
Nang mga sandaling iyon, naging mas malalim ang pag-iisip ni Rocco. Anumang piliin niya sa dalawa, may posibilidad pa rin na hindi na siya muling makabalik. Ngunit malaki rin ang posibilidad na mailigtas niya ang dalawang kinakapatid. Kung papalarin, maililigtas niya rin ang kanyang mag-ina...