Sa deklarasyon ni Emperor Hadrian na hindi na muli siya mag-aasawa ay nagkagulo ang mga tagasilbi ng palasyo ng prinsesa. Alam nila na nasa delikado silang sitwasyon sa oras na ito. Dahil kung hindi na mag-aasawa muli ang emperor, ibig sabihin si Prinsesa Kataleya ang susunod na mamumuno ng kanilang emporyo.
Ayaw man nila na mangyari ito pero kailangan nila isipin ang kanilang kabutihan. Lalo pa sa ilang taon na masamang pakikitungo na ibinigay nila sa prinsesa.
Kaya isang iglap ay naisipan nila na baguhin ang itsura ng palasyo ni Prinsesa Kataleya. Iyon ay dahil sa labis na takot nila na biglang maisipan ng emperor na bisitahin ang prinsesa sa kanyang palasyo. Ang dating palasyo na walang kabuhay buhay ay biglang napalibutan ng mga palamuti at maraming magarang kasangkapan.
Pati ang dati nilang malamig na pakikitungo sa prinsesa ay nagbago. Ang mga tagasilbi na dati ay dinadaan daanan lang si Prinsesa Kataleya na para bang isang hangin ay nag-uunahan ngayon para malapitan at maalagaan siya. Lahat sila ay umaasa na makuha ang pabor ng nag-iisang prinsesa ng emporyo.
"Prinsesa! Ito po ang isuot niyo!"
"Huwag po iyan! Mas bagay po sa inyo ang bughaw na bestida na ito!"
"Hindi! Mas nababagay sa kanya itong berdeng bestida!"
"Hindi kayo magagaling na pumili! Ito ang maganda sa kutis niya! Kulay pulang bestida!"
Nagsimula na mag-away away ang mga tagasilbi na iyon sa harapan ni Prinsesa Kataleya. Bawat isa sa kanila ay nagnanais na mapili ang hawak nilang bestida. Dahil ito ang tingin nila unang hakbang para makuha ang loob ng munting prinsesa.
Napasimangot naman si Nana Remy dahil hindi niya nagustuhan ng pakitang tao ng mga kapwa tagasilbi sa inaalagaang prinsesa. Kung hindi pa kasi nagbigay ng ganoon deklarasyon ang emperor ay hindi man lang maiisipan ng niisa sa kanila na pagsilbihan si Prinsesa Kataleya.
"Prinsesa! Ito ang piliin niyo!"
"Hindi itong hawak ko!"
"Mas bagay sa inyo ito!"
Katulad ni Nana Remy, makikita sa mukha ni Prinsesa Kataleya ang hindi pagkatuwa sa nangyayaring ito. Ayaw niya magkaroon ng simpatya sa kanya ang ibang tao dahil lang sa kikilalanin na siya bilang nag-iisang prinsesa ng emporyo at tagapagmana ng emperor. Dahil kung talagang peke siyang prinsesa ay hindi niya kailangan ng pekeng pag-aaruga mula sa mga tao.
Pagkalipas ng ilang sandali ay mariing napakuyom ng kamay si Prinsesa Kataleya. Pagkatapos ay humihingi ng tulong na tumingin siya sa katabing matandang tagasilbi.
Tila naunawaan naman agad ni Nana Remy ang nais niya iparating. Malakas na tumikhim siya at seryosong tinignan ang mga nag-aaway na mga tagasilbi.
"Tumigil kayo! Hindi na kayo nahiya sa harapan ng prinsesa! Para wala ng gulo ay ako na ang pipili ng susuotin niya," maawtoridad niyang hayag, "Maaari na kayo magsialisan para gawin ang inyong kanya-kanyang nakatokang gawain," pagpapaalis pa niya sa mga ito.
Agarang napasimangot naman ang mga tagasilbi na iyon. Gusto man nila kumontra pero mas mataas pa rin ang posisyon ng matandang tagasilbi kaysa sa kanila. Kaya sa huli ay mga napipilitan din sila na naglakad paalis doon.
Pagkatapos naman na makalabas sila sa kwarto ng prinsesa ay sabay na napabuga ng malakas na hininga sina Prinsesa Kataleya at Nana Remy.
Muling mariing napakuyom pa ng kamay si Prinsesa Kataleya bago malungkot na napayuko ng ulo. Dati rati ay nangangarap siya na pansinin ng ibang tagasilbi at ituring na isang prinsesa ng emporyo. Ngayon ay nangyayari na ang matagal niyang pinapangarap. Pero sa nangyari ay hindi niya magawang matuwa sa biglaang pagbabago na ito.
Napansin naman ni Nana Remy ang paglungkot ng prinsesa. "Huwag niyo pong masyadong isipin ang anumang motibo nila sa iyo, Prinsesa," pagbigay payo niya sa kanyang alaga, "Hindi niyo kailangang pilitin ang sarili niyo na pakisamahan sila. Dahil sa mga masasamang pagtrato nila noon sa inyo ay hindi na sila karapat dapat na makatanggap nito mula sa inyo."
Dahan dahan naman napatango ng ulo si Prinsesa Kataleya. Kahit bata pa lang siya ay tila namulat na ang mga mata niya na kailangan niya piliin kung sino ang mga taong pagkakatiwalaan niya. Ganoon umiikot ang mundo. Iyon ay kung gusto niya patuloy na mabuhay sa ganitong klaseng lugar.
"Salamat Nana Remy," taos pusong pagpapasalamat niya, "Kung hindi dahil sa inyo ay baka ano na ang nangyari sa akin."
"Wala iyon, Prinsesa Kataleya," nakangiting sambit naman ni Nana Remy, "Tungkulin ko ang alagaan kayo."
***
Lumipas ang mga araw na naging magaan ang buhay ni Prinsesa Kataleya sa loob ng kanyang palasyo kumpara dati. Namumuhay siya ngayon sa pinaka-marangyang paraan na siyang papangarapin ng sinuman.
Dati kahit gutom na gutom siya ay walang magnanais na ipagluto siya ng makakain. Kailangan pa niya intayin na matapos sa trabaho si Nana Remy para lang makakain. Ngayon naman ay halos mapuno ang napakahabang mesa ng kanyang palasyo dahil sa napakadami na putahe na iniluto ng mga tagasilbi para sa kanya.
Dati rin kung makakain siya ay kung anong mga lumang pinggan o kubyertos lang ang pinapagamit sa kanya ng mga tagasilbi. Hindi nila nais na ipagamit ang mga mamahaling kagamitan ng kanyang palasyo. Dahil sa kanilang pananaw ay hindi nababagay ang mga iyon sa isang pekeng prinsesa. Pero ngayon ay halos masilaw si Prinsesa Kataleya sa sobrang kintab ng pinggan at mga kubyertos na pinagamit sa kanya.
Kung dati rin ay halos hindi siya makatulog sa gabi dahil sa hindi siya komportable sa kanyang hinihigaang kama. Iyon ay dahil sa labis na luma na ang kutson ang pinagamit sa kanya kaya may pagkamatigas at masakit ito sa likuran. Pagkatapos ay manipis ang kanyang ginagamit na kumot kaya tumatagos ang lamig doon tuwing tag-lamig. May oras pa nga na may insekto na kumakagat sa kanyang balat.
Ngunit ngayon ay halos lumubog siya sa sobrang lambot ng kanyang higaan. Gabi gabi ay para ba siyang natutulog sa alapaap. Kaya minsan tuwing pagkagising niya sa umaga ay takot na inililibot niya ang tingin sa paligid sa pag-aakala na panaginip lang ang lahat ng iyon.
Nang malaman ni Prinsesa Kataleya na nasa realidad siya ay mariing pinipikit niya ang mga mata at pinagdadaop ang mga kamay para magpasalamat. Dinama niya ang mga panibagong pag-aalaga na nararanasan niya na dapat ay natanggap pa lang niya nang una.
Aaminin ni Prinsesa Kataleya na sobrang naging magaan ang buhay niya kumpara noon. Kaya hindi na niya nanaisin pa na bumalik sa dati ang kanyang buhay. Iyon ang dahilan kaya sinubukan niya pa rin pakisamahan ang bawat tagasilbi sa kanyang palasyo kahit alam niya na pagpapanggap lang ang pagiging mababait ng mga ito sa kanya. Umaasa siya na mabago niya ang mga pananaw ng mga ito sa kanya balang araw.
At naging mabilis na lumipas ang dalawang taon...
Nagpatuloy sa ganoong tagpo ang kanyang buhay sa palasyo. Tinuturing pa rin siya ng lahat bilang nag-iisang prinsesa ng kanilang emporyo.
Nagsimula na rin pag-aralin nila ang prinsesa para maihanda siya bilang tagapagmana ng emperor.
Gayun pa man sa loob ng dalawang taon na iyon ay hindi man lang naisipan na dalawin ni Emperor Hadrian si Prinsesa Kataleya sa kanyang palasyo. Hindi rin binawi ng emperor ang kautusan kung saan pinagbabawal niya na makalabas ng kanyang palasyo ang prinsesa.
Dahil doon ay nagsimula na magkaroon ng haka haka ang ilang tagasilbi.
"Tch! Mukhang mali ang suspetya natin."
"Ganoon din ang naiisip ko. Wala talaga balak na ipasa ng emperor sa pekeng prinsesa ang posisyon niya."
"Aaah! Ibig sabihin sayang lang ang ginawa natin sa loob ng dalawang taon?"
"Grrr! Nagmumukha lang ba tayo na mga tanga rito?"
"Urrrgh! Hindi ko maiisipan na kausapin at pagsilbihan ang prinsesa kung hindi lang dahil dito 'no!"
"Pero siya lang ang maituturing na anak ng emperor. Kadugo man o hindi ay maaaring maipasa sa kanya ang posisyon na iyon!"
"Naman! Sana kasi ay pumili na lang ng ibang empress ang emperor! Hindi sana tayo nagpapakahirap na pagsilbihan ang batang iyon!"
Biglang malakas na bumukas ang pinto para matigilan sila sa kanilang pag-uusap. Ninenerbiyos na napaiwas pa sila ng tingin nang malaman na si Nana Remy ang taong dumating. Natatakot sila na baka narinig ng matandang tagasilbi ang pag-uusap nila roon laban sa prinsesa.
Ang totoo ay narinig nga ni Nana Remy iyon pero wala siyang balak na magsalita para punain sila. Dahil una pa lang ay alam naman niya na hindi bokal ang pinapakita nila na pag-aaruga sa prinsesa. Ngunit kahit alam niya ang bagay na iyon ay hindi niya maiwasang malungkot sa narinig.
Para sa kanya, hindi nararapat na maranasan ng prinsesa ang ganitong klase na pakikitungo mula sa kanila. Kaya nang matapos siya sa pakay niya ay mabilis na bumalik siya sa kwarto ni Prinsesa Kataleya.
Marahan na kumatok muna siya. "Pasok," rinig niya naman na pagbibigay permiso nito.
Doon ay pumasok siya habang hila hila ang isang cart kung saan naroroon ang kinuha niyang merienda at inumin para sa prinsesa. Nakita naman niya si Prinsesa Kataleya na abalang abala sa kanyang sariling pag-aaral.
Napangiti siya dahil sa hindi maitatanggi na matalinong bata si Prinsesa Kataleya. Mabilis siya matuto sa kahit anumang aralin. Kaya doon ay lalong napatunayan ng matandang tagasilbi na isa talaga siyang Suzdal.
"Ano ang inaaral mo ngayon, Prinsesa?" pag-usisa ni Nana Remy sa binabasa ng prinsesa.
Nakangiti na ibinababa naman ni Prinsesa Kataleya ang hawak niya na libro bago hinarap si Nana Remy. "Nagbabasa po ako tungkol sa paraan ng paggagamot," masiglang sagot niya, "Kaso ang problema kahit aralin ko ito ng paulit ulit ay hindi ko naman maisagawa ang anumang kaalaman na ito dahil wala akong sapat na materyales o kagamitan."
Natigilan ng panandalian si Nana Remy dahil pinaparating na iyon ng prinsesa. Gusto man niya tulungan ang prinsesa para magpag-aralan iyon pero hindi siya ang may hawak ng edukasyon niya kundi ang kinuhang guro niya na si Madam Violet.
Sobrang iskrikto si Madam Violet sa paghubog sa prinsesa bilang maging isang tagapagmana. Kaya mas prioridad niya na turuan si Prinsesa Kataleya tungkol sa politika at etiko.
Malakas na napabuga ng hininga si Prinsesa Kataleya saka iginilid ang libro na iyon. Naisipan na lang niya na ituon ang isipan niya sa dinalang merienda ni Nana Remy.
"May balita na po ba sa emperor, Nana?" biglang pagtatanong ni Prinsesa Kataleya.
Pero katulad ng dati ay isang iling lang ang isinagot sa kanya ng matandang tagasilbi. Mariing napakagat ng labi si Prinsesa Kataleya para itago ang kanyang pagkalungkot.
Pakiramdam niya kasi ay kinalimutan na talaga siya ng emperor. Umasa pa naman siya na kahit hindi siya kadugo ng emperor ay ituturing na siya nito ngayon na isang anak.
Pero isang maling akala lang pala iyon.
Hindi pa rin nabago ang pakikitungo sa kanya ng emperor pagkatapos ng deklarasyon na binitawan niya. Ni hindi man lang siya naisipan nito na dalawin sa kanyang palasyo para kamustuhin.
Mukhang umaasa siya sa isang bagay na imposible na mangyari. Hinding hindi siya kikilalanin ni Emperor Hadrian bilang kanyang anak.