"Emperor Hadrian! Pakinggan niyo ang aming kahilingan!"
"Pakiusap! Pagbigyan niyo ang aming hiling!"
"Para po ito sa mas ikabubuti ng emporyo!"
"Ilang taon na po ang nakalipas! Panahon na po para magtalaga kayo ng panibagong empress!"
"Kailangan po ng emporyo ng iyong tagapagmana sa inyong posisyon!"
"Panahon na po para bumuo kayo ng bagong pamilya!"
Mariing tinitigan ng emperor ang mga lapastangan na opisyales na samang sama na nakaluhod sa kanyang harapan para pakiusapan siya sa kanilang nais na mangyari. Hindi na yata niya mabilang kung ilang beses na niya narinig ang paksa na pagpapakasal niya muli sa mga ito.
Walang araw na hindi nila inuungkat ang tungkol sa bagay na iyon. Kaya hindi maikakaila na naririndi at nauumay na rin siya na mapag-usapan pa ito.
Mga walong taon na rin kasi ang nakalipas magmula na maipanganak ni Empress Maxima si Prinsesa Kataleya. Umasa pa naman siya na iyon ang magiging pinakamasayang araw ng buhay niya. Na sa wakas mabubuhat niya sa kanyang bisig ang kanyang anak pagkatapos ng limang taon na pag-iintay nila ng kanyang asawa.
Ngunit ang pinaka-aantay na araw na ito, ang naging pinaka-masaklap na araw sa kanyang buhay. Isang sanggol na wala kahit anong bahid ng Suzdal ang ipinanganak ng kanyang empress. Dahil nagtataglay ito ng kulay na rosas na buhok at berdeng mga mata na ibang iba sa katangiang mayroon ang mga Suzdal.
Mariing napakuyom siya ng kamay nang maalala ang tagpo na iyon. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kanyang puso ang sakit ng pagkatuklas ng panloloko sa kanya ng kanyang empress.
Gayun pa man, mahal na mahal pa rin niya ang kanyang asawang empress. Kaya sa loob ng walong taon ay hindi niya naisipan na maghanap ng bagong ipapalit sa kanya na empress. Para sa kanya ay si Empress Maxima lang ang babaeng nababagay sa posisyon na iyon. Wala ng iba pa.
"Mahal na emperor! Pakinggan niyo ang aming hiling!" muling pakiusap ng mga hangal na opisyales.
"Katulad ng dati ay iyon pa rin ang aking desisyon," malamig na hayag ni Emperor Hadrian sa lahat at bagot na pinasadahan sila ng tingin, "Wala akong pipiliin na sinuman para ilagay sa palasyo ng empress. Ibig sabihin patuloy na si Empress Maxima ang kikilalanin na empress ng emporyong ito."
Kita ang gulat sa mga mukha ng mga opisyales na iyon. May ibang hindi naitago ang panginginig sa galit dahil sa kabiguan na makumbinsi ang emperor na pumili sa mga anak nilang dalaga para maging panibagong empress. Lalo pa na hindi na nila maaaring patagalin ang pag-aantay dahil kailangan na rin mag-asawa ng mga anak nila.
Tsaka walong taon na ang nakalipas magmula na maikulong sa tower si Empress Maxima. Masyado na matagal nabakante ang palasyo ng empress.
"Pakiusap! Baguhin niyo ang inyong desisyon! Panahon na po para maglagay kayo ng bagong empress! Hindi na po kayo bumabata! Kailangan na kailangan ng emporyo ng inyong tagapagmana!" muling paggigiit ni Marquis Basil sa kanilang nais.
Malakas na hinampas ni Emperor Hadrian ang kamay niya sa gilid ng inuupuang trono. "Hindi niyo ba ako narinig?! Sinabi ko na walang panibagong empress na itatalaga!" dumagundong ang malakas na pagtutol ni Emperor Hadrian sa patuloy na pagpupumilit ng mga opisyales sa kanilang kagustuhan, "Isang salita pa ang marinig ko tungkol dito! Agarang ipapaputol ko ang kanyang dila!"
Dahil sa banta na iyon ng emperor ay dismayadong napayuko ng ulo ang mga opisyales. Tahimik na nagkatinginan pa sila at hindi malaman ang gagawin para kumbinsihin ang kanilang emperor.
"Hindi ko na kaya pa na makita ang kahangalan ng inyong pagnanais na makontrol ang trono sa pamamaraan ng pagtatalaga ng anak niyo bilang maging aking bagong empress! Hindi ako pinanganak kahapon lang! Hindi ako isang mangmang na emperor na hindi kayang makita ang gusto niyo mga gawin!" patuloy ni Emperor Hadrian sa kanyang sinasabi para mapapitlag ang mga ito dahil sa natumbok ng emperor ang kanilang maitim na layunin.
Napapikit ng mga mata si Count Khazar. Anumang mangyari ay hindi na sila maaaring umatras sa oras na ito. Ngunit bago pa siya makapagsalita ay umalingawngaw muli ang malakas na boses ni Emperor Hadrian.
"Para matigil na rin ang paulit ulit na diskusyon tungkol sa pagpapakasal ko. Iaanunsiyo ko na ngayon na hinding hindi ako magtatalaga ng panibagong empress! Habang nasa posisyon ako na ito, si Empress Maxima ang kikilalanin ng lahat bilang asawa ko!" muling malakas na hiyaw ni Emperor Hadrian na siyang ikinagulat ng lahat ng mga opisyales, "Sa ayaw man o gusto niyo! Wala akong magiging panibagong asawa!"
Biglang gulat na gulat na napatayo sa kanilang pagkakaluhod ang mga opisyales mula sa deklarasyon na iyon ng hari. Hindi nila akalain na mag-aanunsiyo ng ganoong bagay si Emperor Hadrian sa kanilang lahat. Lalo pa na alam nila na labis pa rin ang galit nito sa panloloko sa kanya ni Empress Maxima. Kaya nais nila samantalahin iyon para mapilitan ang emperor sa kanilang nais.
Ngunit kung idedeklara talaga ni Emperor Hadrian na hindi na siya mag-aasawa ay wala na sinuman sa kanila ang makakatutol pa rito. Dahil kikilalanin ang sinabi niya bilang isang kautusan na hindi maaaring baliin ng sinuman.
"Paano na iyan?"
"Tuluyan na nating ginalit ang emperor!"
"Hindi maaari ito."
"Paano na ang kinabukasan ng emporyo?"
Lahat sila ay hindi na napigilan na ipahayag ang kanilang pagtutol. Dahil kapag hindi naikasal muli ang emperor ay ibig sabihin walang bagong Suzdal na maipanganganak. At kapag walang ibang Suzdal na kikilalanin... Ibig sabihin si Prinsesa Kataleya ang siyang sasambot sa maiiwan na posisyon ng emperor sa oras na bumababa siya.
Hindi sila makakapayag na mangyari iyon dahil sa walang maharlikang dugo ang pekeng prinsesa. Idagdag pa na isang karaniwang kawal lang ang inaakalang ama nila nito na si Sir Leo
Isang malaking kabastusan sa mga naunang emperor na mapalitan sila ng isang tao na hindi naman nila kadugo. Ito na rin ang magiging katapusan ng maharlikang dugong Suzdal.
"Emperor Hadrian! Hindi po maaari ang nais niyo! Kailangan niyo ituloy ang maharlikang dugo!" hindi makapaniwalang sambit ni Viscount Phocas sa inanunsiyo na iyon ng kanilang emperor.
Sinundan ito ng paghahayag ng pagtutol ng iba pang mga opisyales. Lahat sila ay hindi nanaisin na maging panibagong pinuno ng emporyo ang pekeng prinsesa.
Ngunit tumayo lang sa kanyang trono ang emperor at wala ng niisang salita na iniwan sila roon. Ibig sabihin ay hindi na nito babawiin ang anumang anunsiyo na ibinigay sa kanila.
Lalo tuloy nanlumo sina Viscount Phocas sa kinalabasan ng kanilang ginawa. Hindi nila akalain na mas gugustuhin pa ng emperor na iluklok ang pekeng prinsesa bilang bago pinuno ng kanilang emporyo kaysa humanap ng ibang babae na magiging empress niya.
"Nalintikan na!"
"Sinong mag-aakala na ganoong katindi ang pagmamahal niya kay Empress Maxima?!"
"May magagawa pa ba tayo para hindi mangyari ito?!"
"Paano na ito?! Tuluyan ng kikilalanin ang pekeng prinsesa sa pamilyang Suzdal!" asar na komento ni Marquis Basil, "Baka sumunod niyan ay palayain na ni Emperor Hadrian ang empress mula sa pagkakakulong niya sa tower!"
"Hindi maaaring masira ang ilang taon na plano natin!"
"Tama! Hindi lang sa emperor ang emporyo! Tayo rin ang kasama niya sa pamumuno nito!"
"Kailangan natin mapigilan ang pagpapalabas ng deklarasyon niyang iyon!"
"Kaya ba natin gawin iyon?! Paano kung malaman ng emperor?! Panigurado hindi siya magdadalawang isip na papugutan tayo!"
Napakagat naman sa kuko niya si Viscount Phocas. Wala talaga sa plano niya ang ginawa na ito ng kanilang emperor. Akala niya ay hawak na nila ito sa leeg pero mali pala ang akala nila. Ngayon, pakiramdam niya ay naisahan sila ni Emperor Hadrian. Na tila inaantay niya lang ang pagkakataon na ito para hindi sila makapalag.
Malakas na napabuga siya ng hininga. Wala silang magagawa kundi sukuan ang plano ng paglalagay ng empress sa palasyo.
"Anumang mangyari ay hindi ko mapapayagan na ang pekeng prinsesa ang mamuno ng emporyong ito!"
"Tama! Isang kapalastangan ito sa atin na may dugong noble!"
"Kailangan sumunod ng emperor sa tradisyon ng kanyang pamilya!"
Napahawak sa kanyang baba si Viscount Phocas at nag-isip ng paraan para makuha ang kontrol ng trono. Hanggang sa mapangisi siya nang makaisip ng panibagong paraan.
Natigilan naman sina Marquis Basil at Count Khazar sa kanilang pagrereklamo nang mapansin ang pagbabago ng reaksyon ni Viscount Phocas. Alam nila na may naisip itong ibang plano.
"May naisip ka ng ibang paraan?" nakangising pagtatanong ni Marquis Basil sa kanya.
Buong kompiyansa na nagtaas noo naman si Viscount Phocas. "Ha! Ako pa? Marami akong paraan para makuha ang aking nais. Hindi ako basta basta sumusuko na lang," buong pagmamayabang na sagot niya sa mga kasama.
Doon ay naging magaan na rin ang loob nina Count Khazar at Marquis Basil. Malaki ang tiwala nila sa kakayahan ni Viscount Phocas. Kaya kung nakaisip ito ng panibagong paraan, malamang may malaking pakinabang ito sa kanila.
Doon ay tumalikod na si Viscount Phocas at naglakad paalis sa lugar na iyon. Nakasunod naman sa kanya ang dalawang taga-sunod na opisyales. Wala man sila ideya sa binabalak niya ay balak nila maging saksi sa anumang gagawin nito.
***
At katulad ng inaasahan ay mabilis na kumalat ang balita sa pag-deklara ni Emperor Hadrian na hinding hindi na siya mag-aasawa pang muli. Maraming mga mamamayan ang nalungkot nang mabasa sa pinakalat na mga dyaryo ang balitang ito.
"Sigurado talaga ang emperor na paninindigan niya ito?"
"Kung totoo ito, paano na ang pagpapatuloy ng dugo ng maharlikang pamilya?"
"Ibig sabihin ba nito ay mabibigyan ng pagkilala si Prinsesa Kataleya?"
"Hindi maaari ito! Wala namang dugong Suzdal ang prinsesa!"
"Tch! Mukhang ito talaga ang plano ng empress mula pa lang sa simula!"
"Balak niyang sirain ang maharlikang pamilya! Tignan mo kung gaano kabaliw sa kanya ang ating emperor!"
"Marahil may kung anong itim na mahika siya na ginamit sa ating emperor para hindi siya nito mapalitan sa kanyang posisyon!"
"Sana na nga ay magising na nga ang ating emperor sa kabaliwan na ito at bawiin niya ang kanyang deklarasyon!"
"Tama! Ayoko na maging panibagong pinuno ng emporyo ang pekeng prinsesa na iyon!"
"Oo nga! Baka puro kamalasan lang ang dinala niya sa buong emporyo!"
"Simula ng ipanganak siya at hindi na natapos ang kaguluhan sa palasyo! Talagang may dalang kamalasan ang batang iyon!"
"Dapat kasi talaga ay hindi na hinayaan pa ng emperor na mabuhay ang bata!"
"Tingin ko rin. Dapat isinama na lang iyon sa hukay ni Sir Leo!"
"E di sana nasa kapayapaan pa rin ang buong emporyo!"
Ngunit kabaliktaran ng kanilang damdamin ang naging reaksyon ni Nana Remy nang mabasa ang balita. Mangiyak ngiyak pa siya habang binabasa ang naging deklarasyon na iyon ng emperor. Pakiramdam niya ay sa wakas unti unti na kinikilala ni Emperor Hadrian si Prinsesa Kataleya bilang kanyang totoong anak.
Kaya dali-dali siya nagtungo sa kwarto ng prinsesa para ipaalam ang magandang balita. Marahil sa araw na ito ay gaganda ang pagtrato sa kanya ng lahat. Dahil sa ayaw man nila o hindi ay si Prinsesa Kataleya ang magiging tanging prinsesa ng emporyo.
"Prinsesa! Prinsesa!" masayang pagtawag ni Nana Remy sa kanyang alaga.
Nagtataka naman na ibinababa ni Prinsesa Kataleya ang libro niyang binabasa. Nakita pa niya ang abot tenga na ngiti sa labi ni Nana Remy. Hindi niya tuloy malaman kung bakit ganoon na lang kasaya ang matandang tagasilbi.
"M-May nangyari po ba?" nalilitong tanong niya.
Bigla siya niyakap ng mahigpit ng matandang tagasilbi. "Maganda balita, Prinsesa!" naiiyak pa niyang sambit sa labis na tuwa, "Kikilalanin ka na biglang prinsesa ng buong emporyo!"
Napakunot naman si Prinsesa Kataleya sa narinig. May anong kabog sa puso ang naramdaman niya.
"H-Ha?" hindi maunawaang bulalas pa niya, "S-Saan niyo naman po nakuha ang balitang iyan? A-Ako po? K-Kikilalanin ng prinsesa?"
Inilahad ng matandang tagasilbi ang dala dalang dyaryo. Kaya nagtataka man ay kinuha iyon ng prinsesa para basahin ang nilalaman ng dyaryo.
Nabasa niya roon ang pangunahing balita kung saan nag-deklara ang amang emperor na hindi na muli ito mag-aasawa. Aaminin niya na masaya siya para sa kanyang inang empress pero hindi niya maintindihan ang kinalaman sa kanya ng balitang ito.
"Ibig sabihin po ba nito ay pinapatawad na ni Emperor Hadrian ang aking ina na si Empress Maxima?" umaasang tanong niya sa matanda.
"Wala pang kasiguraduhan... Pero parang ganoon na rin ang dating nito sa lahat," pagbibigay alam ni Nana Remy at aaminin niya na hindi na rin siya makapag-intay na makita muli si Empress Maxima.
Natutuwang napatango ng ulo si Prinsesa Kataleya. "Masaya ako para sa kanila," nakahingang komento niya, "Akala ko ay habang buhay na sila magkakagalitan nang dahil sa akin."
Natigilan naman si Nana Remy dahil sa sinambit na iyon ng prinsesa. "Prinsesa, wala kayong naging kasalanan! Dahil sa una pa lang ay totoong anak ka ng emperor!" patuloy na pagpapaniwala ni Nana Remy sa kanya, "Ito na rin ang panahon para matuklasan iyon ng emperor!"
Ngunit kahit paulit ulit iyon sinasabi ng matandang tagasilbi ay hindi niya magawang maniwala. Napaka-imposible naman kasi mangyari iyon. Ibang iba ang itsura niya kahit man lang kay Empress Maxima. Ang itsura niya ay maihahantulad sa hinihinalang ama niya na si Sir Leo.
"Ngunit ano po ang kaugnayan ng balitang ito sa akin?" takang tanong niya.
Nanlaki ang mata ni Nana Remy dahil nakalimutan niya ang kanyang pinakapakay na sabihin sa prinsesa. "Prinsesa Kataleya, kung hindi na mag-aasawa ang emperor ay ibig sabihin wala na siyang balak na magkaanak pa. Kaya opisyal ka na kikilalanin bilang parte ng pamilyang Suzdal! Dahil sa pagkakataon na ito ay ikaw lang ang kinikilalang anak niya na maaaring magmana ng posisyon ng emperor! Ikaw ang siyang susunod na hahalili sa emperor pagdating ng araw!"
Saglit na natigilan si Prinsesa Kataleya sa sinabi na iyon ng matandang tagasilbi. Nanlaki pa ang mga mata niya nang mapagtanto ang mahalagang bagay na iyon at kung bakit ganoon na lang ang saya ng matandang tagasilbi.
Ngunit kaysa makaramdam siya ng galak ay kabaliktaran ang naramdaman niya. Dahil sa una pa lang ay wala siyang balak na umupo sa posisyon na hindi naman niya nakikita na para sa kanya. Alam niya rin na maraming mga tagasunod ng emperor ang tututol at haharang na mangyari iyon.