Chapter 2: Resignation Letter

1729 Words
Pinuntahan ni Dos si Thor na may daplis din ng bala katulad niya. Nakaupo ito habang nakasandal sa pader. Luminga siya sa paligid at bagsak ang mga nakasagupa nitong mga kalaban. Nagsidatingan na rin ang mga kasama nilang mga pulis at pinosasan ang buhay pang mga tumakas na preso. “May tama ka rin, Buddy?” tanong ni Thor. Ngumiti lang si Dos sa kanya. “Oo, Buddy. Siguro kung hindi mo ʼko tinawag . . . baka napatay na ako ni Belmonte. Buti na lang at nakatawag pansin sa kanya ang pagtawag mo sa pangalan ko kanina. Saka, silahis pala ang unggoy na 'yon!” pahayag niya. Pero ngumisi lang si Thor. “Tinawag kita, kasi may papalapit na namang kalaban. Buti na lang at naunahan ko siya. Medyo madilim kasi sa kinaroroonan mo kanina,” paliwanag ni Thor. Tinulungan siya ni Dos na makatayo kahit pareho silang may daplis. Hindi bale at malayo naman iyon sa bituka. Lumabas silang magkaakbay ni Thor at sinalubong sila ng kanilang hepe. At sumaludo sila rito habang nakangiti ito sa kanila. “Good job, SPO2 Sandoval at SPO1 Rodriguez. Sigurado na naman ang promotion ninyong dalawa,” sambit nito. “Tapos na ho, ba kayong nagbawas, Sir?” pagbibirong sambit ni Thor. Kaya siniko siya ni Dos. “Kanina pa, Rodriguez. At huwag mo nang pansinin ang pagpururot ng pʼwet ko kanina, parang hindi ka pa nasanay sa akin,” pahayag ni hepe. "Paghandaan ninyong dalawa ang inyong promotions," dugtong pa nito. Nagkatinginan si Dos at si Thor saka ngumiti sila sa isa't isa. Ngunit hindi pa niya nababanggit dito na magre-resign na siya sa serbisyo. Pagkatapos ng misyon na iyon ay dumiretso na sila sa headquarters para sila ay gamutin. May private nurses naman doon kaya wala dapat silang ikabahala. Nakipagkamayan ang mga kasamahan nilang pulis ngunit hindi naman alam ni Thor kung totoo ba ang ipinapakita ng ibang kapulisan sa kanilang dalawa ni Dos. “Mga plastik talaga ang iba nating mga kasama, ’no? Buti sana kung tupperware sila, o aluminum, kaso ay hindi! Saka, hindi natin alam kung natutuwa ba sila na pinuri tayo ni hepe,” pahayag ni Thor. Nagkibit-balikat lang si Dos dahil gan’yan naman yata lahat pagdating sa trabaho. Kumbaga, ayaw nilang may ibang pinupuri, gusto nila ay sila lang. ʼDi sa kanila na ang trono! At sila na rin ang Hari! “Hayaan mo na lang sila,” tugon ni Dos dito. “Siya nga pala, Buddy. Huwag ka sanang mabibigla pero . . . magre-resign na ako ngayon,” walang prenong sabi niya rito. Napanganga si Thor sabay tingin sa kanya. “Hindi ka nagbibiro?” “Hindi! At itikom mo ʼyang bibig mo dahil baka pasukan ng langaw ʼyan! Nakahanda na ang resignation letter ko, Buddy. At pinag-isipan ko ring mabuti ito,” seryosong aniya. “Iiwan mo na ako ritong mag-isa? Paano na ako kung wala ka na? Sinoʼng tatawagin ko kapag natatae ako, ha? Sino ang magpaliligo sa akin at sino ang karamay ko kapag nauutot ako!” pahayag nito sabay hawak sa kamay ng kaibigan. “He! Ang OA mo!” singhal niya. “Si hepe ang tawagin mo kapag natatae ka, para may kasama ka!” “Bakit, mukha bang inodoro si hepe?” untag ni Thor. “So, you mean, kamukha ko ang inodoro, ganoʼn ba?” “Ikaw, nagsabi niyan,” wika ni Thor na impit na tumawa. “Tumigil ka nga! At mukha kang kuhol na tumatawa riyan!” saway ni Dos. Inalis niya ang kamay ni Thor na nakahawak sa kanyang kamay saka siya tumayo. Kinuha niya ang bag para kuhanin ang sobre na naglalaman ng resignation letter na siya namang pagdating ng kanilang hepe. Kaya tumayo naman nang tuwid si Thor at sumaludo sila rito. “I want to tell you that we will have a celebration for the promotion next week,” imporma nito. “Okay, that's all. Again, congratulations to the both of you,” dugtong pa niya. Tatalikod na sana ang hepe nila nang tawagin ni Dos ito. “Sir,” sambit niya. Huminga sʼya nang malalim. Lumapit siya sa kanilang hepe at iniabot ang resignation niya. “What is this, Sandoval?” tanong nito. Kinuha nito ang sobre saka iyon binuksan. “Resignation letter?” takang anito. “Magre-resign ka, Sandoval?” “Yes, Sir,” tipid niyang sagot. “I thought this is your passion. Pero bakit ka, magre-resign?” “Nakasulat po lahat dʼyan sa resignation letter ko ang dahilan, Sir. I hope na maintindihan nʼyo po ako,” muling sagot niya. Umiling-iling ang kanilang hepe saka binasa ang kanyang resignation. Pagkatapos nitong basahin ay napabuntong-hininga ito. “Ngayon pa talaga, Sandoval kung kailan tataas ang ranggo mo? I think Don Sandoval will be happy when he finds out that you can be promoted again,” pahayag nito na napailing-iling pa! “I'm sorry, Sir but my decision is final. At ayoko rin pong lalong magtampo ang aking ama kung hindi ko pa siya pagbibigyan,” paliwanag niya rin dito. Sa totoo lang ay nahihirapan din siya gagawing pagre-resign. Pero ito lang ang tanging paraan para hindi na magtampo ang kanyang ama. Isasantabi na muna niya ang sariling kaligayahan, tutal ay matanda na rin si Don Miguelito. At alam niyang mapasasaya niya ito kapag nalaman nitong magreresign na siya sa serbisyo bilang pulis. “Okay. Wala akong magagawa kahit labag sa kalooban ko ito. Desisyon mo iyan. Pero kung magbago pa ang isip mo—” “Hindi na ho, Sir. Pasens’ya na po at hindi ko na po kayo pinatapos magsalita. At salamat po sa lahat dahil kayo po ang hepe na para na naming ama. I will not forget you, Sir,” mahabang pahayag ni Dos. Tila gustong maiyak ng kanilang hepe, dahil sumusinghot-singhot ito. “Umiiyak ho, ba kayo, Sir?” untag ni Thor na lumapit sa kanila. "No, I'm not crying. Inaalis ko lang ʼtong kulang*t na bumabara sa ilong ko,” pahayag ni hepe na suminga pa sa panyo nito kaya napangiwi na lang si Dos at Thor. “Ipunas nʼyo ho, kay SPO2 Sandoval, Sir para may remembrance siya sa inyo,” natatawang sambit ni Thor. “Ikaw talaga, Rodriguez ay puro kalokohan ang nalalaman mo. Magreresign na nga si Sandoval ay inaasar mo pa!” gagad ni hepe kay Thor. “Hayaan nʼyo na ho si Rodriguez, Sir dahil nalulungkot lang po iyan sa pag-alis ko, rito. But as I told you earlier, Sir. I will not forget you and thank you for everything,” hinging pasasalamat ni Dos. “Me too. I will not forget your annoying jokes,” wika nito sabay tapik sa kanyang kanang balikat. “Maiwan ko na kayo, ipaaayos ko na rin ang iyong buong sahod this month,” dugtong pa nito. “Ako ho, Sir? Ipaaayos nʼyo na rin po ba?” ngising saad ni Thor. “Bakit, magre-resign ka na rin ba, Rodriguez? Sabihin mo lang dahil ipadadala agad kita sa probinsiya at pagtatanimin kita ng kangkong doʼn,” matigas na wika ng hepe. “Biro lang ho, Sir. ʼDi naman kayo mabiro, eh! Ngumiti na kayo para hindi halatang senior citizen na kayo,” pagbibiro pa ni Thor. Samantalang natatawa lang si Dos sa dalawa. “Nasa lotto pa ako, Rodriguez kaya hindi pa ako senior citizen. Sige at mauna na ako sa inyo dahil iba na naman ang aking pakiramdam,” saad nito. “Sige ho, Sir. Labas na ho, kayo Baka maamoy pa namin iyang imburnal na utot nʼyo,” sambit pa ni Thor na tumawa nang malakas. Mabuti na lang at hindi pikunin ang kanilang hepe. At marunong din itong makipagbiruhan sa kanila. Nagpaalam na ito kaya muling nag-usap ang dalawang magkaibigan. “Talaga bang hindi ka na mapipigilan? Ano ba talaga iyong rason mo at magre-resign ka? Tama si hepe kanina na passion mo ang pagpupulis, ʼdi ba? Pero bakit? Bakit ka, aalis at talagang iiwanan mo na ako, rito!” gagad ni Thor na ngumawa pa sa kanya. “Ang panget mong umiyak!” gagad ni Dos. “Panget? Guwapo pa rin ako, kahit umiiyak ako, ʼno!” “Tssk!” asik niya na bumalik sa inupuan saka ipinatong ang dalawang kamay sa ibabaw ng mesa. At tumingin siya nang seryoso sa kaibigan pulis. “Ayoko na pag-alalahanin pa si papa, Buddy. Baka matuluyan na raw siya sa susunod pang mga misyon natin kaya tinanggap ko na ang posisyon ko sa aming kumpanya bilang CEO,” mahabang paliwanag niya rito. “CEO? Hindi ba't noon mo pa iyan sinasabi sa akin? Kamo, ayaw mo sa posisyong iyan? Anoʼng nangyari? Saka ba't hindi mo na lang ibigay sa kapatid mo ang posisyong iyan kung pagiging CEO lang pala ang pinoproblema mo?” “Buddy, alam mo namang hindi kami close ng kapatid ko noon pa man. Saka iyan nga rin ang isa sa mga dahilan ko, kaya ako magre-resign. Ayoko na siya ang mamuno ng kumpanya namin dahil baka lalo iyong malubog,” muling paliwanag ni Dos. Napabuntong-hininga naman si Thor sa sinabi ng kaibigan. “Wala na akong ka-buddy rito. Mag-resign na lang din kaya ako tapos mag-a-apply ako sa inyo? Kahit sana messenger lang,” malungkot na saad nito sa kanya. “Tumigil ka nga! Pangarap mo na ito noon pa. Saka lagi naman tayong magtatawagan. Pasens’ya ka na talaga, Buddy at inilihim ko ito sa 'yo. Alam ko kasing magtatampo ka sa ʼkin, eh!” wika niya. “Eh, sa tingin mo, hindi ako nagtatampo ngayon, ha? Kung kailan naka-ilang misyon na tayo at halos mamatay-matay na, saka ka lang magre-resign. Kainis ka, Buddy,” nagtatampong saad nito. Natatawa tuloy si Dos sa ekspresyon ng mukha nito. “Ang panget mo talaga kapag ganʼyan ang hitsura mo," biro niya rito kaya sabay silang natawa ngunit agad ring natahimik si Thor. “Mami-miss kita, Buddy,” pahayag ni Thor sa kanya. Hindi naman umimik si Dos sa sinabi ng kaibigan, bagkus ay nginitian nʼya lang ito dahil baka maiyak lang siya. Ilang taon din silang nagkasama sa serbisyo ni Thor at siya lang talaga ang nakapagpalagayan niya ng loob.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD