IX

1841 Words
MULING PINAGMASDAN ni Rocco ang kanyang katawan nang puntahan nila iyon kasama ng Orakulo. Hindi man siya doktor ngunit alam niya sa sariling hindi na maganda ang kundisyon niya. Para na siyang isang lantang gulay, at kung walang aparato, baka wala na siya ngayon sa mundo. Parehong may cask ang magkabilaan niyang paa. Patunay na ito ang naapektuhan nang bumangga ang sinasakyan nila. Kung paano man iyon nangyari, hindi niya alam. Sigurado siya sa lugar na pinaglalagyan dahil pamilyar siya. Nasa isa sa mga hideout sila na tanging mga pinagkakatiwalaang tauhan lamang ang nakakaalam. Ang lugar na iyon ay hindi madaling matunton ng kalaban. Kung sakaling matagpuan man, hindi madaling makakapasok ang mga ito dahil sa doble-dobleng security pass. Matuturing nilang isang fortress at sangktwaryo ang lugar dahil kapag naroon sila, kapante silang ligtas. Ang lugar na iyon ay nasa gitna ng isang syudad at napapalibutan ng mga establishemento. Madadaanan ang isang tunnel upang makarating doon at kapag naroon na, kailangang daanan ang tatlong tarangkahan bago makapasok sa loob. Sa bawat pintong iyon ay may mga kailangang pindutin. Nanghihingi rin iyon ng identification bago tuluyang makarating sa main door na gawa naman sa matitibay na materyales katulad na lamang ng ginagamit ng bulletproof. Maraming kwarto sa lugar na iyon kaya naman kayang umakupa ng malaking bilang ng tao. Kompleto rin sa lahat ng pangangailangan ang lugar katulad ng tubig at kuryente. Para naman sa supply ng kuryente, nanggagaling iyon sa mga solar funnel na nakakonekta sa itaas ng gusaling kinalalagyan nila kaya hindi mahahalatang may sikretong lugar pala sa ilalim. “Ilang araw na lang akong mabubuhay kung hindi ko tatanggapin ang alok mo?” tanong ni Rocco habang nakatingin sa kanyang katawan.” “Bilang na lamang sa iyong mga daliri. Pwedeng isang araw, o dalawa o maaaring wala na,” saad nito. “Kung papayag ka naman, gigising na rin mamayang gabi ang isa sa mga taong importante sa ‘yo.” “Hindi ako natatakot mamatay, ang inaalala ko lang ay ang mga maiiwan ko rito. Kailangan pa nila ako. Kailangan pa ako ng pamilya ko,” saad ni Rocco habang nakatingin sa kanyang mga palad. Naalala niya ang sinabi ng isa sa mga tauhan niya tungkol sa kanyang kapalaran. Ayon rito nakaguhit na raw iyon sa palad ng tao kaya hindi na maaaring kontrahin ito ngunit may tao rin daw na kayang baguhin ang kanilang kapalaran dahil hindi sila kontrolado ng tadhana. “Alam kong sasabihin mo iyan,” nakangiting saad ng Orakulo. Nang ipilantik nito ang mga daliri, bigla na lamang nag-apoy ang kaliwang bahagi nito. Bahagyang malaki ang apoy at mas mataas dito. Mula sa bahaging iyon ng apoy ay nagwawangis ang pormang tao hanggang sa lumitaw ang hindi niya inaasahang nilalang. “Ano na namang kailangan mo?” galit na tanong ng nilalang na lumitaw mula sa apoy. Ang taynga nito ay bahagyang patulis. Kulay berde ang mga mata nito. Medyo mas matangkad din ito sa Orakulo. Ang damit ay puting-puti na mahahalintulad na sa balat nito, napakalinis niyon, at may mga disenyong ginto. Ang kaliwang braso nito ay may bagong silang na dragon. Sigurado siya dahil nasa kamay pa nito ang shell ng dragon. Nang bumuga ang dragon, hindi apoy ang lumabas kung hindi tubig kaya may hinala siyang sa Morefia din nanggaling ang engkantadong iyon. Kailanman, hindi pumasok sa isipan ni Rocco na makikita ang mga nilalang na parati niyang binabasa sa tuwing matutulog na si Melly. Malaki rin ang pasasalamat ni Rocco sa anak dahil ngayon ay hindi na siya nabibigla sa mga nilalang na bumubulaga sa harapan niya. Alam niya na rin ang klasipikasyon ng mga ito at tawag dahil kay Melly. “Galit ka na naman?” Humahalakhak ang Orakulo. Makikitang natutuwa ito sa hindi maipintang mukha ng kausap. “Ano’ng kailangan mo?” iritableng tanong ng engkantado. “Naghahanap ka ‘di ba ng huhuli sa Koletris?” nakangiting tanong ng Orakulo. “Tapos?” nakapamaywang na tanong ng engkantado. Tila ba alam na kaagad nito ang mga susunod na lalabas sa bibig ng Orakulo. “Narito siya,” nakangising saad nito. Sumingkit ang mga mata ni Rocco nang ibaling ng Orakulo ang tingin sa kanya. Hindi porque nasabi niyang hindi siya takot mamatay, isasabak na siya nito sa bagay na maisip. Gusto niyang makabalik nang hindi lasog-lasog ang katawan. “Ito?” Tumawa nang malakas ang engkantado. “Ihaharap mo sa Koletris?” Ngiti lang ang naging tugon ng Orakulo. Makikitang siguradong malaki ang laban niya sa nilalang na sinasabi nito. Ano raw, iyon kuliti? Tanong ni Rocco sa kanyang sarili. Sa kuliti ako ilalaban? Ano ako, pigsa? Hindi kase siya sigurado kung tama ang pagkakarinig niya. “At ano namang kapalit?” seryong tanong ng engkantado. “Ibibigay mo sa kanya ang Bunga ng Buhay—” “Nagpapatawa kang tunay!” saad kaagad ng engkantado kahit hindi pa tapos magsalita ang Orakulo. “Sinasayang mo ang oras ko. Wala rin sa akin iyon!” “Kumalma ka! Makinig ka,” natatarantang saad ng Orakulo nang mapansing tila tumataas ang presyon ng engkantado dahil napapahimas pa ito sa batok habang ang isang kamay ay nakahawak sa balakang. “Siya ang matagal na nating hinahanap, Zabar!” Naningkit na namang muli ang mga mata ni Rocco. Kanina pa siya hindi makasabay sa usapan ng mga ito. Tila ba wala siya roon na maaaring pagpaliwanagan ng mga nangyayari. Ano ba siya, disenyo o palamuti? “Huwag mo akong nililinlang, Manier!” galit na saad ng engkantado. Sa pagkakataong iyon, parang gustong humigop ni Rocco ng tsaa. Hindi siya tsismoso ngunit natutuwa siya sa pagtatalo ng dalawang nilalang na nasa harapan niya kahit hindi niya naman maintindihan ang mga pinag-uusapan ng mga ito kahit pa sa sabihing ginagamit ang kanyang lengwahe. Naupo si Rocco sa higaan sa tabi ng kanyang katawan. “Pagmasdan mo ang mukha ko!” Dinuro ng Orakulo ang sariling mukha. Inilapit niya pa iyon sa engkantado nang hindi makontento. “Mukha ba akong nagbibiro?” inis na tanong nito habang nanlalaki pa ang mga mata. “Malaking biro iyang mukha mo,” seryong saad ng engkantado at sinasabi iyon nang hindi kumukurap ang mga mata. Doon na kumawala ang malakas na pagtawa ni Rocco. Hindi niya akalaing magiging masaya siya sa mga nangyayari ngayon kahit na alam niyang nalalabi na lang ang araw niya sa mundo. Nang ibaling ng dalawa ang masamang pagtitig sa kanya, saka lamang natigil sa malakas na pagtawa si Rocco. Kaagad na someryoso ang mukha niya na parang hindi tumawa kanina. “Isang pagkakataon lamang, Manier,” saad ng engkantado. “Hindi biro ang hinihingi mo kaya may karapatan naman siguro akong magbigay ng palugit? Isang araw sa mundo namin katumbas na sampung araw rito. Sapat na bang oras iyon?” Napatayo nang wala sa oras si Rocco dala ng matinding pagkagulat. Tama ba ang pagkakaintindi niya? Ang isang araw sa mundong pupuntahan niya ay katumbas ng sampung araw dito? “Tama ang pagkakaintindi mo,” hindi lumilingong saad ng Orakulo. Sumingkit na namang muli ang mga mata ni Rocco. Sigurado siyang hindi siya nagsalita. Ibig sabihin nababasa nito ang laman ng isipan niya magsimula pa kanina? Mapapansing seryosong muli ang pinag-uusapan ng dalawa ngunit sa pagkakataong iyon ay wala ng maintindihan si Rocco dahil ibang lenggwahe na ang ginamit ng dalawa habang nag-uusap. Hanggang sa magpaalam ang engkantadong si Zabar ay wala ng naintindihan si Rocco sa naging pag-uusap ng mga ito. “Anong mayroon sa Bunga ng Buhay?” bungad na tanong ni Rocco sa Orakulo pagkaalis na pagkaalis ni Zabar. “Ang Bunga ng Buhay ang siyang magiging isa sa mga kasangga mo kapag nagsimula na ang misyon mo. Ang bunga ring iyon ang magiging susi para magising ka. Tatapatin kita Rocco, malala na ang kundisyon mo. Hindi ka na matutulungan ng mga aparatus dahil pati ang utak mo ay naapektuhan na. Matigas lang ang mga taong nakapaligid sa ‘yo kaya naghahanap pa rin ng paraan upang mabuhay ka. Hindi sila sumusuko para sa ‘yo, Rocco.” Muling naalala ni Rocco ang oras sa Morefia at mundong pupuntahan niya. Hindi magkapareho ang dalawa dahil nang makabalik siya rito ay kaparehas lamang ng oras sa kaharian ng Morefia. Ibig sabihin, ibang mundo iyon? “Parte ng Morefia ang pupuntahan mo ngunit ang kaibahan lang ay mas mahiwaga ang syudad ng Melenyo dahil sa mga mahiwagang kalikasan at nilalang na nakatira doon. Naiiba rin ang syudad ng Melenyo dahil mabagal na tumatakbo ang oras sa lugar. Hindi ka maaaring magtagal doon, alam mo naman na siguro ang dahilan? Pwedeng maging batang muli ang kaluluwa mo.” “Iyong kuliti, ano naman—” “Kuletris hindi kuliti!” galit na saad ng Orakulo. “Kahit ano pa ang pangalan niya, wala akong pakialam. Ang tanong, anong meron doon at paano ko malalamang iyon na ang kalaban ko?” “Kuletris, ang halimaw na humarang sa dinadaanan mo na naging dahilan ng aksidente mo—” “Sigurado ka ba?” gulat na saad ni Rocco. “Ihaharap mo ako sa kuliti eh parang kuto lang ako! Pwede niya akong tirisin!” hindi niya mapigilang huwag maibulalas. Ngayon parang alam niya na ang dahilan kung bakit tila tumataas kanina ang presyon ng engkantado. Mukhang may tama na kase sa utak ang Orakulong nasa harapan niya. Pati siya ay tinatasaan na rin ng presyon dahil sa mga naiisip nitong ipagawa sa kanya. “Naniniwala ako sa kakayanan mo, Rocco,” nakangiting saad nito. “Matagal kitang sinubaybayan kaya alam ko ang mga abilidad mo.” Umiling si Rocco. May pagpipilian pa ba siya? Alam niya namang kahit na anong piliin niya ay may posibilidad na tuluyan na siyang mawala sa mundo. Ang kaibahan lang ng isa, may pagkakataon pa siyang mailaban ang buhay niya. Sa oras naman na tumanggi siya, katapusan niya na rin kaya aatras pa ba siya? “Malaki ang nagawang pinsala ng Kuletris sa Melenyo lalo na sa mga engkantadong nakatira doon. Nasira ang mga pananim nila na ginagamit sa panggagamot sa buong kaharian ng Morefia. May mga malalaking sunog na nangyayari din sa lugar dahil sa Kuletris. Makapangyarihan ang mga engkantado ngunit hindi naapektuhan ng mahika ang Kuletris dahil sa pagiging mahigawang nilalang din nito.” “Walang laban ang mga engkantado, ibig sabihin gano’n din ako.” Ipinagsalikop ni Rocco ang kanyang bisig. Kailangan niya na talagang maihanda ang sarili sa mga pagdadaanan niya. Umiling ang Orakulo, “hindi mo pa rin ba naiintindihan, Rocco? Sa dami ng pwede kong subaybayan, bakit ikaw ang napili ko? Sa dami ng pwedeng makarating sa Morefia, bakit ikaw ang ipinadala? Espesyal ka, hindi mo lang nakikita.” Nang mga sandaling iyon, maraming tanong ang nagsulputan sa isipan ni Rocco. Kahit na ano kaseng galugad niya sa kanyang isipan, hindi niya pa rin maintindihan ang ipinaparating nito. Hanggang sa mga sandali na patungo sila sa Melenyo, laman pa rin ng kanyang isipan ang mga sinabi ng Orakulo. May parte ba ng kanyang pagkakakilanlan na dapat niyang malaman at maintindihan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD