NANG MAKABALIK SA lugar ng Vosrak, kinamusta niya kaagad ang kalagayan ng reyna. Ayon dito ay wala namang naging aberya nang lumilipat ito ng pwesto na labis niyang ipinagpapasalamat. Katulad din ng naging pakiusap niya, tinulungan ni Fyro si Vera matapos na magpakita rito. Ilang pagitan lang ang nailayo ni Vera magsimula nang iwanan niya ito. Nahirapan itong umusad dahil sa nagsisipagliparang Vosrak sa kalangitan. Hindi mapakali ang mga ito at nagkakagulo dahil sa ginawang sunog ni Vera. Ang iba sa mga ito ay nasusunog din at hindi iyon mapatay dahil asul na apoy ang ginamit nila. Dahil doon ay bumabagsak na lang bigla sa kalangitan ang Vosrak matapos na masunog ang buong katawan. Pagkatapos niyon ay matutunaw ang mga ito nang mawalan ng buhay. Dali-dali muli ang naging paglipat nila