Princess 9

2365 Words
Muling nagpatawag ng isang pangkalahatan na pagtitipon si Emperor Hadrian sa lahat ng kanyang opisyales. Dalawang taon na rin kasi nakalipas magmula nang huli na magpatawag siya ng ganitong pagtitipon. Iyon ay para maiwasan ni Emperor Hadrian ang pagpupumilit ng mga opisyales na magpakasal siya at pumili ng bagong empress. Alam niya na hindi susuko agad ang mga ito pagkatapos ng kanyang ibinigay na deklarasyon. Ngayon sa tingin niya sapat na ang dalawang taon na iyon para magpatawag muli ng importanteng pulong. Lalo pa na naging tahimik na ang usapan para magpakasal siya muli. Palagay niya ay sumuko na rin ang mga ito para pilitin siya na magpakasal sa mga anak nilang dalaga. Nagkataon pa na nabalitaan niya kasi na nag-asawa na ang mga anak nila na pinipilit nila noon maging bagong empress. Ngunit dahil sa ginawa niyang pag-iwas sa mga ito sa loob ng dalawang taon ay naging malaya ang mga ito sa kanya-kanyang kilos. Kaya sa tingin niya ito na ang tamang panahon para magpatawag muli siya ng isang pagpupulong. Sa kabilang banda naman, nang matanggap nina Viscount Phocas, Count Khazar at Marquis Basil ang imbitasyon ng emperor ay hindi nila maiwasang magsaya sa tuwa. Iyon kasi ang oportunidad na hinding hindi nila maaaring palampasin. Para sa kanila, sapat na ang dalawang taon na pag-iintay nila para maisagawa ang panibagong naisip na plano. Kaya nang sumapit ang itinakdang araw ng kanilang pagpupulong ay agad sila nagsitungo sa palasyo para dumalo roon. Kahit maaga sila na mga dumating ay maraming mga opisyales ang mas nauna sa kanila. Halatang mga sabik din ang mga ito sa muling pagpapatawag sa kanilang lahat ng emperor pagkatapos ng dalawang taon na pag-iintay. May ilan pa sa kanila ang abalang abala na kamustahin ang ilang mga opisyales na matagal nila hindi nakatagpo. Ngunit biglang natigilan ang mga ito sa pagkwe-kwentuhan nang pumasok ang tatlong opisyales na pinangungunahan ni Viscount Phocas at dumaan ito sa kanilang harapan. Sa pagdating nila ay biglang napunta ang atensyon ng lahat sa kanilang tatlo. Hindi iyon dahil sa matagal na nila hindi nakita ang mga kapwa opisyales. Kundi sa batang tahimik na nakasunod sa kanilang likuran. Kapansin pansin ang batang iyon dahil na rin sa tinataglay nito na pisikal na katangian. Marami ang napasinghap habang nakatitig sa batang iyon. "H-Hindi kaya..." "A-Ang batang iyan..." "T-Totoo ba itong n-nakikita ko?" "P-Posible ba na mangyari ito?" "Paano nila ipapaliwanag ito sa atin?" Bago pa nila masimulan na usigin ang tatlong opisyales kung sino ang kasama nilang bata ay siyang pagdating naman ni Emperor Hadrian. Agaran sila nagsiluhuran at yumuko para magbigay galang sa kanya. "Masayang pagbati sa inyo, Emperor Hadrian!" sabay sabay pa nilang mga sambit. Taas noo naman na dumaan sa gitna ang emperor at walang lingon na nagtungo sa trono niya na nasa harapan ng mga ito. "Masaya ako sa pagpapaunlak niyo sa aking biglaang pagpapatawag," seryosong pagpapasalamat naman ni Emperor Hadrian pagkatapos niya na makaupo sa kanyang trono. Pinaramdam niya sa kanyang tono na hindi maganda ang dahilan ng pagpapatawag niyang iyon. Nanginig naman ang mga opisyales dahil doon. "N-Nagagalak din po kami, M-Mahal na Emperor!" sabay sabay pa nilang na pagsagot kay Emperor Hadrian habang pilit na tinatago ang pagkatakot sa kanilang boses. Doon, dahan dahan na inilibot ni Emperor Hadrian ang tingin sa buong kwarto na iyon. Iyon ay para siyasatin ang mga pagbabago sa mga opisyales pagkatapos ng dalawang taon na hindi niya makita ang mga ito. Ngunit labis na napasimangot siya dahil sa tila mas lumulusog pa ang mga ito kahit humaharap sa malaking problema ang buong emporyo. Halatang puro mga pasarap sa buhay lang ang ginagawa nila at wala man lang pagtulong sa mga mamamayan nila na nahihirapan. "May ideya ba kayo sa rason ng pagpapatawag ko ngayon?" seryosong tanong ni Emperor Hadrian sa lahat. Natatakot na nagpalitan naman ng tingin ang mga opisyales. May mga ideya sila pero ayaw nila na sila mismo ang mag-ungkat tungkol doon. Dahil sa walang naghayag ng sagot sa tanong na iyon ng emperor at mas dumilim ang awra niya. "Walang nakakaalam? Siguro naman ay nakarating na sa inyo ang mga balita tungkol sa pagdami ng mga halimaw sa paligid ng emporyo kung saan ang iba sa mga ito ay sumusugod sa mga bayan at nagbibigay ng malalaking pinsala," malamig na paghayag ni Emperor Hadrian sa malalang sitwasyon na nakarating sa kanya. Natigilan naman ang ilang opisyales na naroroon. Sila kasi ang may hawak ng mga bayan na labis na napinsala sa pagsugod ng mga halimaw na iyon. Hindi nila binigyan ito ng pagpapahalaga dahil maliliit na bayan lang ang mga nasira at nasa dulo pa ng hangganan ng emporyo. Kaya ganoon na lang ang pagkagulantang nila na nakarating sa emperor ang balita na iyon. "Nais kong itanong sa mga ilang opisyales na naririto kung ano ang ginagawa nila para mapigilan ito at hindi na maulit pa?" hindi natutuwang pagpapatuloy pa ni Emperor Hadrian ng kanyang sinasabi, "Iyon ay kung may ginagawa ba talaga sila o nanunuod lamang sa isang tabi?" Lalong napayuko ng ulo ang mga tinamaan na opisyales sa pagpaparinig na iyon ni Emperor Hadrian. "Emperor! Pakinggan niyo ang aking dahilan. Gusto po namin talaga na labanan ang mga halimaw na iyon pero ang problema ay hindi sila basta tinatablan ng mga pisikal na atake! Tanging mga mahika lang ang makakapanakit sa kanila!" lakas loob na pagtatanggol sa sarili ng isang opisyales, "Alam niyo na mahirap na makahanap ng mga taong may taglay na mahika. Kung mayroon man ay napakalaki nila na sumingil!" Malakas na hinampas ni Emperor Hadrian ang kamay niya sa narinig. "Sinasabi mo ba na mas mabuti na hayaan ang sitwasyon na ito kaysa gumastos kayo ng malaki sa pagkuha ng mga taong may mahika na maaaring makakagapi sa mga halimaw na iyon?" hindi natutuwang sambit ni Emperor Hadrian sa narinig na rason, "Hindi ba tila tinitipid niyo ang taong bayan na siyang nag-aabot ng buwis sa inyo? Samantala kayo ay nagpapakasasa naman sa pera nila?" Muling napayuko ng ulo ang nagrarason na opisyales. Matalim naman siya na tinignan ng mga kadamay niyang opisyales. Dahil kasi sa pagrarason niyang iyon ay lalo lang nito ginalit ang kanilang emperor. "H-Hindi po sa ganoon... Emperor..." nanginginig pa niyang sambit at nag-isip ng ibang maidadahilan para makalusot. "Count Oden, alam mo ba kung gaano karami na ang namatay dahil sa kapabayaan mo na ito?" malamig na sambit ni Emperor Hadrian para manginig siya sa takot, "Akala niyo ba kahit dalawang taon ako hindi nagpatawag sa inyo ay hindi ko sinusubaybayan ang mga trabaho niyo? Kinakalimutan niyo na ba ang mga sinumpaang tungkulin niyo?" "Patawarin niyo po kami, Mahal na Emperor!" nanginginig na paghingi ng paumanhin ni Count Oden, "Pangako na hindi na po ito mauulit at gagawa kami ng paraan para mapuksa ang mga halimaw na iyon! Bigyan niyo kami ng pangalawang pagkakataon na maitama ang aming pagkakamali!" "Dapat noon pa niyo ginawa iyan! Hinintay niyo pa na pulungin ko kayo rito para lang gumawa ng aksyon!" nagagalit na hiyaw muli ni Emperor Hadrian, "E di sana wala maraming buhay ang nabuwis nang dahil sa pagkakamali niyo na ito! Maibabalik pa ba ng paghingi niyo ng kapatawaran ang mga buhay nila?" "P-Patawad po!" muling paghingi nila ng paumanhin, "Patawarin niyo po kami, Emperor!" Sinamaan lang ni Emperor Hadrian ng tingin ang mga opisyales na iyon. Gusto man niya ipadampot ang mga ito ngayon pero mas kailangan niya isipin ang mga bayan na mawawalan ng kanilang pinuno. Hindi ito ang oras para pairalin niya ang galit sa mga ginawa ng mga ito. "Siguraduhin niyo lang na gagawan niyo ng paraan sa lalong madaling panahon ang problemang ito," tanging naihayag na lang ni Emperor Hadrian. Pagkatapos ay inungkat naman niya ay isa pang ulat na nakarating sa kanya. "Marquis Blake at Baron Teren," seryosong pagtawag niya sa dalawang opisyales, "Paano niyo ipapaliwanag ang tungkol sa pagtataas niyo ng singil ng buwis sa mga mamamayan na wala kahit anong pahintulot nagmula sa akin?" Agarang napayuko naman ang dalawang tinawag na opisyales. "E-Emperor..." nanginginig na sambit ni Baron Teren, "Nagtaas po kami ng singil sa takot na matulad sa ibang bayan na inatake ng mga halimaw... Inihahanda lang po namin ang aming pondo para makabayad sa mga taong may mahika." Napataas ng kilay si Emperor Hadrian sa ibinigay na rason na iyon. Ngunit kung hindi siya nagsagawa ng lihim na imbestigasyon ay baka naniwala siya sa rason nila. "Iyon ba talaga ang rason kaya kayo nagtaas ng singil?" paniniguro ni Emperor Hadrian. "M-Maniwala po kayo," pagpupumilit naman ni Marquis Blake, "Iniisip lang po namin ang seguridad ng bayan na pinangangalagaan namin!" "Pero bakit iba ang lumalabas sa ulat ng imbestigasyon sa inyo?" biglang hayag ni Emperor Hadrian at hinagis sa harapan ng dalawang opisyales ang mga papel na naglalaman ng resulta ng pag-iimbestiga, "Ayon diyan ay nagtaas kayo ng singil para mabayaran ang mga malalaking utang niyo na naipon dahil sa araw-araw na pagsusugal niyo." Biglang namutla ang dalawa nang malaman na nagkaroon na ng imbestigasyon sa kanila. "E-Emperor..." natataranta pa nilang mga bulalas. "Binalak niyo ba na linlangin ako sa pagpapalabas na may malasakit kayo sa mga mamamayan?" hindi natutuwang komento pa ni Emperor Hadrian, "Ganoon ba ako katanga sa paningin niyo? Tingin niyo ba magtatanong ako sa inyo na hindi muna inaalam ang lahat? Masyado niya naman yata minamaliit ang kakayahan ko bilang emperor ng emporyo." Takot na takot na napayuko naman ng ulo ang dalawang opisyales. "P-Patawad po!" nanginginig na paghingi nila ng paumanhin, "P-Patawararin niyo po kami..." Umaasa na katulad ng naunang mga ginisang opisyales ay bibigyan sila ng pangalawang pagkakataon ni Emperor Hadrian. Ngunit sinenyasan ni Emperor Hadrian ang mga kawal sa paligid at dahil doon ay marahas na dinampot ang dalawang opisyales para itapon sila sa kulungan. "Emperor!" "Maawa po kayo!" "Humihingi po kami ng kapatawaran sa aming sinabi!" Nagbingi-bingihan naman si Emperor Hadrian hanag kinaladkad ang dalawa palayo. Napakabigat na kaparusahan ang nag-aantay sa kanila dahil sa pagsubok nila na lokohin ang emperor. Ngayon ay sumunod na binalingan ng tingin ni Emperor Hadrian ang tatlo pang natitirang opisyales. Sina Viscount Phocas, Count Khazar at Marquis Basil. Wala siyang masyadong nakuhang ulat tungkol sa ginagawa ng mga ito sa loob ng dalawang taon. Kaya hindi niya maiwasang maghinala na may binubuong plano muli ang mga ito laban sa kanya. Hanggang sa napadako ang tingin niya sa bata na kasa-kasama ng mga ito. Agarang natigilan siya at pinagmasdan ang batang babae. May kulay pilak na buhok ito na kumikintab tuwing nasisinagan ng araw at nang magtama ang kanilang paningin ay napag-alaman niya na may bughaw na mga mata ito. Taglay ng bata ang katangian na mayroon ang katulad niyang Suzdal. "Ang batang babae..." kunot noong sambit pa niya at hindi maiwasan matitigan ang mukha ng bata, "P-Paanong...?" Doon ay magalang na yumuko muli sa harapan niya ang tatlong opisyales na iyon. "Katulad po ng inyong nakikita... Ang batang babae na kasama namin ay nagtataglay ng katangian ng isang Suzdal," hayag ni Viscount Phocas at mas pinalapit ang batang babae para mas makita siya ng emperor. Umaasa naman na sinalubong ng batang babae ang tingin na binibigay sa kanya ni Emperor Hadrian. "M-Magandang araw po sa inyo, Ama," mangiyak ngiyak na pagbati pa niya sa emperor na siyang ikinasinghap ng mga nakarinig. Dahil doon biglang naging seryoso si Emperor Hadrian. "Tinawag mo akong Ama?" nalilitong tanong pa niya sa batang babae, "Sinasabi mo ba na anak kita?" Doon ay bahagyang nag-angat ng tingin si Viscount Phocas. "Opo, Mahal na Emperor. Ang batang ito ay inyong tunay na anak," pagdeklara pa niya, "Dahil anak siya ng dating tagasilbi na inyong hindi sinasadya na makasiping nang malaman niyo ang pagtataksil ni Empress Maxima. Nagkaanak po kayo sa tagasilbi na iyon." Sa narinig ay biglang napahawak sa kanyang ulunan si Emperor Hadrian. Aaminin niya na natatandaan niya ang malaking pagkakamali ng kanyang kalasingan ng araw na iyon. Ngunit wala siyang kamalay malay na nagbunga pala ang gabing iyon. Bigla na lang kasi naglaho ang tagasilbi sa kanyang palasyo at hindi na niya nakita pa. "Anak siya ng tagasilbi na iyon?" hindi makapaniwalang pagtatanong pa muli niya. "Opo," pagkumpirma ni Viscount Phocas, "Patunay na po ang kanyang taglay na kulay ng buhok at mga mata." Dahil doon ay muling tinitigan ni Emperor Hadrian ang kaharap na bata. Hindi niya alam ang dapat maramdaman na ngayon ay nakaharap na niya ang isang anak na kanyang kadugo. Halo halo ngayon ang kanyang emosyon. Ilang taon din niya pinangarap na magkaroon ng sariling anak. Ngunit ang pangarap na iyon ay sa asawa niya na si Empress Maxima. "A-Ano ang pangalan mo?" biglang pagtanong ni Emperor Hadrian sa batang babae. "Kilala po ako bilang Ella sa bahay ampunan na aking kinalakihan..." pakilala ng batang iyon sa kanyang sarili, "Pero handa po ako tumanggap ng panibagong pangalan mula sa inyo," umaasang sambit pa ng batang babae. Saglit na napaisip si Emperor Hadrian sa nais na iyon ng bata. Alam niya na sa oras na bigyan niya ito ng bagong pangalan ay parang idineklara na rin niya sa lahat na kinikilala niya ang bata na kanyang anak. Biglang sumagi sa isipan niya ang magiging sitwasyon ng unang prinsesa na si Prinsesa Kataleya. Alam niya na sa oras na gawin niya iyon ay mapupunta ang lahat ng atensyon sa batang kaharap niya. Mawawalan ng pagkilala ang unang prinsesa. Ngunit anumang isipin niya sa pisikal na anyo na taglay ng bata ay hindi maitatanggi ang dugong Suzdal na mayroon siya. Wala naman siya maisip na ibang Suzdal na maaaring pagmulan ng dugong maharlika nito. Ibig sabihin, anak niya talaga ang batang kanyang kaharap. Malakas na tumikhim siya at mas inalala ang anak na nasa harapan. Kailangan niya patigasin ang kanyang puso dahil kung pakukumparahin may mas karapatan ang anak niyang nagmula sa dugo ng tagasilbi kaysa sa pekeng prinsesa ipinanganak dahil sa pag-aakala na anak niya. Mariing napakuyom ng kamay si Emperor Hadrian. Ngayon ay nakabuo na siya ng kanyang desisyon. "Kung ganoon ay bibigyan kita ng panibagong pangalan," pagdeklara niya na ikinaningning ng mata ng batang babae, "Mula sa araw na ito ay ikaw na si Prinsesa Aubriella Clementine Suzdal, ang pangalawang kikilalaning prinsesa ng emporyo at ang aking magiging tagapagmana."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD